"Sana naman, anak ay hindi ka na isama ng boss mo sa mga pagtitipon na 'yan," wika ni Aling Anita at niyakap ang mag-ama. "Kakaba-kaba ang dibdib ko sa tuwing naiisip ko na ginagabi ka ng uwi. Mabuti sana kung inihahatid ka man lang ng amo mo." "Hinahatid naman po ako ni Sir Marco, Inay. Iyon nga lang ay hanggang doon lang sa building nila Wilma. Ayoko naman po siyang papuntahin dito at alam n'yo naman po itong lugar natin. Pugad yata ito ng mga basagulero." "Sa susunod na isasama ka niya ay kailangan na niyang magpaalam sa akin," wika ni Mang David. Ngumiti si Irish. "Wala na pong next time, Itay. Nasa ospital si Sir Marco at matagal pa po siguro bago iyon makalakad." "Kahit na. Basta sa susunod kailangan magpaalam siya sa akin." Tumango lang si Irish para matigil na ang kaniyang ama

