Magkasama kaming nagpunta ni Sandro sa Triple C’s at masayang inanunsyo niya sa lahat ng mga empleyado roon ang tungkol sa relasyon naming dalawa.
Mayroong natuwa at mayroon din namang lihim na nainis. Noon pa man ay alam ko ng hindi pabor ang lahat sa kung anumang relasyon meron kaming dalawa ng binata. Hindi lang nila maisatinig dahil na rin sa sobrang kahibangan sa’kin ni Sandro.
“Congratulations, Ms. Angela!” masayang bati sa’kin ni Marga na naging ka-close ko na rin kahit papano sa Triple C’s.
“Salamat!” nakangiting tugon ko sa dalaga.
“Ang swerte ni boss at ikaw ang napili niyang maging asawa,” patuloy niyang sabi.
“Maswerte rin ako sa kaniya,” tipid kong tugon.
Ayoko nang palawigin pa ang kung anumang impormasyon na nalalaman nila tungkol sa’min ni Sandro dahil mas gusto kong sa aming dalawa na lamang iyon.
Hindi ako talkative sa kung ano ang status meron kami at nagpapasalamat ako kay Sandro dahil mas pinili niyang maging private person din.
Nagtungo ako sa loob ng opisina niya upang ayusin ang mga gamit na nagkalat at the same time ay ayusin na rin ang mga gamit ko.
May meeting si Sandro sa loob ng conference room kasama ang mga board members ng kumpanya. Ayon sa kaniya, may bagong project sila na maaaring magdagdag income sa kumpanya at plano rin nilang mag-expand.
Nakaramdam ako ng gutom at parang gusto kong kumain ng mainit na pagkain. Naalala ko ang baong pagkain sa loob ng bag kaya kinuha ko iyon at dinala sa may pantry upang initin sa oven.
“Well... well… well…” Nilingon ko si Niña na siyang nagsalita. “Akalain mo nga namang nagawa mong magtagumpay sa planong pang-aakit kay Sandro.”
“I’m sorry?” kunot-noong tanong ko sa babae.
Para siyang kontrabida sa telenobela na humakbang palapit sa’kin habang ang mga kamay niya ay nasa tapat ng kaniyang dibdib.
“Don’t pretend, Angela.” Tumaas ang isa niyang kilay habang salit-salitang lumalagutok sa pagtunog ang kaniyang mga daliri sa kamay.
“Tsk! At ano naman ang kailangan kong ipagkunwari?” mataray kong tanong sa kaniya.
“I know your secrets.” Lumapit siya sa’kin saka taas babang tinitigan ako.
“Really?” Gumanti rin ako nang pagtaas kilay kay Niña dahil nairita ako bigla sa kaniyang presensiya.
“You know what, Angela...” Umikot pa siya sa’kin na akala mo’y trumpo. “Pareho lang talaga kayo ni Angeline na trying hard sa pang-aakit kay Sandro.”
Nagpanting ang dalawa kong tainga nang marinig na binanggit niya ang pangalan ng aking kapatid.
“Bawiin mong sinabi mo,” tiim bagang kong anas.
“At bakit ko naman iyon gagawin? Pareho lang talaga kayo ng babaeng iyon na golddigger!”
Lumagapak ang palad ko sa kaniyang pisngi dahilan para maalog ang buo niyang katawan at masadsad siya sa may sink.
“Wala kang karapatang alipustahin ang kapatid ko dahil ‘di hamak na mas matino siyang babae kaysa sa’yo,” nanginginig sa galit kong wika.
“How dare you!” hiyaw niya at agad na lumapit sa’kin.
Buong pwersa akong itinulak ni Niña dahilan para tumama ang balakang ko sa pinakakanto ng lamesa.
Nawala lahat ng lakas ko sa katawan kasabay nang pagkawala ng balanse ko sa pagkakatayo at tuluyan akong bumagsak sa sahig.
Nakadama ako ng kirot sa bandang pagitan ng aking mga hita at pakiwari ko’y nahati ang buo kong pagkatao.
“Oh my God!” pabulalas na singhap ni Sandra na bigla na lamang sumulpot sa loob ng pantry.
“What did you do to her?” bulyaw nito kay Niña.
“Si Angela ang unang tumulak sa’kin, Mam. Ipinagtanggol ko lang ang sarili ko,” pagdadahilan naman ni Niña.
“She’s pregnant!” bulyaw ni Sandra kay Niña sabay takbo palapit sa’kin.
“B-buntis ka?” gulat na tanong sa’kin ni Niña.
“My God! Angela, your bleeding!” histerikal na wika ni Sandra at agad na pinindot ang kaniyang telepono.
Bumagsak ang mga luha mula sa aking mga mata nang makita ang kulay pulang likido na umagos sa pagitan ng mga hita ko.
“Sandro! Pumunta ka ngayon dito sa may pantry. Kailangang madala ni Angela sa hospital! Bilisan mo!” natatarantang sabi ni Sandra sa kausap mula sa kabilang linya.
“You!” Dinuro niya si Niña saka matalim na tinitigan. “Kapag may nangyaring masama sa hipag ko lalo na sa pamangkin ko, ako mismo ang magpapakulong sa’yo.”
Ngayon ko lang nakitang magalit si Sandra pero sa hilatsa ng kaniyang anyo at tono nang pananalita, hindi ko na gugustuhin pang makaaway siya.
“Hold on, Angela. Parating na si Sandro,” aniya sa’kin.
“Sandra...” puno ng takot kong sambit kasabay nang mahigpit kong pagkapit sa kaniyang braso.
Puno ng pangambang iniisip ko pa lamang ang sariling kalagayan pati na ang pwedeng mangyari sa’king anak ay parang mamamatay na ako.
“What happen?” humahangos na pumasok mula sa pintuan si Sandro.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang nagkalat na dugo sa’king binti.
“Sinong may gawa nito sa’yo?” galit niyang tanong sabay libot ng kaniyang tingin.
Muling pumatak ang mga luha mula sa’king mga mata nang makita ang galit na anyo ni Sandro.
“Sandro dalhin mo na muna si Angela sa hospital. Ako na ang bahalang umayos dito,” utos ni Sandra sa kaniyang kakambal.
Tila natauhan naman si Sandro mula sa panibughong kaniyang nadarama kaya agad niya akong nilapitan at walang kaabog-abog na binuhat. Malalaki ang kaniyang mga hakbang na lumabas ng pantry.
“Sorry...” hinging paumanhin ko sa kaniya.
“Why?” tipid niyang tugon habang patuloy lamang siya sa kaniyang paglalakad.
“Hindi ko inisip ang sarili kong kapakanan. Mas inuna kong paraigin ang bugso ng damdamin,” aniko habang panay ang patak ng luha mula sa’king mga mata.
Isang malalim na buntonghininga ang kaniyang pinakawalan saka marahan niya akong pinaupo sa may upuan ng sasakyan.
Pinasuotan pa muna niya ako ng seatbelt bago siya umikot sa may gawi ng driver seat upang paandarin ang sasakyan.
“Hindi lahat ng dapat nating marinig ay kailangan nating pakinggan o ‘di kaya nama’y paniwalaan agad. Parati mo sanang iisipin na hindi kawalan sa pagkatao mo ang hindi pagpatol sa mga katulad ni Niña.”
Hindi ko naiintindihan pa ang iba niyang sinasabi dahil lango na ang aking pakiramdam. Ang sakit ng ulo ko at para bang may matinding hang-over iyon.
“I love you, Hon.”
Ang katagang iyon na lamang ang tanging naunawaan ko mula kay Sandro. Umiikot na ang mga paningin ko at tila kay bigat ng talukap ng mga mata ko. Daig ko pa ang antok na antok ang pakiramdam.
“Hon?” tawag sa’kin ni Sandro.
Mapupungay ang mga matang tumitig ako sa kaniyang mukha kasabay nang panlalabo ng aking paningin.
“I-inaantok ako...” aniko sa kaniya.
Tuluyan na akong nilamon ng matinding antok na aking nadama hanggang sa dalhin ako niyon sa magandang panaginip.
“Angela...” Nakangiting mukha nina Mama at Papa ang nasilayan kong nakatunghay sa’kin nang imulat ko ang mga mata.
Umiyak ako na parang batang paslit sa kanilang harapan.
“Tahan na, anak.” Masuyong hinagod ni mama ang aking buhok.
“Mama...”
“Pasensiya ka na anak kung sinalo mo lahat ng responsibilidad naming para sa inyong magkakapatid,” malungkot na wika ni papa.
“Papa...”
“Proud na proud kami sa’yo, Angela. Nagawa mong pagtagumpayan ang mga pagsubok na niloob sa’yo ng ating Panginoon. Mahal na mahal ka namin. Mahal na mahal!” madamdaming wika ni mama.
“Mama!” Mahigpit akong kumapit sa kamay ng aking ina saka humagulgol nang humagulgol sa loob ng kaniyang mga bisig.
“Huwag mo sanang hayaan na lamunin ka ng mga pinagdaanan mong pagsubok sa buhay anak. Gawin mo iyong inspirasyon ng higit kang tumibay at maging matatag. Kung sa palagay mo ay nahihirapan ka na, manalangin ka lamang sa ating Panginoon,” saad naman ni papa.
“Magtiwala ka sana sa mga taong nakapalibot sa’yo. Alam kong mahal na mahal ka nila,” dagdag pang sabi nito.
“Pakihalik mo na lamang kami sa kapatid mong si Alex, gayon na rin sa mga magiging apo namin sa’yo.” Matamis na ngumiti sa’kin si mama saka masuyong hinaplos ang pisngi ko.
“Siyempre pati ako ihalik mo rin dapat!” Mula sa likurang bahagi nina mama at papa bigla na lamang sumulpot si Angeline.
“Angeline...”
“Hello, Ate! Patawarin mo sana ako sa ginawa kong kalokohan sa inyo ni Sandro. Hangad ko lang naman na muli kang sumaya katulad ng sandaling nakilala mo siya noon sa karinderya. Alam kong mali ang ginawa ko, ngunit umasa akong magkakaroon iyon ng katuparan. Alam mo Ate, matagal ng inlove sa’yo iyan si boss. Lagi ko kasing nahuhuling nakatitig siya sa larawan mo. Kunwari lang na hindi, pero ang totoo siya ang nagbigay ng puhunan sa restaurant mo noong kinakailangan mo ng malaking halaga. Siya rin ang nagbigay ng flowers sa’yo noong nagpunta ka ng graduation day ko. Siyempre, hindi mo alam iyon!” humahagikhik niyang salaysay.
Lumundag ako mula sa kama saka mahigpit na niyakap ang pinakamamahal kong bunsong kapatid.
“I miss you, Angeline. I really really miss you, baby...” humahagulgol kong anas sa kaniya.
“I love you, Ate.” Naramdaman ko ang pagpatak ng kaniyang mga luha sa aking balikat. “Mahal na mahal ko kayong dalawa ni Kuya Alex.”
Humagod ang kaniyang kamay sa’king likuran. “Patawarin niyo sana akong dalawa kung naging mahina ako.”
“Angeline...”
“Kung muli akong isisilang, kayo ulit ang pipiliin kong maging mga kapatid.”
Marahan siyang kumalas mula sa’king pagyakap saka yumukod sa bandang puson ko at idinikit ang kaniyang tainga roon.
“Hello, mga pamangkin! Kapit lang kayo riyan para kina mommy at daddy. Love na love ko kayo. Love na love namin kayo nina lolo at lola. Huwag kayong mag-alala, kahit hindi niyo kami makakasama, babantayan namin kayo palagi. Ingatan niyo sanang maigi ang mga sarili Ninyo pati na rin ang mommy ninyo. Mahalin niyo siya katulad ng pagmamahal naming sa kaniya.” Masuyong humaplos ang palad niya sa impis kong puson.
Hilam ng luha ang mga mata ko at ‘di na ako halos makapagsalita pa sa tindi ng emosyong lumulukob sa’kin.
“Alam kong magiging mabuti kang ina dahil nagawa mong maging mabuting ate sa mga kapatid mo.” Yumakap sa’kin si Mama kasabay nang paghalik niya sa pisngi ko.
“Mama...”
“Marami ka pang haharaping pagsubok Angeline at alam kong malalampasan mo ang lahat ng mga iyon kasama ni Alex. Kasama ang iyong magiging asawa pati ng kaniyang pamilya, alam kong mapapabuti ka sa kanila.” Masuyong humagod sa likuran ko ang kamay ni papa.
“Papa...”
“Maraming salamat sa lahat Ate, lagi mo sanang pakaisipin na nasa tabi mo lamang kami parati. I love you!” Muli akong niyakap ni Angeline.
“Bakit ba pakiramdam ko, iiwan niyo ulit ako?” humihikbing tanong ko sa kanila.
Muling napuno ng lumbay ang puso ko dahil sa malungkot na kaisipang anumang sandali ay tuluyan nila akong iiwanan ulit.
“Kailanman ay ‘di ka namin iniwan. Parati kaming nasa tabi mo at nakaalalay sa lahat ng iyong mga desisyong isinasagawa. Kami ang iyong gabay sa bawat sandaling naguguluhan ka. Kaya huwag mo sanang isipin na iniwan namin kayong dalawa ni Alex. Dahil ang totoo ay parati kaming nasa tabi ninyong dalawa.”
Inakbayan ako ni Papa pabalik sa kama saka tinulungan nila akong makaupo ulit doon upang ipahiga ng maayos.
“Magpahinga ka na Angela at huwag mong pabayaan ang iyong sarili alang-alang sa mga apo ko,” nakangiting wika ni mama.
“Ayaw ko pong matulog Mama, baka paggising ko wala na kayo at iniwan niyo na ako,” malungkot kong turan sa ina.
Yumukod siya upang dampian ako ng masuyong halik sa’king noo.
“You act like my baby,” nangingiting sambit pa niya.
“Pero hindi takot gumawa ng baby!” buska sa’kin ni Angeline.
Sabay-sabay silang nagtawanan na ikinapula ng magkabilang pisngi ko.
“Magpahinga ka na, Angela! Dito lang kami sa tabi mo. Babantayan ka namin.” Malamlam ang mga matang pakiusap sa’kin ni Papa.
Mataman kong tinitigan ang kanilang mga mukha na pawang nakatunghay sa’kin habang hindi maalis-alis ang kanilang mga ngiti sa labi.
Umihip ng malakas ang hangin dahilan para makaramdam ako ng antok.
Kasabay nang paghikab ko, unti-unting bumigat ang talukap ng mga mata ko saka dahan-dahang pumikit ang mga iyon.
“Mahal na mahal ka namin, Angela…” Malamyos na tinig ni mama ang paulit-ulit kong naririnig.
“Mahal ko rin po kayo,” madamdamin kong usal.