Pigil niya ang hininga habang nakasiksik sa gilid ng pinto. Maigi na lang at madilim sa loob ng mansiyon kaya hindi siya nakikita ng mga lalaking naroon. Tutop pa rin niya ang sariling bibig at iniwasan niyang makagawa ng ingay. Isang maling galaw niya ay magkakaroon ng ideya ang mga iyon kung nasaan siya.
"Diyos ko, tulungan n'yo po ako," piping dasal niya. Maingat siyang umupo sa gilid ng pader at ikinubli ang sarili sa makapal na kurtina na naroon. Kabado pa rin siya subalit pilit niyang pinapalakas ang loob dahil gusto niya na makauwi nang buhay sa pamilya niya.
Mayamaya ay bumukas ang ilaw sa loob ng mansiyon. Nawala na rin ang mga boses na nagbubulungan. Tanging narinig na lang ni Irish ay ang pagkasa ng b*ril at kasunod niyon ay ang pagbukas ng pinto.
"Wala rito sa loob ang babaing iyon," dinig niyang wika ng boses lalaki. "Tingnan ninyo sa ladies room. Sa labas ako maghahanap."
Nalaglag ang mga luha niya sa pisngi. Takot na takot siya sa mga oras na iyon. Wala siyang maalala na naagrabiyado o nakaaway niya para maranasan ang ganoong sitwasyon. Isa siyang mabuting mamamayan na nagsisikap para maiahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan, subalit ito pa ang napala niya.
Nang mawala ang ingay sa paligid ay kusang inililis ni Irish ang kurtina para masiguro na wala na nga ang mga lalaki, subalit laking gulat niya nang mahagip ng kaniyang paningin si Marco na papasok sa main door. Ang kanang kamay nito ay may hawak na kalibre kuwarenta y singko na b*ril. Putok ang kabilang sulok ng labi nito at may bahid ng dugo.
"Rish," bulong ni Marco matapos pasadahan ng tingin ang kabuuan ng living room. Wala siyang makitang tao roon subalit nakita niya ang dugo sa sahig. Agad siyang kinabahan. Nag-aalala siya sa dalaga. Nagsisisi siya na isinama niya pa ito.
Nanginginig ang labi ni Marco. Natatakot siya na mawala sa kaniya ang dalaga. Kanina sa labas ng mansiyon ay nakumpirma niya na si Irish nga ang target ng mga lalaking iyon. Hindi niya alam kung bakit at hindi niya na sinubukan pang alamin. Ang importante sa kaniya ay mailigtas niya ang dalaga na nagkaroon ng pitak sa kaniyang puso.
Unang beses niya pa lang na nasilayan ang mukha ni Irish ay alam na niya sa sarili na ito na ang babaing gusto niyang makasama habang buhay. Subalit nag-aalangan siya na ligawan ito dahil sa buhay na mayroon siya. Ayaw niyang manganib ang buhay nito, ngunit hindi niya mapigilan ang sarili lalo na at lapitin si Irish ng mga kalalakihan sa kompanya. Kung hindi siya kikilos ay baka mapunta sa iba ang dalaga. At ngayong gabi sana ang balak niya na magtapat ng pag-ibig kay Irish, subalit nagkaroon naman ng kaguluhan sa mansiyon ni mayor.
"Rish," muling bulong ni Marco.
"Marco!" humahangos na wika ni Helena habang nagmamadaling nilapitan ang binata. Hinila nito si Marco sa isang tabi at takot na takot habang pinagmamasdan ito. "Diyos ko, hijo! Nasaan ang girlfriend mo?"
"Hindi ko makita, ninang." Napasandal si Marco sa pader sa kabilang panig ng living room. Nakaumang ang hawak niyang b*ril sa main door para kung sakaling may pumasok ay agad niyang maaasinta. "Si mayor?"
"Nasa taas kasama ang mga bodyguard pati na ng mga bata."
"Bakit pa kayo bumaba? Mapanganib dito, ninang. Bumalik kayo sa itaas." Kinalabit ni Marco ang gatilyo ng b*aril nang may pumasok na nakamaskarang lalaki. Tumihaya iyon sa bungad ng pinto.
Nagkakagulo pa rin sa labas. Mga ingay ng putok ng b*ril ang maririnig. Agad namang isinara ni Marco ang pinto at ini-lock iyon. Nakahinga nang maluwag si Helena.
"Umakyat na kayo, ninang. Hahanapin ko pa si Irish."
Tumango ang ginang. "Pabababain ko ang ilang bodyguard para tulungan ka sa paghahanap sa girlfriend mo." Tumalikod na ang ginang.
Mula sa tagiliran ay kinuha ni Marco ang nakasuksok na b*ril. Kabilaan na ang hawak niyang b*ril. Kakailanganin niya iyon dahil pakiramdam niya ay hindi nauubos ang mga kalalakihan na nanggugulo sa party ni mayor.
At dahil pakiramdam ni Irish ay ligtas na siya sa loob ng mansiyon ay kusa siyang umalis sa pinagkukublihan. Tumayo siya para lapitan si Marco. Agad namang napatingin sa gawi niya ang binata. Nakangiti ito subalit agad ding napawi dahil sa sigaw ni Helena.
"No!" Agad na hinawakan ni Helena ang braso ng lalaking may hawak ng b*ril para hindi matamaan si Irish.
"Sh*t!" mura ni Marco at nanlaki ang mga mata niya nang makita ang bala na tumama ilang pulgada mula sa kinatatayuan ni Irish. "D*mn!"
Halos sampung metro ang layo ni Marco kay Irish subalit hindi iyon naging hadlang para mailigtas ang dalaga sa lalaking gustong pumatay dito. Si Helena naman ay nakikipag-agawan ng b*ril sa lalaki, ngunit dahil mahina ay agad itong bumagsak sa sahig nang isalya ng lalaking nakamaskara. Agad na itinutok ng huli ang b*ril sa gawi ni Irish at pinaputok iyon.
Naging maagap naman si Marco, wala siyang ibang nais sa mga oras na iyon kundi iligtas ang babaing nagpatibok ng pihikan niyang puso. Iniharang niya ang sarili at sinalo ang bala na para sana kay Irish. Nakahanda na siyang mamatay.
"Sir Marco?" Nalaki ang mga mata ni Irish nang yakapin siya ni Marco.
"Hindi!" tili ni Helena at kinuha ang b*ril sa mismong sahig kung saan siya bumagsak saka binaril ang lalaking nakamaskara. Sapol sa ulo ang lalaki at bumulagta iyon sa may puno ng hagdan.
"Sir Marco..." nauutal na anas ni Irish. Nakatihaya siya at naroon sa ibabaw niya si Marco. Umagos ang masaganang luha niya nang maramdaman niya ang mainit-init na likido na dumaloy sa kaniyang dibdib. Malansa iyon kaya mas lalo siyang natakot.
"Marco, hijo!" Mangiyak-ngiyak naman si Helena nang lapitan ang dalawa. "Hold on, Marco! Dadalhin ka namin sa ospital." Pinatihaya nito si Marco para makabangon si Irish.
"Ni-nang." Nauutal ang boses ni Marco. Pumipikit na rin ang mga mata nito. "P-please take...care o-of I-irish. I love her..."
"S-sir Ma-Marco...?" Napaluha si Irish. Naguguluhan siya sa mga pinagsasabi ng amo. Malamang ay nagdedeliryo na ito dahil sa tama ng b*ril.