Chapter 4

2578 Words
Naghilamos si Alta at saka tinitigan ang sarili niya. Sigurado siyang hindi siya lasing. Lalo namang hindi siya nagda-drugs. Bakit nang dalawang beses siyang hawakan ni Kristian ay saka niya nakita ang mga iyon na parang pangitain? Hindi na iyon mahalaga. At least gentleman si Kristian. Ipinagamit pa ang panyo sa kanya. Pasimple niya iyong inamoy kanina. Mabango iyon. It has a scent of his cologne. Parang gusto niyang ipa-laminate pati ang amoy noon. Remembrance para sa di makakalimutang gabing iyon. Nakakahiya lang talaga dahil nagkalat pa siya. Pumasok ng restroom si Chenie dala ang first aid kit. Parte iyon ng training nila. "Grabe yata ang tama mo kay Sir Kristian. Isang hawak lang sa iyo kung anu-ano nang nabasag." "Nakakahiya talaga,” aniya at kinagat ang pang-ibabang labi. “Di ko alam kung anong nangyari sa akin.” Parang naghalusinasyon siya ng gising kanina. Napaka-weird pa ng mga halusinasyon niya. Kung may makakabasa lang ng iniisip niya, tiyak na nakakahiya. “Magkano daw 'yung basong nabasag ko?” "Pasalamat ka dahil ikaw ang darling ngayon. Si Sir Magtibay na daw ang bahala sa nabasag mo. Sabihin natin affected ka ng crush mo na si Sir Kristian,” anito at bumungisngis. Ipinagdidiinan talaga nito ang kapalpakan niya. "Shhh! Baka may makarinig. Gulo na naman iyon." "Hmp! Nainis yata siya sa iyo si Wanda dahil naagawan mo siya ng atensiyon. Maldita siya.” Inilahad nito ang palad. “Nasaan 'yung sugat mo?" Inilahad niya ang palad. "Dito." Hinawakan nito ang kamay niya at sinipat na mabuti ang palad niya. "Nasaan? Wala namang sugat. Kita mo. Ang kinis-kinis ng daliri mo. " "Meron 'yan,” giit niya. Malalim pa nga ang hiwa ng sugat niya at mahaba. Kumikirot pa nga iyon kanina at dumudugo. Hindi niya alam kung bakit may kakaibang kilabot siya kapag nakakakita siya ng dugo. Sugat man galing sa kanya o sugat ng iba, pakiramdam niya ay may sariling buhay ang dugo. Parang tinatawag siya. Naalala na naman niya na nakitang niyang naging bampira si Kristian Cordero kanina. Ipinilig niya ang ulo. Walang bampira. Kalokohan iyon. Kung anu-ano tuloy ang naiisip niya. "Wala nga. O! Tingnan mo. Mukhang gusto mo lang umeksena kanina kay Sir Kristian." "May sugat ako,” giit niya. “May dugo pa nga 'yung panyo niyang ibinalot sa daliri ko." Ipinakita niya ang nakakalat na dugo sa panyo ni Kristian. "Oo nga, no? E saan napunta ang sugat mo?" Tiningnan nito ang kabilang kamay niya. "Mas lalong wala dito." Hindi rin niya alam. Pero napapansin niya kapag may sugat siya ay mabilis maghilom. Madalang din siyang magkasakit. Ayaw niyang isipin na may kakaiba sa kanya o abnormal siya. Tingin kasi niya ay blessing iyon. Di kasama sa budget ang pagkakasugat o pagkakasakit. Tatalakan siya ng bongga ng tiyahin niya kapag hindi siya nag-akyat ng pera sa bahay. At masakit sa tainga kapag dinaldalan siya nito. Nakakabasag ng eardrums. "Lagyan ko na rin ng gamot," sabi niya at nilagyan ang parte na alam niyang may sugat. Paglabas nila ay nakaabang na si Kristian. Nakasandal ito sa dingding at tumayo ng tuwid nang makita sila. Pumitlag ang puso niya nang lapitan siya nito. "How are you?" tanong nito. Pormal ang boses nito pero parang hinahaplos ang balat niya. Parang inaakit. Heto na naman siya. Pagdating talaga kay Kristian Cordero ay nag-iiba ang pakiramdam niya. Ganito ba talaga kapag nagka-crush? Marinig lang niya ang boses nito ay natutulala na siya? "Okay lang po,” nanginginig niyang sagot at hinawakan ang daliri na binalutan nila ng manipis na gasa in case bumalik ang sugat niya. “P-Pasensiya na po kanina. Hindi ko naman po sinasadya na mabasag ‘yung baso… kasi…” “Hindi naman ako ang nasaktan kundi ikaw. You don’t need to apologize. Did I make you feel uncomfortable or something?” nag-aalala nitong tanong. Umiling si Alta at hindi ito masalubong ng tuwid. Nanginginig kasi ang tuhod niya kapag tinitingnan ito. Hindi siya ang tipo ng babaeng mahiyain o kaya ay natatakot sa mga tao. She was naturally confident. Hindi siya ang tipo ng tao na nai-intimidate kahit sino pa ang kaharap niya. Pero pagdating kay Kristian ay nangangatal siya at mabilis na mabilis ang t***k ng puso niya. Samantalang kaninang kaharap niya ang presidente ng Pilipinas ay di man lang siya nangatal kahit kaunti. Siniko siya ni Chenie at saka ngumisi kay Kristian. “Pasensiya na po kayo, Sir. Sadya pong ganyan lang sila sa mga guwapo. Nakakatulala naman kasi ang kaguwapuhan ninyo.” Matalim niya itong sinibat ng tingin habang pinanlakihan siya nito ng mga mata. Parang dine-dare siya nito na oras na kontrahin niya ito ay ibubuko siya nito na crush niya si Kristian. Sasamantalahin na nitong buskahin siya dahil sa wakas ay nagka-interes siya sa isang lalaki. Gusto nitong makaganti sa santambak na panunukso niya dito at kay Herbert noong hindi pa nagliligawan ang mga ito. Nagsimula lang naman kasi sa panunukso niya ang harutan ng mga ito noon hanggang ma-develop ang mga ito sa isa’t isa. “Sir, babalik na po kami sa table namin,” magalang na paalam ni Alta. Ayaw din niyang magtagal doon kausap si Kristian dahil bukod sa mag-aaway sila ni Wanda, hindi pa rin mawala sa isip niya ang mga pangitaing nakita niya. Na isa itong bampira at hinalikan siya siya. Nakakaisang hakbang pa lang siya nang muli siya nitong tawagin. “Miss Kintanar, one moment please. May itatanong sana ako sa iyo." “A-Ano po iyon, Sir?” tanong niya at marahang nilingon ito. "Mauna na ako,” nakangiting wika ni Chenie at parang nang-iinis pa siyang kinawayan. Gusto niya itong hilahin pabalik. Di siya nito pwedeng iwang mag-isa kasama si Kristian. Hindi niya alam kung anong gagawin niya Baka magmukha siyang tanga at mawala siya sa sarili. Baka kung ano na naman ang makita niya. Baka ang susunod na makita niya ay nililimas na nito ang dugo niya. Hindi siya takot kay Kristian. Takot siya sa mga nakikita niya. “I am sorry. Naisip kong mas mabuti na dito na lang tayo mag-usap,” sabi nito. Napasandal siya sa dingding para suportahan ang nanghihina niyang katawan. “M-May problema po ba, Sir?” Tinitigan siya nito nang mabuti at pakiramdam niya ay naestatwa siya sa kinatatayun. She held her breath. “Anong nakita mo kaninang hawakan mo ako?" Nahigit niya ang hininga. “N-Nakita? Ano pong nakita?” “Alam ko na may nakita ka kaninang hinawakan mo ako, Miss Kintanar. Ano iyon?” anito at lalo pang inilapit ang mukha sa kanya para matitigan siyang mabuti. Naliliyo siya sa mabango nitong hininga. Sasabihin ba niya dito ang nakita niya kanina? “W-Wala po akong nakita. Kalokohan lang ang nakita ko kanina.” “Ano iyon?” mas mariin nitong tanong at mas matiim ang titig nito. Parang nairita pa ito nang bahagya siyang tumawa. “Naku, Sir! Sa palagay ko nakainom lang talaga ako. Mabilis po akong malasing. Wala naman iyong nakita ko. Saka hindi naman iyon totoo…” “Miss Kintanar, sabihin mo kung ano ang nakita mo! Ayoko ng paligoy-ligoy!” matalim na utos nito kanya. “Huwag mong sayangin ang oras ko.” Ang kulit naman nito. Talagang hindi siya nito tatantanan hangga’t hindi siya umaamin. Sa huli ay napilitan siyang aminin bago pa siya bumigay ang tuhod niya sa panginginig. Simpleng paglalapit lang ng katawan nila ay matindi na ang epekto sa kanya. “Bampira ka daw. May pangil. Kakagatin mo daw ako.” “Ano?” bulalas nito. Pumalatak siya at parang gusto ring batukan ang sarili. “Kita mo na. E di mukha pa akong tanga ngayon.” “Who are you?” mariing tanong nito habang matiim ang titig sa mga mata niya. Iba ang init na naramdaman niya habang nakatitig ito. Parang tumatagos sa kaluluwa niya. “O mas dapat kong itanong kung ano ka?” “Ano bang klaseng tanong iyan?” Napatitig siya sa mga mata nito. Parang nag-iiba ang kulay ng mga mata nito. Pakiramdam niya ay dahan-dahan nitong hinihigop ang pagkatao niya. Nagtayuan ang lahat ng balahibo niya dahil pakiramdam niya anumang oras ay lalabas ang pangil nito at lilimasin ang dugo niya. At tulad sa mga pelikula ay sunud-sunuran lang ang mga biktima nito na iaalay ang leeg dito at magpapagat. Lintik! Kahit na gaano pa ito kaguwapo ay hindi niya ipapaubos ang dugo niya dito. Hindi siya dapat na magpaakit dito. Kailangan niyang kumawala sa mahikang nililikha nito. Itinulak niya ito. “Lumayo ka sa akin! Huwag!” Pumikit siya at pilit na isinara ang utak dahil baka anong pangitani na naman ang makita niya. O baka habulin siya nito at naka-full vampire form na ito. Napatili siya nang bumangga siya. Baka si Kristian iyon. Mabibilis ang mga bampira at pwede siyanga abutan nito. May humawak sa balikat niya bago pa siya makalayo. “Alta, anong nangyari sa iyo?” “Homer?” usal niya at tiningala ito. Nakahinga siya ng maluwag. “Akala ko kung sino ka na.” “Bakit? May nambastos ba sa iyo?” tanong nito at tiningnan ang pinanggalingan niya. Nang lumingon siya, wala na kinatatayuan si Kristian. Marahil ay pumasok na ito sa restroom. Ang bilis naman. Di niya napansin. Ni walang bakas nito. Parang imahinasyon lang kanina na nagkausap sila. Ipinilig ni Alta ang ulo. “W-Wala. Bumalik na tayo sa table.” “Ano ngang nangyari sa iyo?” giit ng kaibigan hanggang makabalik sila ng table nila. Kinuha niya ang menu at umorder ng prawn sautéed in garlic na siyang unang pagkain sa menu na nakita niyang may garlic. “B-Bigla akong nagutom,” sabi niya at nakita pa sa gilid ng mata niya si Kristian na lumabas mula sa hallway kung saan nandoon ang restroom. Sinalubong agad ito ni Wanda at yumakap sa leeg nito. Magkahalong takot at matinding iritasyon ang nararamdaman niya. “Ang weird mo,” sabi ni Homer. “At bakit may bawang ‘yang in-order mo? Makikikain pa mandin ako. Ayoko ng maraming bawang.” “Umorder ka ng iba,” pakli ni Alta at umirap. “Basta ayokong lapitan ng aswang, bampira, multo…” Hindi na siya malalapitan pa ni Kristian Cordero. Pero bakit parang malungkot siya habang nakikita itong nilalambing ni Wanda. Hindi naman siya possessive sa lalaki kahit gaano pa kaguwapo. Ngayon pa lang niya ito nakilala. “THAT woman is so stupid. Huh! Napakaluma na ng style niya para magpapansin sa lalaki. Broken glass indeed. How cheap!” Nanghahaba ang nguso ni Wanda habang nakaupo sa tabi ni Kristian. Humaharurot ang sportscar niya sa kahabaan ng Taft Avenue. Galing silang Malate at ihahatid niya ito sa condo nito sa Makati. She was the perfect arm candy for a man like him. A medaled athlete and a lovely woman. Colleague niya ang tiyuhin nito at na-meet na niya ito sa ilang parties. May imbitasyon siya para sa victory party ng Philippine team na nanguna sa SEA Games at ito agad ang sumalubong sa kanya. Halos di na siya nito iniwan. Pinapalagpas lang niya ang pagiging possessive nito at di niya iniinda na minsan ay wala itong sense kausap. He had more than enough common sense for both of them. Subalit sa pagkakataong ito ay hindi niya gusto ang inasal nito. “Anong problema kay Miss Kintanar? She’s actually the star with all those medals. Baka pagod lang iyong tao sa dami ng kinamayan niyang personalidad ngayon,” pagtatanggol ni Kristian sa babae. “Oh, please! She tried to steal you away from me. Akala mo ba hindi ko nakita nang halos halikan mo siya? Inaakit ka niya.” “Don’t give me that attitude. You don’t own me, Wanda.” “I’m sorry,” mahinang usal nito at humilig sa braso niya. She actually purred. Hindi niya masisisi si Wanda. Alta Kintanar was something. Napansin agad niya ito kaninang pagpasok ng bar. Parang may magnetong humihila sa kanya dito. She was not a stunning model, actress or socialite that he usually date. She was an athlete. Lithe and sometimes she acted like one of the boys despite of her feminine looks. But there was something about her that was calling out to him. The call of blood? To mate? Mahigpit niyang hinawakan ang manibela lalo na nang maalala kung paanong mag-react ang katawan niya nang hawakan nito ang kamay niya. He wanted to kiss her, make love with her and taste her blood. Si Kristian mismo ang kumokontrol sa katawan niya. He only drank blood from people who were willing. He had slave or host where he could get his blood from. Hindi siya umiinom mula sa inosenteng mga tao na walang alam tungkol sa tunay niyang pagkatao. Pero nakita ni Alta Kintanar kung sino talaga siya. Isang bampira. Nakita niya ang takot sa mga mata nito. Pwede niyang isiping dahil nakainom ito pero hindi amoy alak ang hininga nito. Something else bothered him. Hindi niya magawang kontrolin ang utak nito. As a sanguis, he could control normal human. Nagawa nitong iwasan ang huli niyang tanong. Wala pang ordinaryong taong nakagawang iwasan ang mind control niya. Kahit sa mga bampira ay nagagawa niya iyon lalo na’t mas malakas siya. Kung nakita nitong isa siyang sanguis, isa ring nakakabahalang pangitain ang nakita niya nang itulak siya nito kanina. Nakatayo daw ito habang nakatingala sa buwan na may rainbow ring sa paligid. Sa leeg nito ay may tatak ng crescent moon. He was not the type of sanguis who had visions. Hindi iyon kasama sa kakayahan niya. Pero bakit iyon ang nakita niya? Ipinilig ni Kristian ang ulo. Ito ba ang itinakda? Imposible. Sa December pa magiging twenty-one ang itinakda. Nag-twenty-one si Alta. Bakit ganito ang nararamdaman niya sa babae? Bakit nakita nito sa pangitain na sanguis siya? Is she a seer? Is she something else? Pero may isa nang kresme - si Jermaine. Posible rin naman na may dugong sanguis si Alta pero di nito alam. Nagulat pa ang binata nang pagapangin ni Wanda ang daliri sa leeg niya. “Kristian, kailan mo ako papipirmahin ng kontrata para sa sports apparel line mo?” Mariing nagdikit ang mga labi niya sa pagtitimpi. May agenda si Wanda sa pananatili sa tabi niya. She wanted to advance her career. She would use her body and her looks to get what she wanted. Pero hindi iyon ang paniniwala niya sa negosyo. Hiwalay ang personal niyang buhay sa trabaho. Kung pipiliin niya itong model, iyon ay dahil ito ang babagay sa imahe na gusto niyang i-project. “I have people who will decide on that.” Itinigil niya ang kotse sa harap ng condo building nito. “Why don’t you take a rest? Your wrinkles are showing,” aniya at umangat ang gilid ng labi. Nahigit ni Wanda ang hininga at kinapa ang pisngi. “I don’t have wrinkles,” kaila nito. “Binibiro mo ako.” Isiniksik nito ang katawan sa kanya. “Stay with me, darling.” “I have an early business to attend to tomorrow. Goodnight.” Nanghahaba ang nguso nitong bumaba ng sasakyan. Hindi man lang kasi siya nag-abalang halikan ito. He doubted if he’d call or see her again. He was not interested. May mas importante siyang kailangang asikasuhin. He needed to probe on Alta Kintanar. Kailangan niyang malaman kung sino talaga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD