Kabanata 8
Gala
"Eliseo.. Hmm. So, I have a name now?"
Napatitig ako ng mukha niya nang sabihin niya iyon. Nangingiti pa siya habang naka-squat sa kabilang gilid ng bangka. Ang parehong siko niya ay nakatukod sa mag-kabilang hita niya. Mukha siyang ewan sa laki ng ngiti niya.
Nasa gitna na kami ng laot ngayon at wala siyang ibang ginawa kanina pa kundi ang panoorin ako. Hindi ko alam kung sa ginagawa ko ba siya nakatingin kanina pa o sa mukha ko. Ewan, hindi ko naman kasi siya tinitingnan ng matagal. Hindi ko kayang tagalan ang titig niya.
"Oo. Pero kung ayaw mo pwede ka namang--" nakangiwi akong nag-iwas ng tingin at nag-pokus na lamang sa pagha-hawak ng lambat. Napalingon naman ako nang magsalita ulit siya.
"No, I like it." tinaas-baba niya ang kilay niya at ngumiti pa. Iyong ngiting kita ang ngipin. Hindi ko alam kung bakit ang gwapo niya sa itsura niyang iyon.Teka, ano bang iniisip ko?
Napabuntong hininga na lamang ako bago ipinukol ang buong atensiyon ko sa paghuhuli ng isda. Nakakainis, dahil nandito siya at pinapanood ako'y nawawala tuloy ako sa konsentrasyon. Nakatayo ako habang siya naman ay nakaupo. Pawisan na ako at gano'n din siya. Tirik na tirik na kasi ang araw at nasa gitna kami ng dagat.
"Mabuti naman kung gano'n." ngumiti ako ng hilaw. "Iyon na lang muna ang gamitin mong pangalan habang hindi mo pa naaalala ang memorya mo. Kapag may nagtanong kung sino ka 'yon ang pangalang sasabihin mo ha."
Nakangalumbaba siya. "How about my surname?"
Mariin akong napapakit dahil sa tanong niyang iyon. Itinikom ko ang bibig ko at bahagyang nag-isip ng isa-sagot doon. Surname? Kailangan niya pa ba iyon? Hays. Para naman akong nagpapangalan sa anak, e. Anong gusto niyang gawin ko mag-imbento?
Dahan-dahan akong umiling. "H'wag mo na munang isipin ang bagay na 'yon. Hindi ka rin naman kasi magtatagal dito 'di ba? Kapag nakakaalala kana, baka basta-basta ka nalang umalis dito at--"
"Hindi ko gagawin iyan, Era.." putol niya sa sinasabi ko.
"E, 'di hindi. Bahala ka sa buhay mo." inirapan ko siya. "Hays, hindi ko talaga maisip kung saan ka nanggaling.." napailing-iling na lamang ako habang salubong ang mga kilay.
"Sorry.." kinagat niya ang ibabang labi niya habang malungkot na nakatingin sa 'kin. "Sorry for being burden to you and to Lola Tilda, Era.. Kung may maitutulong ako sabihin mo lang sa 'kin.. I will not hesitate to help you.."
Hindi ko mapigilang hindi matawa sa sinabi niya. Namaywang ako sa harapan niya at tinaasan siya ng kilay. "Ano sa tingin mo ang maitutulong mo? E, mukha ka namang walang alam sa mga gawain dito sa isla. Hindi ka marunong mangisda at umakyat ng puno. Hindi mo rin alam ang tawag sa lugaw at sa tabo tapos sasabihin mong gusto mong tumulong? H'wag nalang. Itikom mo na lang 'yang bibig mo at makinig sa sinasabi ko."
Katamikan ang namayani sa 'ming dalawa matapos kong sabihin ang lahat ng iyon sa kaniya. Hindi ko alam pero bigla akong na-kosensiya sa mga pinagsasabi ko nang makita ang malungkot niyang mga mata. Umiigting ang panga niya habang tinititigan ang dagat. Para bang nililibang niya ang sarili niya doon upang maiwasang mag-salita dahil sa sinabi ko.
Alas diez palang ng umaga ay nakabalik na kami ni Eli sa dalampasigan mula sa pangingisda. Tinulungan niya akong i-daong ang bangka sa daungan kahit na sinabi ko sa kaniyang kaya ko naman. Pinilit niya ako kaya hindi na ako nakipagtalo pa dahil mukhang determinado talaga siyang gawin iyon. Bitbit ko ang nakatuping lambat habang siya naman ang may bitbit ng dalawang baldeng punong-puno ng mga isda. Kakaunti lang ang malalaking isdang nahuli ko hindi gaya noong nakaraan, halos lahat ng laman ng balde ngayon ay puro maliliit na isda.
Hindi tulad noong isang araw, walang palengkera't palengkero ang naghihintay sa dalampasigan. O baka naman, nahuli na ako at nakapamili na sila sa ibang mangingisda? Ewan. Tulad kanina, may ibang mangingisda ang kinausap pa kami bago kami nakabalik sa bahay. Napansin ko naman ang pagiging tahimik ni Eli hanggang sa maka-balik kami ng bahay.
Nadatnan namin doon si Lola, nanonood ng telebisyon sa sala habang may tinatahing damit. Napalingon naman ito sa 'min nang marinig niya ang pagyangitngit ng kahoy na pintuan. Nauna akong pumasok habang tinatanggal ko ang suot kong kayakas na sumbrero. Sumunod naman siya sa 'kin at parang hindi alam kung saan ipapatong iyong dalawang balde ng isda.
Napabuntong hininga nalang ako bago siya sinenyasan na sa labas nalang sa may pintuan ilagay ang mga iyon dahil ngayong araw ko rin naman iyon balak dalhin sa fish landing. Tinanguan niya lang ako at kaagad na sinunod ang sinabi ko.
"Kamusta, Apo? Mukhang hindi nabili ang nahuli mong isda, ah?" nakangiting tanong sa 'kin ni Lola. Nilingon niya si Eli at nginitian din. "Kamusta, hijo? Nag-enjoy ka naman ba sa pangingisda?"
Isang tipid na ngiti ang ibinigay ni Eli kay Lola. "Opo, Lola. Mainit po pero maganda ang dagat dahil malinaw ang tubig."
Natawa naman si Lola kay Eli bago bumaling sa 'kin. "Tutulak ka ba sa fish landing ngayon o bukas na, Apo?"
Nagkibit ako ng balikat. "Ngayon, Lola. Hindi na presko ang isda kapag bukas ko pa ibinagsak doon. Magpapa-sama nalang po ako kay Eliseo papunta roon--"
"Sino si Eliseo?" taas kilay na tanong ni Lola.
Nagpabalik-balik ang atensiyon niya sa 'ming dalawa ni Eli. Balak ko na sanang magsalita ngunit naunahan niya ako.
"Ako po. Ako si Eli, Lola." binigyan niya ng isang matipid na ngiti si Lola bago siya naupo sa silya sa harap nito at hinubad na rin ang kayakas na sumbrero. Ipinatong niya iyon sa hita niya. "Iyon na raw po ang pangalan ko simula ngayon."
Hindi naman nakaligtas ang pag-ngisi ni Lola sa 'kin. "Mabuti naman at binigyan mo siya ng pangalan, Apo. Hindi kasi ako magaling sa pagbibigay ng pangalan, e." natatawang sambit nito. "Akala ko ay may bago ka namang nakilalang lalaki." biro pa nito.
Napabuntong hininga naman ako. "Kinailangan ko lang po. 'Yung mga tao kasi sa dalampasigan tinatanong ako kung sino siya. Iyong pangalan na iyon ang unang pumasok sa isip ko, Lola.."
Napatango-tango naman si Lola habang natatawa pa rin. "Hmm, kung gano'n ay lumakad na kayo sa fish landing. Baka maubusan kapa ng customer, Era. Siya nga pala si Sela pala nagawi rito kanina, hinahanap ka. Hindi mo pa ba nababanggit itong si Eliseo sa kaniya?"
"Pupunta nalang ako sa kanila mamaya, Lola. Hindi ko pa nasasabi ang tungkol kay Eli sa kaniya dahil akala ko'y hindi pa siya nakakabalik." sagot ko. Binalingan ko ng atensiyon si Eli at naabutan ko itong nakatingin sa 'kin. "S-samahan mo ako sa fish landing mamaya. Maliligo lang ako."
Pagkatapos kong maligo at magbihis sa loob ng banyo, dali-dali akong pumasok sa kwarto ko upang magsuklay ng buhok at maglagay lang ng kaunting pabango. Hindi naman ako mahilig mag ayos masyado ng mukha kaya iyon lang ang ginawa ko. Nakasuot lamang ako ng simpleng asul na t-shirt at puting short. Bago ako lumabas ng kwarto ko'y hinagilap ko muna ang wallet ko.
"Tara na," sambit ko sa kaniya.
Tumango lang siya at tipid na ngumiti bago tumayo. Nagpaalam kaming dalawa kay Lola bago kami umalis. Katulad kanina, siya ulit ang nagbuhat ng dalawang balde ng isda. Hindi pa nga ako sanay nang may taga-buhat dahil matagal ko nang ginagawa ang bagay na ito ng mag-isa. Ngunit dahil mapilit siya'y hinayaan ko nalang. Naisip ko na i-pahinga rin naman ang mga braso ko. Bugbog na ito kaka-trabaho.
Sumakay kaming dalawa ng trycicle dahil medyo malayo ang bayan sa tirahan namin. Buong biyahe siyang walang imik at abala lamang sa pagmamasid sa dinadaanan ng trycicle bagay na hindi ako sanay. Nasanay kasi ako na palagi siyang nakangiti at nagtatanong ng kung anu-ano. Mukhang masyado yata niyang dinibdib iyong mga sinabi ko sa kaniya kanina sa laot. Nakaramdam ulit ako ng konsensiya.
Nang makarating kami sa palengke, napabuntong hininga na lamang ako ng kausapin at lapitan kami ng ilang naroon. As usual, tinanong rin nila kung sino ang 'gwapong' kasama ko. Isa sa mga nakiusisa ay si Aling betty at ang ina ni Sela na si Aling Shiela. Wala kaming nagawa kundi ang sagutin ang lahat ng tanong nila.
"Oh, Era! Akala ko'y hindi ka ulit sumama sa pangingisda." panimula ni Mang Anton. Siya ay nandito sa fish landing kasama ang asawa niyang si Aling Sonia. Pareho silang nakangiti sa 'kin habang ang mga tauhan naman nila ay binibilang na ang isdang nahuli ko.
Bago pa kami makarating dito ay pareho na kaming pawisan ni Eli dahil pandudumog sa 'min ng mga chismosang tindera dito sa palengke kanina na patuloy ang pang-uusisa sa 'min ni Eli. Mabuti na lang at may naisip akong dahilan upang makatakas sa kanila.
"Ahh, opo. Medyo mailap po kasi ang isda sa dagat ngayon kaya natagalan ako." sagot ko naman.
Tumango sila bago nilingon si Eli na nasa gilid ko. Parehong nag-salubong ang mga kilay nila. "Sino itong binatang kasama mo, Era? Nobyo mo ba? Mukhang ngayon ko lang ata siya nakita."
Sinulayapan ko si Eli na tahimiK lang bago ko sinagot ang tanong ni Aling Sonia. "Naku, hindi po. Kaibigan ko lang po siya.. Ano po.. N-nagbabakasyon lang." pagdadahilan ko. Nakangiwi kong sinulyapan si Eli at napansin ko naman ang pagtatanong sa kaniyang mga mata.
Kinindatan ko siya upang ipabatid na maki-sakay nalang siya sa sinasabi ko. Nakahinga naman
ako ng maluwag nang hindi siya magsalita. Nakangiti lang siyang tumango sa mag-asawa. Nang mabilang na ang lahat ng huli ko at matimbang na iyon, kaagad nang ibigay sa 'kin ni Aling Sonia at Mang Anton ang bayad. Nagpaalam kami sa kanilang dalawa at dali-dali ko nang hinila si Eli palabas ng fish landing.
"Ka-close mo pala lahat ng tao rito.."
Nilingon ko siya at ang una ko kaagad napansin ay ang kamay kong nakahawak sa palapulsuhan niya. Agad ko siyang binitawan at isingat ang mga takas na buhok sa tainga ko. Napangiti ako rin ako nang mapagtantong nagsalita na ulit siya. Ibig sabihin ba'y hindi na siya galit? Teka, bakit naman siya magagalit?
Bahagya akong tumango. "Oo, dito kasi ako lumaki. Bata palang ako kilala na ako ng mga tao rito. Palagi kasi akong isinasama ni Lola kapag naglalako siya ng pagkain o kaya naman ay kapag ipinagbebenta niya ang nahuli niyang isda.." salaysay ko.
Tipid siyang ngumiti at tumango.
Napatingin ako sa paligid, maghahapon na at maraming pang pagala-galang tao rito sa bayan. Napatingin ako sa 'di kalayuan at kaagad akong napangiti nang mapansin ko ang tianggian doon na malapit nang magsara. Kapag nagsara ang tiangge, night market ang pumapalit doon. Kinaumagahan na ulit magtitinda ang mga taga-tiangge.
"Nangingisda rin pala si Lola Tilda?"
Tumango ako. "Syempre, iyon ang pangunahing hanap-buhay dito sa Isla. Uhm, pagod ka na ba? Gusto mo na bang umuwi?"
Tumaas ang dalawang kilay niya at mukhang nagulat sa tanong ko. Kalaunan ay umiling siya. "Hindi pa naman.. Bakit? Pagod ka na?" nag-aalalang tanong niya.
Umiling rin ako at ngumiti. Itinaas ko ang kamay ko upang ituro ang gawi kung saan naka-pwesto ang tiangge. "Dumaan muna tayo roon sa tiangge. Bibilhan kita ng bagong damit."
"Ano 'yong tiangge?"
Humagalpak ako ng tawa bago umiling at hinawakan ulit ang palapulsuhan niya. "Basta! Tara na!"
Hindi ko na siya hinintay pang maka-sagot at kaagad ko nang siyang kiladkad patungo sa tianggian. Pumunta agad kami sa tindahana ng mga damit pang-lalaki. Pinapili ko siya ng kung anong gusto niyang klase ng damit ngunit mukhang hindi siya marunong pumili kaya naman tinulungan ko na siya. Kumuha ako ng limang pares ng plain t-shirt na iba't iba ang kulay, isang maong na pantalon, tatlong short at apat na under wear. Natatawa pa nga ako habang pinipili ko ang kulay ng under wear na bibilhin ko. Hindi ko alam kung bakit natatawa ako imbis na mahiya dahil doon. Pero ano ba'ng gagawin ko? Kung hindi pa ko siya tutulungan mamili ng damit ay matatagalan pa kami.
"Isukat mo roon sa fitting room, hihintayin kita rito." utos ko sa kaniya.
Kumunot naman ang noo niya habang hawak ang hanger kung saan naka-sabit pa ang isang itim na sweater. "Mukha namang kasya ito sa 'kin, Era.. I don't need to try--hey.." natatawa niyang usal nang itulak ko siya papasok sa maliit na fitting room.
"Isukat mo 'yan ha." huling sambit ko bago hinawi ang kurtinang pantakip sa roon. Wala naman siyang nagawa kundi isukat iyon kaya napangiti nalang ako.
Nag-tingin pa ako ng ilang damit naka-display sa tindahang iyon ng magsalita iyong babaeng nagtitinda rito.
"Ang gwapo naman ng boyfriend niyo, Ma'am! Ang macho at tangkad pa! Sana makahanap rin ako ng gano'n." kinikilig na sambit nito.
Napangiwi naman ako ng dahil doon. Umiling-iling bago nagsalita. "Naku, Ate.. Hindi ko siya--"
"Alam mo Ma'am pamilyar nga po 'yung mukha ng boyfriend mo, e! Parang nakita ko na siya sa isang magazine! Mukha lang hehe, mukha rin kasi siyang artistahin! Swerte mo, Ma'am."
Pansamantala akong natigilan bago nagawang magtanong tungkol sa bagay na iyon. "P-pamilyar ba talaga ang itsura niya?"
"Opo. Sa magazine po ata. Pero hindi ako sure, Ma'am baka po kahawig niya lang hehe."Napalunok ako. "A-ah, nasa iyo pa ba iyong magazine na sinasabi mo? Baka pwede kong makita.."
Hilaw itong ngumiti bago nagkibit ng balikat. "Naku, nasa bahay po 'yong magazine, Ma'am. Bukas po pwede kong dalhin dito para maipakita sa inyo."
Napabuntong hininga na lamang ako. Napatingin ako sa fitting room nang bumukas iyon at lumabas ang nakangiting si Eli. Binalingan ko ulit ng atensiyon ang babae. "'Di bale na, Ate. Uhm, magkano po lahat?"
"I told you, it will fits on me." mahina siyang natawa bitbit ang dalawang plastic ng mga damit niya na binili namin kanina.
Pareho kaming naglalakad na habang nagku-kwento siya sa 'kin ng anu-ano tungkol sa lugar na ito. Ang sabi niya'y kakaiba raw ang tindahan ng mga damit na pinuntahan namin dahil napakamura ng mga tinda. Sabagay, apat na raan lang ang nagastos ko sa lahat ng damit niya, kasama pa ang isang pares ng tsinelas.
"Gano'n talaga roon. Direct supplier kasi ang nagbabagsak sa kanila ng mga damit na iyon kaya mura. Pambihira, hindi ka rin pala pamilyar sa ganitong lugar. Napaghahalataan na galing ka sa mayamang pamilya." biro ko.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maiwasang hindi isipin iyong bagay na napagkwnetuhan naming noong tindera kanina. Simula kanina ay lumilipad na ang isip ko sa isiping baka isang bigating tao pala itong kasama ko. Baka artista siya o sikat na tao. Basta. Nagkataon lang siguro na malayo itong Isla Lefevre sa Maynila at ang ilan sa mga tao rito'y walang pakialam sa showbiz o mga artista kaya hindi siya kilala..
Pero ano nga ba kasi.. Ano nga bang klasing tao itong kasama ko?
"Is there something on your mind, Era?"
Tumigil ako saa paglalakad at bahagyang nilingon si Eli. Nakakunot ang noo nito at nakatagilid ng kaunti ang ulo habang seryosong nakatitig sa 'kin na para bang binabasa ang kung ano mang bagay na nasa utak ko.
Umiling ako ngumiti. "W-wala."
Humalukipkip naman ito at ngumuso. "Iniisip mo ba iyong pera na ipinang-bayad mo sa mga ito? H'wag kang mag-aalala babayaran kita--"
"Hindi na. Wala ka namang pambayad, e." pagsasabi ko ng totoo.
"Mangingisda rin ako!"
Natawa naman ako sa sinabi niya. "Hindi na. Baka mabinat kapa. Ayos lang, may pera pa naman ako.. At tsaka may isa pa akong trabaho."
"Ano naman 'yon?" tinaasan niya ako ng kilay.
"Sa Hotel, basta. Ang dami mo namang tanong, e. Halika nga! Kumain na muna tayo. Baka gutom ka na, Eli."
Dinala ko si Eli sa isang hilerang tindahan ng street foods. Bumili ako ng ilang piraso ng isaw, kwek-kwek at dugo pagkatapos ay kinain namin iyon sa may plaza. Tawa-tawa ako ng tawa-tawa dahil sa maya't mayang pagkunot ng noo ni Eli. Lahat nalang ng nakikita niya ay ikinakukunot ng noo niya. Ang dami niyang hindi alam sa ganitong lugar. Naisip ko tuloy na baka sobrang yaman ng pamilya niya at hindi siya pinahihintulutan na kumain ng ganitong pagkain o kaya ay mamasyal sa ganitong klasing lugar.
Nang maubos namin ang binili kong street foods ay humirit pa siya. Napangiti ako nang sabihin niyang masarap ang mga iyon. Pakiramdam ko tuloy ako ang nagtuturo sa kaniya kung paano mamuhay ng normal.
Bago kami umuwi, dumaan muna kami sa tindahan ng mga kurtina. Mahilig si Lola sa mga kurtina kaya naisipan kong bumili. Nakakainis naman kasi si Lola, hindi na siya masyadong humihingi ng pera sa 'kin ngayon. Parang tinitipid niya iyong perang kinikita niya sa pagtitinda. Lahat ng perang kinikita ko ay gusto kong ibigay sa kaniya ngunit palagi niya naman iyong tinatanggihan.
"Eli, tingnan mo nga 'to. Maganda ba?" nakangiting tanong ko. Hawak ko ang isang kulay cream na kurtina at sinusuri kung makapal ba ang tela no'n.
Lumapit si Eli sa 'kin at hinawakan rin ang kurtinang hawak ko. Ngumiti siya bago tumango. "Bagay ang kulay sa bahay niyo, Era."
Lumakas ang loob kong bilhin iyon dahil sa komento ni Eli. Kaagad ko iyong binayaran at hinila siya paalis sa tindahang iyon. May nadaanan kaming maliit na grocery store kaya naisipan kong sumaglit doon upang bumili ng mga pagkaing kailangan sa bahay. Kaunti lang dahil marami na akong nabili ngayong araw. Hindi rin naman kalakihan ang kinikita ko sa pangingisda. Mabuti na nga lang at sa 'min na iyong lupang tinitirikan ng bahay namin ni Lola, libre pa ang tubig sa lugar na ito kaya tanging pang-araw-araw na gastusin lamang ang iniisip namin ni Lola.
Matapos kong makapamili, sinabihan ko si Eli na hintayin na lamang ako sa may labas. Babayaran ko na lang naman ito sa counter kaya mabilis na iyon. Bago pa ako makapunta sa may kahera nagulat ako nang may biglang tumapik sa balikat ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung sino iyon. "Doc?" bumaba ang mga mata ko sa dala niyang basket na punong puno ng ready-to-eat foods at kaunting gamit pang-paligo. Hindi nakaligtas sa 'kin ang suot niyang I.D sa loob ng coat niya. Hospital ID iyon at nakasulat ang buong pangalan niya.
Dylan Guevarra, M.D.
"Kamusta Ms. Guercio? Mabuti at nakita kita rito." nakangiting sambit niya. Inayos niya ng suot niyang salamin bago nagpatuloy. "Kamusta 'yong nobyo mo? Gusto ko sana talagang kamustahin siya. May ibibigay rin kasi akong mga gamot para sa pagsakit ng ulo niya. Bakit hindi niyo na siya ulit dinala sa ospital?"
Naiiling akong ngumiti. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako at nagkita kami ng Doctor na ito o maiinis dahil hindi niya kaagad sinabi sa 'kin iyong tungkol sa hospital bill ni Eli. "Ah, ayos naman po siya. Sumasakit ang ulo niya minsan kapag masyado niyang iniisip ang mga alaala niya. Uhm, Doc, tungkol po pala doon sa utang--"
"It's fine, Ms. Guercio. I am not obligating you to pay me immediately. I'm sorry if I didn't make it clear to you about it but I often do that thing. Inaalala ko rin kasi ang kalagayan ng mga pasiyente ko. Pay me when you can. Don't pressure yourself.."
_________