Chapter 3
Lyhanne’s Pov
NAKAHINGA ako ng maluwag ng makarating ako ng ligtas sa school. Mabuti nalang talaga at nakatakas ako sa kapreng yun. Mamaya talaga sa akin si Brownie pag uwi ko. Bibilhan ko siya ng pritong manok dahil sinalba niya ako kanina. Kung wala ang asong yun ay baka hindi ko na alam ang nangyari sa akin.
Papasok na ako ng gate at nagmamadali na ako dahil malapit na akong malate. Habang naglalakad ako papasok ay napansin kong may matang nakatitig sa akin. Agad akong napahinto sa paglalakad at tumingin sa paligid. Hanggang sa napadako ang tingin ko sa kabilang kalsada.
Napasinghap nalang ako ng makita ko kung sino ang nakatitig sa akin. Nakaupo pa siya sa bigbike niya at hawak ang helmet. Ang cool sana niya tignan kaso nakasimangot siya sa akin at halatang gusto na niya akong sakmalin sa leeg.
Sinundan talaga ako ng gurang na ‘to. Ang dami niyang oras para pagka abalahan akong sundan.
Hindi ko nalang siya pinansin at dali-dali akong pumasok. Para akong mauubusan ng hininga habang naglalakad ako lalo na’t alam kung may nakatitig sa akin. Natatakot na tuloy ako lumabas mamaya sa school. Paano pala kung nasa labas pa rin siya hanggang mamaya pag uwi ko. Diyos ko! Ano ba ‘tong pinasok kong problema. Sana matapos na ang problema ko dahil hinding hindi ko na talaga uulitin kahit kailan ang ginawa kong kasalanan. Natuto na talaga ako kaya sana tigilan na ako ng gurang na yun.
Hanggang sa makapasok ako sa classroom namin ay hindi ako mapakali. Ako ang tipong tao na masayahin at lahat ng nakakasalubong ko ay nginingitian ko. Kapag kilalang kilala ko naman ay binabati ko talaga. Madaldal din ako dito sa classroom at alam yan ng mga classmate ko.
Tahimik lang ako at iniisip ang matandang lalaking yun. Ang hot at pogi pa naman niya pero halata namang hindi na siya bata. Duda ko ay lagpas 35 years old na siya or 40. Yun ang duda ko pero baka mali lang ako. Pakialam ko naman sa edad niya. Piste siya! Hindi maka move on sa ginawa kong pagpasok sa hacienda niya eh wala naman sana akong nanakaw dahil hindi ko naman na takbo ang pinya. Nabitawan ko dahil sa pagkakatumba ko. Ako nga ang ninakawan ng kumag na yun eh. Ninakaw niya first kiss ko.
Napahilamos nalang ako sa mukha ko gamit ang palad ko. Na s-stress ako sa buhay ko. Stress na nga ako sa bahay namin, stress pa ako sa lalaking humahabol sa akin. Alam ko namang mali ang ginawa ko na pumasok ng walang tao pero wala naman akong nakuha sa hacienda niya kaya sana palagpasin na niya ang ginawa ko. Kapag hindi pa talaga niya ako tinigilan ay dadalhin ko na si Brownie kahit saan ako magpunta.
Buong klase ay hindi ako nagsasalita. Maswerte nga ako at hindi ako tinawag ni prof kundi nganga talaga ako. Hindi kasi ako nakikinig dahil lutang talaga ako ngayon. Kasalanan ‘to ng lalaking matanda.
Dumating ang hapon at natapos na ang klase ko. Wala naman kaming ginawang importante kundi ang mag discuss lamang.
Naubos din ang dinala kong graham balls. Matatakaw kasi mga classmate ko. Kumita ako kanina ng 200 pesos. Mag iisip na naman ako ng ititinda ko bukas.
Balak ko sanang mag banana que. Baka dumaan ako sa palengke. Dadagdagan ko nalang kapag nagkulang ang kinita ko ngayong araw. May baon naman ako at tinipid ko yun para hindi ko mabawasan yung tinatago kong ipon.
Naglalakad na ako palabas ng gate. Kabado nga ako lumabas at baka nakabang na naman yung gurang na yun. Pero naisip ko kasi na baka wala na siya sa labas. Ano yun, hihintayin talaga niya ako dahil nabali ang paa ng manok niya.
Papalapit na talaga ako sa gate. Nang makalapit ako ay hindi na muna ako lumabas agad. Sumilip na muna ako at baka nasa labas siya nakatambay.
Panay lang ang silip ko hanggang sa hindi ko siya makita. Napangiti ako at para bang bumalik ang gana ko na kanina ay nawala.
Dali-dali akong naglakad dahil ang daming estudyante na palabas rin. Nang makalabas ako ay tuwang tuwa ako dahil wala na si gurang.
Nakita ko pa si manong na nagbebenta ng tusok-tusok. Ang sarap pa ng sauce niya kaya maraming bumibili sa kanya.
Nagmamadali akong lumapit sa nagbebenta ng tusok-tusok para makapag merienda ako. Hindi kasi ako masyadong kumain kanina dahil na din sa nawalan ako ng gana. Pero ngayon, okay na ako. Wala na yung gurang kaya pwede na akong kumain.
Hinayaan ko munang makabili ang ibang estudyante na nauna sa akin. Kumuha nalang muna ako ng plastic cup at stick para do’n ilagay ang bibilhin ko.
Kumuha na din ako ng 100 pesos sa bulsa ng palda ko para bayaran ko na agad.
“Manong, kikiam nga po bali sampu at kwek-kwek lima.” Sabi ko kay manong kaya tumango siya at ngumiti. Inabot ko sa kanya ang bayad ko para wala na akong iisipin pa.
“Kuha ka nalang dyan, neng.” Sabi sa akin ni manong kaya agad kong hinanda ang stick na kinuha ko. Tumuhog ako tulad ng sinabi ko kung ilang piraso.
Ako nalang ang tumutuhog dahil nakabili na ang iba. Mas maganda yun para walang haharang harang sa harapan ko.
Ilang sandali pa ay may tumabi sa akin. Hindi ko na pinansin dahil alam kong estudyante din ito katulad ko.
Panay lang ang tuhog ko. Namimili kasi ako kaya ako natagalan. Tumuhog din ang katabi ko.
Nakumpleto ko na ang inorder ko kaya tumigil na ako at kukuha na sana ako ng sauce.
“Siya po magbabayad, manong.” Dinig kong sabi ng katabi ko. Natigilan ako dahil pamilyar sa akin ang boses niya.
Dahan-dahan akong nag angat ng mukha upang tignan ang katabi ko. Laking gulat ko ng makitang siya na naman. Talagang kumain pa ang timang kahit hindi ko naman sinabi na babayaran ko ang pinagtutuhog niya.
“Ibawas ko nalang ba sa 100 na inabot mo, neng?” Tanong pa sa akin ni manong na nagbebenta.
“Po?” Gulat kong tanong.
“Opo, manong. Kilala po niya ako.” Sagot ni gurang kaya nilingon ko siya at masamang tingin.
“Sige nga, kung kilala mo ako.. sabihin mo nga kung anong pangalan ko?” Panghahamon ko sa kanya.
“Ikaw si paslit. Okay na?” Parang timang niyang sagot.
Inabutan naman ako ni manong ng sukli at nakitang binawas nga talaga ang kinuha ni gurang.
Akala ko pa naman ay wala siya dito sa labas. Ang haba ng oras niya para hintayin ako dito sa labas ng school.
Kumuha nalang ako ng sauce kahit badtrip ako. Pandagdag ko yun ng bibilhin ko na saging eh. Pero wala na, bawas na dahil sa papansin na gurang.
Nang malagyan ko ng sauce ang binili ko ay agad akong naglakad palayo. May kasama pang sama ng loob ang bawat hakbang ko. Kung alam ko lang na nasa tabi-tabi lang siya at sana pala dumiretso na ako ng uwi at hindi na ako bumili pa ng tusok-tusok.
“Hoy, paslit!” Tawag na naman niya sa akin. Alam kong siya yun dahil sa kanya ko lang naman narinig ang word na paslit.
Hinarap ko siya kaya muntik siyang bumangga sa akin dahil hindi yata niya inaasahan na lilingon ako sa kanya.
Napaatras siya hahang nasa loob ng bibig niya ang kikiam na kakasubo pa lang niya.
“O, bakit ganyan ka makatingin sa akin?” Tanong pa ng animal.
“Pwede bang lubayan mo na ako! Wala naman akong nakuha sa hacienda mo kaya hindi matatawag yun na pagnanakaw.” Seryoso kong sabi.
“Trespassing ka nga lang.” Sagot niya sa bored na boses.
Natahimik naman ako dahil sapol ako. Tama naman kasi ang sinabi niya. “Okay, aaminin kong mali ang ginawa ko. Pero tama bang sundan mo ako dito? Sana palampasin mo nalang yung ginawa ko. Pangako, hindi ko na uulitin ang ginawa ko.” Saad ko at itinaas ang isa kong kamay na para bang nangangako sa kanya.
“Eh pano naman yung pulang manok ko? Ang taas pa ng pangarap no’n pero pinilayan mo.” Sarkastiko niyang sabi kaya napangiwi ako.
“Ahm.. hindi ba gumaling?” Nagdadalawang isip kong tanong.
“Sa tingin mo.. gagaling pa yung pilay ng manok ko matapos mong daganan?” Aniya habang nakataas ang isa niyang kilay.
“Ganun naman pala eh.. e ‘di i-tinola nalang natin ang manok mo. Sagot ko na ang sayote at malunggay do’n.” Nakangiti kong sabi ngunit pinandilatan niya ako ng mata niya.
“So, sino na ang manok na hahaplusin ko kapag sinunod ko ang gusto mo, alangan namang ikaw ang haplusin ko.” Sabi niya habang nakasimangot.
Pambihira talaga ang lalaking ‘to. Hindi ko mawari kung may tililing ba o wala.
“Pwede naman. Pakulayan mo yang buhok mo na pula para magmukha kang manok.” Dagdag niyang sabi saka siya umuklo. “Tangina! Ang hirap mong kausapin. Sumasakit ang leeg ko sayo sa kaliitan mo.” Sabi niya at inukray ang height ko. Napakayabang.
Sa inis ko at tinapakan ko ang isa niyang paa. Sobrang lakas ng ginawa ko kaya napadaing na lamang siya. “Dyan ka na nga! Gurang na may tililing!” Inis kong sabi at agad akong naglakad para iwanan siya.
Ayaw ko siyang kausapin dahil baka maubos ang pasensya ko at maisaksak ko pa sa kanya ang stick na may kwek kwek. Porket ang tangkad niya, may gana na siyang mang bully ng height ko. Mukha nga siyang kapre sa height niya. Lintik siya!