Chapter 16

2186 Words
Tahimik ang loob ng pansamantalang hideout matapos ang sunod-sunod na galaw laban sa Centuri. May mga tauhan sa labas, nagbabantay. May ilan pang nag-aayos ng sugat. Pero sa loob ng maliit na kwarto, nakaupo si Psalm sa isang silya, tinatanggal ang guwantes sa kamay, bakas pa rin ang dugo sa manggas ng damit niya. Nakatayo si Bruno sa tabi ng mesa, nakasandal, at tahimik na nagmamasid sa boss niya. Matagal na siyang may gustong itanong. Ngayon lang siya nagkalakas ng loob. “Boss,” simula ni Bruno, “may balak ka bang sabihin sa kaniya ang totoo?” Hindi agad tumingala si Psalm. Abala pa rin siya sa paglinis ng sugat sa kamay. “Anong totoo?” malamig niyang tanong. Napabuntong-hininga si Bruno. “Huwag mo na akong paikutin. Alam mo kung ano ang tinutukoy ko.” Sandaling natahimik si Psalm. Saka siya napangiti. Isang mababaw, halos hindi mapansing ngiti—pero sapat para magtaka si Bruno. “Hindi pa,” sagot ni Psalm. Napakunot ang noo ni Bruno. “Hindi pa? Ibig sabihin, balak mo?” Tumigil ang kamay ni Psalm. Tumingala siya kay Bruno at bahagyang umismid. “Sa ngayon,” mababa niyang sabi, “mas interesting na hindi niya alam.” Napailing si Bruno. “Grabe ka talaga, boss. Niloloko mo lang sarili mo.” “Hindi ko siya niloloko,” sagot ni Psalm. “Wala naman akong ipinapangako.” “Pero nakikipag-interact ka sa kaniya araw-araw,” giit ni Bruno. “Nakikinig ka sa kwento niya, hinahayaan mong kulitin ka, hinahayaan mong mag-delusyon siya tungkol sa’yo—” “Hindi ko kasalanan kung malakas ang imahinasyon niya,” patag na sagot ni Psalm. Napairap si Bruno. “Talagang ganyan ka magsalita kapag ayaw mong umamin.” Tumayo si Psalm at lumapit sa bintana. “Masyadong magulo ang mundo ko para isama siya,” seryoso niyang sabi. “At mas tahimik ang mundo niya kung wala akong dala roon.” “Tama,” sagot ni Bruno. “Pero hindi mo rin siya tinutulak palayo.” Hindi sumagot si Psalm. At doon pa lang, alam na ni Bruno ang sagot. Napangisi siya nang bahagya. “Boss… hulog ka na.” Mabilis na lumingon si Psalm. “Huwag kang magbibiro ng ganyan.” “Hindi ako nagbibiro,” sagot ni Bruno. “Nakikita kita. Noon, kahit sinong babae, wala kang pakialam. Ngayon, isang babaeng madaldal lang, tinatawag mo nang ‘interesting’?” “Shut up,” babala ni Psalm. “Hindi ka nga galit,” tawa ni Bruno. “Dati kapag may ganito akong sinabi, baka tinamaan na ako ng bote.” Sandaling natahimik si Psalm. Saka niya muling ibinaling ang tingin sa labas. “Hindi ko planong manatili roon,” mababa niyang sabi. “Pagkatapos ng Centuri, aalis din ako.” “Alam ba niya ‘yon?” tanong ni Bruno. “Hindi na niya kailangang malaman,” sagot ni Psalm. “Pero gusto mong balikan,” mariing sabi ni Bruno. “Kahit alam mong delikado.” Tahimik ulit. Mabigat ang hangin. “Boss,” seryosong dagdag ni Bruno, “kung may mangyari sa kaniya at hindi niya man lang alam kung sino ka—” “Mangyayari ‘yon over my dead body,” biglang putol ni Psalm, malamig at mabigat ang boses. Napatingin si Bruno sa kaniya at naTahimik. At sa katahimikang iyon, malinaw na malinaw na ang sagot. Napabuntong-hininga si Bruno. “Ayan na nga. Wala ka pang inaamin pero protektado na siya sa lahat ng desisyon mo.” Hindi sumagot si Psalm. Pero hindi rin tumanggi. “Hindi mo pa sasabihin sa kaniya ang totoo,” patuloy ni Bruno. “Hindi ka rin lalayo nang tuluyan. At aaminin mo lang kapag huli na ang lahat.” Sumulyap si Psalm sa kaniya. “Hindi ako dramatikong tao.” “Hindi,” tawa ni Bruno. “Mas malala ka boss. Nagiging tahimik kang romantiko.” “Ulitin mo ‘yan at ipapadala kita sa north docks mag-isa,” banta ni Psalm. Ngumisi si Bruno. “Okay, okay. Tahimik na ako.” Tahimik silang dalawa sandali. Hanggang sa nagsalita ulit si Bruno, mas mahina na ang tono. “Boss, siguraduhin mo lang na kapag dumating ang araw na malalaman niya ang totoo, hindi siya masasaktan dahil sa pananahimik mo.” Hindi agad sumagot si Psalm. Sa halip, marahan siyang napangiti. “Kung dumating ang araw na ‘yon,” sagot niya, “sisiguraduhin kong buhay pa ang lahat ng kaaway ko para makita nilang mali ang ginulo nila.” Napailing si Bruno. “Grabe. In love na in love pero galit pa rin ang love language.” “Hindi ako in love,” agad na sagot ni Psalm. Ngumiti lang si Bruno. “Sige, boss. Kung ‘yan ang sabi mo.” At sa unang pagkakataon sa gitna ng digmaan at dugo, may isang Rasgild na hindi iniisip ang susunod na p*****n, kundi ang susunod na pagkakataong may babaeng tatawag sa kaniya ng mga bonsense na tanong. “Markus, tingin mo ba sexy ako?” At kahit kailan, hinding-hindi niya aaminin kung bakit medyo nami-miss niya na iyon. Tahimik ang underground parking ng lumang hotel. Masyadong tahimik. Tatlong sasakyan ang nakaparada sa magkakahiwalay na puwesto. Patay ang ilaw. Tanging mahinang ugong ng generator sa malayo ang maririnig. Bumukas ang pinto ng gitnang SUV. Bumaba si Psalm, suot ang itim na long coat, walang ekspresyon, parang normal na gabi lang. Pero sa ilalim ng katahimikan, gumagalaw na ang panganib. Sa bubong ng gusali ay may tatlong sniper. Sa likod ng haligi ay may apat na armado. Sa exit ramp naman ay may dalawang sasakyan na handang sumalpok. Hindi alam ng Centuri Familia na huli na sila sa plano. Huminto si Psalm sa gitna ng parking. Tumingala at Isang segundo lang ay roon nagsimula ang impiyerno. Nakakabinging pagsabog. Sumabog ang ilaw sa kisame. Kasabay nito ang unang putok mula sa itaas. Pero wala na si Psalm sa kinatatayuan niya. Gumulong siya sa ilalim ng SUV, sabay bunot ng baril, dalawang putok agad. BANG! BANG! Isa sa mga lalaking nagtatago sa haligi ang bumagsak, tumilapon ang dugo sa semento. “CONTACT! TARGET MOVING!” sigaw ng isa. Sumabog ang salamin ng sasakyan sa exit ramp nang umatras ang dalawang kotse, sinusubukang isara ang daan pero huli na. Sumugod si Psalm. Hindi diretso, kundi pakaliwa, talon sa hood ng kotse, isang suntok sa windshield, sabay putok sa loob at tumilapon ang driver sa manibela, patay bago pa man huminto ang sasakyan. Mula sa likod ay sumugod ang dalawa. Isa ang may kutsilyo, isa ang may baril. Inagaw ni Psalm ang pulso ng may kutsilyo, saka binali ang braso. Rinig na rinig ang pagkabali ng buto nito. Sumigaw ang lalaki. Hindi pa tapos. Tinuhog ni Psalm ang ulo nito sa pinto ng kotse at bumagsak. Ang ikalawa, naglakas-loob magpaputok pero huli na. Sinipa ni Psalm ang tuhod nito, bumagsak sa sahig, at isang putok sa sentido. Tahimik ulit. Pero sa itaas ay nagkakagulo. “RELOAD! HE’S ALONE, PUSH!” Tatlong lalaki ang bumaba sa hagdan, sabay-sabay nagpapaputok. Tumakbo si Psalm patungo sa likod ng mga sasakyan, bala na tumatama sa bakal, tumitilamsik ang apoy at semento. Hindi siya nagtatago. Naghihintay lang siya ng tamang sandali. At nang lumapit ang isa ay biglang lumitaw si Psalm mula sa gilid, sinunggaban ang leeg ng kalaban, ginamit ang katawan nito bilang panangga. Putok na naman ng baril. Tinamaan ng sariling bala ang kasama nito. Itinulak ni Psalm ang bangkay pasulong at sumugod muli. Dalawang suntok. Isang siko sa panga. Isang putok sa dibdib. Bumagsak ang huling lalaki sa hagdan. Tahimik ulit ang paligid. Katahimikang alam mong magtataasan ang balahibo mo sa takot. Pero hindi pa tapos. Sa bubong, nagpalit ng posisyon ang sniper. Huminga nang malalim si Psalm. Alam na niya kung saan manggagaling ang susunod na bala. Kaya bago pa man ay napaigtad siya. Tinamaan ang balikat niya. Bahagya lang siyang napaatras pero hindi bumagsak. Sa halip, ngumiti siya nang bahagya. “Found you.” Kinuha niya ang baril mula sa sahig, hindi sniper rifle, pero sapat na. Tumingala siya at isang putok. Hindi sa ulo pero tumama sa baril ng sniper. Sumabog ang sandata sa kamay nito. Sumigaw ang lalaki sa sakit. Bago pa siya makagalaw ay sumunod ang ikalawang putok. Diretso sa dibdib. Bumagsak ang katawan mula sa bubong, bumagsak sa semento nang may malakas na tunog. Tahimik na naman. His breathing became ragged. May dugo sa balikat ni Psalm. Pero hindi niya iyon ininda. Sa halip, hinugot niya ang earpiece. “Bruno,” malamig niyang sabi, “patay na.” Mula sa kabilang linya. “Late ka ng two minutes, boss. May backup team sa south exit.” Napabuntong-hininga si Psalm. “Kaya pala bitin.” “Gusto mo bang habulin pa?” tanong ni Bruno. Sumulyap si Psalm sa mga bangkay sa paligid. “Hindi na,” sagot niya. “Ipaabot mo sa Centuri…” Huminto siya sandali. “…na kung assassination attempt pa lang, sablay na sila, paano pa sa giyera.” Tahimik saglit sa linya. Saka tumawa si Bruno. “Copy that, boss.” Pinatay ni Psalm ang tawag. Habang naglalakad palabas ng parking, ramdam ang hapdi ng sugat, pero walang bahid ng panghihina sa galaw niya. Isang bagay lang ang malinaw sa isip niya. Hindi pa siya puwedeng mamatay. Hindi pa. Dahil may isang babaeng malamang ngayon ay nagdedelusyon pa rin na iniisip na tinititigan siya ng “Markus” habang kumakain ng gulay. At kahit ayaw niyang aminin may parte sa kaniya na gustong makabalik doon kapag tapos na ang digmaan. ————⭐️⭐️⭐️ Buhay pa rin siya. ‘Yan lang ang laman ng utak ko habang nakatitig ako sa duguang sahig ng bodega. Mga tauhan ko ang nakahandusay. ‘Yung iba patay na. ‘Yung iba mas gugustuhin pang mamatay kaysa sa mga sugat na iniwan niya. Psalm Rasgild. Isang pangalan na dapat matagal nang nakabaon sa lupa. Pero heto na naman. Parang multong hindi kayang patayin. “Boss…” mahina ang boses ng isa sa mga natitirang tauhan ko. “Hindi namin inasahan na—” Hindi niya natapos ang sasabihin niya at sinuntok ko siya sa mukha. Bumagsak siya sa sahig saka dumura ng dugo. “Hindi ninyo inasahan?” galit kong sigaw. “Tatlong beses na nating inambush ang taong ‘yan at tatlong beses na rin siyang nakatakas!” Tahimik ang buong silid. Takot na dapat lang. Dahil ang pagkakamali sa laban kay Psalm Rasgild hindi binabayaran ng pera. Binabayaran ng buhay. “Alam niya ang ruta,” sabi ng kanang kamay ko. “Alam niya ang oras. Parang—” “Parang may nagbebenta sa atin,” dugtong ko. Nagkatinginan ang mga tao ko. Walang umimik. Dahil alam nilang totoo. Walang ganitong klaseng pagtakas kung walang impormasyon mula sa loob. Lumakad ako papunta sa bintana. Tanaw ang pier kung saan dapat gaganapin ang transaksyon ng armas. Dapat ngayon, abo na lang at dugo. “Hindi siya basta kriminal,” sabi ko nang mababa. “Hindi lang siya barumbadong may baril.” Tumalikod ako sa kanila. “Isa siyang Rasgild.” At sa mundong ‘to, ang apelyidong ‘yan ay katumbas ng digmaan. “Boss, ano’ng plano?” tanong ng isa. Ngumiti ako. Hindi dahil masaya ako. Kundi dahil may nabubuo na akong ideya. “Hindi na tayo lalaban sa kanya sa pamamagitan ng armas,” sabi ko. “Doon tayo sa hindi niya kayang barilin.” Nagkibit-balikat ang kanang kamay ko. “Anong ibig mong sabihin?” “Alamin niyo kung saan siya nagtatago,” sagot ko. “Hindi ang headquarters. Hindi ang operasyon.” Lumapit ako sa mesa at kinuha ang tablet. May ipinakitang larawan. Isang bahay. Isang babae. Simple. Normal. Hindi kabilang sa mundo namin. Akala niya siguro hindi ko malalaman. “Doon tayo dadaan,” mababa kong sabi. “Sa mga taong mahalaga sa kanya.” May bahagyang pag-aalinlangan sa mga mukha nila. “Boss… hindi ba delikado ‘yan?” tanong ng isa. “Kapag ginamit natin ang sibilyan—” “Mas delikado kung hayaan natin siyang mabuhay,” putol ko. “Dahil habang buhay siya… hindi tayo ligtas.” Tinignan ko ulit ang larawan ng babae. May ngiti sa mukha. Mukhang walang alam sa mundong papasok sa buhay niya. “Kung hindi siya lalabas mula sa lungga niya para sa atin,” sabi ko, “lalabas siya para sa kanya.” May dumating na mensahe sa tablet. TARGET MOVING. TEMPORARY SAFEHOUSE. UNKNOWN LOCATION. Napatawa ako nang mababa. “Magaling,” sabi ko. “Takbo lang siya nang takbo.” Pero alam ko ang totoo. Hindi siya tumatakbo dahil duwag siya. Tumatakbo siya dahil may pinoprotektahan na siya. At ‘yon ang gagamitin ko laban sa kanya. “Hanapin niyo ang babae,” utos ko. “Lahat ng galaw niya. Lahat ng kasama niya. Lahat ng pupuntahan niya.” Humigpit ang hawak ko sa tablet. “Dahil sa oras na mahawakan natin siya…” napangiti ako nang mapanganib, “doon natin makikita kung gaano talaga kalupit si Psalm Rasgild. At gusto kong tapusin ang arogangeng ‘yon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD