11: Plus Ultra.
Napipinto na rin ang kaniyang katapusan. Doon siya nagdesisyong magpatuloy sa pakikipaglaban. Nasa balikat niya na ang magiging kinabukasan ng daigdig. Kahit papaano, kailangan niyang lumaban hanggang sa magiging huling hininga niya.
Nagtungo sila sa tabing-dagat upang doon mag-ensayo. Dala-dala ni Milo ang kaniyang espada.
“Milo, handa ka na ba?”
“Oo.”
Yumuko sila sa isa’t isa. Pinagtama nila ang mga espada. Primera, umatras sila. Segunda, unang salpukan. Tercera, salpukan sa ilalim. Cuarta, pag-ikot ng katawan at salpukan sa ibabaw. Quinta, pag-usad papunta sa kalaban. Sexta, iikot ang katawan habang tangan sa likod ang espada. Séptima, kapag hindi nakasunod ang kalaban sa galaw, itututok na ang sandata sa likod. Octa, sakalin ang kalaban at idikit ang espada. Novena, agad na gilitan ang kalaban. Décima, itulak ang kalaban padapa. Maaaring iwasang gawin ang dalawang huling galaw kung walang planong igupo ang kalaban. Ganito ang estilo ng mga taga-Buen Aire. Ito ang pinakatatagong lihim nila. Alam na alam din ito ng mga tao sa buong kaharian.
Sa Mil Días - isang tagpo kung saan ninais sakuping muli ng mga taga-Valentía ang mga Castañense - ang nasabing estilo ng pakikipaglaban ang dahilan kung bakit nila nagapi ang mga mananakop. Halos tatlong taong pakikipaglaban para sa kalayaan, at mga Vistense rin ang nagturo sa kanila nito.
Nakasakal na ang braso ni Milo sa leeg ni Aire.
“Magaling! Magaling, Milo. Saan mo natutunan ‘yan?”
“Hindi mo ba kami nakita? Magmamaang-maangan ka ba?”
Tumawa nang malakas si Aire. Madalas niyang napapanood ang mga pag-e-ensayo ni Milo.
Patuloy pa rin sila sa pag-e-ensayo. Mga espada ang nagsasalita. Tanging paghahabol ng hininga ang kanilang sagot. Mga nagkukunwaring matatalas na titig na nagpapalitan ng mga salitang nananahimik. Doon pa lang nagigising ang diwa nilang dalawa. Pagkatapos, ingay ng mga halik nila ang maririnig kasabay ng hampas ng alon.
Nagpahinga silang dalawa, nagpapalitan ng mga sulyap na noo’y binabato nila sa isa’t isa nang patago. Inihiga ni Milo ang kaniyang ulo sa balikat ni Aire. Sa mga sandaling iyon, umiigting ang lakas ng kaniyang loob.
Sumambulat na sa kaniya ang nagagawa ng pag-ibig. Parang nasira ang mga plano niya, ngunit maganda ang ipinalit. Tila langit na ang nagsalita kung ano ang nararapat sa kaniya. Hindi na nila alintana kung nakikita nila ang mga sarili sa salamin ng kamatayan. Sa isip ni Aire, ayaw niya nang matapos ang mga sandaling ito. Hinihila na siya ng pagkahumaling kay Milo. At sa pag-awit nito, binabalikan niya ang mga sandaling napukaw ni Milo ang kaniyang pagtingin.
“Milo, sana ganito na lang ang daigdig nating dalawa.”
“Bakit? Sawang-sawa ka na rin ba sa gulo?”
“Oo, oo. Nais ko nang makawala sa pagiging diyos at makasama ka.”
“Alam mo bang handa na rin akong bitiwan ang katungkulan ko, makipiling ka lang?”
Nagtinginan sila, habang binabalutan sila ng hanging hindi nakikipagsabayan sa nakakapasong sikat ng araw.
“Kahit tayong dalawa lang, Aire, masaya na ako. Kahit itaboy na ako ng maraming pagkakataon upang guminhawa pa, mas pipiliin ko pa rin ang magulo mong buhay upang makasama ka.”
Sa pag-uwi nilang dalawa, isang pamilyar na mukha ang tumambad sa kanilang dalawa. Si Aguapez, kasama ang isang babae. Kapwa nakasuot ng tunika at may malalalim na tingin, nakangiti at nakaupo lang sa tumba habang nagpapaypay.
“Buenos días, hermano!” si Aguapez.
Kumaway si Aire sa kanila. Tumayo ang dalawa at kitang-kita ang kinang ng mga mata ng babae.
“Buenos días,” pagbati ni Milo sa kanilang dalawa.
Nang pumasok na silang dalawa, nagtanong na agad si Milo. “Sino siya, Aire?”
“Sige. Bibigyan kita ng mga tanda kung sino siya.”
“Sige.”
“Kapatid ko rin siya. Siya ang katumbas ni Australis sa hilaga.”
Napalagok si Milo. “Borealis?”
Bumalik sa pagiging diyosa si Borealis at kitang-kita ang damit nitong sumasayad na sa lupa. Nagniningning na puti ang kulay ng damit. Buhok na kakulay ng Polo Norte sa mabigat na taglamig. Naging kasingputi rin ng Polo Sur ang damit ni Australis nang magbago siya ng anyo. Lumitaw rin ang kani-kanilang sandata. Dala-dala ni Borealis ang kaniyang espada na gawa sa purong diyamante. Hawak naman ni Australis ang isang espada na gawa rin sa diyamante. Kapwa may hawakang ginto ang kanilang mga sandata, at ganoon din ang kay Viento.
“Kami na nga ito, Milo,” sabi ni Borealis.
Lumuhod siya bigla, ngunit pinatayo ulit.
Si Borealis na yata ang kabalintunaan ng isang diyos. Ayaw niya na binibigyan siya ng papuri. Kaya naman sa kanilang lahat, siya ang halos itaboy na ng mga taga-Sierra Alta. Sa isang kuwento, pinatunayan niya ang kaniyang kakayahan nang matalo niya si Ganador sa isang libong laban.
“Hindi mo kailangang gawin ‘yan, Milo. Isa ka sa pinakamatatag na nilalang sa daigdig na ito. Ngunit hihingiin na namin ang tulong mo.”
“Tungkol saan?”
“Kailangang magapi si Ganador. Nang maituwid ni Fides ang tadhana, ikaw ang lumitaw, Milo.”
Tumango si Milo. “Nakahanda na po ako, Mahal na Diyosa.”
Sa isang pitik ni Australis, lumabas ang isang kahon. Binuksan niya ito at isang navaja ang laman nito.
“Isang navaja, señora?”
“Oo, isang navaja. Huwag kang mag-aalala. Kagaya ng navaja de justicia, nagiging espada rin ito.”
“Saan po ito gawa?”
“Gawa ito sa isang dinurog na tala. Pinanday pa ito ni Fogo. Ito lang ang tanging makakatapat sa lakas ng navaja de justicia. Ito na marahil ang kasinglakas ng nasabing sandata.”
Nagsalita si Australis, “Umaasa kami sa inyong dalawa ni Viento.”
“Makakaasa kayo, mga mahal na diyoses.”
Sa isang pitik ng diyosa, lumitaw sa hangin ang isang tesoro. Lumipad ito patungo sa mesa. Kusa rin itong bumukas. Kitang-kita ang pagningning ng laman nito.
“Milo, at dahil isang diyos ang makakaharap mo, kailangan mo rin ng isang armadura upang harapin sila nang patas. Ngayon, isang casco at baluti na gawa sa pinakamatibay na metal sa kalawakan ang ibibigay namin sa iyo. Gawa ito ng kapatid namin na si Fogo. Kaisa natin siya sa mga mangyayari. Dahil kilala ang kaharian ng Buen Aire sa pakikipaglaban, umaasa kaming magaling ka rin. Sa ngayon, si Viento pa rin ang magsasanay sa iyo. Siya lang sa aming magkakapatid ang maaaring makatapat ng talipandas na ‘yon.”
Humagikgik si Australis. Nakataas na ang kilay ng kaniyang kapatid. Doon lang siya tumigil.
“Makakaasa kayo, mahal na diyosa.”
“Borealis na lang. Demasiado de esta formalidad que estás.”
“Muchas gracias.”
“De nada.” Umupo si Borealis. “Bueno, nais ko na ako ang mag-iisang dibdib sa inyong dalawa sa huling bahagi ng unang tagpo ng kasaysayan ng daigdig.”
Nanlaki ang mga mata nina Milo at Viento.
“Ate, maaga pa para diyan,” sabi ni Viento.
“Sinasabi ko lang. Ikaw naman!” pang-uuyam ni Borealis.
***
Magkaharap sina Señor Mariduno at Olympus sa mga sandaling ito. Naituro na sa kaniya ang mga encantación upang makita ang proyección ng mga bituin sa langit, at ang epekto nito sa kaniyang panaginip.
Sa isang kumpas lang ng kaniyang kamay, lumitaw sa harapan ni Olympus ang hitsura ng kalawakan. Isa-isang naglalabasan ang mga constelación at ang mga araw sa iba’t ibang dako ng kalawakan. Sa unang tingin, hindi siya makapaniwala na marami rin palang daidig na katulad ng sa kanila. Hindi nga lang nila nakikita kung may nabubuhay ba o wala. Sa ngayon, umaasa si Olympus na makakapagbigay pa siya ng mga haka-haka sa mga mangyayari bago matapos ang unang semestre ng kaniyang pag-aaral.
“Señor, nakikita ko po na parang ay mga sumasabog na bituin sa dakong kanluran nitong mapa ng kalawakan.”
“’Yan ang nagpapatuloy ng katotohanan sa mitolohiya ng mga diyos; Na sila at sila pa rin ang dahilan kung bakit tumatakbo ang panahon sa buong kalawakan. Sa ngayon, tingnan mong maigi ang mga bituin sa timog silangan.”
Nababanaag ni Olympus ang mga bituing kumukutitap at nagpapalit-palit ng kulay.
“Ito ba ang tinutukoy ninyo na dahilan kung bakit nanatiling buhay ang mito tungkol sa Panginoong Viento Visto?”
“Siyanga, Olympus.”
“Samakatuwid, hinigop ng Panginoon ang lahat ng hangin sa mga bituing ‘yon, at kinulayan ng bughaw ang mga ito upang magningning. Nadamay ang iba pang mga bagay sa kalawakan. ‘Yon ang naging dahilan kung bakit nasa isa tayong kawalan, at lumulutang.”
“Paanong lumulutang, señor?”
“Pues, nang mahigop lahat ng hangin sa kalakawan, nasama rin ang lakas mula sa ibaba. Napunta sa gitna. At, dinala ni Viento Visto lahat ng hangin upang bigyang buhay ang buong daigdig. Iyon ang dahilan kung bakit sila nag-aaway ng kaniyang kapatid na si Ganador.”
Sa isang pitik ni Olympus, nakita niya ang paggalaw ng mga bituin patungo sa gitna. Ngunit hindi lang pala ito ang nangyari. Ginalaw niya ang kaniyang mga bisig at tila mas lumaki ang mapa ng kalawakan.
“Señor, hindi lang pala iisang puwersa ang nasa kalawakan. Marami.”
“Paano?”
“Tingnan ninyong maigi. Maraming kumpulan ng mga bituin sa kalawakan. Kaya maaaring hindi lang sa iisang mito nakasalalay ito.”
Napalagok ang señor sa natuklasan ng kaniyang mag-aaral. Pambihira ang sakop ng katalinuhan ni Olympus, aniya. At ngayon, napapatunayan na ang mga mito na kahit ang mga diyos ay tila hindi nag-usap-usap.
“Ito na ang magpapatunay sa haka-haka ng Más Allá.”
“Ano po ‘yon, señor?”
“May mga teorya na nagsasabing hindi lang iisa ang iniikutan ng mga bituin sa langit. Marami sila, ngunit magkakalayo. Nang hinubog ng mga diyos ang kalawakan, nagkaroon ng malaking banggaan sa pagitan ng mga malalaking bola ng apoy, na siya ring nagdulot ng isang malaking pagsabog at paglaganap ng mga bulalakaw sa langit. Ang mga piraso ng malalaking apoy ay naging mga tala at ang iba naman ay naging sentro ng galaxia.” Tumikhim si Mariduno. “Ngayon, ang mga bola ng apoy na hindi labis na natibag ang siyang mga naging sentro ng mga bituin, mga planeta, at iba pang mga bagay. Dahil sa natuklasan mo, magbabago ang takbo ng mga susunod na pagtatala ng mito at mga kuwento bayan.”
Nangilid ang takot sa mga mata ni Olympus. Nababahala siya sa kaniyang natuklasan. Wala siyang nais baguhin sa takbo ng daigdig. Ngunit wala nang kawala ito at kailangan niyang itala ang lahat ng mga pangyayari at mga nakita, nabanaag, at mga punto ng galaw ng mga bituin at mga galaxia.
“Jovencito, marahil ay natatakot ka sa mga pagbabagong natuklasan mo. Huwag kang mag-alala. Ikaw ang hinirang upang magbago ng takbo ng kasaysayan; Kasama iyan sa pagiging soñador. Hindi ka lang basta nangangarap. Kung hindi, nagbabago ng takbo ng kasaysayan sa hinaharapan. Kaya siguro sa paglipas ng mga daantaon, iilan lang ang nagiging soñador: Upang mapanatili ang tamang takbo ng kasaysayan. Kaya naman, huwag kang matatakot. Isulat mo na ang lahat. At saka, huwag mo na ring kalimutang paalalahanan ang vistador menor ng Ciudad de Buen Aire sa iyong natuklasan.”
“Je comprends, monsieur.”
“De rien.”
***
Napagpad silang apat sa Polo Norte. Agad na pumasok sina Borealis at Milo sa loob ng kaniyang palasyo. Naiwan naman sa labas sina Australis at Viento. Naramdaman nila ang isang pamilyar na presensya ng isang diyos. Mula sa bulwagan ng palasyo, nabanaag ni Viento ang isang nag-aalab na nilalang papunta sa kanilang dalawa. Habang papalapit ito, siya ring pagbuo ng isang wangis na palasak na sa kanilang mga mata. Si Ganador na nga ang wangis na nakikita nilang dalawa.
“Buenas, buenas, hermanos! Qué tal?” pagbati ni Ganador habang papalapit sa kanilang dalawa.
Umamba bigla si Viento, ngunit pinigilan siya ni Australis.
“Hermano, bueno. Qué tal?” tanong ni Australis.
“Aba. Nandito na rin pala ang kanang-kamay na matagal nang hinahanap sa Sierra Alta. Ano, Viento? Isusuko mo na ba ang posisyon mo sa akin?”
“Sobre mi espíritu, canalla!” bulyaw ni Viento.
“Que tengan paciencias, eh. Bueno, Ganador. De qué estás hablando?” tanong ni Australis.
“Nada. Masaya lang ako na nakita ulit siya, el honrable y siempre sensible Viento.”
Ilang saglit lang, biglang may bumagsak na isang malaking bola ng yelo kay Ganador. Lumabas pala si Borealis.
“Por qué, hermana? Por qué siempre me saludas con bolazo de nieve?” pag-angal ni Ganador.
Hinawi ng diyosa ang dalawang kapatid upang harapin si Ganador. Habang nag-uusap sila, sumunod rin pala si Milo at nagtago sa isa mga pader. Nakita niya na ang diyos na si Ganador. Nakasuot ng pulang baluti at may kalasag na gawa sa diyamente, ginto, at pilak. May aura na kulay pula. Kumikinang na tila isang bituin ang kaniyang espada. Ramdam ang biglaang paglamig ng paligid dahil sa panggagalaiti ng diyosa sa kapatid.
“Wala kang pakialam. Akala mo, hindi ko alam.”
“De qué hablas?”
“Espada. Espada na maaaring si Fogo, Fides, at Amang Marzo lang ang maaaring gumamit. Te acuerdas, ladrón?”
Tatawa-tawa pa si Ganador. “No soy ningún ladrón, hermana! Estás bien loca, eh.”
“Sa oras na makita ko sa iyo ang navaja de justicia,” tinuro ni Borealis ang isang bundok ng yelo mula sa malayo. “Ako mismo ang magtatapon sa iyo sa loob ng Tartaro.”
Kitang-kita ang panghihina ni Ganador. At sa isang iglap, bigla itong naglaho sa hangin. Tanging mga yabag na lang nito ang natira. Papasok na silang tatlo sa palasyo nang makita nilang nakahandusay na si Milo. Binuhat ni Viento si Milo papasok sa loob. Nagtungo sila sa isang kuwarto na walang kalamig-lamig. Doon ay inihiga nila si Milo, at saka tumabi si Viento.
“Viento, maiwan na namin kayong dalawa rito. Mag-uusap lang kami ni Australis.”
“Sige, Borealis. Ako na ang bahala sa kaniya.”
Nang umalis na ang dalawa, hinubad ni Viento ang mga suot ni Milo. Saka niya ito tinapisan ng isang abrigo na kasing-init ng tag-araw, may sala-salabit ng mga aura na kulay dilaw at kahel. Hindi maiwasang yakapin ni Viento ang katipan. Bigla-biglang nanginig ang katawan ni Milo.
“Estás bien?”
“Sí, Viento. Muy bien estoy.”
“Bueno, bakit ka lumabas kanina?”
“Nais ko kasing makita ang nangyayari sa labas. Hindi ko naman inaasahan na makikita ko ang diyos na si Ganador. Siya pala ‘yon?”
“Oo. Siya nga.”
“Sa tingin ko, palagi siyang hindi nauunawaan ng lahat.”
“Siguro nga, tama ka. Pero sukdulan na ang ginagawa niya.”
“Paano?”
“Madalas kasi na sinusuway niya ang utos ni Amang Marzo, pero nakakalusot siya dahil may kamandag sa kaniyang mga mata na hindi matanggihan ng kahit na sino; Kahit pa ang pinakamalakas na nilalang sa buong kalawakan ay maninikluhod na lang sa kaniyang kariktan.”
“May tama ka riyan. Sa totoo lang, siya ‘yung tipong pagkakaguluhan ng mga tao. ‘Yun nga lang, dahil alam ko na kung ano ang nais niyang gawin, nakahanda na ako sa mga magiging patibong niya.”
Nagyakapan silang dalawa, nagtama ang mga paningin, saka nagpalitan ng halik. Ramdam na ramdam ni Milo ang kakaibang init na dala ni Viento. Sa bawat pagdidikit ng kanilang mga labi, tila nayayanig ang mga puso nilang hinahanap ang patagong pagsinta. Bawat dampi ng kamay ni Viento sa hita ni Milo, parang biglang nagliyab silang dalawa - kapwa mga sangang pinagbibigkis upang magkaroon ng silab ng apoy. Pagkatapos ng tagpong iyon, saka naman sila bumangon at nagsuot ng kani-kanilang mga baluti, lumabas sa kuwarto at humarap mula kina Borealis at Australis.
“Kumusta ka naman, Milo?”
“Maayos naman, Borealis.”
“Bien, bien. Sa ngayon, ibibigay ko sa iyo ang isang kuwintas na maaari mong gamitin sa labanan. Isang pulseras upang makatulong sa navaja na nasa iyo.”
Nilabas niya ang isang maliit ng kahon. Pagbukas nito, bumalalas ang sanga-sangang liwanag na tila laksa-laksang bahagharing hindi naglalaho sa kalangitan. Hindi pumapanglaw ang kulay ng mga hiyas. Bagkus, lalo pang umiigting ang tingkad ng kulay nito - nagniningning at kumikislap.
“Milo, ang lakas ng pulseras at kwintas ay maaaring lituhin ang kakayahan ng navaja de justicia na tingnan ang katarungan sa wangis ng may hawak ng sandata. Pampalilo, kumbaga,” sabi ng diyosa.
Isinuot nito ang mga alahas kay Milo. Hindi pa natatapos doon ang lahat. Tila tumibay pa ang kalasag at espada, ganoon na rin ang buong baluti ni Milo. Kaya naman biglang naglabas ng espada si Borealis at inihambalos ito sa binata. Ngumiti si Borealis nang makitang naging abo ang espada.
“Ate, muy genial! Paano nagawa ni Fogo ang lahat na ito?” sabi ni Viento.
“Siya ang gumawa ng navaja de justicia, nararapat lang din na alam niya kung ano ang makakatalo o nakakapagpahina sa sandatang ‘yon, hindi ba?” sabi ni Borealis.
“Kung sabagay. Pero para mapulbo na parang isang kahoy na nasunog ng espada, ibang klase na ‘yan, Ate,” sabi naman ni Australis.
“Ngunit, ito na lang. Dahil magktulad ng materyales ang sandata nina Milo at Ganador, maaaring may bentahe lang si Milo nang kaunti, kung ikukumpara kay Ganador. Labanan na lang ang magdidikta. At babalaan ko na kayo: Ang lakas ni Ganador at maitutulad sa lakas ng lahat ng diyos kung labanan ang usapan. Kailangan niyo lang siyang utakan. Maliwanag?”
“Opo,” sagot ni Milo.
***
Sa audiencia, nakaupo na ang lahat ng mga pantas. Nasasabik ang lahat dahil sa bagay na magpapatunay ng mito ng Más Allá. Pinamalita ni Señor Mariduno ang mga natuklasan nilang dalawa. At ito sila ngayon, naghahanda upang maging maayos ang presentasyon. May iba naman na nagbubulungan at hindi pa rin naniniwala sa mga natuklasan ni Olympus. Marahil ay hinuhusgahan pa rin siya ng iba dahil sa kaniyang natatanging kariktan at kakisigan. Kinintal ng karamihan ang ganitong kaisipan upang manitiling bulag sa maaaring ituro ni Olympus sa lahat.
“Buenos días a todos!”
Sa pagbati ni Señor Mariduno, tumayo naman ang mga pantas at yumuko upag magbigay ng paggalang.
“Les presento a Señor Olympus con su estudio en probar la mitología del Más Allá.”
Nagpalakpakan ang mga kaibigan ni Olympus. Tumikhim na siya, saka nagsimulang bumati sa lahat.
“Buenos días a ustedes. Les presento nuestro descubrimiento sobre el mapa del universo. Alam ng lahat na umiikot lang sa iisang galaxia ang lahat ng bagay.”
Umusal ng dasal si Olympus, at sa isang pitik, lumabas ang isang vidrío ng buong mapa ng kalawakan.
“Sa mitolohiya ng Más Allá, sinasabing nagbanggaan ang malalaking bola ng apoy na siyang nagresulta sa pagkabuo ng bituin, galaxia, at iba pang mga bagay na lumulutang sa kalawakan. Matapos ang pangyayaring iyon, nagtalo ang dalawang diyos - sina Viento Visto at Ganador - kung sino ang dapat na bumuo ng magiging kolektiba ng mga bituin sa buong galaxia. Ngayon, sa isang pitik ko pa, makikita natin ang iba pang galaxia na katulad ng kinaroroonan ng ating daigdig. Iba-iba ang kulay ng mga ito. Matagal na rin itong nagiging usapan sa mga akda ng mga soñador at mga pantas sa loob ng tatlong libong taon.”
Isa-isang tilang nagsasabugan ang mga tala. At tila hinihigop ng gitna ng galaxia ang mga bituin papasok sa ibang dimensyon. Binanggit din ni Olympus ang dahilan ng paglutang ng lahat ng bagay sa kalawakan - nabanggit niya na hinigop ni Viento Visto ang lahat ng hangin upang dalhin sa daigdig ang lahat ng ito at bigyang buhay ang lahat ng nilalang. Iyon din ang dahilan ng pagtatalo nila ng Ganador dahil tanging pagtalon lamang nang mataas at malayo ang kayang gawin nito, kung ikukumpara kay Viento Visto na kayang lumipad at hawakan ang bilis at bagal ng panahon sa kaniyang mga kamay. Iyon din ang naging hudyat kung bakit may mga bituing sumasabog at namamatay. Sa pagtatalo nilang dalawa sa kalawakan, nagkaroon ng pagbabago sa oryentasyon ng mga galaxia. May iba na lumayo, at may iba naman na nagsama at naging mas malaking galaxia pa. Ang pinakamalaking galaxia at ipinangalan sa hari ng mga diyos na si Marzo. Ang galaxia kung saan naroroon ang daigdig ang siyang pinakagitna ng lahat. Sa isang kumpas lang ng kamay ni Olympus, tila nagbalik mula sa simula ang takbo ng kalawakan sa vidrío, hanggang sa unti-unting nakikita ang mga diyos na nagtatalo at ang kasalukuyang estado nito.
“Sa pagkatuklas nito, magbabago ang ating pagtingin sa aspeto ng pagbibigay ng abiso sa mga tao, magbabago rin ang takbo ng pagbibigay ng kahulugan ng mga panaginip, at lalong-lalo nang magiging bukas ang pagbibigay ng babala sa mga tao tungkol sa napapanahong krisis ukol sa pagtatapos ng ating daigdig. Dahil sa haka-haka tungkol sa Más Allá, maaaring hindi magtapos ang daigdig. Samakatuwid, mananatili ang daigdig sa mahabang panahon.”
Nayanig ang lahat sa sinabi ni Olympus. Tila nagkaroon ng pag-asa ang lahat na makakapagpatuloy pa sila sa kanilang pag-aaral at hindi na nila kailangang mag-alala para sa kanilang kinabukasan. Matapos ang presentasyon, hinila ng mga pantas si Olympus at isa-isa silang nagpasalamat sa kaniya. Makailang ulit na rin siyang nagkaroon ng mga panaginip tungkol sa mga magaganap sa monasterio.
“Merci, merci beaucoup, monsieur. Tu me assures la histoire pour étudier ici. J’ai besoin de achever ma étude à aider plus gens.”
“De rien. C’est ma aide pour vous.”
Pumasok na sila sa kanilang dormitoryo at hindi pa rin mawala-wala ang ngiti ni Mariduno.
“Señor, hindi ako makapaniwala sa nagawa natin ngayon.”
“Kahit ako, jovencito, hirap maniwala. Sa tagal ko nang nabubuhay sa daigdig, ngayon pa lang ako nakakita ng taong interesante na tulad mo. Aaminin ko, maaaring si Milo ang pinakabatang pantas sa kasaysayan, ngunit ikaw naman ang isang manlalakbay na nagbukas ng panibagong yugto ng kasaysayan. Malaking pagbabago ang naging dala mo, Olympus. Isa kang himala sa loob ng tatlong libong taon. Walang makakapantay sa galing mo.”
“Salamat po, Señor. Pero trabaho ko rin naman po ito.”
“Hindi lang ito basta isang trabaho; Isa rin itong paglalakbay. At ngayon, ikaw ang aming guia. Tatlong siklo ng buwan ang bubunuin natin upang isulat ang lahat ng mga natuklasan mo.”
“Nating dalawa, Señor.”
Isa-isa na nilang kinukuha ang mga kuwaderno upang matapos na nila ang isang pananaliksik. Isusunod pa nila ang mga teorya o haka-haka na magdudugtong sa kanilang natuklasan.
“Bueno, joven. Susulat ka pa sa dalawang vistador ng Buen Aire. Kailangan nilang malaman ito.”
“Opo. Pero maitanong ko lang po.”
“Ano ‘yon?”
“Bakit ko parang kaharian ng Buen Aire lang ang mayroong monasterio, mga pamantasan?”
“Nag-usap-usap kasi ang mga hari, dalawang libong taon na ang nakalilipas. Nais nilang magtayo ng isang pamantasan o monasteryo sa isang bundok na hindi madaling marating ng kahit na sino. Nang sinaliksik nila ang bawat bayan, tanging Buen Aire lamang ang kaharian na napapalibutan ng dagat, mahahaba at matataas na kabundukan, disyerto, at malalalim na ilog. Nagpatayo ang hari na si Franquinho ng mga sangay-sangay ng mga gusali sa ibabaw ng Bundok Cielo Alto. Tinaniman din ito ng mga mayayabong na puno upang itago sa lahat ng mananakop at iba pang kaharian na nais manghimasok sa mga kaganapan sa monasterio.”
“Qué historia, señor.”
“Sinabi mo pa.”