Sa loob ng mansyon ng mga Albarando, ang katahimikan ng madaling-araw ay binasag ng tunog ng nababasag na kristal. Isang mamahaling plorera ang humampas sa pader ng sala, kasunod ang malakas na pagdabog ni Paula.
"Nasaan si Ernest?! Bakit hanggang ngayon ay wala pa ring balita sa kanya?!" sigaw ni Paula sa dalawang tauhang nakatayo sa harap niya, kapwa nakayuko at hindi makatingin nang diretso.
"Ma'am, huling nakita ang motor nila malapit sa perimeter fence ng site ni Roxie. Pero pagkatapos noon, nawalan na kami ng contact. Sinubukan naming bumalik pero masyadong mahigpit ang seguridad ng mga De Villa," paliwanag ng isa sa mga tauhan.
"Mga inutil!" bulyaw ni Paula. Muli siyang kumuha ng isang dekorasyon sa mesa at buong lakas na ibinato ito sa sahig. "Isang simpleng sabotahe lang ang pinapagawa ko, hindi niyo pa nagawa nang maayos! Ngayon, kung nahuli si Ernest, alam niyo ba kung anong ibig sabihin noon?!"
Sa gitna ng kanyang pagwawala, bumaba ng hagdan si Weston, nakasuot pa ng kanyang pantulog ngunit bakas ang pag-aalala sa mukha. Kasunod niya si Alma na namumutla sa takot.
"Paula, ano itong naririnig ko? Anong nangyari kay Ernest?" tanong ni Weston, ang boses ay puno ng awtoridad pero may halong kaba.
"Nahuli siya, Papa! O malamang ay nasa kamay na siya ng mga Russo!" hinarap ni Paula ang kanyang ama, ang kanyang mukha ay namumula sa galit at desperasyon. "Kung magsalita si Ernest, tapos na tayo! Lahat ng ginawa nating pag-ipit sa mga permit at ang pagpapadala ng mga tauhan sa site—mabubunyag ang lahat!"
Napaupo si Weston sa sofa, tila biglang tumanda ng sampung taon. "Sinabi ko na sa iyo... binalaan na tayo ni Alma tungkol sa mga Russo. Ngayon, binigyan mo sila ng ebidensya para tuluyan tayong pabagsakin."
"Hindi ako papayag!" sigaw ni Paula, lalong nagwawala at itinulak ang mga gamit sa ibabaw ng piano. "Hindi ako papayag na ang babaeng iyon ang wawasak sa pamilyang ito! Kung kailangang ubusin ko ang lahat ng tauhan natin para lang mabawi si Ernest o para lang patahimikin si Roxie, gagawin ko!"
"Paula, anak, pakiusap... tumigil ka na bago pa may dumanak na dugo," pagmamakaawa ni Alma, lumalapit sa anak na nanginginig.
"Lumayo ka sa akin, Mama!" bulyaw ni Paula, itinulak ang kamay ng ina. "Kasalanan mo ito! Kung hindi ka naging mahina, kung hindi ka naging talunan sa harap niya, hindi tayo aabot sa ganito! Ngayon, maghanda kayo. Dahil kung hindi na babalik si Ernest, sisiguraduhin kong magsisisi si Roxie na bumalik pa siya sa San Sebastian." Paninisi niya sa kanyang Ina, kitang-kita ni Alma ang galit sa mga mata ng dalaga.
Hinarap ni Paula ang kanyang mga tauhan na kanina pa nakatayo sa gilid.
"Ihanda ang lahat ng sasakyan. Magtawag kayo ng mas maraming tao. Hindi tayo pwedeng maghintay na sila ang pumunta rito. Tayo ang susugod." utos niya dito. Hinding-hindi siya magiging talunan sa harap ni Roxie, yan ang hindi niya hahayaang mangyari.
Sa gitna ng galit ni Paula, isang malamig na katahimikan ang bumalot sa mansyon. Alam ni Weston na ang bawat pagkakamali ng kanyang anak ay mabilis na hinihila ang kanilang pamilya sa isang bangin na wala nang balikan.
"Gusto mong sumugod?" mahinang tanong ni Weston, ang kanyang boses ay nanginginig hindi sa galit, kundi sa takot na ngayon lang niya naramdaman sa buong buhay niya bilang politiko.
"Paula, ang binabalak mo ay hindi na politika. Krimen na 'yan. Kapag sumugod ka sa site ni Roxie, parang sinalakay mo na rin ang Hacienda De Villa!" Paliwanag niya kay Paula pero sarado ang isipan nito, binalot na siya ng kanyang galit.
"Wala akong pakialam!" muling bulyaw ni Paula. Kinuha niya ang kanyang cellphone at mabilis na nag-dial.
"Hello, Ernest? Sumagot ka!"
Nang walang sumasagot, lalo siyang nanggigil at ibinato ang telepono sa malambot na sofa.
"Hindi na siya sumasagot! Papa, isipin mo... kung nakuha nila si Ernest, nasa kanila na ang alas! Si Ernest ang nakakaalam ng lahat ng transaksyon natin sa mga contractor na pinatigil natin. Siya ang nag-abot ng pera sa mga tauhan sa munisipyo para ipit-ipitin ang papeles ni Roxie!" Halos lumabas na ang ugat sa leeg ni Paula, dahil sa lakas ng kanyang boses.
Lalong namutla si Alma. Napahawak siya sa kanyang dibdib at pilit na lumapit kay Paula.
"Anak, pakiusap... makinig ka sa akin. Kilala ko ang mga Russo. Hindi nila tayo tatakutin ng dahas kung wala silang hawak na alas. Baka ito na ang babala na dapat tayong umurong." Malumanay na pakiusap niya sa anak, pero lalong nanlilisik ang mga mata nitong tumingan sa kanya.
"Umurong?" sarkastikong tawa ni Paula, ang mga mata ay nanlilisik habang nakatingin sa ina. "Kailanman ay hindi ako umurong, Mama. Hindi gaya mo na habambuhay na lang naging anino nina Papa at Rayford Russo! Kung naging matapang ka lang sana noon, baka hindi na bumalik ang salot na Roxie na 'yan!"
"Paula!" bulyaw ni Weston, tumayo na siya mula sa sofa. "Huwag mong pagsalitaan nang ganyan ang ina mo!"
"Bakit, Papa? Totoo naman, 'di ba?" bulyaw ni Paula pabalik, hindi na iginagalang ang ama. "Ngayon, kung gusto niyo ring maging duwag, bahala kayo! Pero ako, hindi ko hahayaang mawala ang San Sebastian sa atin nang dahil lang sa isang balikbayang akala mo ay kung sinong santo!"
Hinarap ni Paula ang kanyang mga tauhan na kanina pa nakatayo sa gilid, pawisan at takot sa ipinapakitang bagsik ng kanilang amo.
"Magdala kayo ng mga armas. Gusto ko, bago sumikat ang araw, makuha niyo si Ernest o kahit anong ebidensya na mayroon sila. Kung kailangang sunugin ang buong site para lang mawala ang mga dokumento, gawin niyo!" utos ni Paula. "Ihanda ang lahat ng sasakyan. Magtawag kayo ng mas maraming tao. Hindi tayo pwedeng maghintay na sila ang pumunta rito. Tayo ang susugod."
"Paula, huwag!" sigaw ni Alma, hinawakan niya ang braso ng anak para pigilan ito, ngunit isang malakas na tulak ang isinagot ni Paula na nagpasubsob sa ina sa sahig.
"Manatili ka rito, Mama. Magdasal ka na lang kung gusto mo, dahil pagkatapos nito, wala nang Roxie Russo na gagambala sa atin," huling bitaw ni Paula bago mabilis na lumabas ng mansyon, kasunod ang kanyang mga tauhan na tila isang hukbong patungo sa isang madugong labanan.
Naiwang nanginginig si Alma sa sahig, habang si Weston ay napahawak na lamang sa kanyang ulo. Ramdam niya ang papalapit na unos—isang unos na hindi lang wawasak sa kanilang kapangyarihan, kundi pati na rin sa huling hibla ng kanilang pamilya.
-----
Ang munisipyo ng San Sebastian ay tila isang kuta na pilit pinoprotektahan ang mga sikreto ng mga Albarando. Ngunit sa hapong iyon, ang katahimikan ng mga pasilyo ay binasag ng sabay-sabay na hakbang ng mga sapatos na gawa sa de-kalidad na balat.
Nanguna si Roxie, suot ang kanyang tailored blazer na nagpapakita ng kanyang awtoridad, katabi si Marcelito na ang aura ay sapat na para patahimikin ang mga empleyadong nadadaanan. Sa likod nila, ang apat na abogadong mula New York sa pangunguna ni Atty. Pierce—mga lalaking ang titig pa lang ay tila nagbabasa na ng mga paglabag sa batas.
Walang kumatok. Tuloy-tuloy na binuksan ni Marcelito ang malaking pinto ng opisina ng Vice Mayor.
~ITUTULOY