Alas dos ng madaling araw at tahimik na nakaupo si Irish sa stool na naroon sa labas ng operating room. Duguan ang damit niya dahil sa pagkakab*ril kay Marco. Katabi niya sina Mayor Hizon at ang asawa nito na si Helena. Katulad niya ay naghihintay din ang mga ito na lumabas ang doktor sa operating room kung saan naroon si Marco. Maraming bodyguard sa pasilyo na para bang sinisiguro na walang makakapasok na kalaban.
Nanginginig si Irish sa takot. Natutulala siya sa nasasaksihan. Hindi niya alam kung kanino nagsisilbi ang mga bodyguard na naroon. Alerto ang mga iyon. May hawak na mga b*ril na nakahandang iputok kapag may kalaban na dumating. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakakita ng ganoon.
"Mafia ang may gawa nito kay Marco, Dmitri," anas ni Helena sa asawa. "Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tinitigilan ni Apo Gor."
"Shut up, Helena," bulong ng mayor sa asawa saka palihim na tumingin kay Irish.
Nagkunwari naman na walang narinig ang dalaga. Nakatingin lang siya sa pinto ng operating room. Ayaw niyang magsalita o makisawsaw sa pinag-uusapan ng mag-asawa. Kinikilabutan siya sa tuwing maririnig ang salitang mafia. Mabuting tao ang amo niya kaya naiinis siya sa isiping iniipit ito ng isang lider ng mafia.
Umaga na natapos ang operasyon kaya medyo nabawasan ang pag-aalala ni Irish lalo na nang sabihin ng doktor na nasa mabuting kalagayan naman si Marco. Inilipat ang huli sa recovery room para obserbahan. At dahil ayaw niyang iwan si Marco ay nanatili siya sa ospital.
"May mga press sa labas, Dmitri," saad ni Helena. "Kalat na kalat na ang nangyaring kaguluhan kagabi sa mansiyon."
Hindi mapalagay si Mayor Hizon sa sinabi ng asawa. Alam niya na magtatanong ang media at kailangan niyang magbigay ng statement. Hindi niya puwedeng isiwalat kung sino talaga ang may pakana ng kaguluhan sa birthday party niya.
Paroo't parito si Mayor Hizon sa labas ng kuwarto kung saan naroon si Marco. Nag-iisip siya kung ano ang sasabihin sa media. Tumayo naman si Irish at mula sa salamin ay sinilip ang nakahiga na si Marco. Wala pa rin itong malay.
Eksaktong alas otso ng umaga nang dumating si Wilma sa ospital. Agad nitong niyakap si Irish matapos magbigay-galang sa mayor at sa asawa nito. Maging ito ay naguguluhan sa nangyayari dahil sa dami ng bodyguard sa labas ng kuwarto pero hindi naman magawang magtanong.
"Nabalitaan ko ang nangyari, bes," wika ni Wilma kay Irish. "Kumusta na si Sir Marco?"
"Katatapos lang niya operahan," sagot ni Irish. "Hinihintay namin na magising siya." Pinunasan niya ang sariling luha.
Matapos makipag-usap sa asawa ay nilapitan ni Helena si Irish. Pinisil niya ang kabila nitong braso. "Ang mabuti pa ay umuwi ka na muna, hija. Para makapagpahinga ka. Alam kong nagpagod ka sa dami ng nangyari."
"Pero—"
Pilit na ngumiti ang ginang. "It's okay, hija. Kami na ang bahala kay Marco. Tatawagan na lang kita kapag nagising na siya." Ibinaling nito ang paningin kay Wilma. "Sige na, hija, samahan mo na muna si Irish. She needs someone beside her in times like this."
Tumango na lang si Wilma. Nababahala rin siya kay Irish dahil magang-maga na ang mga mata nito sa kaiiyak. Kailangan niya itong maiuwi para makapaglinis ito ng katawan dahil iba na ang amoy ng natuyong dugo sa damit nito.
Dumaan sila sa restroom matapos makapagpaalam sa mag-asawa. Naghugas ng kamay si Irish dahil naroon pa rin ang dugo. Si Wilma naman ay hinubad ang suot na blazer at ibinalabal iyon sa balikat ng kaibigan.
"Wear this, Irish. Maraming press sa labas ng hospital. Baka pagpiyestahan ka ng mga iyon."
Tumingala si Irish saka bumuntong-hininga. "Natatakot ako, Wilma. Nakakatakot ang nangyari kagabi." Humikbi siya. "Ang dami nila...napaka—"
"Shhh..." Hinawakan ni Wilma ang braso ni Irish. "Tama na. Magiging maayos din ang lahat. Magigising din si Sir Marco, okay?"
Pinagmasdan ni Irish ang sariling repleksiyon sa salamin. Magulo ang buhok niya. Hindi na rin maayos ang make-up niya dahil sa mga luha na dumaloy sa kaniyang pisngi simula pa kagabi. Naghilamos na lang siya para mawala ang bakas ng make-up sa kaniyang mukha.
"Halika na, bes," yaya sa kaniya ni Wilma.
Inayos muna niya ang blazer na ibinalabal sa kaniya ni Wilma at sumunod na siya rito palabas. Nahihilo siya kaya kumapit siya sa braso ni Wilma bilang suporta. Buo na sa utak niya na bumalik dito sa ospital mamayang hapon.
Paglabas nila sa hospital ay nabungaran nila si Mayor Hizon na ini-interview ng media. Maraming reporter ang nakapaligid dito at natututukan pa ng mga camera. Napatigil si Irish sa paglalakad.
"It was politically motivated," saad ng mayor sa harap ng press. "Mga kalaban ko sa pulitika ang may gawa niyon."
"Another question, Mayor Hizon," saad ng reporter. "What happened to Mr. Marco Estefanoire at doon sa babaing napapabalitang girlfriend niya?"
"He is in a good condition..."
"Halika na," agad na bulong ni Wilma kay Irish. "Baka makita ka pa ng media at pagkaguluhan ka." Hinila na siya si Irish patungo sa sariling kotse.
"Thank you, Wilma," mahinang usal ni Irish nang makaupo na sa passenger seat. Pakiramdam niya ay hihimatayin siya. "Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Salamat at dumating ka." Ipinikit na niya ang mga mata.
"Para saan pa ba at naging kaibigan mo ako?" Ngumiti si Wilma. "I am always here for you, bes."
Pilit niyang iminulat ang mga mata saka tumingin kay Wilma. "You are a blessing to me. Thank you."
Pinaandar na ni Wilma ang sariling kotse. Si Irish naman ay napatingin sa labas ng bintana. Ini-interview pa rin ng mga reporter si Mayor Hizon. Muli niyang ipinikit ang mga mata.
Habang papalayo ang sinasakyan nilang kotse ay hindi sinasadyang sumagi sa utak niya ang mga narinig niya sa labas ng operating kaninang madaling araw. Ang sabi ni Helena ay mga mafia ang may pakana ng kaguluhan kagabi sa mansiyon kaya nabaril si Marco. Pero kanina ay narinig niya na sinabi ni Mayor Hizon sa mga reporter na pulitika ang dahilan ng kaguluhan.
Hindi niya alam kung ano at sino ang paniniwalaan. Maraming katanungan ang nagsasalimbayan sa utak niya. Nakokonsensiya siya dahil kung hindi sa kaniya ay hindi mabab*ril ang amo niya na si Marco Estefanoire.