Dalawang araw ang magkasunod lumipas na laging maaga si Aizel sa bahay. Hinahatid niya ako sa school kahit tanghali pa ang pasok niya. Buti at tulog pa si Kuya kaya hindi siya naaabutan.
‘Pag tinatanong naman ako ni Kuya kung sino ang naghahatid sa akin dahil hindi ko siya ginigising ay hindi naman ako nagsisinungaling. Nga lang, may konting sugar coat. Sinasabi kong hindi sinasadyang nadadaanan ako ni Aizel dahil maaga siyang nagigising para mautusan.
Mukha namang kumbinsido si Kuya. Isa pa, tulad nga ng sinabi niya, mukhang wala siyang kamali-malisiyasa amin ni Aizel. Nakaka-guilty tuloy lalo. Kailan ko kaya masasabi sa kaniya ang totoo?
“Kaklase mo na naman?” tanong sa akin ni Aizel nang makitang nagpa-flash ang pangalan ni Kristian sa phone ko dahil sa tawag. Nandoon kami sa sala habang si Kuya ay nagluluto sa kusina ng hapunan.
Hindi ko na ‘yon kinailangang sagutin.
Natitigan ko ang screen ng phone ko hanggang sa mamatay iyon nang matapos ang tawag. Hindi ko alam kung tama bang iwasan ko si Kristian nang ganito…
Hindi pala madaling mag-turn down. Lalo ‘pag kaibigan…
Halos mapatalon ako nang muling umilaw at tumunog ang phone ko, sa tawag pa rin ni Kris. Sinulyapan ko ang nakahalukipkip na si Aizel sa tabi ng sofa’ng inuupuan ko matapos.
“Sino ba ‘yang kulugong ‘yan? Sagutin mo na nga!” Sumandal si Kuya sa divider ng sala at kusina bago ako pinagmasdan. Ibinulsa niya ang mga kamay.
Sumulyap akong muli kay Aizel at nakitang seryoso ang mukha niya habang nakatingin sa TV. Sinagot ko ang tawag nang hindi umaalis sa kinauupuan ko.
“Hello?” Gumaspang ang lalamunan ko sa pagbati.
“Kaydee! Did something happen? Lately hindi mo na madalas nire-reply-an ang texts ko… pati tawag ko hindi mo na rin madalas sinasagot… may nagawa ba ako? Did I upset you?”
Nakagat ko ang labi at bahagyang napayuko na para bang mahahanap ko ang sagot sa tanong niya ro’n sa sahig.
“Uh, kasi, Kristian… ano… medyo busy lang sa school… malapit na rin kasi finals… ‘tsaka…” Sinulyapan ko si Aizel sa tabi ko, seryoso pa rin ang mata niya sa TV.
Naaninag ko naman ang pagkikibit-balikat ni Kuya bago bumalik sa kusina. Mukhang inalam lang kung sino ang tumatawag sa akin.
“’Tsaka ano, Cadence?” Dinalaw ako nang kaunting gulat at kaba nang mahimigan ang lamig ng boses nito sa kabilang liniya. Ang guilt ko ay nabuhay din.
“W-Wala! Kumain ka na ba?” pag-iiba ko na lang ng usapan.
Kumunot ang noo ni Aizel sa TV.
“Not yet. Hinihintay kitang sumagot...”
“Ah gano’n ba? Uhm, kumain ka na… n-nag review ka na ba para sa last long quiz sa humanities bukas?”
Mabigat na bumuntonghininga si Aizel, malamig ang tingin sa TV.
“’Di pa gaano. Maybe later… let’s catch up tomorrow. I’m gonna eat now. Eat your dinner too.” hindi ko sigurado pero parang ang tabang ng pagkakasabi niya n’on. Parang nagtatampo.
“Uh… okay. Sige, ako rin.” Maingat kong tinitigan ang ni hindi sumusulyap sa aking si Aizel hanggang sa patayin ko ang tawag.
“Hindi mo pa pala bina-basted. Mukhang may pag-asa ah...” busangot niyang sabi, ang mga mata’y nanatili sa screen.
May lamig na bumalot sa sikmura ko. Gusto kong magsalita pero wala akong maisip na mairason kaya’t guilty ko na lamang nakagat ang labi.
Dahan-dahan siyang napapikit nang mariin bago ako binalingan sa wakas. Pagod ang mga mata niya nang pinagmasdan ako, wala nang bakas ng inis sa mukha.
Muli siyang nagbuntonghininga at agad ding nagbitiw ng tingin bago sinabing, “Ano nga pa lang pakialam ko? Hindi mo naman ako boyfriend…”
“Kain na!” sigaw ni Kuya, kagagaling lang ng kusina.
Tumayo si Aizel kaya sumunod na rin ako.
“Aizel!” Bago pa man siya makatungo sa kusina ay nasapo ko na ang palapulsuhan niya. Mukhang bahagya niya iyong ikinagulat nang mapalingon sa akin. “Ano…”
Shit! Sasabihin ko ba ulit sa kaniyang gusto ko siya?
Maigi niya akong tinignan at hinintay ang sasabihin ko. Lumunok ako at tumitig pabalik diretso sa mga mata niya at lakas loob na sinabi ito, “Ikaw ang gusto ko.”
Nanlambot ang ekspresyon niya matapos umawang ng mga labi. Para namang kabayong nangangarera ang puso ko sa bilis ng takbo niyon habang nagpapalitan kami ng tingin.
Muntik ko nang makalimutan kung nasaan kami kung hindi ko lang narinig ang muling pagtawag ni Kuya. Sinilip kami nito mula sa kusina. Napatalon naman ako nang binitiwan ko kaagad si Aizel. Nakita kong nagtaas si Kuya ng kilay pero bumalik din agad sa kusina.
“Anong… plano mo kay Kristian?” malumanay niyang tanong.
Hindi na ako nakasagot. Bukod sa nabubwisit na si Kuya’y hindi ko talaga alam kung paano nga ba.
Pagpasok ko kinabukasan ay inisip ko na kaagad kung paano ko kakausapin si Kristian. Pero natapos na ang meeting namin para sa quiz sa subject na iyon at lahat ay natameme lang ako.
Siya ang unang taong itu-turn down ko… na parehong taong una ko ring naging kaibigan sa campus. Ayoko siyang saktan…
Too bad, Cadence. Kahit sa paanong paraan mo pa gawin ‘to ngayon, masasaktan at masasaktan mo siya.
“Hatid na kita,” bahagyang nakangiti sa akin si Kristian nang sinabi iyon pagkatapos ng quiz namin.
Sinuklian ko siya nang kaunting ngiti at tango kahit nagkanda-buhol-buhol ang mga salita sa isip ko. Hindi ko maisip kung paano ko sasabihin sa kaniya…
“Gusto mo ng waffle? Medyo nagutom ako sa quiz.” Kagat-labi niyang inantay ang isasagot ko.
Mukhang magandang opportunity ang pagbili ng waffle para kausapin siya kaya um-oo na lang ako.
Pero ayon at bokya pa rin. Putong tinapa! Paano ko ba kasi isisingit ‘yon eh sobrang out of topic sa mga pinag-uusapan namin! Letse, tulong.
Papunta na kami sa pinag-park-an niyang motor nang mahagip ng paningin ko si Aizel na mukhang galing sa building namin. Mabilis ang lakad nito palapit sa ‘min at seryoso ang ekspresyon. Malamig ang pagsulyap nito sa shake at nakabalot pang waffle na hawak ko.
Nahinto ako sa paglalakad, gano’n din si Kristian.
“You seemed off lately. Is there anything bugging you?”
Hindi ko na siya nasagot dahil sa mabilis na pagtambol ng puso ko sa pigura nang malapit nang si Aizel. Nang makita ni Kristian kung sino ang tinitignan kong palapit ay bahagyang kumunot ang noo niya at natigilan.
Bumagsak ang matalim nitong tingin sa mga hawak ko. Pagkasulyap ko ro’n ay bahagya kong inalok iyon dito at baka gutom kaya nakasimangot. Binigyan lamang ako nito nang blangkong tingin. Kaya’t walang humor ko na lamang tinawanan ang sarili at binawi pabalik ang hawak.
Sabi ko nga ‘di siya gutom.
“Tapos nang klase mo, Cadence? Hatid na kita pauwi,” simpleng ani Aizel habang nakatingin kay Kristian.
“Ako na, pre. I can take her home safely.” May iritasyon akong narinig sa boses ni Kristian.
Nakita ko ang paggalaw ng panga ni Aizel bago nagsalita. “Kanino mo gustong sumabay pauwi, Cadence?”
Binangga ako ng kaba nang sabay akong nilingon ng dalawa. Kumurap ako sa kanila habang hinihintay nila ang sagot ko.
Peke akong tumawa at minaniobra ang mga hawak. “Thank you sa waffle at shake, Kristian. Kay… sabay na ako kay Aizel. Pinapasundo pala ako ni Kuya sa kaniya, nakalimutan ko.”
Walang imik akong tinitigan ni Kristian, ang mga mata niya’y mapang-obserba.
Narinig ko ang inis na pagbuga ng hangin ni Aizel kaya’y hinanap ko na agad ang braso niya at hinila siyang paalis doon, bago pa man siya makapagsalita ulit.
“Ba-bye!” kaway ko na lamang kay Kris.
Nasa harap na kami ng motor ni Aizel nang sinabi kong, “Sasabihin ko naman talaga dapat sa kaniya eh… hindi lang ako makahanap ng tamang tyempo.”
“May pagkakataon ka na, Cadence…” seryoso niyang utas. Sabay sulyap sa dala kong kanina pang mainit sa mata niya. “Sa totoo lang marami… ayaw mo lang yata talaga.” Tinalikuran niya ako at naupo sa upuan ng motor niya bago mabigat na bumuntonghininga.
“Alam kong wala akong karapatan kasi hindi pa naman tayo… pero… pero ang sabi mo ako ang gusto mo. Bakit nag-e-entertain ka pa ng ibang manliligaw kung gano’n?”
“Hindi naman sa ayaw ko… hindi ko lang… at saka…” Tama naman siya. Marami naman akong pagkakataon. Pero wala, napipipi ako. Hindi ko talaga masabi nang deretsahan kay Kristian. Natatakot akong saktan siya at magbago ang tingin niya sa akin.
Selfish pakinggan pero… ayaw kong mawalan ng kaibigan.
Naglakad ako patungo sa harap niya at maigi siyang tinignan kahit ayaw niyang tuminging pabalik sa akin. “Aizel…”
“Ang sabi mo hindi imposibleng magustuhan mo siya… kaya ba hindi mo siya ma-reject ngayon dahil nagugustuhan mo na rin siya?”
Parang kinukurot ang puso ko sa malungkot at nasasaktang ekspresyon niya. Gusto ko siyang yakapin nang mahigpit at paulit-ulit sabihing hindi totoo ang mga iniisip niya. Pero sapat ba ang mga salita kung hindi ko kayang iparamdam ‘yon sa kaniya?
“Hindi naman sa minamadali kita… pero mas pinapatagal mo ‘to, mas lalong may masasaktan.”
Bumagsak ang mga mata ko sa waffle at shake na hawak. “Sorry…”
Muli siyang nagbuga nang mabigat na hininga. Naaninag ko ang pagtayo niya. Saktong pag-angat ko ng tingin ay naramdaman ko ang paglapat ng palad niya sa tuktok ng ulo ko.
“’Di mo kailangang mag-sorry.” Pagod siyang ngumiti nang magtama ang mga mata namin. “Hatid na kita.” Sabay tapik sa ulo ko.
Bahagya akong ngumuso habang pinanonood ang pag-aayos niya ng motor. Parang gusto kong itapon ang mga hawak ko para lang abutin ang pisngi niya at yakapin siya nang mahigpit.
The thought of him liking me this much is melting all the hurt I’ve kept inside my chest. Para pa ring panaginip pero tingin ko’y unti-unti na akong nagigising. At ngayon lang ulit naging masarap ang katotohanan.
Dumating ang sabado nang hindi ko pa rin nakakausap si Kristian. Marami akong plinanong senaryo at linya kung paano ko sasabihin ang dapat kong sabihin sa kaniya pero lagi akong nauuwi sa wala.
Hindi rin nagpakita sa akin si Aizel ng ilang araw. Siguro binibigyan niya ako ng oras at pagkakataon para makausap si Kristian. Kaya lang, langya, wala namang nangyari.
Napatalon ako nang makarinig ako ng katok sa pinto ng kwarto ko. Bumubuntonghininga ko iyong tinayo para buksan.
“Nasa baba si Kristian.” Namilog ang mga mata ko sa bungad ni Kuya.
Sabado ngayon ah?
“Huh? Hala, bakit daw?” Tumawa si Kuya sa pagkakataranta ko. Sinara niya ang pinto pagkatapos magkibit-balikat.
Bakit nandito si Kristian?
Sa kalagitnaan ng pagkakataranta ko’y narinig kong nag-beep ang phone ko sa isang text.
Good morning! Puntahan kita :)
Nanlamig ang pisngi ko nang mabasa ang text ni Aizel.
Hindi maganda ‘to. Pwede bang mag-evaporate na lang ako bigla ngayon sa hangin? Baka hindi na naman kasi mapigilan ni Aizel ang bibig niya lalo ‘pag nandito si Kristian at nalaman niyang hindi ko pa sinasabi ang dapat kong nasabi na!
At hindi naman sa plano kong ilihim ang lahat ng ito kay Kuya… humahanap lang ako nang magandang tyempo kung kailan good shot na si Aizel sa kaniya. Ayoko lang namang mag-away sila. Ayokong mauwi lang sa wala ang halos isang dekada nilang pagkakaibigan dahil lang sa ‘kin.
Pero… naiisip ko rin minsan na hindi naman gano’n kakupal si Aizel para mamuhi si Kuya sa ideyang gusto naming dalawa ang isa’t isa. Medyo… awkward lang siguro? Pero dragon kasi ang kapatid kong ‘yon.
At alam ko namang matagal nang iniiangatan ni Aizel itong pagkakaibigan nila ni Kuya. Do’n pa lang sa pagsunod niya rito tuwing ipapahatid at ipapasundo ako o kahit ano pa man. Halos magmukha ko na nga siyang baby sitter eh. Kahit hindi naman niya ‘yon obligasyon na gawin. Alam ko namang sumusunod lang siya kay Kuya dahil iniisip niyang malaki ang kasalanan niya sa nangyari kay Yna.
Tapos ngayong nagkagusto rin siya sa akin, baka iniisip niya pa ring isa na naman ‘yong kasalanan sa best friend niya… hay, Aizel. Sana mali ang mga naiisip ko.
Ngayon ko lang talaga lubusang naiintindihan ang sinabi niya sa akin noong una pa lang… na ayaw niyang ilagay sa alanganin ang lahat. But how bad could this turned out to be?
Bumaba ako para maabutan si Kristian at Kuya na mukhang nagkakatuwaan sa paglalaro ng pingpong. Ito ‘yong dala-dala ng mga kabarkada nila nang nakaraan. Iniwan pala rito?
“Taste the wrath of my vengeance, peasant!” Tumatawa si Kristian nang naabutan kong gigil na nagse-serve ng bola.
“Ikwento mo sa pusang panot!” Hinampas pabalik ni Kuya ang bola nang saktong natuon ang atensyon sa akin ni Kristian pagkababa ko ng hagdan.
“Oh s**t!”
Tumawa at nangbwisit si Kuya nang tumama ang bola sa mukha ni Kristian.
Sapo ang ilong, nahihiya akong tinignan ng huli at muling nginitian. “Good morning…”
Bahagya akong natawa. “Morning.”
Sinulyapan ako ni Kuya pagkababa ng hawak na pingpong. “Sabayan mo nang kumain ‘tong si Kristian, Cadence. Ligo lang ako.”
Ni hindi niya ako hinintay na magsalita. Umalis na kaagad siya para magpunta sa banyo sa taas.
Napakurap ako nang tuluyan siyang makaalis. Okay lang sa kaniya na maiwan kami rito ni Kristian nang kami lang? Ugh. Para namang may gagawin kayo ‘pag maiwan kayo nang kayo lang? Marumi na yata ang utak ko.
Nilapitan ako ni Kristian. Tatanungin ko na sana kung ano ang ginagawa niya sa bahay namin nang alanganing sabado pero naunahan niya akong magsalita.
“I have good news! Guess what?”
Napangiwi lang ako sa malapad niyang ngiti. Anong posibleng good news ang dala niya? Na sa wakas naisulong na ang world peace? O libre na ang lahat ng libro sa NBS pero sa loob lang ng isang minutong magsisimula ngayon mismo?
Bahagyang kumunot ang noo ko. “Anong good news?”
“Shortlisted ‘yung entry natin sa lit writing contest! Can you believe it?” Lumaki ang ngiti niya nang mamilog ang mga mata ko.
“I told you we stood a chance.” He shrugged proudly.
Laglag ang panga, nag-idle ako ng ilang sandali. Napa-weh pa ako sa hindi paniniwala. Para mo na ring sinabing ang fresh na d**o ay kulay pink. Imposible! Paanong nangyari ‘yon? Walang gano’n.
Nagkatinginan kami. “Hala, totoo ba?”
Mahina siyang napahalakhak habang tumatango. “Yep. Tentative pa ang date ng announcement kung sino-sinu ang mga nanalo. But hear this, some of the staffs informed me a while ago na ie-air ng broadcasting club sa buong campus ang piece ng mananalo. Everyone will hear our piece if that happens!”
Parehonang nangislap sa excitement ang mga mata namin nang muli kaming magpalitan ng tingin.
Hindi naman sa umaasa akong mananalo kami sa dami ng sumali. Pero hindi naman siguro masamang isipin na posible ‘yon.
Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na sumali sa contest tungkol sa pagsusulat. At akalain mong sinuwerte pang mapasali sa short list?
Bahagya akong napatalon-talon sa katuwaan. Muling napahalakhak si Kristian at natawa na lang din ako sa sarili. It’s all thanks to him. Kung hindi dahil sa kaniya hindi ako magkakaroon ng sapat na lakas ng loob para sumubok.
But my happiness was short lived. Dahil nang nakita ko ang tatlong pulang rose na kinuha niya mula sa sofa, naglaho agad ang ngiti ko. Naalala ko kaagad kung ano ang dapat kong gawin. Kaya’t ang takot ko’y nadagdagan ng kirot.
Nag-effort pa siyang pumunta rito para lang ibalita ‘yon sa akin at para… rito sa bulaklak. I don’t deserve him. Tatanggapin pa rin kaya niya kung pagkakaibigan lang ang kaya kong ibigay?
“Kaydee…” Lumapit siyang muli sa akin at iniabot ang tatlong rose. “Thank you for also giving me the chance to show how I feel about you.”
“Kristian…” Pilit kong nilunok ang bara sa lalamunan ko.
Ito ang mahirap ‘pag kaibigan ang nanligaw. Okay sana kung gusto ko rin siya. Pero mahirap ‘pag hindi. Kasi kahit gustohin kong ibalik ang dating kami, ilang beses man akong magpanggap, imposibleng mangyari ‘yon hangga’t hindi nawawala ang pagtingin niya sa ‘king higit pa sa kaya kong ibigay.
Hinawakan niya ang kamay ko’t inilagay doon ang tatlong rose na nakabuhol sa isang pink na ribbon. Pinagmasdan ko ang mga rosas na mukhang kanina lang namulaklak gamit ang malungkot na mga mata.
Wala pang nagbibigay sa akin ng bulaklak… at nalulungkot ako dahil ang unang taong naglakas-loob na ligawan ako’t gawin ang ganitong mga bagay ay hindi ko gusto… hindi ko gusto katulad ng pagkakagusto ko kay Aizel…
Hindi ko siya magugustuhan dahil sa atensyon, admirasyon at mga materyal na bagay na kaya niyang ibigay sa akin… maaaring may epekto ang mga ‘yon pero walang-wala ‘yon sa kayang iparamdam sa akin ni Aizel sa simpleng pagbanggit pa lang niya sa pangalan ko… o sa simpleng pagkakaramdam ko sa presensya niya… ibang-iba ang mga ‘yon dahil espesiyal siya sa akin.
“Someone told me before that one day, my being impulsive will put me in jeopardy. And I think it kinda makes sense now.” Bahagya niyang pinisil ang kamay ko habang nakatitig diretso sa mga mata ko.
Tahimik kong sinuklian ang mga titig niya at parang gusto ko nang tumakbo. Ayaw kong banggitin ang mga salitang dapat kong sabihin.
“Hindi nga lang ako ang nasa kapahamakan kundi ang puso ko. I know it sounds cheesy but that’s how it goes.” Mahina siyang humalakhak ngunit ni ngiti ay hindi ko magawa.
“Kristian, I’m… I’m s—”
Natigilan ako nang biglang nagbukas ang main door. Sabay kaming napalingon doon ni Kristian nang iniluwa n’on si… Aizel.
Dumapo kaagad ang tingin nito sa akin, sunod kay Kristian at sa mga rose na hawak ko. Huling bumagsak at nagtagal ang tingin nito sa kamay ng huling nakahawak sa kamay ko.
Mabilis ko iyong nabawi na animong napaso nang makita ko ang paggalaw ng panga ni Aizel. Hindi ko napigilan ang kabang umusbong sa dibdib ko matapos.
“Nandito ka pala, Kristian.” Lalong lumiit ang mga labi ni Aizel nang maging isa iyong matigas na linya. Masama na ngayon ang tingin nito sa hawak ko.
“Aizel,” tugon ni Kris sa mababang tinig sabay sulyap sa akin, ang mga mata’y mapang-obserba. “Are you here for Cadence too?”
Nanlamig ang sikmura ko sa sinabi ni Kristian. Bakit alam niya? Masyado ba kaming halata?