Line XX

3253 Words
“Sino kaya ‘yung Jela?” Ni hindi ko namalayang imbes na umuwi kami sa bahay ay nagdiretso kami kina Aizel dahil sa pag-iisip ko ro’n sa babae kanina. Ilang beses kong binalikan ang mga sinabi nito kanina pati nang reaksyon ni Kuya, para lang makakalap ako ng ideya kung sino ba itong talaga. Pero wala talaga akong mahantungang sound conclusion. Jela. Isang misteryong bigla-bigla na lang sumulpot sa kainitan ng tanghali. “Madalas ba kayo ro’n sa subdivision nina Aren?” Bahagya siyang natigilan habang nagti-timpla ng juice dahil sa tanong ko. “Bakit?” Sinulyapan niya ako pagkalapag ng pitsel sa lamesa, sunod ang mga baso. Hindi ako umimik. Sinulyapan niya ako ulit. “Nito lang fourth year, bakit?” Tumango ako bago uminom sa juice na isinalin niya sa baso. “Bakit hindi n’yo kilala si Jela? Bakit si Kuya lang ang nakakakilala sa kaniya? At bakit ka niya kilala?” “Kilala mo si Aren?” Bahagya akong napasimangot nang pinatungan niya ng tanong din ang mga tanong ko. “Naririnig ko lang sa inyo…” Pinagmasdan niya ako bago nagpatuloy sa paggawa ng sandwich. “’Di ko alam. Kanina ko lang din nakita ang babaeng ‘yon.” Mukha nga, kasi takang-taka rin ang mukha niya nang banggitin ni Jela ang pangalan niya. “Tingin mo nililigawan ni Kuya ‘yon?” Bahagya siyang natawa. “May nililigawan bang gano’n? Halos itaboy nga niya. Kulang na lang damputin niya palabas ng court, ‘wag lang niyang makita.” Sabay iling. Oo nga naman… eh ano ba kasi talaga? So ito nga kaya ang nanliligaw kay Kuya? Paano? Ang ganda no’n tapos hinahabol ‘yong dragon kong kapatid? Ang gwapo naman ng kuya ko ro’n! “Aizel, ‘di ba wala pa ring girlfriend si Kuya mula no’ng nangyari kay Yna?” Tumango siya bago inilapag sa harap ko ang isang platito na may sandwich, at saka inumpisahang kainin ang isa pang sandwich na ginawa niya. “Hala!” Kumunot ang noo niya nang nasapo ko ang nakaawang na bibig. “Naaalala mo ‘yung sinabi ni Miguel na nakita raw niya si Kuya’ng may kasamang babae’t itinaboy? Tapos ngayon si Jela… itinataboy niya rin… baka kaya… baka… hindi siya into girls? So… anong ibig sabihin n’on, guys ang trip niya?” Alam kong nanligaw si Kuya kay Yna dati. Pero… ang alam ko rin may mga late bloomers na late nang napagtatantong hindi sila straight. Nasapo ko ang ulo. s**t, ‘di ko sigurado kung anong dapat kong i-react. “Aizel, umamin ka, ikaw ang pinakanakakakilala kay Kuya. ‘Yung totoo, hindi ba tunay na lalaki ang kapatid ko?” Awang ang mga labing naudlot ang pagsubo niya sana sa sandwich. “Huh?” Nagkatinginan kaming dalawa. Mula sa pagkakatigil ay unti-unti siyang napahagalpak ng tawa. Masamid-samid siyang umiinom ng juice para lang maibaba ang nasa bibig na muntik nang maibuga. Kulugong ‘to. Bakit ‘to tawang-tawa? Seryoso ako ah? “Aizel!” “Pusang gala!” Mangiyak-ngiyak niyang pinaghahampas ang lamesa. Kunot-noo kong pinanood ang katuwaan niya habang sinasapo ang tiyan. “Seryoso ako! Alam mo ‘no? Sabihin mo sa ‘kin!” “Ang sakit na ng tiyan ko, Cadence, tama na!” “Bakla si Yel?” Halos mapatalon ako nang biglang bumulaga si Ate Chin sa kusina. Bahagyang nakataas ang isa nitong kilay nang hinintay ang sagot ko. Tulog si Lola Aimee at pareho namang nasa trabaho sina tita at tito. Hindi ko alam na nandito pala si Ate Chin. At s**t! Narinig nito ang usapan namin. Ang ingay kasi ni Aizel! Pulang-pula na ang mukha ng kupal sa katatawa habang kumukunot naman ang noo nang lumalapit sa aming si Ate. “H-Hindi… ang ibig kong sabihin…” Nataranta ako’t halos masampal ko ang bunganga ko sa mga pinagsasabi ko. Paano ‘pag kumalat ‘to? Magagalit kaya sa ‘kin si Kuya? Hindi pa kaya siya ready’ng mag-out kaya hindi niya masabi kahit sa ‘kin? Nagsalin ng juice sa isang baso si Ate Chin. Sinulyap-sulyapan niya ang hindi pa rin makalmang si Aizel bago pasaring na sinabing, “Alam mo, kung minsan nagtataka rin talaga ako sa inyo eh. Ano bang nagustuhan n’yo rito sa may saltik at kupal kong kapatid?” Parang nandidiri itong umiling bago muling umalis, dala ang basong may lamang juice. Mukhang hindi naman ito narinig ni Aizel dahil abala pa rin ang kulugo sa pag-concentrate na pigilin ang mga tawa. Napailing na lang ako habang pinanonood siya. Aktong aabutin ko na sana ang baso ng juice ngunit napatalon ako nang may malamig na bagay ang tumapon sa akin. Kung sinuswerte nga naman, natabig ko ang baso niya. “O, napa’no ka?” Napapadaing akong tumayo agad para pagpagin ang yellow shirt kong nalunod na sa juice. Nabasa rin nang kaunti ang short kong maong pero buhay pa naman, itim naman kaya hindi pa rin nakakahiyang suotin kahit may kaunting tapon ng juice. May bakas pa rin ng ngisi ang mukha niya nang kumuha ng tissue sa lamesa para tulungan akong punasan ang t-shirt ko. “Bakit ba kasi kung ano-anu ang naiisip mo?” Mahina siyang humalakhak. “Hindi naman sa sinasabi kong may problema sa pagiging bakla. Pero hindi bakla si Yel. Sana pinormahan na ‘ko no’n kung hindi siya tunay na lalaki.” Sumimangot ako at hinayaan siyang punasan ang shirt ko hanggang sa hindi na ito tumutulo. Pero wala rin kasi kitang-kita na ‘yong tumapong pulang juice ro’n. Baka magmantsa pa ‘to, magagalit si Kuya. Bumalik si Ate Chin sa kusina dala ang baso nitong wala nang laman. Agad tumaas ang kilay nito nang makita ang nangyari. “Chin, pahiramin mo muna si Cadence ng damit,” si Aizel habang pinupunasan ang lapag. Napakurap-kurap ako nang mapatingin sa akin si Ate Chin. Walang sabi-sabi ako nitong nilapitan, hinawakan sa braso at marahang hinila paakyat. Nagpatianod naman ako rito. “Alam mo, Cadence, hindi ko gusto si Ylona.” Nanlaki ang mga mata ko sa bulgar niyang sinabi. Nandoon na kami sa harap ng pinto ng kwarto niya. “Pero hindi ko naman sinasabing gusto kita. Medyo hindi lang gusto kumpara kay Ylona…” Huh? Anong ibig niyang sabihin? Mas boto siya sa ‘kin kaysa kay Ylona? Binuksan niya ang pinto at patuloy akong hinila sa loob. Binitiwan lang niya ako nang magdiretso siya sa itim na cabinet. Bahagya namang kumunot ang noo ko habang ipinalilibot ang paningin sa buong kwarto. Karamihan kasi sa mga gamit na naro’n ay itim. Pumasok kami rito ni Aizel nang isang araw pero hindi ko ito napagtuunan ng pansin. Nagustuhan ko kaagad ang malamlam na kulay ng kama niyang pinaghalong grey at puti. Bukod sa puting lapag at sa tatlong dingding ay puro na itim o kaya ay dark colors ang mga gamit. Hindi ko nga maitsura ang ekspresyon ko nang mapansin ko ang itim na dingding na sinasandalan ng head board ng kama niya… seriously, bakit itim ang pader? Ang weird. Hindi naman mukhang kulto kung manamit itong si Ate Chin. Sa katunayan palagi ko nga siyang nakikitang naka-dress na puro matitingkad ang kulay… “Ito!” Napatalon ako nang biglang magsalita si Ate Chin. Natawa siya nang kaunti sa pagkagulat ko. Iniabot niya sa ‘kin ang isang kulay itim at oversized shirt matapos. Teka… sa kaniya ba ‘to? Bakit ang laki at parang mukhang panlalaki? “Kay Aizel talaga ‘yan. Nagustuhan ko kaya… hiniram ko muna.” Tumango na lang ako kahit nawi-weird-uhan pa rin sa paligid. Alam kong tahimik si Ate Chin pero hindi ko inakalang ganito pala ang hilig niya. “Thank you.” Bahagya akong napatalon na may kasamang kaunting kilabot, nang makita ang kakaibang tingin niya sa akin habang napapangisi. Napaatras pa nga akong kaunti. “A-Ano, ‘yon, Ate Chin?” “Sinagot mo na ba si Aizel?” Sandali kaming nagpalitan ng tingin. Hanggang sa isang bagot na buntonghininga ang nagpahupa nang kakaibang aura niya kanina. Hindi pa man ako nakakasagot ay dinugtungan na niya ang sinabi. “Ang babagal n’yo naman.” Mabilis niya akong binalingan muli. Sabay dire-diretsong hinila palabas ng kwarto niya. Ang buong akala ko’y bababa na kami o sasamahan niya pa ako sa CR pero… “T-Teka, Ate Chin!” Nataranta ako nang manatili siya sa pintuan at ako lang ang ipinasok niya sa loob ng kwartong walang tao. “Kwarto ‘to ni Aizel!” “Alam ko,” balewalang aniya. Pilya ang bumalatay na ngisi sa mukha niya matapos bago sinabing, “Dito ka na magbihis.” Umawang ang mga labi ko. Magsasalita pa sana ako pero mabilis na niyang naisarado ang pinto. Naiwan akong tulala sa kulay puting pintura ng kahoy niyon. Aktong hahawakan ko pa lang ang doorknob nang matigilan pagkarinig sa may kalakasang sigaw ni Ate Chin mula sa labas. “Wag kang lalabas!” May bakas ng pambabanta ro’n kaya’t napalunok na lang ako at sinunod ang gusto niya. Bakit niya ako pinapunta rito? Kwarto ‘to ni Aizel! Bakit dito ako magbibihis? Pumikit pa muna ako nang mariin at nagbuga ng hininga bago nilingon ang kabuuan ng kwarto. Agad rumehistro sa isipan ko ang nakaupong si Aizel habang hinahalikan ito ni Ylona. Muli akong napapikit nang mariin. Letse naman! Magbibihis na nga lang ako! Mabilis akong nagbihis para makaalis na ro’n. Pero bago pa man ako makapagdesisyong lumabas ay may nakaagaw na ng pansin ko. Ibinaba ko ang nahubad kong shirt sa kama bago nilapitan ang frame na nasa bedside table ni Aizel. Kinuha ko iyon para mas tignan nang maigi ang picture na naro’n. Laman ng frame ang isang stolen shot ko noong senior night namin ng high school. Natatandaan ko ‘to. Kuha ‘to sa labas ng gym na ginanapan. Inihatid nila akong dalawa ni Kuya nito gamit ang sasakyan ni Tito—papa ni Aizel. Nandoon na ako sa harap ng gym ng tinawag niya ako. Nag-flash ang camera’ng hawak niya sa mukha ko pagkalingon ko sa kaniya pero ang sabi ng kupal, “Tabi ka, kinukunan ko ‘yung entrance!” Inis na inis ako sa kaniya no’n kasi imbes na ako dapat ‘yong kunan niya, mas naging importante pa ‘yong entrance! Gung-gong talaga ‘yong si Aizel. Pero tignan mo nga naman at nakuha pang i-frame at ilagay sa bedside table niya ang picture ko. Parang tanga. Sa dami ng picture ko sa bahay ito pa talagang candid ang natripan niya? Isa pa, pwede naman siyang humingi sa ‘kin nang mas maayos, hindi naman ako magdadamot. Halos mabitawan ko ang frame ng biglang magbukas ang pinto. Huling-huli nang namimilog na mga mata ni Aizel ang pagngiti-ngiti ko ro’n habang nakaupo sa gilid ng kama niya. “Cadence!” Patayo na sana ako ng bigla siyang napatalon sa kama sabay nagkukumahog na inagaw mula sa akin ang frame. Nagugulat kong pinagmasdan ang pagkakataranta niya habang nakadapa na ro’n at nagpapasalit-salit sa frame at sa akin ang tingin. Sa mapang-akusang tinig ay dire-diretso niya itong sinabi, “Bakit hawak mo ‘to? At bakit ka nandito sa kwarto ko? Sandali, ‘yan ‘yung nawawala kong shirt ah, ba’t suot mo? May iba ka pa bang nakita bukod d’yan? ‘Di ba wala na?” Sandali kaming nagkatinginan bago siya marahas na napakamot ng ulo nang matantong huli na ang lahat para lumusot pa. Problemado na lamang niyang sinulyap-sulyapan ang hawak na hindi malaman kung paano ididispatsa. Hindi ko na napigilan ang ngiting sumusupil sa mga labi ko. “Entrance pala ah…” Sabay turo sa kaniya at tapon nang malisyosong tingin. “Crush mo na ‘ko noon pa man ‘no? Umamin ka, huli ka na. May pa-frame-frame ka pa ngayon.” Pinandilatan niya ako at umakma ng pag-apila ngunit tanging pagbitiw lang ng tingin ang nagawa. Mabigat at animong natalo siyang nagbuntonghininga bago ibinalik ang frame sa pagkakatayo sa lampshade. Marahas niyang ginulo ang buhok bago idinukdok ang mukha sa unan matapos. Narinig ko ang mumunti niyang mga daing at mura ro’n kaya natawa na ako. “Hoy, Aizel! Tinatanong kita.” Pabiro kong hinampas ang likuran niya. Nanatili siya sa parehong posisyon. “Hindi ko alam.” “Ano?” “Hindi ko alam!” mas malakas niyang sinabi, nakabaon pa rin ang mukha sa unan kaya hindi halos marinig. “Bakit ka nahihiya?” Tinawanan ko siya. Para talaga siyang bata minsan. Bigla niyang itinagilid ang mukha, ang isang pisngi ay nanatiling nakadantay sa unan. Magulo na ang buhok niya’t mapupungay ang mga mata nang dumapo sa akin ang tingin. Bahagya kong ipinaling ang ulo at nakangiting hinintay ang sasabihin niya. “Pa’no kung oo?” Mahina siyang napahalakhak nang bahagyang nanlaki ang mga mata ko. “Gusto na kita, Cadence, noon pa man… at ngayon ko lang natanto.” Ibang klase ang biglang pagkalabog ng dibdib ko habang nagpapalitan kaming dalawa ng tingin. All this time… Ramdam ang pag-akyat ng dugo sa pisngi, wala sa sarili kong natakpan ng magkabilang palad ang mukha. Muling napahalakhak si Aizel. At nakahanap ng pagkakataon para ibalik ang tanong ko kanina, “Bakit ka nahihiya?” Hinawakan niya ang pulso ko at sinubukang alisin iyon sa pagkakatakip sa mukha ko. I make a frustrated sound and refuse to take it off. I’ve been crushing on him since forever. Tapos malalaman ko ngayon, matagal na rin pala niya akong gusto? Panaginip ba ‘to? Dahan-dahan kong ibinaba ang mga palad. Agad bumungad sa akin ang maamo at bahagyang nakangiting mukha ni Aizel habang pinagmamasdan ako. Nakatagilid na siya ro’n, tamad na nakadantay ang ulo sa kamao mula sa nakatuping braso. Marahan niya akong hinila palapit mula sa kamay niyang nakahawak pa rin sa palapulsuhan ko. Dahan-dahan naman akong dumungo para makalapit. Ang mga labi ko’y umawang para sa mga salitang hindi ko na nagawang isatinig, matapos salubungin ng labi niya ang sa akin. Parang may nalaglag na bomba sa dibdib ko nang bigla na lang iyong kumalabog nang malakas at sobrang bilis. Malalalim at parang may hinahanap ang mga halik niya. Unti-unti kong ipinikit ang mga mata ko’t sandaling sinundan ang bawat paggalaw ng labi niya sa akin, bago ko ito unti-unting ginaya at sinuklian. Bigla siyang natigilan at napatitig sa akin nang may bahid ng pagtataka. “Paanong…” Dumampi ang isang ngisi sa mga labi ko. Inabot ko ang batok niya at hinigit siyang palapit para halikan muli. Ramdam ko ang panandalian niyang pagkakatigil bago ako dahan-dahang tinugunan. Mas malalalim at parang may pinupuno. Hindi ako gaanong nakasabay dahil hindi pa naman ako ganoon kapamilyar doon. Nagtaasan ang mga balahibo ko nang maramdaman kong hinaplos niya ang pisngi ko pababa sa bandang leeg ko. Ang isa niyang kamay ay nakapirmi sa batok ko para lang maianggulo niya iyon at mahalikan ako nang mabuti. Nagwala ang mga insekto sa sikmura ko nang maramdaman kong bigla ang bigat ni Aizel sa akin. Ni hindi ko namalayang nakahiga na ako sa kama niya. Mabilis akong natigilan at parang estatwang nanigas sa pagkakagulat. Habol ko ang hininga dahil sa bilis ng takbo ng puso ngunit parang hindi ako makahinga nang maayos. Natigilan din si Aizel nang mapansing hindi ako kumikilos. Matapos mapagtuonang sandali ang pagkakahinto ko ay umawang ang mga labi niya na tila may natanto. Rinig ang mabibigat niyang pagbuga ng hangin sa tahimik na silid. Bukod sa init ng bawat pagdampi niyon sa balat ko ay ramdam ko rin ang body heat niya sa akin. Kaya’t nang dumirekta ang tingin niya sa mga mata ko at magpalitan kami ng tingin ay napalunok na lang ako. Gumalaw ang panga niya matapos suminghap nang marahan. Pumikit siya nang mariin matapos at kinagat ang labi na animong may nagawang kasalanan o ano. Sa pagitan ng pagdaing ay isinandal niya ang noo sa noo ko. “Cadence…” Kumportable ang lambot ng hinihigaan kong kama niya pero hindi na yata kakalma ang puso ko sa kanina pang pagwawala. “Cadence…” Sinubukan kong itawa ang magkakahalong kaba, tuwa, excitement at bahid ng takot sa kawalan ng mga salitang masabi. Dahan-dahan siyang bumitiw at lumayo sa akin para maupo. Sapo niya ng palad ang ulo at mukhang may malaking problema nang umahon din ako para maupo. “Bata ka pa, alam kong…” Hindi niya maituloy ang sinasabi. Kumurap ako ng ilang beses at saka pa lang naramdaman ang init sa pisngi, matapos unti-unting matanto kung ano ang ibig niyang sabihin. Mula sa bahagyang pagdungo ay nag-angat siya ng tingin sa akin. “Cadence… na… bigla ba kita?” Napalunok ako sa mga titig niya at mabagal na lang na umiling bilang sagot. Natahimik kaming sandali, animong tinitimpla ang hangin sa paligid. Hindi ko alam kung bakit naalala kong bigla ang mga sinabi ni Ylona nang mag-usap sila sa balcony nang nakaraan. “Anong tawag mo sa ‘kin ha, Aizel? Parausan sa tuwing may pangangailangan ka? An improvised piece of s**t whenever you want to get some?!” Lolokohin ko ang sarili ko kung iisipin kong hindi pa nagagawa ni Aizel ang bagay na ‘yon kasama ang ibang babae. He’s old enough to… do that. But something about it bothers me. May kung ano rin sa ‘king nadidismaya… parang ayaw kong isipin na… “Anong iniisip mo?” Lumipad patungo sa kaniya ang atensyon ko at naabutan siyang maingat na nakatitig sa akin, tila inoobserbahan ang reaksyon ko. Mabagal muli akong umiling at banayad siyang nginitian. Ilang sandali pa kaming tumitig sa isa’t isa bago niya inabot ang kamay ko at marahang pinisil ang mga daliri ko. Lumaki ang ngiti ko nang muli na namang nabuhay ang kiliti sa sikmura ko. Sa wakas ay bahagya na rin siyang ngumiti pabalik sa akin, ang maaamo niyang mga mata ay mas lalong nanlambot. There’s a sudden ache in my chest then. Hindi ko maipaliwanag kung paanong naging posibleng maramdaman ang saya at sakit nang sabay. Matagal ko na siyang gusto. At kahit walang kasiguraduhang masusuklian niya ang nararamdaman ko, sumubok pa rin ako. Isang tulak. Hindi ko lubos akalaing may patutunguhan ang lahat. At sa tinagal naming nakatayo sa magkabilang parte ng linya, naghihintay ng sandali hanggang sa lumiit ang distansya, tuluyan ding naglaho ang pagitan dahil sa wakas, nagkatagpo na rin kami. “Aizel, mahal kita…” Humupa ang kaunting ngiti niya at umawang ang mga labi, ang gulat ay agad rumehistro sa ekspresyon habang nakatuon ang buong atensyon sa akin. “Cadence…” Uminit ang pisngi ko nang ngumiti ako sa pagkakatulala niya. Hanggang sa unti-unting umangat ang magkabilang sulok ng mga labi niya. Kasabay niyon ang isang mahina at tila hindi makapaniwalang halakhak. “Sinasagot mo na ‘ko?” Kagat niya ang labi nang dahan-dahan akong tumango. Magsasalita pa sana ako ngunit nauwi na lang iyon sa mahinang tili nang bigla niya akong sinunggaban ng isang mahigpit na yakap. “Aizel!” Sinundan ng mga tawa ang tili ko nang ibinagsak niya ang likod sa kama habang yakap pa rin ako sa ibabaw niya. Ramdam ko ang pag-uga nang mainit niyang dibdib habang humahalakhak. Napapikit na lamang ako nang mariin at nagbaon ng mukha ro’n. Pinakinggan ko ang mabilis na pagpintig ng puso niya kasabay ng sa akin at pakiramdam ko’y nakauwi na ako… nakauwi sa tahanang matagal ko nang hinahanap. Ang buong akala ko kasi isa ‘yong bahay, mga bisig lang pala niya… Sa nanginginig na boses ay marahan niyang sinabi ito, “Mahal din kita, Cadence… sobra.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD