Cellphone

1362 Words
Yna May mga pinag-usapan pa kami ni Doc Uno at may ilan rin akong sinabing kundisyon kagaya na lang ng kung sakaling umabot ng dalawang buwan at hindi umubra ang pinagpagawa niya sa akin, kusa akong titigil at sasabihin kay Mama ang tungkol sa bagay na ‘yon. Pumayag siya pero mas lamang ang kumpyansa niya sa sarili na magagawa ko ang pinapagawa niya. Pero para sa akin, kabaliktaran ang naiisip ko. Hindi ako maganda sa paningin ko at walang-wala ako kumpara sa ibang babae na mayayaman at may dating kaya malabo pa sa tubig ng kanal na magtatagumpay ako sa gagawin ko. Siya na rin ang nagsabi na babaero ang kapatid niya at masama ang ugali. Hindi naman yata pwede na akitin ko agad ang Tres na yun dahil wala naman sa bokabularyo ko ang maging malanding babae! Nang bandang tanghali, nag paalam na rin ako kay Doc Uno. May urgent meeting din siya kaya ako na rin mismo ang unang tumapos ng usapan namin. Na-explain na rin niya sa akin tungkol sa sakit ni Mama at ang procedure na gagawin nila. At next week agad ang schedule ni mama para sa operation. Masaya ako at nabunutan ng tinik dahil sa wakas, makakalaya na si mama sa sakit niya. Hindi naman totally na makakalaya pero at least, mababawasan ang mga nararamdaman niya. Lumalala na ang katarata niya sa kanang mata at kung hindi maaagapan ay tuluyan na siyang mabubulag. Hindi ko matatanggap na mangyari ang bagay na ‘yon gayong si Mama na lang ang meron ako. Bago ako tuluyang lumabas ng ospital, malalim akong bumuntong hininga habang pinagmamasdan ng maigi ang kabuuan ng ospital. Pangarap ko ‘to… Matagal ko ng pangarap na makapasok dito at pangarap ko rin na makapagtrabaho dito.. “Konting push na lang, Yna.. Konting-konti na lang..” Bulong ko sa aking sarili at pampalubag loob na rin. Hindi biro ang mag aral ng nursing habang kapos kami sa buhay. At kung wala si Ate Mika, wala ako sa lugar kung saan nakaka-usad ako ng pakonti-konti. Kaya ginagalingan ko para maibalik ko sa kanya lahat ng sinasakripisyo niya sa akin. Para maibalik ko ang kabutihang ibinigay niya sa akin. Nang makontento ako sa pagmasid saka ako nagpasya na balingan ang pintuan para lumabas. Nakatayo pa rin doon ang isang gwardiya na matanda pero may kausap siya na lalaki. Pero hindi pa rin mapakali ang itsura ng gwardiya dahil parang nababalais ito. Sa tingin ko mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila at tila manlalapa ng buhay ang itsura ng kausap nitong lalaki. Bahagyang kumunot ang noo ko sa hindi malamang dahilan. Hindi ko gusto ang awra ng lalaking ‘yon at nakakasira siya ng araw kaya dagli akong umiwas ng paningin habang naglalakad papunta sa direksyon nila kaso napatigil rin ako sa paghakbang ng basta ako tawagin ng gwardiya. Agad akong napatingin sa matandang gwardiya. Nasa tabi pa rin niya ang lalaking kausap kanina. Pumilit akong ngumiti sa gwardiya saka tuluyan siyang hinarap. “Bakit po, Tay?” Magalang kong tanong kahit pakiramdam ko magliliyab na ako dahil sa sakit ng paninitig sa akin ng lalaking katabi niya. “Kayo po ba ang kakaalis lang sa opisina ni Doc Uno?” Tanong nito. Parang kinabahan agad ako. “Ako po… Bakit po, may…problema po ba?” Bumaling muna ito sa lalaking katabi niya saka ako tiningnan ulit. “Tumawag po ang sekretarya ni Doc Uno. May naiwanan raw po kayong mahalagang gamit sa opisina niya.” Imporma ng gwardiya. Hindi ko maisip kung anong gamit ang naiwanan ko roon at para makasigurado, mabilis kong binuklat ang tote bag ko. Nasa loob nito ang tissue, wipes, salamin na maliit, suklay at yoong wallet ko. Wala ang cellphone ko sa loob ng bag ko kaya mabilis kong kinapa ang mga bulsa ng suot kong pantalon pero wala akong makapa! At saka ko lang napagtanto na iyon ang naiwanan ko doon. “Salamat po, Tay! Babalik po ako doon…” Saad ko at hindi na nag aksaya ng oras na bumalik sa opisina ni Doc Uno. Papunta na siya ng meeting ng sabay kaming lumabas ng opisina niya kanina at marahil ang secretary na lang niya ang nandoon ngayon. Lakad takbo ang ginawa ko hanggang sa makasalubong ko sa hallway ang babaeng kausap ko kanina bago ako pumasok ng opisina ni Doc Uno. “Ikaw si Yna siguro?” Anang tanong nito habang nakahulma sa mukha ang magandang ngiti. “Opo…” Nahihingal kong sambit. Binalingan niya ang pintuan na hindi kalayuan sa direksyon namin. “Hindi na kita masasamahan pa dahil kailangan ko ng pumunta sa conference room. Bukas naman ‘yon, kunin mo na lang ang cellphone mo do’n.” Nakangiti niyang sabi saka tuluyang nag paalam sa akin. Kung bukas naman at cellphone lang naman ang kukunin ko, wala namang problema kaya agad rin akong naglakad papunta sa opisina ni Doc Uno. Ang sabi niya bukas naman kaya pinihit ko agad ang doorknob at hindi na nag abala pang kumatok. Pero pagbukas ko ng pinto, naestatwa ako ng bumungad sa akin ang bulto ng lalaki na prenting naka-upo sa swivel ni Doc Uno. Siya yung lalaking masama ang awra kanina na kausap ng gwardiya. Masungit siyang tumitig sa akin. Yung titig na mag aapoy agad ako dahil sa tindi ng sakit ng paninitig niya. “Sino ka? Bakit basta-basta ka na lang pumapasok at hindi man lang kumakatok ng pinto?” Suplado niyang usisa. Hindi ulit ako nakagalaw. Tama naman kasi siya. “S-Sorry… Ang akala ko…walang tao dito–” “Wala yatang subject na GMRC na tinuro nung elementary ka?” Pilosopo niyang sabi kaya kumunot ang noo ko ng wala sa oras. Hindi ko siya kilala at pangalawang beses ko pa lang siya nakita ngayon. At ang bilis niyang makaalis do’n kanina sa tabi ng gwardiya ha! At kung iisipin kong mabuti, base sa mga sinabi sa akin kanina ni Doc Uno, sigurado ako na ito yung kapatid niyang si Tres. Ang kapatid niyang masungit, arogante, suplado at babaero! Kalma lang Yna… Kalma lang. May good manners kang nalalaman kaso nalimutan mo lang gawin kaya kalma lang. “Sorry po… Hindi ko alam na may tao pala dito dahil ang sabi sa akin ng secretary ni Doc Uno, bukas naman ‘to–” “Bukas nga pero may tao.” May diin nitong putol sa akin kaya humigpit ang paghawak ko sa doorknob. At kung steelwoman lang siguro ako, kanina pang pingkot ang doorknob. Suplado nga talaga ang potek! “Kaya nga po nag so-sorry na ako.” Pilit kong sabi pero nakita ko siyang umiling-iling habang kunot na kunot ang mga kilay. Hindi nagkakalayo ang itsura nila ni Doc Uno pero masasabi kong mas gwapo pa rin talaga si Doc Uno kumpara sa lalaking 'to! Biglang umasim ang mukha ko ng maisip na may itsura din naman sana ang lalaking 'to kaso...sagad sa lupa ang kasupladuhan! “Kukunin ko lang ang cellphone ko...” Paalam ko habang unti-unti kong inaabot ang cellphone kong nakapatong sa lamesa kaso bwisit talaga siya! Walang sabi niyang kinuha iyon at inilagay sa drawer na nasa gilid niya! “Cellphone ko 'yon!” Tumaas ang isa niyang kilay. “May ibedensya ka na sa'yo talaga 'yon?” Kwestyun niya. Tangina! Seryoso ba talaga siya? Paano ko masasabi na akin nga yun kung ang lockscreen photo ko ay mukha ng pitong lalaki? Staka wala yung password. Sira na ang screen nun kaya swipe up lang ang pinaka-password nun. Potek talaga! “Basta akin nga kasi 'yon....” Pangungumbinse ko pa kaso mukhang hindi talaga siya magpapauto! “Wala kang ibedensya kaya hindi mo makukuha 'yon. Baka nagpapanggap ka lang na iyo 'yon–” “Seryoso ka ba talaga?” Natatawa kong putol sa kanya. Suplado niya akong tinapunan ng paningin. Bwesit ha! “Hindi mo ba nakikita na basag-basag na ang screen ng cellphone na 'yon? Staka old model na 'yon kaya sinong mayaman ang gagamit ng cellphone na kagaya nun? Akin na dahil akin nga yun!” Hindi ko na napigilang umalma. Tangina naman kasi, sirang-sirang na nga yun tapos sasabihin pang hindi akin 'yon? Gago nito...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD