9: Desvelando el dios de lo humano.
Nakikita na naman ni Milo ang matipunong katawan ni Aire. Nakahubad ito. Nagsisibak ng mga kahoy, nagdidilig ng mga bulaklak sa patio. At ang pinakanakakapukaw ng atensyon: Ang pag-aani nito ng mga trigo na parang walang kaabok-abok. Kumikislot ang kaniyang bisig at binti. Iyon din ang nakakapukaw sa mumunting puso ni Milo. Tanging tapis lang ng dalawang tela ang nakabalot sa baiwang hanggang sa kalahati ng mahabang biyas nito. Nakakawala ng bait, ngunit madali lang niya itong itaboy sa paningin dahil alam niya sa sarili niyang may katawan din siya. Pero nakakarahuyo pa rin ang bawat estetiko ng pagkakataon. Parang gumagalaw na sining ang kaniyang nakikita sa bawat sandali. Pinapanood niya lamang ito dahil gusto nitong mag-ani mag-isa. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, tumanaw ito sa kaniya at ngumiti. Nakakadala ang mga titig na ito, kung tutuusin. Wala na. Sumuko na ang kaniyang tinatagong pagtingin kay Aire.
Nasa wastong gulang na rin silang dalawa. Kapwa tatlumpung taong gulang (kung hindi iisipin ninuman na isang diyos si Aire). Maganda ang kanilang pagsasama bilang mag-amo. Kapag nasapul nga lang talaga ng lintik, sasakmalin nito ang dalawa at pagsasamahin kung kinakailangan.
Kumakaway si Aire. Sigaw nito, “Milo! Tapos na ako! Pupunta na ba tayo sa bayan pagkatapos para ibenta ito?”
Sagot niya, “Lilinisin pa natin ang mga ‘yan. Bukas pa natin maibebenta ang mga trigo.”
“Sige, sige! Ilalagay ko na lang lahat sa kamalig.”
Pumasok na sa loob si Milo upang maghanda ng makakain ng binata. Matapos ‘yon, naririnig niyang bumubukas ang kamalig at kumakanta si Aire. Napansin niya lang na parang nahilig na ito sa mga kanta mula sa O Livro de Corações Sozinhos. Dahil mausisa siya, tatanungin niya na rin kung sino nga ba ang nagugustuhan ng binata.
Naghuhugas na ng binti at bisig si Aire. Pakanta-kanta lang siya dahil nakita na naman ni Milo ang kaya niyang gawin. Sa bawat pag-awit niya, may kirot sa dibdib niya na hindi niya mismo maipaliwanag. Napakalalim ng kalungkutan sa kabila ng paglalapit nilang dalawa. May mga pagkakataon pa umaasa siyang kaya niyang sabihin ang lahat ng mga nararamdaman niya kay Milo. Ang mga sandaling nakikita niyang masaya ang vistador dahil sa kaniya. Ang mga palitan ng kuwento at mga kababalaghan sa bawat isa. Bawat sugat na natatamo niya sa tuwing nadidikit siya sa mga matatalas na bato. Humilom man ang sugat ay hindi nito mababago ang kaniyang damdamin. At higit sa lahat, hirap na hirap na siyang itago ang nararamdaman niya para kay Milo. Nakahanda na rin siyang isuko ang lahat makasama lang ito.
Ganito pala maging tao, aniya.
Pagkatapos magbanlaw, pumasok na siya at pinaupo ni Milo upang kumain. Magkasabay nilang kinakain ang mga oliva at ubas. Masarap naman ang pagkaka-ihaw sa karne ng baka.
“Maayos naman ba ang pakiramdam mo, Milo?”
“Oo, Aire. Salamat nga pala at ikaw muna ang nag-ani.”
“Wala ‘yon. Trabaho ko rin naman ‘yon.” Uminom si Aire ng kalahating baso ng vino. “Maiba lang ako.”
“Ano ‘yon, Aire?”
“Sa gandang lalake mo, hindi ka pa rin nagkakaroon ng kasintahan? At saka bakit mo tinanggihan ang pagmamahal ni Olympus? Alam mo namang hindi mangyayari na matatanaw ka ng isang diyos, hindi ba?”
Pinilit ni Milo na ngumiti. “Alam kong hindi naman mangyayari ang pinapangarap kong pag-ibig. Sabihin na lang nating gusto kong umibig kahit alam kong imposible; Kahit na alam kong masasaktan lang din ako dahil parang humahalik ako sa dingding. Pero doon ako nagiging buo; Sa mga sandaling alam kong nariyan lang ang Panginoong Viento Visto. Alam kong kinalulugdan niya ako. Sapat na ‘yon sa akin.”
Uminom na lang din siya ng vino.
“Ngayon pa lang ako nakarinig ng ganiyang klaseng pagmamahal.”
“Kaya hindi ko rin kinukuwento sa ibang tao. Alam kong pagtatawanan lang nila ako. Hindi sila katulad mo o ni Olympus na iisiping baliw ako sa pagmamahal ko sa isang diyos. Alam kong bawal, ngunit hindi ko maiwasan.”
“Hayaan mo. Darating din siya isang araw.”
“Siya nawa.”
***
Nagising si Olympus sa pagtawag ni Señor Mariduno. Agad siyang bumangon dahil kailangan niya pang sumama rito upang pumunta sa yungib ni Señora Candela na isang santera. Agad-agad siyang sumalo sa kaniyang guro upang kumain.
“Olympus, magdala ka ng tatlong kuwaderno. Kailangan mong itala ang mga sasabihin sa iyo ng santera. Hindi mo dapat ito ipagsawalang-bahala.”
“Opo, señor. Nakahanda po ako kagabi pa. At saka, kung mamarapatin po ninyo, kailangan ko pong iabot sa correo ang aking sulat para kay Milo.”
“Sige, sige. Pagkatapos nating maghanda at lahat. Saka mo na lang iabot sa correo.”
“Salamat po.”
“Walang anuman.”
Dala-dala na niya lahat ng kailangan - kuwaderno, mga fluma at tinta, mga aklat, mga pagkaing kakasya para sa dalawang araw na paglalakbay - pati ang sulat na iaabot niya sa correo ng monasterio. Nakasalubong niya ang mga lalakeng pantas na napapalagok dahil sa natatangi niyang tindig. Marami sa kanila ang tila nagiging malambot na tangkay ng puno sa panghihina. May mga babae namang hindi mapigilan ang pagsulyap sa kaniyang pagdaan. Samantalang ang nasa isip niya, si Aguapez pa rin.
“Jovencito, ilagay mo na ang sulat sa buzón para afuera ng correo. Ito na rin ang isang pilak bilang bayad.”
“Salamat po.”
Ibinaba niya ang mga gamit at iniwan saglit ang señor. Tinungo niya ang correo at saka inilabas muna ang sulat upang basahin bago ilagay sa isang sobre. Sinulat niya ang direksyon ng templo ng Buen Aire at ipinangalan niya si Milo na siyang tatanggap ng sulat.
“Buenos días, Señora Gracita.”
“No tienen nada de buenas, eh.”
Nagsusungit ang señora, ngunit hindi niya lamang ito pinansin. Nang ilagay na ang sulat sa cartera para sa Buen Aire, inabot niya na ang pilak at saka umalis na. Binalikan niya ang señor. Nagkataon ding nagkasalubong sila ni Lorquia. Binati nila ang isa’t isa. Lumarga na sila ni Mariduno at sumakay sa karwahe papunta sa Bosque de Maravillas. Nang umandar na ang karwahe, saka sila nag-usap.
“Olympus, alam mong gusto ka ni Lorquia, ano?”
“Hindi po. Alam niyang may kasintahan po ako sa labas.”
“Sino nga pala ang kasintahan mo?”
“Aguapez po ang pangalan niya. Kapatid ng kasambahay ni Milo na si Aire. Kapwa sila taga-Atenas.”
“Taga-Atenas? Pero ganoon ang pangalan nila?”
“Bakit po?”
“Paano ko ba sasabihin sa iyo, joven?” Tumikhim ito. “Aguapez ang unang pangalan ng Panginoon ng Polo Sur na si Australis. Ang buong pangalan niya ay Australis de Aguapez, El Dios del Sur del Mundo, El Hijo del Hielo Fríosísimo, El Patrón del Mar Sureño.”
“Ha? Pero baka lumipat lang din ang pamilya nila mula sa Valentía. Karamihan din naman po ng mga tao ay pinapangalan sa diyos, hindi po ba?”
“Tama ka naman. Pero walang taong nagpapangalan ng tulad sa pangalan ng isang diyos. Imposible ‘yan, joven.”
“Alam mong bawal ‘yan.”
“Ngunit hindi naman siya isang diyos. Isa po siyang ganap na tao.”
“Basta, huwag mong sasabihing hindi ko sinabi, ha.”
“Nakakasiguro po ako, señor.”
“Sige.”
Nangangalahati na sila sa kanilang paglalakbay. Ilang karwahe na rin ang kanilang nasakyan. Pagputok ng gabi, pinili nilang magtayo ng campaña sa gubat. Nilabas ni Olympus ang mga inasnang karne at saka nag-ihaw. Humahalimuyak ang mga ito dahil ibinabad niya rin ito sa aceite de oliva. Hindi na magkandamayaw ang señor sa naaamoy. Nais niya nang kumain, ngunit tinatampal ni Olympus ang kaniyang kamay sa tuwing susubukan nitong hipuin ang karne.
“Alam mo, joven, nakakatuwa ka talaga.”
Tumawa si Olympus; Hindi makapaniwala sa sinabi nito. “Bakit naman po?”
“Kasi, alam mo, ngayon lang ako nakatikim ng masasarap na pagkain sa buong buhay ko. Alam mo ring magpakulo ng manzanilla. Tapos, magaling kang magkatay ng mga karne. Hindi ka pangkaraniwan.”
“Sabihin niyo po ‘yan sa mga Buen Aire, baka po matawa sila sa inyo.”
“Bakit naman, joven?”
“Kasi po palasak na gawain ang lahat ng iyan doon. Marami din po akong natutunan sa mga amo kong matador at tagabenta ng manzanilla sa mercado ng kaharian. Halos lahat, kahit bata, ay alam magluto. Hindi ko naman po sinasabing hindi ito espesyal o kahit ano. Sadya lang po talagang pinapalasak lang ng kaharian ang mga gawaing ganito upang hindi magutom ang lahat sa panahon ng taglamig o digmaan.”
“Kung sabagay, tama ka.” Tumawa ang señor. “Ang dami ko pang sinasabi. Nais ko lang namang sabihin na masarap ang pagkakaluto mo sa karne, joven.”
“Salamat po.”
“Walang anuman.”
Habang kumakain, may mga kaluskos silang naririnig. Biglang tumayo si Olympus, nilabas ang kaniyang matalas na navaja. Isang kaaya-ayang boses ng babae ang nagpatindig sa balahibo nilang dalawa. Humalakhak bigla si Mariduno.
“Por favor, Candela. Muéstrate.”
Lumabas ang isang babaeng nakasuot ng puting belo. Magkahalong puti at itim ang tunikang suot nito. Sa bawat pagtama ng sinag ng apoy sa kaniyang mala-kastanyang balat, kumikinang ito sa labis na pagkasutla.
“Buenas noches, señores.”
Yumuko si Olympus sa kaniya bilang pagbibigay-galang. “Buenísima noche, Señora... Candela.”
“Por favor, odio los saludos muy buenos, jovencito. Toma asiento.”
“Claro, señora.”
“De nada.”
Umupo na silang tatlo. Hindi maiwasang masabik ni Olympus sa mga matututunan niya kaya nagsalita ulit siya.
“Señora, alam ko pong marami akong matututunan mula sa inyo.”
“Hayaan mo, joven, ituturo ko alam lahat ng nalalaman ko sa pagbabasa ng direksyon ng mga tala sa langit.”
Nagniningning ang mga mata niya. “Talaga po?”
“Oo naman, joven.”
Tumikhim si Mariduno. “Marahil ay natanggap mo ang sulat ko para sa iyo, Candela.”
“Oo nga, e. Alam mo bang isang araw na akong naglalagalag sa gubat na ito?”
“Bakit naman po?” tanong ni Olympus.
“Kasi naghahanap ako ng mga kabuteng gagamitin ko para sa aking iluluto sa inyong pagdating.”
“Huwag po kayong mag-alala, señora. Tutulungan ko po kayo. Ano po bang uri ng kabute ang hinahanap ninyo?”
“Champignon. Ang kabute na makikita sa ganitong uri ng kagubatan.”
“Ay, champignon? Naku po, señora. Naging trabaho ko rin po dati ang pagtatanim at pag-aani niya’n. Tuturuan ko po kayo.”
“Naku! Salamat, jovencito.”
“Walang anuman po.”
Nagpatuloy na silang tatlo sa pagkain at saka nagtayo ng isa pang tolda si Olympus na maaaring matulugan ng señora. Kinabukasan, sabay-sabay na silang naglakad sa isang daan na tinuturo ni Candela na maaari nilang daanan sa susunod na bumalik sila sa kagubatan.
“Alam mo, Candela. Nahihiya man akong sabihin ito, ngunit ngayon ko lang nalaman ang daan na ito.”
“Ay, qué tontín!” Natatawa ang señora.
“Ipagpaumanhin mo na. Iyon naman ang dahilan kung bakit malakas pa rin ako sa gulang kong ito.”
“Mantakin mo ba namang magkasingtanda lang tayo, ngunit unti-unti ko nang tumatanda ka.”
Napatigil sa paglalakad si Olympus. “Ano? Magkasingtanda po kayong dalawa?”
“Oo, joven!” sabay nilang sagot.
Kinuwento ni Candela ang mga araw na magkasama pa sila ni Mariduno sa monasterio. Nabanggit niya na nasa lahi talaga nila ang hindi pagtanda ng hitsura. Mula siya sa lahi ng mga santera sa kaharian ng Marroca. Bata pa lamang siya nang lumayag ang kanilang pamilya upang lumipat sa isang bayan sa Buen Aire - ang bayan ng Castañesa. Sinalaysay niya ang tuwa ng kaniyang pamilya dahil malaki ang pagpapahalaga ng Buen Aire sa mga santera kaysa sa sarili niyang bansa, kaya mas pinili na lang nilang lumipat sa kaharian. Madalas na pinalalabas niya ang bolang apoy o orbo de santera kapag nasa panganib siya. May isang beses na isang libong sundalo ang nagtangkang lumusob sa Buen Aire noon. Nalulungkot lang din siya dahil walang bata sa buong kaharian ng Buen Aire ang nais na matutunan ang santería.
***
Dalawang araw na lamang at Día de la Gente na. Ito ang selebrasyon ng maalamat na pagkakatatag ng Buen Aire. Sa paniniwala nilang lahat, ito ang kahuli-hulihang bayan na itinatag ng diyos na si Viento Visto. Ang mga sinaunang tao na kaniyang hiningahan ng buhay ay ang siyang mga unang namuno sa bayan. May mga paniniwala pa na hindi dapat maputol ang lahi nila. Kaya nanggagaling pa rin sa iisang lahi ang pamilya ng hari at reyna kahit na ilang daang dinastiya na ang nagdaan sa kanila sa loob ng tatlong libong taon.
Bilang pagbibigay pugay sa mga namumuno, sumasayaw ang mga mamamayan kasama ng pamilya ng hari. Makikita silang sumasayaw sa ibabaw ng mga baga, sa paniniwalang iyon ang magtataboy sa kapangyarihan ni Ganador na siyang diyos ng digmaan. Ito rin ang isang paalalang tao lamang din sila at hindi mataas na bahagi ng dingding ng lipunan. Tanging Buen Aire lamang ang may kahariang mababa ang fortaleza ng palasyo. Bukas lagi ang hardin nito sa mga nais maggala at maglaro. Madalas na kausap ng reynang si Misericordia ang mga ina at matatandang babae upang malaman ang kanilang kalagayan.
Kasama ni Milo si Aire sa paglilinis ng dambana. Si Aire ang umaakyat sa matataas na bahagi nito at pinapahiran na rin ito ng nardo at dinadampian ng polvo de azafrán. Malakas ang samyo nito sa kabuuan ng dambana at nang matapos sila, saka nila sinarang muli ang pinto.
Sa paglabas nila, dumaan ang cartero at lumapit kay Milo.
“Señor Milo, buenos días.”
“Buenos días también, Señor Gúzman.”
“Bueno, may sulat mula sa Monasterio de artes astrales y físicas.” Saka nito inabot ang sulat kay Milo.
“Muchas gracias.”
“De nada.” Saka ito umalis.
Umuwi na silang dalawa. Nagpahinga muna si Aire sa tumba sa labas. Pumasok naman si Milo upang basahin ang sulat. Nilalaman nito ang mga nakita ni Olympus sa panaginip. Isang bulalakaw na kulay pula ang sasabog. Lilitaw ang diyos na si Ganador. Masasama siya sa isang pagtutunggali. Ngunit hindi nito nabanggit kung mabubuhay o mamamatay siya. Sa bawat laman ng sulat, hindi niya maiwasang masabik at matakot. Nakahanda na ang kalooban niya sa mga maaaring mangyari. Saka niya itinago ang sulat sa kaniyang silid. Hindi na ito maaaring malaman pa ni Aire. Siya man ay may sapantaha na buhat nang mangyari ang pagliwanag na iyon sa gubat.
Lumabas siya at umupo sa kaniyang tumba. Nakita niyang pinapatugtog ni Aire ang lira.
“Nagustuhan mo talaga ang pagpapatugtog niya’n.”
“Masarap kasi sa tainga.”
“Kung nais mo, maaari kang magtanghal sa Día de la Gente.”
“Hindi na siguro. Gusto kong isipin ng iba na simpleng kasambahay lang ako. Wala nang iba pa.”
“Ikaw ang bahala.” Napabuntong-hininga si Milo. “Nakakapagod ngayon.”
“Sinabi mo pa. Pero ang saya rito sa kaharian ng Buen Aire.”
“Ito lang kasi ang nakaiwas sa lahat ng malalaking digmaan sa buong kontinente.”
“Mukha nga. Ito lang kasi ang kaharian na napapalibutan ng napakalalawak na gubat, mayayabong na puno, at isang malalim na dagat. Nakakatawang nakuha niyo pa talagang magtayo ng mga fortaleza.”
Natawa rin si Milo. “Sabihin na nating naniniguro lang kaming lahat dito sa kaharian.”
Nagpahinga na silang dalawa dahil magpupunta pa sila sa bayan ng Castañesa upang ipabatid sa vistador nito ang pagdiriwang.
***
Ang bayan ng Castañesa ang kaisa-isang bayan na umanib sa Buen Aire mula sa kusang pag-alis nito sa kaharian ng Valentía isanlibo’t siyam na raang taon na ang nakalilipas. Ang dahilan ng mga tao noon ay hindi na sila nadaratnan ng kahit anong pagkain at depensa sa mga mananakop dahil sa layo nito. Sa loob ng limang daang taon, naging isang estado libre ito sa pamamahala ng isang marques na si Jerencho de Arrégui, mula sa dinastiya ng Guardija, na kamag-anak ng hari noon na si Carlemano V. Umanib sila sa Buen Aire upang maayos ang lumalaking problema sa pangkabuhayan at pagkain. Muntikan na silang bumitaw noon sa kaharian dahil sa pagmamalupit ng haring si Elizalde X. Ngunit binago ni Aitor I ang pamamalakad sa buong kaharian. Kasama ang mga Castañense sa mga bumuboto sa magiging mga senador o gobernador ng bayan. Katulad ng sentro na Buen Aire, may dambana rin ito sa gitna. Hiwa-hiwalay ang distrito sa pagtitinda at mga tirahan. Isang marques ang namumuno sa bayan na siya ring nagsabatas ng pantay-pantay na pagbabahagi ng yaman ng bayan sa lahat ng tao sa kaharian ng Buen Aire.
Sumisilay na ang araw sa daigdig nang makarating na silang dalawa sa bayan. Naghahanda na rin ang mga tao sa kanilang paglalakbay patungo sa lungsod. Yumuyuko ang mga tao habang dumaraan si Milo, at napapasinghap naman ang iba kapag nakikita si Aire. Pinili niya na lang sundan ang amo at nakita nitong may papalapit na isang binata sa kanila. Siya ang vistador menor ng bayan na si Areias. Isang lalakeng halos katulad rin ng wangis ni Milo. Magkasingnipis sila ng katawan at halos wala ring kabuhok-buhok sa katawan, maliban sa ulo at mga pilikmata. Umakap ito kay Milo, saka sila naglakad papunta sa loob ng dambana ng bayan.
“Salamat po sa pagdadala ng balita, Señor Milo,” pasasalamat ng vistador na si Areias.
“Walang anuman. Maitanong ko lang: Kumusta naman ang pamumuno rito sa bayan?” tanong ni Milo sa kaniya.
“Hindi pa rin nagbabago. Maayos pa rin at hindi nababahiran ng katiwalian ang lahat ng senador at ibang namumuno dahil maraming taong nakamasid at maaaring magsuplong sa kanila sa hari ng Buen Aire.”
“Mabuti naman kung gano’n.”
“Oo nga pala, señor. Kailangang maghintay rito sa labas ang iyong kasama. Kailangan nating magdasal nang mahaba-haba sa mga diyos.”
“Siyang tunay.” Humarap siya kay Aire. “Manatili ka muna rito sa labas. Isasara namin ang pinto ng dambana.”
“Ayos lang. Maghihintay ako, Milo.”
“Salamat.”
Pumasok na sila sa dambana at sinara ito. Kagyat na tumahimik ang mga paligid. Pumasok ang mga tao sa kani-kanilang mg bahay. Ang iba naman ay nagsisimula na ring magligpit ng kanilang mga pinagbibili sa mga mamimili. At dahil nasapul ng pagkabahala, nagtanong si Aire sa isa sa mga mercante na naghihila ng mga kariton.
“Señor, bakit po kayo umaalis?”
“Kaugalian na sa kaharian na kapag tumapat na sa gawing ika-walo ang anino sa cuadrante solar, magdadasal na ang dalawang vistador at kailangang tahimik buong araw.”
“Gano’n po ba?”
“Oo. O siya, aalis na ako at kailangan ko na nang humayo. Naghihintay pa ang aking asawa sa bahay.”
“Walang anuman po. Buenos días.”
“Yo a usted también, señor.”
Desde la luz hasta la tiniebla del cielo,
pidemos una protección de los invasores.
Que El Dios del Viento, El Querer de Ajenos,
La Persona en Disfraz a El Aire del Oriente,
El Dios del Firmamento Total, El Patrón de la Bondad,
El Señor de Nuestro Reino en Soledad,
había criado nuestra tierra sana con fortaleza.
Por favor, El Señor Viento Visto, protéjanos.
Para la celebración a Su Gloria al pleno cielo,
vamos a conmemorar Su Nombre hasta el aire.
En la tiniebla se nos criaron con mucho querer,
nos vamos a pedir Su Mira a las agilas ajenas,
los relámpagos y los truenos a los mares de nuestro alrededor,
el aire más sano por dentro y más fuerte afuera en todas fortalezas,
Por favor, dejemos festejar por Su Gran Nombre que vivamos.
A El Rey del Aire y Firmamento, muchísimas gracias.
Paulit-ulit ang pagdarasal nina Milo at Areias sa loob ng dambana. Sa labas, naging malakas ang hangin sa dagat, ngunit hindi ito humahagupit sa lupa. Nagsisitaasan din ang mga alon, ngunit mahina ang hampas nito sa dalampasigan. Sa hudyat na tunog ng sheneb, nagsara ang lahat ng mga tarangkahan at mga fortaleza sa paligid ng bayan.
Huminga nang malalim ang dalawang vistador. Natapos na ang mahigit tatlong oras na pagdarasal. Isa-isa muling nagsilabas ang mga tao. Sasama pagbalik sa ciudad ang mga may kapamilya roon at imbitasyon mula sa kanila. Dala-dala na rin nila ang kanilang mga gamit. Tanging mga kawal, sundalo, at mga caballero ang maiiwan sa buong bayan upang magbantay.
Samantala, bumubulong si Areias kay Milo habang naglalakad sila. “Diyos ba ang kasama mo?”
“Alam mo, pang-ilang tao ka na ring nagdududa kay Aire.”
“Ano? Aire ang pangalan niya?”
“Oo, señor.”
“Ikaw ang pinakamatalino pantas sa pangkat natin, hindi mo makita ang palatandaan?”
Tumikhim si Milo. “Hindi ba? Nasabi ko na rin noon na hindi mapapatunayan ang isang bagay kung hindi titingnang maigi, hindi ba?”
“’Yun na nga ang punto ko, señor. Kaya naman kung may mga dasal ka nang nakuha mula kay Señor Mariduno o Señor Cristobal, alam mo na ang gagawin.”
“Hindi ko magawa.”
Napatigil saglit si Areias. “Bakit naman hindi?”
“Natatakot ako na baka siya nga ang Panginoong Viento Visto?”
Kapwa sila natahimik matapos ‘yon. Habang naglalakad, iniisip pa rin ni Milo kung itutuloy niya na ba o hindi. Inisip niya na isa sa mga susunod na araw, itutuloy niya na ang kaniyang plano. Hindi niya rin masabi sa kasama na may pagtingin siya sa kanilang diyos. Natatakot siya sa mga maaaring maging sagot nito. Lalo na at may karapatang magbalita ito na may taong nakikipagtipan sa isang maykapal.
Doon na siya natauhan. Ngunit tumindi pa ang kaniyang pagnanasang malaman kung tao nga ba o isang diyos ang kaniyang kasama. Nakapagpasya na siya. Sa pagpatak ng dilim sa sexta-feira, doon na rin niya gagawin ang dapat.