10: La Santísima Aparición.
Bumukas na ang entrada ng ciudad at isa-isa nang pinapapasok ang mga pamilyang magdiriwang. Makikita ang galak sa kanilang mga mata. Pakiramdam nila ay hindi pa rin sila iniiwan ng Ciudad de Buen Aire. Halos magkatulad ang disenyo ng dalawang bayan. Anila, parang hindi kami umalis sa Castañesa. Dala-dala rin nila ang mga kastanyas na kanilang bagong ani. Malamang sa malamang, mabango ang amoy ng buong lungsod dahil sa mga pagkaing iluluto ng mga Castañense. Sila na marahil ang nakaimpluwensya sa mga Vistense (taguri sa mga taga-Buen Aire) ng masasarap na putahe, dala na rin ng kanilang kasaysayan ay kaugnayan sa iba’t kaharian.
Ngunit, kahit anong saya sa mukha ng mga tao, hindi naman ganito ang mababanaag sa mukha ni Milo. Kanina pa siya tahimik. Hindi rin makaimik si Aire dahil alam niyang walang mangyayari.
Malapit na sila sa dambana nang magtanong si Aire.
“Kanina ka pa tahimik, Milo.”
“Paumanhin. Marami lang akong iniisip.”
“Gano’n ba? Sabihin mo lang kung ano ang maitutulong ko.”
“Sa ngayon, hintayin mo na lang ako. Marami pa akong kailangang kausapin.”
Sa pagdating nila sa Buen Aire, naghihintay naman sa loob ng dambana ang ermitanyong si Señor Mariduno, ang santera na si Candela, at ang ngayong pantas na si Olympus. Hindi mababakas ang kasiyahan sa kanilang mga mukha kahit kakapurit na ang liwanag na tumatama sa kanila. Uwang lang sa pinto ang kanilang dinudungawan. Narinig nila ang dami ng tao at maririnig ang langitngit ng kani-kanilang mga karitela. Isa-isang nagliliwanag ang mga bahay at doon pa lamang nagsisimula ang pagdiriwang ng bisperas ng Díagente. Tumili ang santera nang makita si Aire, kasama si Milo.
“Mariduno, siya ba ang “taong” tinutukoy mo?” tanong niya.
“Oo, Candela. Siya na nga ‘yon.”
“Qué fastidio! Hindi ako maaaring magsalita rito.”
“Bakit naman po, Señora?” tanong ni Olympus.
“Jovencito, hindi maaaring marinig ng mga tao sa labas ang mga sinasabi ko.”
“Kung sabagay, señora. Kung nais po ninyo, hahatakin ko na si Milo.”
“Sige, gawin mo. Pero iwan mo ang kasama niya pang isang lalake. Vistador din ‘yon.”
“Masusunod po.”
Hinatak na ni Areias si Milo papalayo. Nasa labas lang sila ng dambana, nagpapalitan pa rin ng mga haka-haka habang pinagtatakpan ni Milo ang sarili. Doon na rin nakahalata si Areias. Hinatak niya ito sa likod ng dambana kung saan wala halos katao-tao. Pinaiwan niya si Aire sa harapan. Doon sila nag-usap nang masinsinan.
“Milo.” Bumulalas na si Areias, “Ano ba? Maglililuhan pa ba tayo rito?”
“Ano’ng ibig mong sabihin?”
“May pagtingin ka ba sa kaniya?”
Kinakain na ng kaba at pagnanasang makawala sa sariling patibong si Milo. Hindi niya napiligan ang sarili. Unti-unti nang nangingilid ang mga luha niya.
“Oo! Gusto ko siya. Nais kong mahiga sa mga bisig niya sa tuwina. Alam ko ang lahat. Pinipili ko lang magbulag-bulagan dahil alam kong bawal ang pagmamahal na nararamdaman ko!”
“Alam mo naman pala, e. Bakit mo pa itutuloy?”
“Areias.” Naghahabol siya ng hininga. “Buong buhay ko, naniniwala akong mangyayari ang inaasam-asam kong kapayapaan sa pag-ibig; Ito na ‘yon. Sa tuwina, nais kong ilubog ang sarili ko sa kaniya at isiping walang nangyari sa akin sa loob ng tatlumpung taon. Magulo ang buhay ko sa kabila ng katahimikang ito. Maingay kahit walang kahit anong ingay sa paligid sa gabi. Handa na akong bitiwan ang pagiging vistador makasama ko lamang siya, Areias.”
Lumuhod na siya. “Parang awa mo na. Huwag mo akong isuplong sa vistador mayor natin. Por favor, déjame vivir. Por favor, Areias.
“Sí. Yo sí les voy a esconderme todo. Pero, por favor, aléjate de la Buen Aire cuando necesites estar lejos, vale?”
Tumayo muli siya at niyakap siya nito. Samantala, papunta naman si Olympus sa likod ng dambana. Kagyat ding kumalas silang dalawa sa pagkakayap.
“Milo, nariyan ka ba?”
“Oo,” sagot ni Milo. Kinabahan siya bigla. “Olympus?”
“Oo, ako na ito, Milo.” Nakita niya ang isa pang vistador menor. “Buenas noches, Señor Areias,” pagbati niya.
“Naparito ka?” tanong ni Milo.
“Kailangan kitang makausap. Kaya umalis ako saglit ng monasterio. Kailangan kitang makausap.”
“Tungkol saan?”
“Pag-usapan na lang natin sa loob ng dambana.” Humarap si Olympus kay Areias. “Señor, pasensya na po. Kailangan ko pong makausap si Milo nang masinsinan.”
“Walang anuman. Que vayan con los dioses.”
Pinaghintay na rin ni Milo si Aire sa labas. Pumasok na siya sa dambana. Napatili siya nang makita ang mga señores. Ngunit sa mga matatalim nilang tingin, alam niya na kung ano ang susunod na mangyayari.
“Buenas noches, señores,” pagbati niya sa kanila.
“Nada tienen de buenas, Milo. Qué estás haciendo?” Galit na galit si Candela.
“De qué está hablando, señora?”
“Tungkol sa lalaking malaginto ang buhok na nasa labas.” Tumikhim siya. “Naaalala mo pa noong sinabi niya na may isang orbo? Wala ako sa aking tahanan noong mga panahong ‘yon. At lalong hindi ko nilalabas ‘yon dahil masusunog ang kagubatan. Nasabi sa akin lahat ni Cristobal. Kaya alam ko lahat, Milo. Vas a seguir o no?”
Lumagitik ang mga sulo, at makikita ang pangingilid ng mga luha sa mata ni Milo. Muli, maninikluhod na naman siya at magmamakaawa.
“Pero, señora, no. No voy a seguir siendo como vistador. Ya no puedo. Quiero paz, mi alegría, mi gran felicidad. Sí, me costará mucho de pleno poder para convertirme como el vistador mayor. Pero no hay luz con eso. Mi felicidad es de hombre ese.”
“Yo te entiendo. Pero, kailangan mong makita ang magiging hinaharap mo sa mata naming tatlo.”
Pinaupo ni Candela si Milo malapit sa dambana. Umupo sa harapan niya si Mariduno. Hinawakan nito ang kaniyang mga kamay at umusal ng isang encantación. Pumikit ito at sa pagdilat nito, naging maningning na malakastanyas ang mga mata nito. Nang magtama kanilang paningin, naging isang malaking kalawakan ang paligid nilang dalawa. May isang pintuan na lumitaw. Pumasok si Olympus, umuusal din siya ng encantación at bumitaw ang señor upang bigya ito ng espasyo. Ganoon din ang ginawa ng señora. Sa sabay na pagdilat ng kanilang mga mata, nasa dalampasigan na sila. Nakita ni Milo na nakikipagtunggali si Viento Visto kay Ganador. Habang tinutungo niya ang lugar, nagkakaroon siya ng baluti sa katawan. Hindi niya rin namalayan na may hawak na siyang sandata. Walang magawa ang mga diyos sa paligid kung hindi panoorin ang nangyayari. Umangat ang kaniyang katawan mula sa lupa at lumabas sa bibig niya ang pinakamataas na tunog sa balat ng lupa. Umiigting ang pagkaginto ng aura ni Viento Visto at lumusob din siya upang lumaban. At biglang naputol ang proyección astral.
Bumalik sila sa kasalukuyan. Napayuko si Milo. “Alam ko na ‘yan ang mangyayari sa akin. Tanggap ko na, señores.” Napabuntong hininga siya. “Ngunit hayaan ninyo akong sumaya kahit ilang saglit lang. Isinusumpa ko sa inyong lahat, wala akong pagsisisihan. Kapalit man nito ang tinig o ang katungkulan ko bilang vistador ng bayan. Wala akong pagsisisihan.”
Tumayo na silang lahat. Niyakap bigla ni Candela ang nanghihinang si Milo.
“Naramdaman ko na rin ang nararamdaman mo, Milo. Naging sakim lang ako sa pagkakaroon ng ganitong kapangyahiran at pinili kong itaboy ang pinakamamahal ko.”
“Sino po, señora?”
“Ang diyos na si Fogo.”
Kapwa silang mga natahimik gawa ng mga pangyayari. Wala nang tao sa labas nang dambana nang matapos sila. Humayo na sila at pinatuloy muna ni Milo ang lahat sa kaniyang tahanan. Naghahanda na sina Aire at Olympus ng makakain. Nagpapahinga naman ang apat sa bulwagan. Isa-isa na ring binuksan ang mga lampara. Maya-maya pa ay natapos na silang magluto at inilapag na lahat ng putahe sa mesa. Naglabas na rin ng tubig at vino si Aire. Umiiwas naman si Candela sa pagbubukas ng kahit anong usapan. Ayaw niya nang balikan ang mga nangyari. Sa halip, si Mariduno na ang nagsalita.
“Ano nga pala ang gagawin bukas?” tanong nito.
“Señor, may pagdiriwang po bukas bilang pag-alaala sa pagkakatatag ng Buen Aire,” sabi ni Aire.
Sa kakatwang pagkakataon, natawa si Candela. “Mukhang magiging masaya bukas, ano sa tingin ninyo?” may ibang tono ang kaniyang pananalita.
“Mukha nga ho, señora. Makikita kasi ang pamilya ng hari na sumasayaw sa ibabaw ng baga.”
“Parang sitwasyon nating lahat bilang mga nilalang sa daigdig. Madalas na nakikipaglaro tayo sa apoy.”
“Habambuhay naman sigurong ganoon, señora,” pagsingit ni Aire.
“Tama ka. Pero ano nga ba ang alam mo, Aire?”
Naningkit ang mga mata niya. “Saan po?”
“Sa pagsasayaw sa baga?”
“Ritwal ng pagbababa sa sarili at pagtapak sa lupa, hindi po ba?”
Ngumisi lang siya sa binata. “Siguro.”
Kumakain na silang lahat at hindi na sila halos nag-uusap, maliban kay Candela na halos mabusog na sa tatlong hiwa ng karne at mga ubas. Nais niyang iwaglit sa isipan ang lahat. Ngunit ayaw niyang makita ang mga magiging kahindik-hindik na mangyayari. Nakikita niya pa rin ang pagkawasak ng daigdig. Sa isip naman ni Milo, may mga hindi nagdurugtong. Paparoon siya sa labanan, at hindi niya nakita kung ano ang susunod. Siya kaya ang magiging sakripisyo? Hindi niya na rin alam kung saan ilalagay ang sarili sa eksena.
“Milo, ayos ka lang ba?” tanong ni Aire.
Bumalik ang diwa niya. “Ah, oo, oo, Aire.”
“Mabuti naman.” At saka ito ngumiti sa kaniya.
Napalagok ang santera. Nakita niyang kuminang na parang bituin ang mga mata nito. Alam niya na ang mangyayari, ngunit pinili niya na lang na itago sa sarili. Tila nagising naman si Mariduno sa kakatwang katotohanan. Si Milo ang magiging susi sa lahat ng maaaring mangyari. Ayon na rin alamat, maaaring mapigilan ang paggunaw ng daigdig kung... may isang taong mahalaga ang gampanin sa lipunang ginagalawan niya. Ito ang kapwa naapuhap nina Candela at Mariduno - si Milo ang sagot sa lahat. Sa mga mata nito, nakikita at nadarama nito ang napipinto niyang katapusan. Sa hindi madalumat na pagkakataon, biglang tumibay ang damdamin niya; Nawalan ng takot sa mga mararasan niya sa huling sandali.
“Handa na ako,” bigla niyang sinabi.
Tumayo na siya at lumabas, umupo sa kaniyang tumba at pinanood ang mga mga bulalakaw na parang pinaliliguan ang langit ng labis na kariktan. Dinama niya ang unti-unting lumalamig na paligid. Ang mga kaluskos sa paligid, parang wala na lang sa dati’y magugulating puso. Ngumiti na siya na parang walang bukas. Tumatalas na ang mga mata niya at nawawala na ang kaniyang mga agam-agam tungkol sa magiging kinabukasan niya at ng daigdig. Tanging siya lang ang sagot sa lahat ng mangyayari.
***
Punong-puno ng ingay, hiyawan, tawanan, at ngiti ang buong ciudad. Nagpapalitan ng kuwento ang mga comadre at compadre. May mga mercante ring nagbebenta ng iba-ibang prutas, gulay, mga damit, at mga laruan para sa mga bata. Makikita ang hari ay reyna na naglalakad at hindi nagmamalas ng kahit anong yaman. Tanging tunikang kulay asul lang din ang kanilang suot-suot. Ganoon din ang kanilang mga anak na lalake. Apat na kapwa makikisig at matitipunong lalake. Sa palasak na araw, makikita rin silang nagbubuhat ng mga kargamento tulad ng tela, bakal, at iba pang tinitinda. Ang mga bata naman ay pinapapasok sa palasyo kasama ng mga magulang upang mamasyal. Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, nakakapaso ang ingay sa tainga para kay Mariduno. Matagal na panahon na siyang hindi nagagawa sa kahit anong bayan, kahit sa ciudad.
Nagtatawanan silang lahat dahil nais na manatili ni Mariduno sa tahanan. Ang ginawa ni Olympus, binuhat niya ang ermitanyo. Pinipilit pa rin nitong makababa, ngunit nalula siya nang tumalon-talon na ang binata.
“Por favor, no me arrastres, Olympus!” bulyaw nito sa mag-aaral.
“Señor, necesita tener un nuevo día. Refrésquese, eh.”
“Sige na! Sasama na ako!”
Hindi pa rin sila magkandamayaw sa kakatawa dahil sa ginawa ni Olympus.
Nangangalahati na sila sa daan nang makita nila ang ermitanyong si Cristobal. Napahawak sa dibdib si Candela. Hindi siya makapaniwala dahil ito ang pinakamahirap mapasulpot sa mga ganitong pagdiriwang, at lalong-lalo na sa maraming tao.
“Cristobal? Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong ni Candela.
“Nais ko lamang sanang makausap si Milo tungkol sa isang bagay. Maaari na ba kayong mauna?”
Tumango ang lahat at umalis. Tinungo nila ang pinakamalapit na puno. Makikita ang labis na pagkasabik sa kaniyang mga mata.
“Milo, ikaw ang pipigil sa paggunaw ng daigdig. Ikaw ang nakatakda.”
“Ramdam ko na po, señor.”
“Ngunit ang kapalit nito ay kamatayan.”
“Sino po ang mamamatay?”
“Hindi ko rin alam kung sino.” Kinuha nito ang isang aklat ng kaniyang mga haka-haka sa kinabukasan. “Pero kung anuman ang mangyari, tatandaan mo na hindi mali ang nararamdaman mo.”
Naihipan ng hangin si Milo; Natapalan ng dahon ang kaniyang bibig.
“Mangyaring ‘yan na rin ang iyong sagot.”
“Opo, señor.”
“Itago mo na ang aklat sa iyong cartera.”
“Opo.”
Binaybay na rin nila ang daan at nainip na si Cristobal kaya hinawakan niya na si Milo. Naglaho sila sa hangin, at lumitaw na sila sa mismong dambana. Sila na rin ang nagbukas nito para sa mga taong nais manalangin. Sa pagbukas ng pinto, humalimuyak ang samyong tila tuwing ika-isanlibong taon lamang maaamoy. Ang mga taong kanina’y tila galit at hindi magkandamayaw sa galit ay biglang huminahon. May iba namang bumabati sa kanila. Sumalubong naman ang vistador na si Areias. Siya ang mamumuno sa pagdarasal ng buong bayan.
Nagkaroon na rin ng pagkakataon si Aire na makasama si Milo. Napansin niya na tila lumalayo ito sa kaniya. Abala ang iba sa pag-iikot sa palaro at mga tindahan sa buong distrito. Tila isang masamang panaginip kay Aire ang lahat dahil nararamdaman niyang malalaman na ni Milo na siya si Viento Visto.
“Milo, bakit parang lumalayo ka sa akin?”
Hindi ito nakapagsalita.
“Sabihin mo nga sa akin kung may mali akong nagawa?”
“Wala. Wala, Aire. Huwag kang mag-aalala.”
“Pero bakit?”
“Mamaya ko na sasabihin sa ‘yo kung bakit.”
“Sige, maghihintay ako.”
Pinatawag na si Milo upang pangunahan ang pinakahuling dasal sa buong pagdiriwang. May lira na nakalapag sa gitna ng plaza ng bayan. Nakaupo na ang mga bata at nakatayo na ang mga magulang. Nanonood rin ang hari at ang kaniyang pamilya. Sa mga sandaling ito, kinuha niya na ang lampara at sinindihan ang kumpol ng mga sinibak na kahoy. Tanging isang malalim na paghinga at paglagitik ng mga nasusunog na kahoy ang mauulinigan.
Himno del Reino de Buen Aire.
Sale el sol del oriente
Un nuevo día promete
El alma refrescante,
una voluntad viviente
Se levanten con alegría
Celebren sin hambría
Mientras escuchen este canto
O Dios, O Nuestro Viento Visto
En atardecer nos sonríamos
En el pasado aprendamos
Para el amanecer nos mejoramos
Para el futuro nos entendemos
Buen Aire, Buen Aire, tierra querida.
Vamos a salvarte a los invasores.
Buen Aire, Buen Aire, tierra seguida.
Vamos a seguirte todos los amaneceres.
Pagkatapos niyang umawit, nagsiawit na rin ang mga tao. Sumasabay sila sa saliw ng kaniyang himig. Napapalitan ng mas pinatinding saya ang diwa ng mga tao. Nawala bigla si Aire, pansin niya. Nang tumingala sila sa langit, parang mga pulbo ng ginto at pilak ang pagkutitap ng mga bituin. Hindi pa natapos doon ang lahat. Sali-saliwa ang mga bulalakaw na animo’y may palabas. Hindi maiwasang mamangha ng mga mamamayan. May isang matanda na sumigaw. Aniya, Salamat, Panginoong Viento Visto! Nagsisunuran ang mga tao sa pasasalamat. Mula sa itaas, sa kalawakan, nililipad ni Viento ang mga bulalakaw. Nagniningning din ang buhok at katawan niya. Lumitaw sa kawalan ang kaniyang setro at nagsunod-sunod ang pagbuhos ng mga bulalakaw sa kalangitan. Mula sa Sierra Rota, nakita ni Ganador ang mga ito at sinundan niya kung saan nakatutok ang palabas ng mga bulalakaw - sa kaharian ng Buen Aire. Ngumisi siya, saka humalakhak nang malakas na parang isang malalim at matalim na kulog. Bumalik na sa lupa si Viento at kailangan niya na ulit harapin si Milo.
Sumasayaw sa ibabaw ng baga ang pamilya ng hari. Tila pakikipagbuno ito sa isa sa mga unang elemento sa daigdig. Ang siyang nagbibigay init, siyang pumapaso sa kani-kanilang mga paa. Maligaya ang lahat sa pagpapakumbabang ito ng mga maharlika. Pumapalakpak ang mga tao. Pagkatapos ay sumunod na rin ang iba pang maharlika at mga tao sa paligid.
Matapos ang pagdiriwang, umuwi na ang lahat sa mga tahanan. Sinara na rin ni Milo ang dambana. Humayo na rin sina Olympus at ang iba pa. Tanging siya na lang ang naglalakad pauwi. Tangan-tangan niya pa rin ang pagbabakasakali sa kabila ng lahat ng mga napag-usap nila. Hindi siya makagalaw sa labis na pagod, hanggang sa narinig niya ang tawag ng isang pamilyar na tinig.
“Milo! Hintayin mo ako,” si Aire.
Tumigil siya at hinintay ang binata.
“Saan ka nanggaling? Kanina pa kita hinahanap.”
“Pasensya na. Kailangan ko lang tulungan ang isang pamilya upang mabuhat ang kani-kanilang mga bagahe.”
“Gano’n ba?”
“Paumanhin ulit.”
“Wala ‘yon. Tara na.”
Agad na hinubo ni Aire ang kaniyang damit upang maghugas ng katawan. Nagpupunas naman ng braso si Milo. Pagkatapos, saka sila pumasok sa kani-kanilang mga silid. Nakabibingi pa rin ang katahimikan sa pagitan nila. Humiga na si Milo at hindi na mapalagay. Hinihimok siya ng kadiliman na gawin ang nararapat. Iniisip niya na lang ang sinabi ni Señor Cristobal. Tunay na walang mali sa kaniyang nararamdaman. Pinalipas niya ang daan-daang mga saglit. Tumayo na siya mula sa pagkakahiga, saka sinimulan ang pagbubuklat ng aklat na binigay sa kaniya ng ermitanyo habang sinisindihan ang mga lampara.
Pagkabuklat niya, tumambad sa kaniya ang pahina ng isang awit upang mapatulog ang isang diyos.
Canción callada
Cúbralo en silencio, muy callado
O santo aire, mantengáselo dormido
Enséñele cerrar los ojos en seguridad
al parecer, sí va a la magia con voluntad
Napatigil si Milo saglit dahil napansin niyang may aura ito sa paanan, at umaakyat ito. Doon niya nakikita na may isang nilalang na gumawa sa kaniya nito. Kaya naman pinagpatuloy niya ang pag-awit.
O Dios muy sano en oscuridad,
le pido un sueño en eternidad.
No hay que herirlo en su descanso
que en su gloria no me canso.
Duérmase, O Dios en plena luz del sueño.
Déjeme continuar contigo en este ensueño.
Inulit niya pa ang pag-awit. Hanggang sa nakita niyang namamaluktot na sa pagtulog si Aire. May baluting malasalamin na nakabalot sa kaniya. Hindi ito nagigising, ni hindi rin gumagalaw. Sinimulan niya na ang kasunod na encantación.
En nombre de La Altísima Sierra Alta,
se les pido un poder de salir de esta oculta.
Por favor salga de esta tiniebla
Por favor muestre la luz tras la niebla.
En nombre de La Diosa Fides, pido la verdad.
Enseñe la bondad ante mucha maldad.
Por favor salga de esta tristeza con voluntad.
Por favor muestre La Persona en su santidad.
En nombre de los dioses, sigo tras Su Encarnación.
Pido socorro en Su Santísima Aparición.
Por favor déjelo salir de esta tiniebla.
Por favor muestre la luz tras la niebla.
Nananaginip si Aire na nagkakatawang-diyos siyang muli at nakikita iyon ni Milo. Umuusal ito ng dasal at tila hindi siya nakikita sa kabila ng kaniyang pagkagitla. Tumayo siya, ngunit hindi na siya nakagalaw pa dahil bumigat ang tunika. At bigla-bigla, bumulalas ang kaniyang mga pakpak, ang kaniyang espadang gawa sa diyamante at ginto, naging maningning na pilak ang kulay ng kaniyang tunika at sandalyas. Sa huling usal ng dasal, tumigas ang baluti at nabasag, naglaho sa hangin. Lumabas na ang katawang diyos ni Aire.
“Panginoon?” Nanlaki ang mga mata ni Milo.
“Tama nga ang hinala ninyong lahat. Ako ang diyos na si Viento Visto.”
Nanginginig siya sa kaba. Hindi niya alam kung paano haharapin ang diyos sa kaniyang harapan. Sa bawat galaw ay may katumbas na pag-aalinlangan. Hinawakan ni Viento ang mga kamay ni Milo. Hindi nagbago ang gaspang ng kamay nito. Katapus-tapusan, mali rin pala ang mga nakasulat sa mga aklat tungkol kay Viento Visto. Hindi rin pala ito nalalayo sa mga katangiang tao lamang ang mayroon. Lumuluha rin ito. Nalulungkot. May mga pagsubok ding pinagdaraanan.
“Alam kong mali ang ginagawa ko, Milo. Maling-mali.” Lumapit siya. “Ngunit ito lang ang paraan upang magtagpo tayo.”
“Narinig mo na ang lahat ng tungkol sa pagmamahal ko sa mo. Aaminin ko na mali rin ang ginagawa ko, ngunit ito lang din ang tama upang hindi ko masabing nababaliw na ako.”
“Hindi ka hangal, Milo. Lalong hindi rin nababaliw. Kapwa tayo may nararamdaman sa isa’t isa. Kaya pinili kong bumaba sa lupa - upang makapiling ka.”
Nagyapusan silang dalawa. At nang magtama ang kanilang mga paningin, tila nahihila ang kanilang mga mata upang maglapit ang kanilang mga mukha. Kapwa sila kumalas sa halik; Tinitingnang mabuti ang isa’t isa nang may sabik sa kanilang mga puso. Nagtugma ang kanilang mga labi sa pag-ibig.
“Ngunit hindi tinutugma ng mga batas sa pagtitipang ito. Hindi ko alam kung hanggang saan tayo dadalhin ng pagsasamang ito, ngunit asahan mong kasama mo ako, Panginoon.”
“Viento na lang, Milo.”
“Siyang tunay.”
Hinalikan nilang muli ang isa’t isa. Binuhat ni Viento si Milo hanggang sa makapasok na sila sa silid. Doon sila humiga at nagpalitan ng apoy. Tanging mga dingding na lang ang makakapagsabi kung ano ang mga nakikita at naririnig nila. Nakahiga si Milo sa kaniyang bisig. Bawat halik ang nagsasabi kung gaano kasidhi ang pagkasabik nila sa isa’t isa. Sa katapusan, nagkatawang-tao mula ito.
“Malilito na ako nito, Viento.”
“Aire, Aire.”
“Malinaw, Aire.”
“Kailangan na lang nating itago ang pagtitipang ito. Alam kong nagdududa ang lahat sa pagkatao ko. Kaya naman piliin na lang nating itago ang lahat.”
“Oo.”
***
Nagising si Milo sa bisig ni Aire. Hindi niya napigilan ang sarili na yakapin ito. Saka naman dumilat ang kaniyang mga mata. Hinalikan niya sa labi ang katipan. Sabay na silang tumayo. Magkahawak-kamay. Umaapaw ang saya sa puso nilang dalawa.
“Alam mo, Milo,” panimula ni Aire.
“Ano ‘yon?”
“Alam kong kahangalan kung sasabihin ko ito, pero napakapalad ko.”
“Bakit?”
“Hindi ko naranasan ang ganitong pagmamahal sa buong buhay ko. Sa mga sandaling hindi kita nakikita, bumabagal ang t***k ng puso ko. Kapag nakikita ko ang mga mata mo, nakikita ko ang mga umagang makakasama kita, wala nang iba pa.”
Ngumiti sa kaniya si Milo. “Hindi ko alam kung paano matatapatan ang mga sinabi mo, Aire. Ngunit matagal ko nang hinahangad ang araw na ito. Mawala man ang kapangyarihan ko at lahat, hinding-hindi ako mapapagal dahil nariyan ka.”
Hinalikan muli nila ang isa’t isa. Nagluto na rin sila nang makakain. At habang nagluluto, niyayapos ni Aire si Milo mula sa likuran. Tanging tunog ng mga lumalagitik na kahoy at palitan ng halik ang pumupuno sa paligid.
“Te amo mucho, Milo.”
“Yo a ti tambien.”