ISANG linggo na si Calley sa Paradise Island Hotel and Resort at nagawa na niyang makapag-adjust sa kanyang trabaho pati na rin sa working place. Natutuwa rin siyang makita kay Callyx na nag-e-enjoy ito sa lugar. Paano’y bukod sa napakaganda ng nasabing resort, talaga namang sariwa ang hangin na nalalanghap. Hindi ‘gaya sa Metro Manila na polluted na ang hangin.
Bukod doon, masaya rin siya sa pagtatrabaho dahil kina Maggy at Tristan na itinuring na rin niyang mga kaibigan. Isa pa'y mabait din ang iba pa niyang colleagues, maging ang kanilang hotel manager na si Ms. Debby.
Iyon nga lang, hindi rin maiwasang mainis ni Calley sa t‘wing naiisip niyang mayroon na siyang memo dahil lang sa hindi niya sinasadyang maistorbo ang ‘pamamahinga’ ng kanilang big boss. As if naman alam niyang restricted area pala ‘yon. Wala naman kasing nakapagsabi sa kaniya na bawal pala roon, maski sina Tristan at Maggy.
Well, mainis man wala na siyang magagawa pa. Ipinangako na lang niya sa kanyang sarili na pagbubutihan ang pagtatrabaho at hinding-hindi na muling tatapak pa sa restricted area na pagmamay-ari ng big boss ng Sancho Group of Companies na ubod nga ng gwapo, kinulang naman sa bait.
Napatunayan din niyang magkasalungat ang ugali ng kanilang CEO na si Zayne kaysa sa nakatatandang kapatid nito. Kung si Zayne ay mabait at may konsiderasyon sa mga empleyado, si Zack naman ay kinulang sa bait at pang-unawa.
Ayaw man niyang maging judgemental sa Zack na iyon, pero ayon na rin sa mga narinig at nasaksihan niya, napatunayan niyang masama talaga ang pag-uugali nito. Napansin nga niyang ni hindi ito ngumingiti at patay-malisya lang every time na binabati ito ng mga empleyado. Napaka-matapobre.
° ° °
“PERO hindi pa rin talaga ako maka-move on na nabigyan ako ng memo dahil lang sa ‘di sinasadyang mapunta ako restricted area. Bawal pala r’on, hindi ko man lang nalaman,” nakangusong sabi ni Calley kina Maggy at Tristan.
Kasalukuyan silang nasa employees lounge ng mga oras na iyon kasama ang kanyang anak at nagla-lunch. Ang employees lounge ay ang nagsisilbing kainan at pahingahan ng mga empleyado na hindi kalayuan sa employees quarter, kung saan naman natutulog ang mga trabahante ng naturang hotel resort.
Malawak ang lounge at talaga namang maganda ang ambiance. Open space ang nasabing lugar kaya malayang nalalanghap ang fresh air at natatanaw ang asul na karagatan. Maging ang disenyo ng employees lounge ay talagang komortable. Para kasi iyong isang malaking bahay na may living room, dining room, at rest room.
“I'm sorry talaga girl, huh? Nakalimutan talaga kasi naming sabihin sa’yo e,” hinging-paumanhin ni Maggy sa kaniya habang panay ang subo nito maja blanca.
Si Maggy ang tipo ng babaeng malakas kumain pero hindi naman tumataba. Nakaka-two cups kasi ito ng rice ‘pag kumakain. Bukod pa roon, lagi pa itong may dessert na talagang mabigat sa tiyan gaya ng malagkit na bico o kaya naman ay cake.
“Oo nga Ateng, sorry,” segunda naman ni Tristan habang kumakain din. But unlike Maggy, kaunti lang itong kumain. Kung siya nakaka-one cup ng rice, samantalang ito ay half lang. Hindi rin mahilig sa matatamis si Tristan. Pampataba at pampa-diabetes lang daw ang mga iyon.
“Don't worry, warning lang naman ‘yon. ‘Tsaka ga'non talaga si Sir Zack—unpredictable,” dagdag pa ni Tristan.
Kumunot ang noo ni Calley sa sinabi ng kaibigan. “What do you mean by that?” clueless niyang tanong matapos ay binalingan si Callyx nang makita niyang nagkalat ang icing ng chocolate cake sa bibig nito habang kumakain.
“Be careful, baby. Baka marumihan ang shirt mo,” aniya sa anak habang pinupunasan ng tissue ang bibig nito. Tumango naman sa kaniya ang musmos at saka itinuloy ang kain.
“Kasi naman girl, ikaw pa lang ang kauna-kaunahang binigyan ng memo ni Sir Zack. Iniisip nga namin, baka nagpapansin lang siya sa'yo, e. ‘Ganda ka girl, e!” Nakataas pa ang on fleek na kilay ni Tristan nang sabihin ‘yon. Halatang nanunukso.
Feeling ni Calley ay humaba yata ng isang metro ang nguso niya nang marinig ‘yon. Nagpapansin sa kaniya ang Zack na iyon? Hindi siya naniniwala. Wala sa itsura nito ang gagawa ng ganoong ka-cheap na bagay.
Para sa kaniya, ito ang tipo ng lalaking kahit hindi magpapansin ay mapapansin ng kahit sino dahil sa kagwapuhang taglay. Ang tipo ng lalaki na kahit yata magsuot ng basahan at ilang araw na hindi maligo, gwapo pa rin.
“What do you mean na ako lang ang nabigyan niya ng memo?” medyo inis nang tanong niya sa dalawa. Ang hilig kasing magpaligoy-ligoy ng mga bruha.
“Ganito ‘yon...” si Maggy na sa wakas ay tapos ng kumain, “minsan kasi, may isang girl employee na halos mapaliguan si Sir Zack ng hot chocolate sa employees lounge. Of course, shock kaming lahat, girl! Si Sir Zack ‘yon e. Inisip agad namin, sisisantehin niya ‘yong girl...” As usual, paligoy-ligoy na naman ito habang nagkukwento.
“And then anong ginawa ni Sir Zack?” curios na tanong ni Calley. Gusto niyang malaman kung papaanong pagpapahiya ang ginawa ng Zack na ‘yon sa kawawang empleyado.
“Walang ginawa si Sir Zack.” Si Tristan ang sumagot niyon na noon ay tinutulungan si Callyx sa pagsubo ng kinakain nitong chocolate cake. Pinukol niya naman ito ng hindi makapaniwalang tingin.
“As in wala siyang reaksyon, girl,” maarte pang dagdag ni Tristan. “Pinunasan lang ni Sir Zack ‘yong tumapon sa kanyang drinks ‘tapos umalis na parang walang nangyari. At sa pagkakaalam namin, ni hindi man lang nakatanggap ng memo ‘yong girl o nasesante.”
Hindi maitago ni Calley ang pagkagulat dahil sa narinig. Hindi siya makapaniwala na wala itong aksyong ginawa sa empleyadong ‘yon. Hindi naman sa gusto niyang maparusahan ‘yong co-employee niya, pero hindi basta-basta ang nagawa nito sa big boss ng Sancho Group of Companies.
Pero bakit walang ginawa ang Zeus Zachary Sancho na iyon?
Kung ga'non, nagkamali lang ba siya sa panghuhusga rito? Mabait nga kaya ito at hindi totoong masama ang ugali?
“Ito pa ang mas bongga, girl,” singit muli ni Maggy, “may isang employee rin na nabanggga si Sir Zack habang naglalakad sa lobby. Sa sobrang lakas ng impact, nabitiwan ni Sir Zack ‘yong Macbook na bitbit niya at nabasag. Like, hello? Ang mahal kaya n’yon! Two months salary natin ang katumbas ng presyo niyon.”
“And? Pinagbayad ba ni Sir Zack ‘yong employee?” tanong ni Calley sa dalawa. Pero muling umiling ang mga ito.
“Nope, hindi pinagbayad ni Sir Zack ‘yong employee. Walang rin siyang ibinigay na memo,” ani Tristan, halatang kinikilig.
Feeling niya ay nagtatlong-guhit ang linya sa kanyang noo nang marinig ang mga iyon kina Tristan at Maggy. Kung totoo nga ang ikinuwento ng mga ito, bakit siyang hindi sinasadyang magawi sa sinasabing restricted area ay binigyan nito ng memo? Napaka-unfair naman pala nito.
“Alam ko na iniisip mo, girl. Ang unfair ni Sir Zack, ‘no?” pakli ni Maggy nang mapansin ang pananahimik niya. “Pero ga'non talaga siya, e. Sa loob ng three years naming nagtatrabaho rito, hindi namin makuha ang ugali niya. In fact, maski si Sir Zayne, ‘yon din ang sinasabi.”
“Ang totoo niyan, hindi dahil sa malupit boss kaya namin sinasabing masama ang ugali niya. The truth is, mabait si Sir Zack, kaya lang...” dagdag pa ni Maggy na sinadya pang binitin ang sasabihin.
“Kaya lang, ano?”
“Ayaw na ayaw niyang tinititigan siya. Kaya ‘pag dumadaan siya, nakayuko lang kami. Sabi kasi ni Sir Zayne, baka ‘yon daw ang ikasesante namin,” muling sabat ni Tristan. “Like, duh? Super gwapo at hot kaya ni Sir Zack! Pa’nong hindi ka mapapatingin? Kaya lang, ang damot ng Lolo mo! Ayaw niyang mapagnasaan ko ang angking kagwapuhan n’ya,” nakangusong sabi pa nito sabay tirik ng mata.
Ayaw ng tinitingnan?
Dahil sa narinig ay hindi sinasadyang nagbalik sa kanyang ala-ala ang mga nangyari nang gabing magawi siya sa restricted area kung saan niya unang nakaharap ang lalaki.
“It’s rude to stare, woman..." anang baritonong tinig na napakislot sa kaniya. Hindi niya napansin na may tao pala sa lugar kung saan niya napiling pumuwesto.
“I-I’m sorry... nagulat kasi ako. A-Akala ko, ako lang ang tao rito kanina,” hinging-paumanhin ni Calley nang makahuma sa pagkabigla.
Ngunit sa halip na sumagot, pinanood lang niya ito ng tumayo mula sa buhanginan at isa-isang dinampot ang basyo ng lata na sa hinuha niya ay beer. Matapos niyon ay tumalikod na ang lalaki at iniwan siya.
Lihim na napailing si Calley nang ma-realize na baka dahil doon kaya siya nito binigyan ng memo. Pero hindi ba, ang unfair pa rin niyon? Wala siyang kaalam-alam na bawal pala itong tingnan. Kung alam lang niya, ipinikit na lang sana niya ang mga mata nang makita ito sa elevator.
“Excuse me, guys! Pa-istorbo...”
Nagbalik ang nilipad na diwa ni Calley nang marinig ang boses na iyon. Nang lingunin niya ang nagsalita, nasa harapan na nila ang kanilang hotel manager na si Ms. Debby. Nakangiti ito ng malapad at may bitbit na isang bouquet ng red roses at box na sa tingin niya ay chocolates.
“Hi, Ms. Debby! Lalo ka yatang pumi-pretty ngayon?” bati ni Tristan sa maganda at mabait nilang manager.
“Hello, Ms. Debby,” kimi namang bati ni Calley sabay baling sa anak. “Baby, say hi to Ms. Debby,” utos niya kay Callyx. Mabilis namang sumunod ang paslit sa kaniya.
“Hello, Ms. Debby po,” kiming bati ni Callyx, pagkatapos ay nagmano.
“Hello, baby boy,” sagot naman ni Ms. Debby sabay pisil sa pisngi ni Callyx. “Just call me Tita Debby, okay?” nakangiting saad pa nito sa musmos. Marahan naman itong tumango bilang sagot sabay takbo sa tabi ni Calley.
“Oh my gosh, Ms. Debby! Who's the lucky guy?” hirit naman ni Maggy na ang tinutukoy ay ang bulaklak at chocolate na dala ng kanilang manager.
Natawa naman ang babae dahil sa sinabi ni Maggy. “No, this is not mine. Ihinatid ko lang ito dahil may isang staff ang nag-iwan nito sa reception. Ipinabibigay sa'yo, Calley. Dinala ko na rito kasi baka malanta ‘yong flowers. Maganda pa naman,” ani Ms. Debby sabay lapag ng bulaklak at kahon ng mamahaling chocolate sa harap ni Calley.
“Oh my god! ‘Ganda ka talaga, girl! Akalain mo, one week ka pa lang sa Paradise Island, may suitor ka na?” kilig na kilig na panunukso agad ni Tristan sa kaniya.
“Sana all may suitor! Samantalang ako, three years na rito wala pa ring pumapansin sa beauty ko. Mas maganda naman ako sa'yo?” si Maggy na bagaman nakanguso, halata namang nagbihiro lang.
Hindi na pinansin pa ni Calley ang panunukso ng dalawa at saka kunot-noong pinagmasdan ang manager. “Para sa akin, Ms. Debby?” paniniguro niya sa kaharap.
“Yes. Iyon ang sabi ng isang hotel staff, ” ngiting-ngiting namang sagot ng kanilang manager. “I think may card na kasama ‘yong flower, basahin mo kaya. Gusto ko ring malaman kung sino ang nagpadala niyan,” suhestiyon pa nito sa kaniya.
Wala namang nagawa si Calley kung hindi hanapin ang card na kalakip ng bulaklak. Isang maliit na kulay puting card ang nakita niya roon, na agad niyang kinuha at binasa.
My dearest, Calley,
I was fascinated by your beauty when I first saw you. Please, smile always.
From the man who is always looking at you from afar,
“Z”