6: Es una nueva luz y nuevo día para Olympus.
Dala-dala ni Milo ang mga dokumento na magpapatunay sa nakamamanghang kakayahan ni Olympus. Ang mga talà tungkol sa mga napaniginipan niyang nangyari. Ang pinakamalapit sa katotohanan ay ang biglang pagbagsak ng temperatura sa buong ciudad ilang gabi na ang nakalilipas. Binabati na siya ng mga tao. Nagpupunyagi ang dati niyang amo sa pagiging soñador niya. Yumuyuko pa rin siya bilang paggalang sa mga taong pagsisilbihan niya.
Sumakay na sila sa karwahe na magdadala sa kanila sa palasyo ng hari. Tumatagaktak na ang pawis. Kabado. Nag-iisip kung ano ang sasabihin sa pamilya ng hari, at lalong-lalo na sa vistador mayor. Hindi pa rin alam ni Olympus kung saan siya magsisimula. Napansin ni Milo ang pagkahapo nito at binigyan siya ng isang tuwalya upang punasan ang sarili.
“Kumalma ka, Olympus. Baka sabihin pa ng hari sa iyo na hindi siya naiiba sa lahat ng tao sa bayan.”
“Nakakatakot lang dahil baka kung ano ang mangyari, Milo.”
“Huminga ka nang malalim. Pakinggan mo ang sarili sa kabila ng pagtakbo nitong karwahe. Hinga. Buga.”
“Salamat, Milo.”
“Walang anuman. Basta ang mahalaga e malalaman mo na kung gaano kahalaga ang pagiging trabaho mo.”
Tumango siya at piniling tingnan ang magkabilang kakahuyan. Nakikita niya ang pamumukadkad ng mga bulaklak ng manzanilla. Nawawala ang pagkabalisa niya. Tama nga si Milo, aniya. Pagpapakatotoo rin ang hangad ng kaniyang gagawin balang araw.
Bumukas na ang malaking tarangkahan ng palasyo at bumungad sa kaniya ang mga senador at representante ng mga distrito. Kumakaway ito sa kanila. Ngumingiti siya at kumakaway na rin. At nang makababa na sila sa palacio de artes e físicos, sinalubong agad sila ng hari at reyna na sila Valentín at Misericordia.
“Buenos días,” pagbati ng mensahero ng hari.
“Buenos días, vuesas magistradas,” pagbati naman ni Olympus sa kanila.
Naglalakad na silang dalawa. Hindi maiwasang mamangha ni Olympus sa mga nakikita sa paligid. Malawak ang sakop ng buong complejo ng palasyo dahil narito rin ang pamunuan ng mga distrito, mamamayan, mga senador ng bayan, at pagdadalubhasa. Sa tantiya niya, maliit lamang ito nang kaunti mula plaza hanggang sa walong distrito na nakapalibot doon. At bawat distrito ay kasinglawak ng dalawampung plaza. Makikita rin ang mga kolum na nagtatayo sa matataas na bahagi ng mga palasyo. Nakaaangat ng dalawampung baitang ang bawat isang palasyo mula sa lupa. Makikita rin ang isang lugar kung saan naglalaro ang mga bata kasama ng kani-kanilang mga magulang. Bilang pangako ng mga nakalipas na maharlika, kailangang mamulat din ang mga kabataan sa mga nangyayari sa loob, kaya maaari din silang manood ng mga debate ng mga namumuno sa kanila.
Pumasok na sila sa loob at isang malaking silid-aklatan ang bumungad. May mga nagtatrabaho rin sa loob nito. Mga manunulat ng bayan, mga kritiko, at iba mga historyador. Nang pumasok sila, may nagdedebate pa. May mga batang pantas din na nagbibigay ng opinyon, at may dagdag ito sa kaalaman ng magkalabang grupo.
Pumasok na ang hari, reyna, vistador mayor, at silang dalawa sa loob.
“Señor Milo, nakakatuwa ang mga pagbabagong hatid mo sa bayan. Nagseselos na itong si Davide.”
“Mahal na Hari naman. Hindi ganoon. Natutuwa rin siya na malayo na agad ang nararating ng Buen Aire sa aspetong espiritwal,” pagtatama ng reyna.
“Siyang tunay, Mahal na Reyna,” tugon ng hari.
“Sa ngayon, mahal na hari at reyna, nais ko pong ipakilala sa inyo ang magiging soñador ng ating kaharian. Si Olympus,” pambungad ng vistador mayor.
Tumayo siya. “Ako po si Olympus. Isang dating kasambahay at nangangamuhan kay Señor Godín na isang mangangalakal. Nakakapagsalita rin ako ng tatlong wika: Hispan, Lusitan, at Franquesa. Maraming salamat po.”
“Walang anuman, Olympus,” sabi ng reyna.
May basbas na ng hari, reyna, at ni Davide ang pag-aaral nito sa monasterio. Nagpaalam na rin si Milo na mawawala siya mula primeira-feira hanggang umaga ng sexta-feira. Pumayag naman ang vistador mayor. Kapalit nito ay ang pagpapadala ng mga sundalo na magbabantay sa kaniyang tirahan. Kailangan niya lamang mag-iwan ng makakain para sa mga ito. Kailangan niya ring magtalaga n isng pantas na magbubukas ng dambana bawat araw. Pagkatapos, maaari na siyang umalis kasama si Aire at Aguapez.
Pag-uwi na pag-uwi nila, nagligpit na agad ng mga gamit si Olympus. Nagtulungan na silang lahat upang mapabilis ang pag-alis. Sa bawat pagtutupi ni Aguapez, hindi niya maiwasang maiyak dahil hindi niya alam kung kailan ulit sila magkikita. Nagyakapan ang dalawa. Masidhi, may tindig, at may pangungulila ang bawat yakap.
“Magkikita pa ba tayo?” tanong ni Olympus.
“Oo, bumulong ka lang sa hangin. Naroon din ako.”
Hinalikan nila ang isa’t isa. Kapwa namula ang mga mukha nina Milo at Aire. Samantala, halos maarok na ni Olympus ang isang tala upang iabot kay Aguapez sa mga palitan ng halik. Nagyakapan ulit sila. Naghanda na rin Aire sa pag-alis nila ni Milo. Umiiyak pa si Aguapez habang papalayo ang karwahe.
Hindi maitago ang lungkot sa mga mata niya. Madalas na iniisip pa rin niya kung bakit hindi nagtatama ang panahon at pag-ibig para sa kaniya. Labis-labis na ang hagupit ng buhay, aniya. Tulala lang si Olympus sa buong paglalakbay hanggang sa monasterio. Tanging hangin at mga mata niya lang ang nagsasalita sa mga trahedya niya sa buhay. Hindi rin kayang ipaliwanag ng t***k ng puso kung gaano kasakit ang nararamdaman niya. Itago niya man ang pait, kirot, at pandidiri sa buhay, mukha niya pa rin ang nakikipag-usap sa iba. Ayaw niya na lang magsalita dahil kilala siya bilang taong matibay, malaki at malakas ang pangangatawan. Pero hindi ang isip niya.
Sumagi na rin sa isip niya ang tingin ng mga tao sa mga magagandang lalake na tulad niya. May kababawan sapagkat nakaasa sa hitsura. Anila, hindi siya maaaring maging soñador dahil sa kariktan niya. Tila ba sumpa ang pagiging magandang lalake niya sa lahat. Pero iba ang tingin ng mga tao sa mga katulad ni Milo na labis-labis ang kagandahan. At ngayon, binago niya unti-unti ang tingin ng mga tao sa kaniya. Sa matagal na panahon, hindi alam ni Señor Godín na marunong makipag-usap sa tatlong wika ang kasambahay niya. Madalas na tagabuhat lang siya ng mga kahoy, aklat, at prutas, pero hindi siya nakita bilang taong may karunungan. At sa lahat ng nangyari sa kaniya, ito pa lang ang unang beses na may nakakita pa ng iba niyang kakayahan. Si Milo lang ang madalas na kausap niya sa tuwina dahil umuunawa ito. May puso para sa lahat. Mapalad ako, aniya.
“Olympus.” Tinapik niya ito. “Olympus, narito na tayo.”
Apat na mabilisang sakay ang ginawa nila upang makarating agad. Tatlong masusukal na bundok ang layo nitong monasteryo mula sa sentro ng Buen Aire. Ito ang lugar na hindi nagalaw sa loob ng tatlong libong taon. Bakas na bakas na rin sa mga gusali ang pagkaluma ng monasteryo. Tanaw na tanaw ang tatlo pang bayan sa ibabaw nito. Ang parténon sa gitna ng monasterio ang siyang tanging napanatiling hindi natibag. Kasinglinis ng isang batis ang lugar dahil mariin ang pagsasabatas ng kalinisan nito. Halos mapapayat ang mga tao rito kaya halatang hindi maayos ang mga bloke na nakaharang lang sa daan.
May mga monghe at mga vistador na narito upang mag-aral pa. Hindi sila katulad ni Milo na dalawampu’t isang taon lamang nang makalabas dito dahil sinubok niya nang ilang ulit ang mga pantas na dalawang beses ng kaniyang edad.
Pagpasok pa lang nilang dalawa, agad na sinalubong ng mga pantas si Milo. Nakipagkamay sa kanila ang mga ito. Madalas na ilag na ilag kay Olympus ang mga ito. May mga pantas na kasingtanda niya na pinagtatawanan siya. Ngumiti na lang siya sa kanila, at nanghina ang mga ito. May angking kamandag ang bawat titig niya kaya maraming napupukaw na binabaeng pantas.
Sinalubong sila ng isang matandang ermitanyo, si Señor Mariduno. Siya ang punong ministro ng buong monasterio. Siya rin ang magtuturo ng mga aralin sa pagiging soñador. Tinapik niya agad ang binata dahil nabanaag niya sa mga mata nito ang kakayahang makita ang hinaharap. Naalala nito bigla ang kaniyang kabataan. Isa rin siyang alipin sa bayan ng Pueblo Roto, ngunit hindi siya kinilala bilang isang soñador dahil malaking tao rin siya at tanging pagbubuhat at pangangamuhan lang ang nagdidikta sa pagkatao niya. Nilayasan niya ang bayan at natagpuan siya ng noo’y punong ministro ng monasterio na si Don Dealto de Renacer. Pinatulog lamang siya nito nang isang araw at nakita agad ang kakayahan niyang makita ang hinaharap. Ito na ang panahon, aniya.
“Señor Mariduno, siya si Olympus. Ang magiging soñador ng Buen Aire.”
“Siyang tunay! Magkakaroon na rin kayo ng isang soñador!” bulalas ng matanda.
“Con mucho gusto, señor,” pagbati ni Olympus.
“Halina kayo. Isasama na rin kita sa dormitoryo ng mga soñador. Pero sa panahong ito, tayong dalawa lamang ang magiging laman nito. Tatlumpu ang kuwarto, at isa para sa akin. Pero ikaw pa lang ang pupuno sa isa. Matagal nang bakante ang dormitoryo.”
“Gaano na po katagal?”
“Walumpung taon.”
Nagulat si Olympus sa nalaman. Tumawa ang punong ministro. Nakakatigang at nakakawala ng bait, aniya. Nakipagkuwentuhan pa sa kanila ang ministro at isinama na siya sa kaniyang silid. Punung-puno ito ng mga aklat. Hindi niya maitago ang galak dahil ito ang mga babasahin na nais niyang makita sa bawat araw.
“Alam mo, Milo. Iba pa rin talaga ang nagagawa mo. Madalas kang nakakagawa ng himala.”
“Hindi naman, Señor. Kailangang unawain ang isang tao upang makita ang kaniyang potensyal.”
“May punto ka. At ang mga kumag na tumatawa sa kaniya, hindi mag-aatubuling makasama siya.”
“Kung sabagay. Pero kumusta naman ang mga babae sa colegia?”
“Matatawa ka kung paano nila nilalampaso ang mga lalakeng pantas. Kaysarap panoorin.”
“Paano?”
“Nalulusutan nila ang mga argumento, lalo na kung kapangyarihan ang usapan. May isang pantas na babae - si Lorquia - na dinebate na hindi basehan ang kagandahan sa pagkatao at talino nito. Ang sagot niya, “Kung nagagawa nating isipin na hindi nasusukat sa dami ng nabasang aklat ang katalinuhan, ganoon din ang kariktan sa hangganan ng katalinuhan. At lalong hindi nadidikta ng trabaho ng isang tao ang hangganan ng kaniyang haraya at talino. Ngayon, kung ipipilit ninyong walang laman ang utak ng mga magagagandang babae at lalake, parang sinabi niyo na rin na kayo ang nagdidikta sa kung ano ang dapat isipin at gawin ng isang tao; na kayo na rin ang nagdidikta sa pagkatao ng isang tao. Tama o mali?”
“Mabuti na lang ang kadaupang-loob ko ang mga taga-colegia. Sa kanila ko rin natutunan ang mga debate.”
“Hanggang ngayon, hindi pa rin natatablahan ang sagot na ‘yon. Natatawa ako sa kababawan ng iba rito.”
Napansin nila na wala si Olympus. Naririnig nila ang mga sigawan ng mga babaeng pantas. Tumanaw sila sa bintana at nakita nilang nagbubuhat ito ng malalaking bato. Tinatanong na rin ni Olympus ang mga pantas kung saan ito maaaring itabi. Tinuro nila ang isang espasyo gilid ng colegio de artes.
Nagsalita ang isang pantas na babae, si Lorquia, “Merci, monsieur.” Sinusubukan niya kung wala itong alam sa wikang Franquesa.
Sumagot si Olympus. “De rien, madame. Je vais réparer toutes les pierres dans le coin.”
“Bienvenue, monsieur.”
“Merci beaucoup, madame...”
“Lorquia, Lorquia ang pangalan ko. Pero maiba ako. Paano napadpad rito?”
“Magiging soñador po ako.”
“Talaga ba? Magaling!”
Nagtatawanan lang sina Milo at Señor Mariduno. Naikuwento niya rin na noong panahon niya, halos maghubad na ang mga lalake at babae sa harapan niya. Ganoon din kay Olympus. May mga lalake ring lumalapit. Pawang mga maliliit silang lahat, at kapansin-pansin na siya lang ang matangkad. Pagkatapos, umakyat na ulit si Olympus sa dormitoryo.
“Ikaw talaga, Olympus! Hindi mo na kailangang gawin ‘yon,” saway ng señor.
“Ayaw ko lang po kasi na nakakakita ng marumi o hadlang sa dinadaraan ng mga tao. Pangit pong tingnan.”
“Tama lang din naman ang ginagawa mo. Kailangan ding malakas ang pangangatawan mo. Pero alam mo, maraming mag-aaway-away dahil sa gandang lalake mo.”
Napahagikgik si Olympus. “Ako po?” Tinuro niya ang sarili.
“Oo, hijo. Manalamin ka.”
“Hindi na po kailangan. Ang sadya ko po rito ay mag-aral.”
“Pero maiba ako. May kasintahan ka sa labas?”
“Opo. Si Aguapez. Isang dayuhan mula sa bayan ng Atenas.”
“Lalake?”
“Opo. Mahal na mahal ko po siya. Sana makadalaw ako sa kaniya sa Atenas.”
“Naglayag siya papunta sa Buen Aire?”
“Opo.”
Tinapos na nila ang pag-uusap. Nagpasalamat siya kay Milo. Nagyakapan silang dalawa. “Mag-aral ka nang mabuti, Olympus. Naghihintay ang Buen Aire sa iyo.”
“Makakaasa kayong lahat, Milo.”
Pagkatapos, umalis na si Milo upang bumalik sa Buen Aire. Halos kalahating araw din ang naubos sa kaniya. Nakakapagod man ang pagkakasunod-sunod ng mga nangyari, tuloy pa rin ang pagbibigay niya ng serbisyo sa nasasakupan. Bibihira ang mga ganitong tagumpay sa buhay ng isang vistador. Kung tutuusin, maaari na siyang pumalit bilang vistador mayor, pero mas gusto niyang pagsilbihan ang mamamayan.
***
Pagbalik sa Buen Aire, nakahanda ang mga kakainin ng mga sundalo na nasa labas. May karwahe ulit na magdadala naman sa kanila sa pantalan. Isa-isa nang nilagay ni Aire ang mga gamit nila. Pagkatapos, nagsimula na silang maglayag. Hindi alam ni Milo na dala-dala pala ni Aire ang liro at mga aklat ng awit mula sa Novo Oporto. Umaawit ito ng mga awit ng pag-ibig habang nagdarasal naman si Milo sa loob.
Lumabas na siya kuwarto ng barko at saka siya tumabi kay Aire.
“Alam mo. Tuso ka talaga.”
“Bakit?”
“Dinala mo ang lira!”
“Sayang naman. Walang awitin sa barko habang nasa laot? Mahirap ‘yon.”
“Ipapaalala ko lang sa iyo. Mga puntod ng pamilya ko ang pupuntahan natin.”
“Opo, kamahalan.”
“Que te calles, eh.”
“Perdón.”
Tumawa si Milo. Parang tutang malungkot kasi ang hitsura ni Aire. Nagngitian sila sa isa’t isa. Naging maamo ang dagat sa pagputok ng dilim. Naghahalo ang lagaslag ng alon at tunog ng lira. Parang naghahalo ang nagagalit at ang tagapayapa. Nagmemedita si Milo. Makalipag ang ilang saglit, bumungad sa kaniya ang kalawakan at mga bituin. Saka naman umawit si Aire.
O horizonte pelo outro horizonte.
O senhor do mar, diz-me quando,
quando posso ver outro lado.
Lanço o meu barquinho na tua água
que brilha pela lua.
O senhor do mar, da-me a razão para acreditar
que o amor ir-me-ei salvar pelo tudo.
Por acreditar-te, vou ceder tudo no meu peito
para te encantar salvar-me.
O senhor do mar, deixa-me aprender o teu amor.
cada cascadas da água, o luar que se enleia contigo,
a tua pele, ao teu corpo, com saudade daquel momento,
diz-me como dizer adeus até o outro horizonte.
“Alam mo, Aire, ngayon ko lang natuklasan na maganda pala ang boses mo. Nakakadala.”
Lumiwanag ang dagat na animo’y pinipintahan ang ibabaw ng tubig. Gabi na ang tanging liwanag ng buwan na lang ang tanging liwanag nila. Patuloy pa rin sa paglalayag si Aguapez. Nakikipagbuno sa katamtamang hampas ng alon. Ilang pulong bato na rin ang nalampasan nila. Tumigil na rin sa pagtugtog si Aire at pinuntahan ang kapatid. Nagpaalam na rin si Milo sa kanila na matutulog na siya. Hinintay nilang lumalim ang pagtulog ni Milo. Sa isang pitik ni Aire, nagkaroon ng baluting asul, aura na umiikot sa katawan nito. Naramdaman ni Milo ang paglamig ng paligid at gumaan ang paghinga niya. Sumisidhi ang pag-arok niya sa pagkatao sa kaniyang panaginip. Naglalakad siya patungo sa liwanag habang nababalot ng baluting asul. Wala siyang makitang lupa. Puro ulap na ang naaapakan niya. Nasa horizonte naman ang papasikat na araw. Hinahabol niya ang lalakeng may baluting pilak. Sa paghagupit ng banayad na hangin, Nahubad ang casco nito at nagmuwestra ang malagintong buhok. Bumulaga ang pakpak nito at humarap kay Milo. Ang diyos na Viento Visto pala ang hinahabol niya. Ngumiti ito at inabot ang kaniyang kamay. Tumalon sila at bitbit siya nito hanggang sa makababa sila sa mga parténon sa Sierra Alta.
Bumalik na si Aire kay Aguapez. Napapangiti ito dahil magkasama na ulit silang dalawa. Malapit sina Viento at Australis sa isa’t isa. Madalas kasing wala sila sa Sierra Alta upang bantayan ang sangkatauhan. Nagpapalitan din sila ng mga kuwento sa mga bayan na tinitingnan nila mula sa ulap. Pero ito ang unang pagkakataon na nagkatawang-tao silang dalawa.
“Viento, baliw na baliw ka talaga sa kaniya, no?”
“Oo, Australis.”
“Parang naglalakad ka sa ibabaw ng mga espada ni Ganador sa ginagawa mo.”
Natigilan sandali si Viento. Hindi niya alam kung ano ang susunod niyang sasabihin. Aniya, gusto niyang bitiwan ang pagiging diyos at maging tao upang makapiling si Milo. Ngayon, bigla siyang napaisip kung hanggang saan pa ang kaya niyang bitiwan.
“Natameme ka?”
“Basta, Australis. Handa na akong iwan ang Sierra Alta.”
“Pero sandali, may naisip ka na bang plano?”
“Kay Ganador?”
“Oo. Ano’ng balak mong gawin?”
“Kung gusto niya, sige. Ako pa ang magluluklok sa kaniya.”
“Hindi madali ang iniisip mo, Viento. Hindi dapat siya maluklok. Kilala mo naman ang kapatid natin.”
“Nawawala na ang navaja de justicia. Ano, kukuha ako ng bulalakaw sa labas ng daigdig?”
Ngumisi sa kaniya si Australis. “Bakit hindi? Kaya mo naman, hindi ba?”
“Siraulo,” atungal niya. “Hindi gano’ng kadali ‘yon. Pero kung anuman ang mangyayari, nakahanda na ako. Matagal ko nang nararamdaman ang paninibugho ni Ganador sa akin.”
Nabalutan sila ng katahimikan sandali. Nakipaglaro muna sa Viento sa dragon na lumilipad sa itaas. Sinakyan niya ito at sa isang kumpas niya, lumutang ang barko ni Australis. Nagkaroon ito ng ulap sa ilalim at umangat nang kaunti sa dagat. Sa taas ng lipad nila, halos kainin na ng dragon ang buwan, pero agad silang bumaba ulit sa ibabaw ng barko.
“Señor Dragón, vamos para allá.”
“Vamos, Señor.”
“Cómo estás?”
“Bien, muy bien, Señor. Aquí estoy y estaré por los siglos más!”
Bumubuga ng malakas na hangin ang dragon. Ito na ang nagsilbing hangin ng kanilang barko. Sa bilis nila, halos sampung pulo pa ang nalampasan. At nang makita na nila ang dalampasigan ng Valle Azul, bumaba na sa barko si Viento. Doon na sila muling naglayag. Kung tatantiyahin, sanlaksang sandali na lang at nasa daungan na sila ng bayan.
Habang nasa laot, hindi na maiwasang maalala ni Australis ang sinabi sa kaniya ni Olympus tungkol sa nagugustuhan si Milo.
“Viento, gaano mo ba kamahal si Milo?”
“Nasabi ko na. Handa kong isukko ang pagiging diyos para sa kaniya.”
“Nalaman ko kasi kay Olympus na ikaw ang gusto niya.”
“Oo. Kaya ayaw ko nang palampasin ang bawat araw na hindi ko siya makakasama.”
“Iba rin talaga ang tama mo sa kaniya, ano?”
“Oo, nakakabaliw siya.”
“Pero, ginawa niyo na ba?”
Napaatras si Viento, winawagwag ang ulo. “Hindi pa.”
“Talaga?” Ngumiti si Australis. “Ang hirap maniwala na hindi mo ginawa ‘yon kasama siya. Talipandas ka, e.”
Binatukan niya ang kapatid. “Ikaw talaga. Kung ano-ano ang tumatakbo sa isip mo.”
“Basta, ikaw na madalas na lumalansi sa mga diwata sa kagubatan, tumitiklop sa isang tao.”
“Hindi ko rin mapaniwalaan, pero nangyayari.”