Prologue
Prologue
WALA na akong maisip na pwedeng ibenta ngayong araw. Naubos ko kasi ang perang kinita ko kanina dahil sa lintik na gastusin sa school. Ang daming project. Walang katapusang project. Kaya ang kinita ko kanina sa pagbebenta ng banana que ay ibinayad ko lang din. Hindi ko tuloy alam kung saan ako kukuha ng pera pang puhunan.
Kanina pa ako palakad lakad at wala akong balak na umuwi agad sa bahay. Kailangan ko muna kasing mag isip ng paraan kung paano ako makakahanap ng pera para may ibenta ako bukas sa school.
Ayaw kong bawasan ang naipon ko dahil nangako ako sa sarili ko na hinding hindi ko babawasan ang naipon ko. May paglalaanan kasi ako no’n kaya kahit anong mangyari ay ayaw kong kumuha kahit piso man lang. Tinatago ko din ito sa stepmother ko at baka kunin niya ang pera ko.
Habang naglalakad ako ay hindi inaasahan na makarating ako sa isang lugar na walang katao tao. Nagtataka ako kung ano ang lugar na ‘to. Parang hacienda yata. Ngayon pa lang kasi ako napadpad sa lugar na ‘to kaya hindi ko alam na may malaking hacienda pala dito.
Pinagpatuloy ko na lamang ang paglalakad ko hanggang sa nakita ko na may bukas na maliit na gate. Yung gate ay kawayan. Parang gusto kong pumasok sa loob upang tignan kung anong meron sa loob ng hacienda na ito. Ngayon pa lang ako nakakita ng hacienda kaya hindi ko pwedeng palampasin ito. Hindi naman siguro masama kung papasok ako para tumingin saglit.
Panay ang tingin ko sa paligid at baka may makakita sa akin at mapagalitan pa ako. 6PM naman na din kaya siguro wala ng taong nandito sa lugar na ‘to. Pumasok na lang ako agad sa nakabukas na gate para makalabas ako agad.
Nang makapasok ako sa loob ay namangha ako kasi bumungad sa akin agad ang iba’t ibang uri ng bulaklak. Ang ganda tignan kahit medyo madilim na. Kitang kita pa rin naman dahil may ilaw.
Namamangha ako habang palakad lakad lang ako sa damuhan. Napakaganda pala dito. Yung mga bulaklak na nakikita ko ay iba’t ibang kulay. Nag iingat pa rin ako at baka may makakita sa akin dito.
Plano ko lang sana ay sumilip lamang pero hindi ko na napigilan ang sarili ko na maglakad lakad pa dahil wala naman akong nakikitang nagbabantay.
Sa paglalakad ko ay narating ko ang pananim ng mga prutas. Kaagad na nagningning ang mata ko dahil ang daming prutas at ang sarap pitasin. May naisip akong plano at yun ay ang kumuha ng pinya kahit limang piraso lang at ibenta ko sa mga kapitbahay namin. Wala namang tao kaya baka pwede akong kumuha kahit lima man lang.
Agad akong lumapit at namili pa talaga ng pinya na pipitasin. Medyo malaki ang isa kaya agad kong hinawakan ang pinya upang kunin. Nahirapan pa ako ng konti dahil hindi ko masyadong makita dahil madilim na. Magnanakaw na talaga ang tawag sa akin nito pero wala na akong choice. Kailangan kong makagawa ng paraan para madagdagan ang ipon ko.
Nakuha ko ang isang pinya. Ang laki ng ngiti ko dahil sa sobrang saya. Ang galing ko talagang dumiskarte. Kukunin ko pa sana ang pangalawang pinya ngunit nagulat ako ng may marinig akong boses.
“Hoy! Magnanakaw!” Sigaw ng lalaki kaya natigilan ako at nanlaki ang mata. Agad akong lumingon kung saan galing ang boses ng lalaki at nakita ko agad ang isang matangkad na lalaki pero hindi ko makita ang mukha niya dahil sa madilim.
“Bitawan mo yang pinya ko kung ayaw mong ipatong ko sa ulo mo ang korona niyan.” Saad ng lalaki.
“Aist! Bwisit!” Nataranta ako at agad akong tumakbo sa sobrang takot ko sa lalaki. Sa sobrang taranta ko ay ibang way pa ang natakbuhan ko. Animal talaga!
“Bumalik ka dito! Magnanakaw ka! Humanda ka sa akin kapag naabutan kita!!” Sigaw na naman ng lalaki kaya mas lalong tumayo ang balahibo ko sa katawan. Natatae din ako sa sobrang kaba ko lalo na’t kasalanan ko talaga dahil pumasok ako ng walang pahintulot. Pinagdiskitahan ko pa ang pinya niya.
Panay lang ang takbo ko habang dala pa rin ng pinya na pinitas ko. Ayaw kong magpahuli sa lalaking ‘to lalo na’t nakakahiya kapag nalaman ng mga kapitbahay ko na nahuli akong nagnakaw ng pinya. Lagot din ako sa stepmother ko. Sigurado akong palo na naman ang aabutin ko sa kanya at pagsasalitaan na naman ako no’n ng masasakit na salita.
Hindi ko alam kung bakit ko ba nagawa ito. Hindi naman sana ako magnanakaw pero hindi ko talaga napigilan ang sarili ko kanina dahil desperada na akong kumita ng pera. Pero hindi ko naman ginusto ‘to.
Halos maiyak na ako sa takot lalo na ng makita kong hindi talaga ako tinigilan ng lalaking humahabol sa akin. “Teka lang naman, manong..” sabi ko habang tumatakbo parin. “Isang piraso lang naman ang kinuha ko kaya hayaan mo na lang ako. Maawa ka sa akin..” wika ko habang lumiko ako para lang matakasan ang lalaki. Hinahanap ko ang dinaanan ko kanina para makalabas na ako.
Ngunit hindi ko na mahanap. Kung saan-saan ba naman ako dumaan. Pawis na pawis na ako kakatakbo. Hinihingal na din ako at gusto ko ng tumigil sa pagtakbo. Pero kapag huminto naman ako ay maaabutan ako ng lalaking humahabol sa akin.
Sinubukan kong lumingon sa likod ko at napansin ko na wala na ang lalaking sumusunod sa akin. Tumigil ako sa pagtakbo at panay ang tingin ko sa paligid dahil wala talaga ang lalaki.
“Nasa’n na kaya yun? Napagod din yata sa pagtakabo kaya hindi na ako hinabol.” Sabi ko pa. Hindi na ako nagsayang pa ng oras at agad akong naglakad muli at baka mahanap ko na ang gate kung saan ako pumasok.
May naririnig akong tunog na galing sa manok pero hindi ko nalang pinansin. Naka alerto ako at baka biglang sumulpot na naman ang lalaking humahabol sa akin. Lumingon akong muli sa likuran ko at nanlaki ang mata ko ng makita ko ang lalaki sa likuran ko.
“Ahhh!!” Napatili na lamang ako at napaatras. Ngunit sa pag atras ko ay may naapakan ako dahilan upang ma-out of balance ako.
“Waaa!!” Sigaw ko pa at agad na binitawan ang pinya na hawak ko at hinawakan ang braso ng lalaki. Akala ko ay hindi ako matutumba kapag kumapit ako sa braso ng lalaki pero ang walangya ay nadala ko siya kaya natumba kaming dalawa sa damuhan. Nasa ibabaw ko siya at nanlaki na lang ang mata ko ng magdampi ang labi namin dalawa.
Parang tumigil ang mundo ko dahil sa bilis ng pangyayari. Pareho kaming dalawa na nanlaki ang mata habang ang labi namin ay magkadikit parin.
Narinig ko lang ang iyak ng manok at may gumagalaw sa likod ko. Agad kong tinulak ang lalaki na nasa ibabaw ko at agad akong bumangon. Nakita kong nadaganan ko pala ang manok kaya pala ang ingay nito.
“Potek ka! Napilay ang pulang manok ko!!” Sigaw ng lalaki sa galit na boses at agad na kinuha ang manok niya kaya napakagat na lamang ako sa ibaba kong labi.
Hindi ko naman sinasadya na mapilay ang pulang manok niya. Kasalanan nga niya eh dahil ginulat niya ako sa biglang pagsulpot niya.
“Magnanakaw ng pinya!” Nanggagalaiti niyang sabi habang hawak ang pulang manok niyang napilayan.
“Ikaw nga magnanakaw ng halik eh!” Hindi din ako nagpatalo sa kanya at dinuro siya.
Hindi ko makita ang mukha niya kanina habang tumatakbo ako pero ngayon ay kitang kita ko na. Ang masasabi ko lang ay ang gwapo pala niya. Pero mukhang hindi ito ang oras para mamangha ako sa kagwapuhan niya dahil nanlilisik talaga ang mata niya sa akin dahil sa ginawa ko manok niyang pula.
“Pwede pa naman siguro lagyan yan ng scotch tape ang paa ng manok mo. Ikaw naman kasi ang may kasalanan eh. Ginulat mo ako kaya na out of balance ako at natumba. Ang lampa mo pa dahil imbes na kumapit ako sayo para hindi ako matumba ay natumba ka din sa ibabaw ko kaya kasalanan mo kung bakit napilay ang manok mo.” Depensa ko dahil halatang pikon talaga siya sa akin.
Mukhang mananagot talaga ako sa kanya kaya nag isip ako ng paraan para makatakas ako sa kanya. First time ko ‘tong gagawin pero wala na akong choice.
Agad akong bumwelo at sinipa ang itlog niya para lang matakasan ko siya. Nang magawa ko yun ay tumakbo ako ng mabilis habang naririnig ang daing ng lalaki dahil sinipa ko ang itlog niya. Bahala na talaga. Ang mahalaga ay makalabas ako sa hacienda na ito. Hindi ko na talaga uulitin ang ginawa kong kalokohan.
Sana talaga ay hindi na magtagpong muli ang landas namin ng matandang lalaki. Mukha naman siyang matanda kaya nga tawag ko sa kanya ay manong. Ang laki ng kasalanan ko sa kanya kaya sana hindi na kami magtagpo pang muli kapag nakalabas ako sa hacienda na ‘to.