ISANG araw ang lumipas nang tuluyan nang inilibing si Josiah. Pakiramdam ko nawawala ang kaluluwa ko sa katawan ko at wala na akong maramdaman. Ang hirap, para akong unti-unting pinapatay. Tipong gugustuhin mo na lang na maging manhid para hindi mo maramdaman 'yong sakit. Gumising ako nang umaga na halos walang ganang kumilos, walang ganang tumayo. Parang wala akong ibang gustong gawin kung hindi humilata lamang sa kama at magmukmok sa kwarto magdamag. Gumising ako nang... nang wala siya sa tabi ko. Nakakapanibago, nakakalungkot. Hindi ko pa rin... matanggap. Hinahati sa dalawa ang puso ko kapag tumitingin ako sa kabilang side ng kama. Hindi ako makahinga, naninikip ang dibdib ko sa sakit at maya't maya kung ako ay umiyak. Parang gripo ang mga luha ko, ni ayaw no'ng tumigil sa pag-agos.

