“Zel! Pupunta ka pala ritong kulugo ka! May laro ba tayo nina Luis?”
Napaigtad ako nang marinig ang boses ni Kuya’ng kabababa pa lang ng hagdan. Nagpupunas pa siya ng towel sa ulo nang magdiretso siya sa kusina.
Kumakalabog ang dibdib kong binalingan si Aizel.
Seryoso ang ekspresyon niya habang nakikipagpalitan ng tingin kay Kristian. “Kung oo, anong gagawin mo?”
Napalunok ako nang magpasalit-salit sa dalawa ang tingin. Ang kaninang lungkot at pahapyaw na kirot na nararamdaman ay nilamon na nang panibagong takot na umusbong sa akin.
“Uh—”
“Wala, Aizel. Because I already did my part.” Ngumiti si Kristian. Kumunot naman ang noo ni Aizel dito.
Bumagsak ang tingin ko sa mga rose na hawak. Alam ni Kristian ang ginagawa ni Aizel. At lalong alam niyang dehado siya dahil hindi siya ang gusto ko pero… patuloy pa rin siyang sumusubok.
I really don’t deserve him.
Bumalik sa sala si Kuya dala ang bote ng orange juice. Nasa balikat na niya ang towel at wala siyang kamalay-malay sa nangyayari nang balewala niyang nilapitan si Aizel.
“Ay tamis! Dinalhan mo ako ng chocolate, brad? Kinilig ako ah!” Tinapik niya ito sa braso bago tumawa.
Chocolate?
Nakasimangot si Aizel nang tinapunan ako ng tingin bago balewalang inabot kay Kuya ang dalang paper bag. Walang bakas ng ngiti sa mukha nito nang tuluyang pumasok sa sala namin.
“Anong meron? Galing ba si Chin ng ibang bansa kagabi?” Sinulyapan ako ni Kuya bago ngumisi kay Aizel na ngayon ay nakaupo na sa sofa’t nakahalukipkip, nakasimalmal pa rin.
“May sariling mundo ‘yong si Chin. ‘Di na niya kailangan pang mangibang-bansa,” seryosong ani Aizel.
Humagalpak ng tawa si Kuya habang lumalapit din sa sofa. “Oo nga naman!”
Makakahinga na sana ako nang maluwag kung hindi lang nagsalita ulit si Aizel. “Binili ko ‘yan para kay Cadence…”
Bahagyang namilog ang mga mata ko kasabay ng pagkalabog ng dibdib. Hindi na yata ako humihinga nang masulyapan ko ang natigilang si Kuya.
“Talaga?” Tumingin ito sa akin sandali sunod sa hawak kong rose. Bahagya siyang ngumisi bago nagtuon muli ng tingin sa dala ni Aizel. Sinilip niya ang paper bag at napamura. “Putek—Ferrero? Bumili ka nang pinakamalaking case ng Ferrero? Ni ayaw mo ‘kong ilibre ng tuhog-tuhog tapos bumili ka ng isang case ng Ferrero? Brad, may lagnat ka ba?” halos maghisteryang utas ni Kuya.
Napalingon ako kay Kristian nang maramdaman ko ang mga mata niya sa akin. Hindi ko mabasa ang ekspresyon niya kaya’t agad din akong nagbitiw ng tingin.
Sigurado akong alam ni Kuya na sa kaniya galing ang rose dahil kanina pa sila magkasama rito. Pero wala man lang itong reaksyon. Mukhang hindi ko na kailangang sabihin na nanliligaw sa ‘kin si Kristian dahil tingin ko matagal nang alam ni Kuya. At boto nga siya rito.
Nasulyapan ko ang iritableng tingin ni Aizel kay Kuya na tawa nang tawa at patuloy ang pang-aalaska sa kaniya.
“The dice has been rolled.” Narinig ko ang mahinang halakhak ni Kristian.
“Cadence, pinakain mo na ba ‘yang bisita mo?”
Sabay kaming napalingon ni Kris kay Kuya. Pero agad ding napadapo ang tingin ko sa seryoso pa ring si Aizel. Tahimik at nakasimangot pa rin siya habang nakatitig sa akin.
“Kain lang kami…” Nagbitiw ako ng tingin kay Aizel bago nagtungo sa kusina kasama si Kristian.
“Bakit ako hindi inaya? Hindi ba ako bisita? Gutom na rin ako!” walang modong ani Aizel.
Sunod kong narinig ang mga yabag niyang patungo rin sa kusina.
“Bumili ka ng Ferrero tapos gutom ka? Ayos ah?” Humagalpak na naman ng tawa si Kuya. Mukhang hindi niya lulubayan si Aizel tungkol sa dalang chocolate.
“Kainin mo na nga lang ‘yan!” iritadong sabi ni Aizel bago tuluyang makasunod sa amin sa kusina.
“You okay, Kaydee? Kanina ka pa namumutla.” Mapanuri ang mga tingin sa akin ni Kristian nang makaupo kami sa tapat ng mesa. Naro’n siya sa tabi ng upuan ko.
Bahagya ko siyang nginitian matapos masulyapan si Aizel na nakatayo na sa tapat ng lamesa. “Gutom lang.”
“Let’s eat, then?” Sumulyap din si Kristian sa taong sumunod sa amin bago ako nginitian.
“’Yun, sinangag at bacon! Sinong nagluto, Cadence? Ikaw?” Bahagyang nakangisi sa akin si Aizel nang okupahin niya ang upuan sa harap namin ni Kristian. Dumapo saglit ang tingin niya sa rose na inilapag ko sa gilid ng lamesa at agad naglaho ang ngisi niya.
“Aizel.”
“Hindi pala kita naturuan kung paano magprito. ‘Di bale marami naman tayong oras,” aniya habang nakatingin kay Kristian.
Walang humor akong tumawa bago hinawakan ang mga kubyertos. “Gutom na talaga ako. Kumain na lang tayo.”
“Are you courting her?” Nabitiwan ko rin agad ang mga hawak dahil sa biglang tanong ni Kristian.
Sa namimilog na mga mata at bahagyang awang na mga labi ay binalingan ko ito sa tabi ko. Seryoso ang nakapintang ekspresyon sa mukha nito habang maiging nakatingin sa taong nasa harap.
Narinig ko ang sarkastikong halakhak ni Aizel. “Oo, nililigawan ko si Cadence. At hindi ako natutuwang may iba pang nanliligaw sa kaniya.”
Para akong hinika nang hinabol ko ang hininga. Ang aga-aga pa pakiramdam ko pagod na ako agad para sa buong araw!
“That’s news to me.” Mariin ang tingin ni Kristian kay Aizel nang sabihin ‘yon, ang sarkastikong ngisi ay sumusupil sa mga labi. “Kailan ka pa naging interesado sa kapatid ng kaibigan mo? Last time I checked, you have a girlfriend.”
Pumikit ako nang mariin at palihim na napamura. Nag-aaway ba sila? Dapat ko ba silang awatin?
“Hindi ba kayo gutom?” nanliit ang tinig ko nang sinabi ito. Na mukhang wala rin namang kwenta dahil parang hindi ako narinig ng dalawa.
“Wala akong girlfriend. At para alam mo lang, hindi importante sa ‘kin kung kanino boto si Yel dahil mas mahalaga ro’n kung sino ang gusto ni Cadence.” Humilig si Aizel sa lamesa at maiging nakipagsukatan ng tingin kay Kristian.
“Guys…” Malapit na akong mataranta.
Bahagya na ring humilig sa lamesa si Kristian. “That’s how it should go. Kung hindi lang sana gago ang taong gusto niya, ‘di ba?”
Tiim ang bagang, muli akong napapikit nang mariin.
“Anong sabi mo?”
Malakas kong naibagsak ang nakakuyom na kamao sa lamesa dahilan ng sabay na pagkakatigil at pagbaling sa akin ng dalawa. Sa wakas at hindi pa pala ako tuluyang nagiging invisible.
“Pwede bang kumain na lang tayo?” Malamig ang tinging ipinukol ko sa dalawa.
Nagpalitan sila nang alanganin at may pagtatakang tingin sa isa’t isa matapos.
Kinuha ko ulit ang nabitiwan kong kubyertos nang hindi nagbibitiw ng tingin sa kanila.
Tumitikhim, dahan-dahang lumayo ang mga ito mula sa paghilig sa lamesa. Hindi ko sila tinantanan ng tingin hanggang hindi sila nagsisimulang kumain, naniniguradong hindi na ulit sila magtatalo.
“Putek, sinong nagbigay niyan? Sugar daddy mo, Yel?” Rinig ko ang pagdating ng ibang kabarkada ni Kuya sa sala, nang sa wakas ay tahimik na ang dalawa nang magsimulang kumain.
“Gagu! Galing kay Aizel ‘to! ‘Di ba mas nakakagulat?” Sinundan iyon ng hagalpakan.
“Tangina, kay Aizel? Nasa’n ang kulugong ‘yan? At bakit ka niya bibigyan niyan? Putaragis! ‘Wag mong sabihing all this time kayo pala ang nagliligawan?!” malakas na histerya ni Luis. Narinig ko ang ilang paggatong nina Miguel at Ken doon.
Hindi na nagtalo o ni nag-usap pang muli ang dalawa at tanging pagtatapunan ng ngiwi na lang ang nagawa. Nakakain din ako nang matiwasay!
“Oy mga brad! Andyan pala kayo! Aga ng ligawan, Kris ah? May pag-asa ba ‘to, Cadence? Trip ng kuya mo eh.”
Peke akong tumawa sa sinabi ng natatawang dumating na si Luis. Nilubayan naman ako nito kaagad para lang alaskahin ang pagbili ni Aizel ng Ferrero.
Sa kalagitnaan ng pagkain ay narinig ko ang pagsagot ni Kristian sa tawag. Nasa tainga niya ang phone nang sinulyapan ko.
“Okay, Mom. I’m on my way.” Nagbuga ito nang mabigat na buntonghininga bago ako nilingon. “Kaydee, I need to go. Umuwi ngayon ang lolo ko galing Japan. Dumaan lang ako rito…”
Mabilis akong tumango. “Dapat t-in-ext mo na lang ako. May bisita pala kayo sa bahay.”
Tipid siyang ngumiti. “I’ll go ahead, then.”
Matapos makipag-usap sandali kay Luis ay nagdiretso na ito sa sala. Maingay sila roon bago ko narinig ang tuluyan nitong pag-alis.
Kumaluskos ang upuan ni Aizel nang tumayo siya kaya’t napalingon ako sa kaniya. Nang makita ko ang pagsimangot niya ay naalala kong hindi ko na naman nasabi kay Kristian ang sagot ko.
I laughed at myself without humor internally. Tumayo ako at inabala na lang ang sarili sa pagliligpit ng mga pinagkainan. Buong sandali kong nararamdaman ang mga titig ni Aizel hanggang sa magtungo ako sa sink.
“Magkalinawan tayo, Cadence.” Muntik pa akong mapatalon nang marinig ko ang boses niya sa tabi ko.
Hindi ko pa man siya nalilingon nang inagaw niya sa akin ang kinuha kong sponge. Nahigit ko ang hininga nang lumapat ang braso niya sa akin matapos niyang buksan ang gripo. Ako na ang bahagyang umurong nang mukhang wala siyang balak na lagyan ng distansya ang pagitan naming dalawa.
“Anong malabo?” Kabado akong tumawa at napakagat ng labi nang wala siyang naging reaksyon sa biro ko.
Nanatiling seryoso ang mga mata niya sa mga platong hinuhugasan nang sinabing, “Nililigawan kita kasi alam kong hindi sapat ang gusto para magkaroon ng relasyon. Pero hindi ko kayang isipin na may iba pa bukod sa ‘kin na nanunuyo para mahalin mo rin pabalik…”
Awang ang mga labi ko nang mapatitig ako sa mukha niya.
“At ayokong matakot ka pero… wala na akong pakialam kung malaman ng kuya mo ‘to bukas, sa makalawa, o kahit ngayon. Wala na akong pakialam kung anong pwedeng mangyari. Basta ang alam ko lang, kaya kong tanggapin ang kahit ano basta nasa tabi kita…” Nagtagpo ang mga mata namin nang magbaling siya sa ‘kin ng tingin.
“Pero, pa’no ‘pag…” Sumikip ang dibdib ko sa dami nang rumagasang ideya na maaaring mangyari.
Pumungay ang maaamo niyang mata habang pinagmamasdan ang bahagyang pagkakataranta ko. Sa malumanay na boses ay sinabi niya ito matapos, “Akong bahala, Cadence.”
“Zel, tara! Nag-aya ‘yung mga kupal nating ka-batch kahapon…”
Nalingon ko ang natigilang si Miguel. Samantalang nasa akin pa rin ang atensyon ni Aizel na parang walang narinig.
Nang magbalik ako ng tingin sa taong nasa tabi ay nagbubuntonghininga nitong nilingon si Miguel, na ngayon ay malisyosong nakangiti’t nakatingin pa rin sa amin. Sumipol pa bago ngumisi.
“Sino? Sina Aren, ba? Kayo na lang. ‘Di ako ginaganahan,” iritado na ang boses ni Aizel nang sinabi ito habang nagpupunas ng kamay.
“Hulaan ko kung saan ka ginaganahan…” Makahulugan akong sinulyapan ni Miguel bago humalakhak.
Kumunot ang noo ni Aizel sa kaibigan matapos sundan ang tingin nito.
“Tara na! Gaganahan ka rin do’n! Hindi lang naman basketball ang lalaruin natin… alam mo namang excuse lang ‘yang lintek na basketball na ‘yan sa…”
Lalong kumunot ang noo ni Aizel. “’Di nga ako ginaganahang mag-basketball! Meron akong mas importanteng gagawin!”
“Mas importante? Uy wow, importante! Samatalang dati hindi ka pumapalyang—”
Mabilis ang paghakbang ni Aizel papunta kay Miguel, kaya bago pa man nito matapos ang sinasabi ay marahas na itong inakbayan paalis ni Aizel. Lumipad sa hangin ang mga mura at tawa ni Miguel habang pabirong sinasapak si Aizel.
Paanong naging excuse ang basketball tungkol saan? ‘Di ko gets.
Natuloy sila sa sinasabi ni Miguel kanina. Wala akong kasama sa bahay kaya sinama nila ako. Actually hindi naman dapat ako sasama kasi sanay na naman na akong nag-iisa lang sa bahay. At dahil ganun naman talaga lagi ‘pag nagsisilayasan sila. Hindi naman ako usually kasama.
Pero dahil ayaw sumama ni Aizel dahil idinadahilan niya ako, ito ako ngayon at napilitang manuod sa paglalaro nila. Hindi ito ‘yong court na malapit sa amin.
Talagang dumayo pa sila sa kabilang subdivision para lang makalaro itong mga ka-batch kuno nila. Pamilyar naman ang mga mukha ng ilang naro’n sa ‘kin dahil madalas ako sa engineering building ‘pag nauuna akong makalabas ng klase kaysa kay Kuya.
Inaalala ko tuloy ngayon kung kailan pa sila nagsimulang makihalubilo sa mga ‘to. Mukhang may katagalan na rin kasi parang close na sila dahil sa mga batuhan nila nang pambasag na linya.
Nakapangalumbaba ako nang may narinig akong nagsabi ng, “Hi!” sa malapit.
Hindi ako gumalaw kasi panigurado namang hindi ako ang kinakausap ng babaeng iyon kung sino man siya. Pinagmasdan ko na lang ang isang grupo ng mga babae sa kabilang dako ng court na naghahagikgikan at nagbubulungan, habang nakatuon ang tingin sa court.
Nanliit ang mga mata ko nang sulyapan ko ang seryoso’t pawisang si Aizel. Hinaharangan niya ang kalaban na may hawak ng bola.
Siya ba ang tinitignan ng mga babaeng ‘yon? Lagi bang may mga nanonood sa kanila ‘pag naglalaro sila rito? Tss. Ito ba ang ibig sabihin ni Miguel kanina sa gaganahan rin?
“Cadence, right?” Para akong nasamid kahit hindi naman ako kumakain o umiinom nang kahit ano, nang banggitin ng parehong boses ang pangalan ko.
Nilingon ko ito sa may bandang likuran at naabutan ang isang babaeng ngumingiti sa akin. Hindi ito katulad ng ngiting ibinigay sa akin ni Julie noong kinausap niya ako, pero may suspetsa pa rin ako kung bakit ako kinakausap ng babaeng ito ngayon.
Dahil naman kaya kanino? Sa kuya ko? Kina Ken? O kay Aizel?
Para akong tangang tumulala sa ngiti niya matapos kong mabagal na tumango. Ang tingkad kasi ng aura niya ‘pag ngumingiti nang gano’n. Tamang init at liwanag. Parang pagsikat ng araw sa umaga.
Humakbang siya sa mga bench at naupo sa tabi ng inuupuan ko. Habang pinagmamasdan ko siya’y napansin kong parang may pamilyar sa kung saang bahagi ng mukha niya, lalo sa malapitan.
“You’re so cute…” She giggled. May kung anong amusement sa mga mata niyang pakurap-kurap habang maiging nakatingin sa akin.
Palihim akong napangiwi. Maganda naman siya kaya lang mukhang medyo weird.
Halos mapatalon ako nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko.
“Ang tagal na kitang gustong makilala! Alam mo bang madalas kang ikwento sa akin ni Yel?” Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya.
Bakit ako ikukwento sa kaniya ni Kuya? Ba—ano—‘di ko maintindihan! Teka!
“Talaga?” Nawi-weird-uhan ko siyang tinignan.
May sinulyapan siya sa court kaya napatingin na rin ako ro’n. Naabutan ko si Kuya’ng natigilan habang nakatingin sa direksyon namin. Siya na ang may hawak ng bola pero hindi siya gumagalaw. Nakailang beses na siyang tinatawag nina Aizel pero para siyang naestatwa sa kinatatayuan.
“By the way, I’m Jela.” Nagsasalita pa lang ang babae ay naaninag ko na ang mabilis at biglang paghakbang ni Kuya palapit sa amin. “I’ve known you for a while now and it’s so nice to finally meet you in person! Can I—”
“Cadence!” Napatalon ako sa gulat nang hinawakan ni Kuya ang braso ko’t hinila patayo. Bahagya pa niya akong inilayo sa babae. Kunot na kunot ang noo niya rito nang balingan ko siya ng tingin.
Nawala ang ngiti noong Jela at naging seryoso ang mukha. Nagtataka kong binalingan muli ang kapatid ko. “Bakit, Kuya?”
“Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?” Galit ang boses niya’t mabigat ang paghinga habang mariing nakatingin kay Jela.
“I just want us to be acquainted, Yel. Wag ka ngang OA.” Bahagya itong tumawa.
“Yel! May problema ba?” Nasa kabilang gilid ko na si Aizel nang marinig ko ang boses niyang hinihingal. Ang ibang mga kabarkada nila’y nakatunganga lang sa amin mula ro’n sa court.
Binalingan ni Jela si Aizel at muli siyang ngumiti. “Oh, it’s nothing. Masyado lang nag-o-over react itong kaibigan mo. Anyway, I’m Jela. You must be Aizel.”
Katulad ko’y nagtataka rin si Aizel nang sulyapan si Kuya na nananatiling nakatitig pa rin nang mariin kay Jela. Gumagalaw ang panga niya’t alam kong galit siya.
Pero bakit siya magagalit? Sino ba ang babaeng ito? At bakit kilala niya rin si Aizel? Mukhang bata lang siya ng ilang taon kina Kuya. ‘Wag mong sabihing… girlfriend niya? Nakukwento raw ako ni Kuya eh? Tapos kilala pa niya si Aizel.
I don’t get it. Kung girlfriend siya ni Kuya, bakit parang galit ang kapatid ko sa kaniya? LQ ba sila? Pero may kung ano talagang pamilyar sa kaniya.
“Jela…” Pahapyaw na ngumising pabalik si Aizel dito bago ako nilingon nang may bakas pa rin ng pagtatanong sa mukha. “Ako si Aizel, tama.”
Nagkibit-balikat lang ako sa kaniya dahil hindi ko rin alam kung sino ang babaeng ito.
“Jela, umuwi ka na lang. ‘Wag mong bulabugin ang kapatid ko!” Hinila ako ni Kuya palayo ro’n pero nakita ko pa rin ang pagkakalaglag ng panga ni Jela, nang maiwan ang tingin ko sa kaniya. Tahimik na sumunod sa amin si Aizel.
“Hey! Don’t be selfish! Yel, ano ba?! Hindi ka pa rin nagbabago!” Narinig ko ang frustrated na sigaw ni Jela nang makarating kami sa court.
“May problema ba sa pinsan ko, Yel?” Nakangisi iyong…
“Ang pilit ng pinsan mo, Aren. Hindi na nakakatuwa. Sinabi ko na kasi sa kaniya, parang hindi nakakaintindi.” Madiin ang pagkakasabi ni Kuya sa salitang pinsan at iritable ang pagkakasabi niya ng bawat pangungusap.
‘Di ko alam kung bakit kailangan no’ng emphasis pero… teka… pinsan no’ng Aren si Jela? Ka-batch nina Kuya itong si Aren, at alam ko noon pa sila nagkakalaro… ibig bang sabihin matagal na ring kilala ni Kuya si Jela? Bakit siya lang ang may kilala? Bakit hindi kilala nina Aizel? Pero kilala niya si Aizel. Kung hindi niya ‘yon girlfriend, ano pala? Manliligaw? Gulo naman.
“Pinsan mo ‘yon, Aren?” Sumipol si Luis bago ngumisi.
Nagtaas lang ng kilay si Aren nang magkatinginan si Luis at Ken. Iyong ibang kasama naman no’ng Aren ay pangisi-ngising sumusulyap sa akin at may kung anong pinagbubulungan. Nagtagal pa ang tingin ng isa ro’n sa akin kahit nakita nang nakatingin ako sa kanila.
“Hindi ba siya mukhang pamilyar?” Nanliliit ang mga mata ni Miguel na tila may tinitignan nang maiigi sa kung saang malayo.
“Zel, pahatid na lang si Cadence… ngayon na.” Nalingon ko ang tinatanaw ni Kuya nang masamang tingin at nakita ang naglalakad palapit na si Jela.
Nakangiti na naman ito na para bang walang nangyari kanina.
“Okay!” mabilis na payag ni Aizel bago ako hinawakan sa braso’t hinila patungo sa bleachers kung nasaan ang mga gamit nila.
Naro’n kay Jela at Kuya na mukhang muling nagtatalo na naman ang atensyon ko nang marinig ko ang bahagyang pagsinghal ni Aizel.
“Iuuwi na nga kita. May gusto yatang mawalan ng mata rito.”
“Huh?”
Imbes na sumagot ay matalim lamang niyang tinapunan ng tingin ang nadaanan naming grupo nina Aren. Pangisi-ngisi lamang ang mga ito habang sinusundan kami ng tingin palabas ng court.