Las hojas de Valle Azul

2684 Words
7: Las hojas de Valle Azul   Umaga na nang dumaong sila sa Valle Azul. Dala na rin ng mga bulaklak na kulay asul, naging reputasyon na rin ‘yon ng bayan. Pero sa kabila ng mga asul na bulaklak ang isang masalimuot na nakalipas. Nakalampas na silang tatlo sa mga caballero. Kinakabahan pa rin si Milo. Nagbabalik isa-isa ang mga alaala niya noon bago iwan ng pamilya niya ang kaharian na ito. Noong walong taong gulang siya, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga mercante at ang mga maharlika. May mga haka-haka na nagwaldas ang mga ito ng ginto at pilak para sa isa na namang fortaleza malapit sa Pico. Ang ikinainis ng mga tao ay dapat na walang namang kahit na sinong kalaban ang nakapasok sa bayan sa loob ng dalawang libong taon. May mga balita na ba naglabas din ito ng isang libong linggote ng ginto upang bumili lamang ng mga palamuti sa bawat bahay ng mga maharlika samantalang nagugutom ang taumbayan. Nagkakandamatay na ang mga alagang hayop. Tinamaan sila nang matinding tagtuyot. Natuklasan pa ng mga obrero ang katiwalian ng hari sa pagtatago ng mga trigo at mga prutas upang hindi makain ninuman, maliban sa mga maharlika. Nagdebate pa sila sa Consejos at hindi matanggap ng mga obrero at mercante na nanalo ang mga maharlika sa real audiencia. Nalaman din nila na binayaran ng mga maharlika, kasama ng hari, ang mga juez. Husto na!, panaghoy ng bayaning si Osvaldo. Ilang araw na tahimik ang buong bayan. Doon na rin sumama ang bayaning vistador menor na si Denosín. Ipinamalita niya rin na humuhuthot ang vistador mayor ng bayan sa mga maharlika. Iyon na rin pala ang mga araw na naghahanda ang libo-libong hukbo ng mga tao. Nagpapasahan ng mga sandata at mga balita galing sa loob ng fortaleza ng palasyo. Sumiklab ang isang himagsikan nang hindi nalalaman ng mga maharlika. Pinasok ng mga babaeng mandirigma ang bawat bahay at pinagpapatay ang bawat maharlika, kasama ang mga pamilya nito. Ganoon din ang ginawa nila sa mga juez. Kasama ng mga obrero, sinagupa nila ang mga sundalo at caballero. Walang ayaw na hindi maririnig ang kalansing ng mga sandata at kandado. Madalas na nagmimistulang bulalakaw sa umaga ang mga palaso mula sa mga caballero. May malalaking tirador na ginawa ang mga mercadero at natibag ng mga ito ang fortaleza. Pinasok na ng mga babae ang palasyo. Doon na rin nila dinakip ang pamilya ng hari. Wala na silang itinira. Ikinulong ang mga ito sa piitan. Hindi sila pinakain. Walang natulog. Sa pagsibol ng araw sa silangan, nilabas na ang pamilya ng hari. Nilabas ng mga matador ang itak. Isa-isa silang pinugutan ng ulo. Doon na nagtapos ang mahabang kasaysayan ng mga hari at maharlika sa bayan ng Valle Azul. Napilitan na ring lumikas ang pamilya ni Milo patungong Buen Aire dahil napagkamalan silang kamag-anak ng maharlika. Tanging tagabuhat sa mercado ang trabaho ng kaniyang ama. Napapakamalan silang marangya dahil sa malasutla nilang balat na parang hindi nagiging kulang kastanyas kahit anong tama ng araw. Kapareho nila, maraming mga pamilya rin ang nagsilikas. Bawat paglayo ng Valle Azul sa paningin niya ay siya ring pagpipiraso ng mga magagandang alaala sa kaharian. Isinaalang-alang niya pa rin ang mga bayani, lalo na ang vistador menor na siyang nagsunog ng mga labí ng mga maharlika at ng buong pamilya ng hari, at ang kaibigang si Deiasta. Pero sa pagbabalik na ito ni Milo, hindi niya alam kung ganoon pa rin ang pagiging tingin sa kaniya ng mga tao. Napakalaki ng pagbabago. Mas naging maayos ang buong bayan. Hindi natatanaw ang palasyo. Giniba na pala nang tuluyan. Parang Buen Aire lang din ang hitsura. Doon ay nakikita niya pa rin ang mga bayaning lumaban. Ang mga babaeng mandirigma na naging panday. Ang mga lalakeng pantas na natutong humawak ng sandata. Kumakaway sa kaniya ang mga tao dahil isa siyang vistador. Yumuyuko naman siya bilang paggalang. Habang papalapit sa dambana, doon niya rin nakita ang vistador na si Denosín. Kung ikukumpara ang katawan nito noon, mas lumaki ito dala na rin ng pakikidigma. Siya lang ang naging vistador na napuspos ng buhok sa katawan. Sinalubong niya ito. “Vistador, ako na po ito.” “Milo, ikaw na nga. Kumusta?” “Ito, dadalaw sa puntod ng aking mga magulang at mga kapatid.” “Hindi talaga sila nakalimot sa bayan hanggang sa kamatayan.” “Siyang tunay. Habang lumalaki ako noon sa Buen Aire, nagbubuhat pa rin si ama. Naghahabi pa rin si ina. Sina Kuya Esilo at Nilo naman, nabalitaan kong namatay dahil sa aksidente.” Niyakap ni Denosín si Milo. Pareho kasi silang nawalan nang dahil sa digmaan. Pero mabuti na ring nangyari ‘yon. Hindi na pinamumunuan ng kahit anong hari o reyna ang buong Valle Azul. Pagkatapos magyakapan, napansin niya sina Aire at Aguapez. “Sino-sino sila?” “Sila po sina Aire at Aguapez.” Nakipagkamay ang dalawa sa vistador. Isinama sila nito sa loob ng dambana. Nagdasal sila sandali at saka lumabas ulit. “Wala nang naghaharing naghaharing uri.” “Kung katulad lang sana ng hari ng Buen Aire ang naging hari natin, hindi naman mangyayari ang digmaan. Pero sobra sila. Masahol pa sa mga nasa Tartaro.” “Siyang tunay,” singit ni Aire. Naningkit ang mga mata ni Denosín. “Paano mo nalaman?” “Ah. Nakakarating sa Atenas ang mga balita sa mga karatig-kaharian.” “Taga-Atenas kayong dalawa?” “Opo, mahal na vistador,” sagot ni Aguapez. “Kami ang kauna-unahang bayan na nagpabasak ng isang angkan - ang mga maharlika.” “Nararapat lang din sa kanila ang nangyari,” dagdag pa ni Milo. Nagpatuloy sila sa paglalakad patungo sa bahay ng vistador. Malawak ito at may mga kuwarto para sa kanilang apat. Kulay puti ito mula sa labas hanggang sa loob. Pumasok na sila at isa-isang naghanda upang kumain muna. Habang kumakain, hindi na rin naiwasang itanong ni Milo kung buhay pa si Deiasta. “Naku, ang babaeng iyon. Buhay na buhay pa. Mahilig pa ring mang-asar ng mga mercante sa distrito.” “Mabuti naman ang buhay pa siya. Gusto ko sana siyang makita.” Uminom siya ng tubig. “Doon pa rin ba sila nakatira?” “Oo. Hindi sila umalis. Pinanatili niya ang pag-aari ng bahay ninyo. Hindi siya pumayag na gamitin iyon upang gawing lalagyan ng mga patay.” “Kahit matigas ang ulo niya, siya pa rin talaga ang kaibigan ko. Matagal na panahon akong nag-asam na makita siya. Huli ko siyang nakita, halos naghihingalo na.” “Kung makikita mo siya ngayon, kasinglusog niya ang mga baboy na binebenta niya. Matador na rin kasi siya.” “Mabuti naman kung ganoon.” Nagpaiwan si Aguapez sa bahay upang maglibot sa bayan. Naghahanap kasi siya ng mga mabibiling magagandang bagay mula rito. Kasama niya si Denosín at pinakita nito ang binebenta ng mga mercante. Mga kwintas na gawa sa perlas at sapiro. Kilala ang bayan na ito sa mga hiyas na tila napupulot lamang sa paligid nito. Iyon ang naisipang bilhin ni Aguapez bilang tanda na nagtungo siya sa bayang ito. “Aguapez, alam mo ba ang ibig sabihin ng pinagsamang perlas at sapiro para sa aming mga Azulano?” “Ano?” “Pag-ibig. Umiibig ka ba ngayon?” Yumuko siya at nagtakip ng mukha. Natawa nang mahina si Denosín. “Umiibig ka nga. Sino ang mapalad na nilalang?” “Si Olympus. Ang kaso, hindi ko siya nakasama dahil pumasok na siya sa monasterio.” “Mukhang matatagalan bago siya lumabas.” “Ang araw ng pag-alis namin ang siyang pagpasok niya roon.” “Hayaan mo. Kung kayong dalawa talaga ang tinadhana, maghahanap ito ng paraan.” “Nawa, nawa.” Binabagtas naman nina Milo at Aire ang kahabaan ng isang kalye patungo sa pinakadulong distrito ng bayan. Doon nakatira noon ang pamilya ni Milo. Doon din nabuo ang unang walang taon ng kaniyang buhay. Madalas na makikita siyang naglalaro ng tagu-taguan sa mga kaibigan niya. May mga sandali pa na nagpupunta sila sa plaza ng bayan. Nang makita niya ang vistador noon, doon niya nakuha ang pagnanais na makapaglingkod sa mga tao habang naglilingkod sa mga diyos. May mga kalaro silang pinagtatawanan siya, pero hindi niya na inisip pa ang sasabihin ng iba. Tanging ang kaibigang si Deista lang ang nakaunawa sa kaniyang pangarap. Nang marating na nila ang dulo, namataan niya ang kaibigan. Natigilan si Deista at parang kinikilala ang kaharap. Nanlaki ang mga mata niya nang mabanaag na si Milo na ang kaharap niya. “Milo! Milo!” bulalas nito. Nagyakapan silang dalawa nang mahigpit. Bumuhos ang luha ng saya. Patuloy man sa pag-agos, hindi maikakalang may pangungulila sa bawat patak. Sa bawag higpit ng yakap, bumabalik sa gunita nila ang mga pangyayari noong kabataan nila. Ang mga araw na parang nagtatampisaw sa mga jacinto sa tag-init. Ang mga araw na nangunguha sila ng mga manzanilla upang ipantaboy sa mga peste. Lahat-lahat ay bumabalik na parang nangyayari ang mga ito sa harap nila. “Kumusta ka na?” “Naging vistador menor na ako.” Napasinghap siya. “Talaga?! Natupad mo na ang pangarap mo, Milo!” “Siyang tunay, Deiasta. Siyang tunay.” Kumalas na silang dalawa sa pagkakayakap. Nagtanong ulit si Deiasta, “Sino siya?” “Siya si Aire. Ang kasambahay ko.” “Ikinagagalak kong makilala kayo, Señora Deiasta.” “Salamat, Señor.” Nagkamayan silang dalawa. Pagkatapos, pumasok na sila sa loob ng bahay. Naghanda si Deiasta ng pinakuluang manzanilla at pita na may keso para sa dalawa. Wala pa ring nagbabago sa bahay nila. Gawa sa pinagpatong-patong na malalaking bato. Katulong pa nga ang kaniyang ama sa paggawa nito. Ang pinakamagandang bahagi ng bahay ay ang bulwagan kung saan makikita ang mga nililok ng ama ni Deiasta. “Naparito ka, Milo?” “Dadalawin ko lang sana ang puntod nina ama, ina, at ng mga kuya ko.” “Sabay na tayo. Dadalaw rin ako kina ama, ina, at mga nakatatandang kapatid ko.” Tumikhim saglit si Milo. “Kumusta ka na nga pala?” “May asawa na ako.” “Sino?” “Hulaan mo. Alalahanin mo.” Nabilaukan si Milo. “Si Mariza?” Ibinuka ni Deiasta ang kaniyang mga bisig na waring nanalo sa isang paligsahan. Humagikgik silang dalawa. Ngumingiti naman si Aire sa kanila. Ibinida ni Deiasta ang mga likhang sining ng kaniyang kabiyak. Mga telang hinabi mula sa pininong balahibo ng mga tupa. Alam na agad ni Milo na si Mariza lang ang makakagawa nito. Noong maliit pa sila, madalas na naghahabi ng tela ang kanilang kaibigan. Walang araw na hindi ito makikitang naghahabi sa labas ng tindahan ng amang si Maestro Apolonio. Marunong din siya ng paghahabi ng iba-ibang uri ng hibla galing sa mga punongkahoy na kinulayan pa ng iba-ibang tina. Habang tinitingnan pa rin nila ang mga tela, pumasok si Mariza. Agad-agad niyang tinakbo si Milo. Niyakap niya ito nang mahigpit. “Kumusta, Milo?” “Mabuti naman.” “Alam mo, magpupunta dapat ako sa Buen Aire. Hindi lang matuloy-tuloy dahil sa dami ng ginagawa naming mag-asawa.” “Ayos lang naman sa akin, Mariza. Basta ang mahalaga, mapaunlad mo pa ang sarili mo.” “Ikaw pa rin talaga si Milo, Ang Matalinhaga.” “Siyang tunay, mi amor.” Nilabas ni Mariza ang isang malaking tela na sampung dipa ang haba. Kumikinang ito at namumula na parang rosas. Wala itong kasinglambot. Hindi maiparis sa mga telang nagamit ni Milo sa buong buhay niya. Inilagay ito ni Mariza sa isang malaking lalagyan, at saka ipinasok sa isang malaking cartera. “Ito sana ang ibibigay ko sa iyo, Milo.” “Ang ganda, Mariza. Salamat!” Nagdala na rin sila ng mga jacinto at rosas bilang mga alay. Nagtungo na silang lahat sa Pico del Valle Azul. Parang tuka ng ibong agila ang dulo nitong libingan; isang mataas na dahilig na nakausli sa ibabaw ng karagatan. Iyon na rin ang bingit patungo sa karagatan. Pulos puno ng cipres ang nakapalibot. Walang magagarbong libingan, tanging mga palatandaan lamang ng mga pangalan ng mga namatay ang makikita. Kung titingnan sa malayo, mukhang isang malawak na kapatagan lamang ito. Kasabay ng pagtama ng araw sa bawat puntod ay siyang paglalakad nila patungo sa isang bahagi ng sementeryo para sa kanilang distrito. Nang makita na nila ang mga tanda, nilapag na nila ang mga bulaklak. Si Milo na ang nagsimulang magdasal. Lumuhod na rin silang tatlo. Galing sa sementeryo, bumalik na silang lahat sa bahay. Si Deiastra din ang nagmamantena ng buong bahay nina Milo. Kaya pagpasok niya, nagulat siyang hindi ito inaalikabok. May mga bagong sibak na kahoy at nagsindi siya ng isang dahil lumalamig na. Kumakain na rin sila ng mga niluto ni Mariza. Carne asada, pita con miel, sopa de pollo, at naglabas din siya ng isang botelya ng vino para sa kanilang tatlo. “Ang sarap ng luto mo, Mariza,” papuri ni Aguapez. “Walang anuman, Aguapez. Bueno, Aire, masarap ang sopa de pollo.” Humigop siya ng sabaw. “Oy! Ganito rin ang lasa ng kay Milo. Dito pala nanggaling ang bersyon ng sopa de pollo. May azafrán at paminta na mula sa bansang Indus.” “Dala-dala mo pa rin talaga ang pagiging azulano, Milo.” “Hindi naman kasi maaalis sa isip ko ang bansang ito, Mariza. Kapag tumanda na ako at magreretiro sa pagiging vistador, babalik ako rito.” “Mabuti naman. Sana, bumabalik ka pa rin kahit isang beses sa isang taon. Nakakangulila kapag hindi ka namin nakikita. Sa totoo lang, nakakabagot at nakakalungkot, Milo.” “Huwag kang mag-alala, babalik ako sa susunod na taon.” “Salamat, Milo.” “Walang anuman.” Matapos ang dalawang araw, nagligpit na ng mga gamit ang tatlo. Kailangan na nilang umalis dahil sa mga sari-sariling gawain. Maglalayag na silang muli pabalik sa Buen Aire. Nakatabi na rin ang magagandang tela na binigay pa ni Mariza. Nagbigay naman ng isang malaking botelya ng katas ng manzanilla ang vistador. Nagluto na rin ng makakain si Deiasta para sa kanila. Maluha-luha pa si Milo bago tuluyang makasakay sa barko. Kumakaway pa rin siya hanggang sa tuluyang hindi niya na makita ang buong dalampasigan ng Valle Azul. Takip-silim na. Nagkukuwentuhan silang tatlo habang lumiliko sa mga pulong bato. Doon na rin naisipang ikwento ni Aire na may dragon dito. Nanginig sa takot si Milo, pero sinabi agad ni Aguapez na hindi ito parang mga alaga nina Ganador, Fogo, o Tenebris. Ito ‘yung mga dragon na lumilipad sa ibabaw ng dagat at kumakain ng mga pating. Nang lumitaw na ang mga bituin, sumipol si Aire nang malakas. Isang pagaspas ang narinig nila. Narito na ang pilak na dragon. Kumikinang ito sa pagtama ng liwanag mula sa cosmos. Naglagay nang mahaba at matitibay na lubid si Aire para makahawak siya. Sumakay na silang dalawa sa dragon at lumipad sila nang mataas na mataas. Napasigaw nang malakas si Milo sa sobrang takot. Hindi na siya magkandaugaga kung ano ang susunod na gagawin. Halos kapantay na nila ang ulap. “Aire, natatakot ako!” “Milo, yakapin mo ako. Dali!” “Sige, sige.” Yumakap siya nang mahigpit, at hindi maiwasang kiligin ni Aire. Ito ang unang pagkakataon na naglapit ang katawak nila. Ni hindi makakalusot ang tuldok sa mga sandaling ito. Ganoon din ang nararamdaman ni Milo. Hindi niya maiwasang marahuyo sa init ng likod ng niyayakap niya. Tapos, bumulalas sa kaniya ang laksa-laksang bituin. Tumatalas ang mga liwanag sa pagtama sa buhok ni Aire. Hindi na siya bumibitaw sa pagkakayakap. “Aire, ewan ko ba. Gusto ko na ganito na lang sana ang buhay.” “Bakit?” “Aaminin ko na; nalulungkot ako.” “Bakit naman?” “Ang hirap mamuhay na parang hindi na matutupad ang pangarap ko.” “Na may diyos na mahuhulog sa mga ngiti mo? Mayroon naman.” “Talaga ba? Sino?” “Si Ganador o si Tenebris.” Binatukan niya si Aire. “Ikaw talaga! Matabil ‘yang bibig mo.” “Paumanhin naman. Ikaw naman kasi, e. Masyado ka ring mapili. Pero kahit si Viento Visto, tiyak na mahuhulog sa kabutihan at kagandahan mo, Milo. Hindi ka mahirap mahalin. Takot ka lang na maiwan, dahil iniwan ka rin ng mga taong minahal mo.” Tumulo ang luha, at hindi na maitago ni Milo ang bigat ng kaniyang nararamdaman. Nagsalita ulit si Aire. “Kahit na ganoon, hindi mo naiwala ang sarili mo kahit kinakagat ka na ng pag-iisa sa mahabang panahon. Mangyayari din ang pag-ibig na inaasam-asam mo.” “Sana nga. Ang hirap magmahal sa hindi mo naman nakikita.” “Malay mo, nasa harapan mo na pala ang hinahanap mo.” Kahit na naninimdim siya, hindi maitatagong nagkukulay-rosas ang mga pisngi ni Milo. Kinikilig pa rin si Aire, at hindi niya na magawang lingunin pa ang vistador. Tanging pagsunod na lang sa barko ni Aguapez ang ginawa nila. Habang lumalalim ang gabi, lumulubog na rin ang mukha ni Milo sa likod ni Aire. Humihikab na ito kaya pinili na nilang bumaba. Nagpaalam na si Aire sa dragon at bumalig na ito sa lungga sa isang dahilig na may yungib sa ilalim. Napahimbing na siya at nag-usap naman ang magkapatid. “Viento, salamat nga pala sa lahat.” “Para saan?” “Sa lahat ng ginawa mo para sa akin.” “Walang anuman. At saka kapatid naman kita.” “Hindi ‘yon. Ngayon ko pa lang nararamdamang maging malaya. Pero siyempre, hindi puwedeng hindi ako bumalik sa Polo Sur.” “Puwede ka namang bumalik; Lalo na kapag hindi na ulit manggugulo pa si Ganador.” Tumikhim si Aguapez. “’Yan ay kung magagapi mo siya. Kaya umaasa ako sa iyo, kapatid ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD