Martina
Katulad ng pangako ni Yohann ay hindi ito umalis sa tabi ko ng malaman nitong wala na si tatay. Ito ang nag-asikasong lahat mula sa pagdadala ng katawan ni tatay sa morge at sa lugar ng pagbuburulan nito.
Si Warren naman ay dali-daling pumunta ngayon kung saan ibuburol si tatay dahil nakapagbukas pa ito ng grocery bago ko siya natawagan sa nangyari.
“Tin…” tahimik akong nakaupo sa upuan na nasa harapan ng kabaon ni tatay. Napatingin ako sa taong tumawag sa pangalan ko at doon ko nakita si Warren na hingal na hingal.
Bago niya ako nilapitan ay tumingin muna ito sa kabaong ni tatay at saka malungkot na bumaling sa akin.
“Bakit ang bilis? Ang ibig kong sabihin, hindi ba nagpagamot pa kayo ni Tatay Antonio noong nakaraang araw?”
Tumango ako sa kanya at saka tahimik na tumayo sa tabi nito para tingin rin ang malamig na bangkay ni tatay.
“Ang sabi ni Doc Yohann ay traydor daw ang sakit ni tatay sa puso, kahit anong oras ay maaaring umatake. Ang nangyari kay tatay ay habang natutulog ito inatake kaya hindi natin nalaman at natulungan man lang siya.”
“Parang ang hirap lang na paniwalaan na isang iglap ay wala na siya, Tin.” Malungkto na sabi ni Warren. Naiintindihan ko naman ang pakiramdam nito dahil napalapit na rin ito kay tatay sa ilang buwan na magkailala kami.
“Hindi naman puwedeng diktahan ang buhay ng tao kung gaano ito kahaba o magtatagal.” Tangi ko na lang nasabi sa kanya.
Natutuhan ko ng tanggapin ang katotohanang iyon simula pa ng bata ako at mawalan ng ina sa murang edad.
“Magpakatatag ka Tin, nandito lang ako para samahan ka.” Muli ay narinig ko ang suporta nito sa akin bilang kaibigan.
Hirap man ay sunubukan kong ngumiti sa harap niya at pareho naming tinitigan si tatay na para lang natutulog lang ng mahimbing.
Nang ikapat na araw ay napagdesiyunan kong ipalibing na si tatay. Wala naman kaming maraming kamag-anak na kailangang hintayin at halos lahat ng mga kakilala namin at mga kapitbahay ay nakadalaw na sa burol.
Para akong kandilang nauupos ng isa-isang tanggaling ang mga ilaw na nasa tabi ng kabaong ni tatay, at ang pinakahuli ay ang kabaong nito na sinakay na sa sasakyam nito. Nanikip ang dibdib ko habang nakatanaw ang mga mata ko sa malungkot at nakakapanghinang pangyayari sa buhay ko ng mga sandaling iyon. Lihim akong humingi ng tawad sa lalakeng naging sandalan ko buong buhay ko. Humingi ako ng tawad sa lahat ng mga hindi ko nagawa para sa kanya noong nabubuhay pa siya. Sisihin ko man ang sarili ko sa mga nangyari kung bakit humantong siya sa ganoong sitwasyon ay wala ng silbi pa, wala na siya.
Laking pasasalamat ko na nasa tabi ko ang dalawang taong tumulong sa akin sa simula pa lang na nalaman ang kalagayan ni tatay, si Yohann at Warren.
Hindi nila ako iniwan lalo na sa mga panahong kailangan ko ng tulong at pinagpapasalamat ko sa Diyos na naging mga kaibigan ko sila. Kung hindi ay hindi ko alam ang dapat kong gawin sa mga oras na ako lang mag-isa ang nasa tabi ni tatay.
Pagkatapos ng libing ni tatay ay nagpasya akong magpahatid na sa bahay namin. Kailangan kong magpahinga at mag-ipon ng lakas para nagpatuloy sa buhay. Hindi ako puwedeng huminto na mabuhay dahil hindi iyon ang gustong mangyari ni tatay, magpapatuloy ako para sa kanya.
“Maraming salamat sa inyong dalawa, sa mga tulong ninyo sa amin ni tatay. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa inyong dalawa.” Nasa sala kaming tatlo ngayon at nagkakape.
“Tin, gusto mo bang lumipat ng tirahan mas malapit sa grocery?” walang ano-ano ay tanong ni Warren sa akin. Hindi ko inaasahan na itatanong niya sa akin ang ganong bagay pagkalibing ni tatay. Umiling ako pagdaka sa tanong niya.
“Okay lang ako dito Warren, mas mabuting dito muna ako. Gusto kong alalahanin ang mga pinagsamahan namin ni tatay dito sa bahay namin. Kung sakali mang magdesisyon ako na mangupahan ng matutuluyan malapit sa trabaho natin ay sasabihin ko sayo agad.”
Narinig kong tumikhim si Yohann sa gilid ko matapos akong magsalita dahilan kung bakit pareho kami ni Warren na tumingin dito.
“Hindi yata tama na basta ka na lang magtanong kay Martina ng tungkol sa paglipat ng tirahan niya samantalang kakamatay pa lang ni Manong Antonio.” Mababa ang boses nito pero kakakitaan ng hindi pagkadigusto sa narinig nito mula kay Warren.
“Inaalala ko lang si Tin, baka kasi malungkot siya na mag-isa lang dito sa bahay ngayong wala na si Tatay Antonio.” Depensa ni Warren kay Yohann. Parang lalong sumnakit ang ulo ko sa pagtatalo ng dalawa at ang gusto ko na lang na gawin ng mga sandaling iyon ay magpahinga sa kuwarto. Napahilot ako sa ulo ng maramdaman ko ang tensyon sa pagitan ng dalawang lalakeng kaharap ko ngayon. Base sa mga titigan ng mga ito ay hindi makakabuti na magtagal pa na magkausap ang dalawang ito.
“Gusto ko na sanang magpahinga.” Pagtatapat ko sa kanila. Pareho sila ngayon na nakatitig sa akin at parang hindi humihinga at hinihintay ko pa na sasabihin.
“Mas makakabuti siguro kung magpaahinga na rin kayong dalawa at alam kong pagod din kayo.” Diretsa ko ng sabi sa mga ito.
Mukhang naintindihan naman nila ang gusto kong mangyari kaya umayos pareho ng tayo ang mga ito.
“Magpahinga ka na Tin at makabawi ka ng tulog.” Si warren ang unang nagsalita.
Tiningnan ko kung magpapaalam na rin si Yohann pero hindi ito natinag. Nakapamulsa pa ang isa nitong kamay sa suot nitong pantalon at mariin ang pagkakatitig sa akin.
“Hindi ka ba sasabay lumabas, doc?” hindi nakatiis si Warren at kinausap muli si YOhann. Napailing na lang ako pagkatapos.
“May sasabihin ako kay Martina, mauna ka ng umalis.” Sagot nito kay Warren na hindi inaalis ang titig sa akin. Muli ay nakaramdam ako ng kakaibang kaba sa puso ko sa tuwing magsasalubong ang mga mata namin. Alam kong wala akong dapat na ikatakot sa tuwing kaharap ko siya pero kusang lumalakas ang t***k ng puso ko kapag nandyan siya sa tabi ko.
“Tsssk.” Narinig kong kumento ni Warren sa sinabi ni Yohann. Tinupad naman nito ang sinabing aalis na ito pagkatapos na magpaalam. Nang kami na lang dalawa ni Yohann ay parang nagkaroon ng alinlangan ang puso ko sa maaaring nitong sabihin. Saglit lang nawala ang kaba sa dibdib ko ng magsalita ito.
“Okay ka lang ba na mag-isa dito, Martina?”
Katulad ng tanong ni Warren kanina ay panatag ko siyang sinagot.
“Okay lang ako dito Yohann, wala kayong dapat na ipag-alala ni Warren.” Nakangiti kong sagot sa kanya.
“Are you sure?” paninigurado pa nito.
Tumango ako sa kanya para bigyan siya ng assurance na makakaya kong mamuhay mag-isa. Na gaano man kahirap ang mawalan ng isang ama ay alam kong malalagpasan ko ang pait na ito.
Napahawak ako sa gilid ng bintana kung saan ako kasalukuyang nakasandal. Bigla akong naliyo at napasandal na lang dito. Naging maagap naman si Yohann at agad niya akong inalalayan para hindi tuluyang mitumba.
Pinilit kong nakabawi at ngumiti sa harap niya pero hindi nawala ang pag-aalala sa guwapo nitong mukha dahil sa nangyari sa akin.
“Hindi ka okay, Martina. Kailangan mong magpahinga para makabawi ng lakas.” At walang ano-ano ay inalalayan niya ako papasok sa sarili kong kuwarto. Wala akong nagawa at nagpatianod ako sa bawat masuyo niyang pag-alalay sa akin. Hindi ko alam kung ilan segundo ko siyang tinitigan ng malapitan habang malapit kami sa isa’t-isa.
Ang kakaibang kaba na nararamdaman ko ay nadoble ng may kung anong atraksyon ang nangibabaw sa puso ko. Ang pag-aalala niya sa akin, ang malasakit nito kay tatay at ang mga bagay na nagdudulot ng paglakas ng pintig ng puso ko sa tuwing katabi ko siya ang siyang gumugulo sa buo kong sistema ngayon.
Mali na maramdaman ko ang ganitong klaseng damdamin para sa taong nagmamalasakit lang sa amin ni tatay pero hindi ko mapigilan ang puso ko. Natigil lang ang mga iniisip ko ng maramdaman ko ang paglapat ng likod ko sa kama.
Unti-unti niya akong inalalayang makahiga at sunod kong nakita ang paglagay nito ng manipis na kumot sa katawan ko hanggang dibdib. Nakaawang ang mga labi ko ng titigan ko siya.
“You should rest. Mamaya na ako uuwi kapag nasigurado kong okay ka na.” seryoso niyang sabi sa akin na hindi titanggal ang mga titig sa mga mata ko. Para akong nahihipnotismo sa guwapo nitong mukha sa tuwing ginagawa niya ang bagay na’yun.
Dahil na rin sa pagod at puyat ay nagpaubaya ako sa gusto nitong mangyari. Unti-unti kong pinikit ang mga mata ko at alam kong ilang segundo lang ang lumipas ay tuluyan na akong niyakap ng antok.