Matapos ang mahaba-habang pagsasanay sa Polo Norte, bumalik na silang lahat sa Buen Aire. Bakas na bakas pa rin ang ilang galos sa katawan ni Milo mula sa pagsasanay. Nakakapaso ang lamig, at nawalan siya ng lakas na makahinga sa lahat. Ngunit kinaya niya pa rin at tumindig upang ipagpatuloy ang mga nasimulan na. Pinagaling ng mga ulap ang mga sugat na kaniyang natamo at kailangan niya na lang magpahinga.
Sa kanilang pagbabalik, nais na magtungo ni Aguapez sa monasterio upang dalawin ang kaniyang sinisinta na si Olympus.
“Aire, Borealis, magpapaalam lang sana ako sa inyo. Nais kong puntahan si Olympus.”
“Sino si Olympus?” tanong ni Borealis.
“Siya ang magiging soñador ng kaharian namin,” sagot ni Milo.
“Basta, Aguapez, mag-ingat ka. Kailangan mo lang maglaho sa hangin nang hindi ka makita ng kahit na sino.”
“Huwag kang mag-aalala.”
Nagyakapan silang dalawa at saka siya naglaho pagkatapos kumalas. Sa mga sandaling ‘yon, kumakain pa rin sina Milo at Aire upang bawiin lahat ng lakas. Pinanonood naman sila ng diyosa.
“Alam niyo, bagay talaga kayong dalawa.”
“Talaga ba, Ate?”
“Oo. Parehong-pareho kayo ng ginagawa kapag kumakain - tahimik at ayaw na makipag-usap masyado. Kitang-kita naman sa sabay na pagkunot ng mga noo ninyo.”
“No me digas, eh,” sabi ni Aire.
“Naku, basta, magpapalit na rin muna ako ng anyo upang makita ko na rin ang mga tao rito. Wala namang masama roon, hindi ba, Milo?”
“Wala naman po.”
Pagkatapos kumain, nagpahinga lang saglit si Milo. Naiwan namang gising si Aire upang tingnan ang oras. Hindi pa pumuputok ang araw sa mga sandaling iyon. Pinili niyang ayain si Borealis sa labas upang makapag-usap pa silang dalawa. Sa pagyabag pa lang sa labas, kumumpas na siya at naging tahimik ang paligid. Lumabas din ang isang aurang hindi nakikita upang walang makarinig sa kanilang pag-uusap. Nang makaupo na silang dalawa sa tumba, saka na nagsalita si Borealis.
“Kapatid ko, natutuwa ako sa nagiging disposisyon mo, sa totoo lang.”
“Kailangan kong tapangan ang loob ko, Ate. Mahirap din ang pagiging diyos. Bagamat hindi tayo madalas na makaramdam ng mga bagay na palasak na sa mga tao, mahirap din ang habangbuhay na pag-iisa. Imortal man tayo, lahat naman ng damdamin ang nagbababa sa atin. Tao lang din siguro tayo, may pambihirang kapangyarihan lang siguro ang bawat isa.”
“Wala na akong magagawa sa magiging pasya mo, Viento. Ang nais ko lang naman ay mapabuti ka. Ngunit hindi ko saklaw ang magiging damdamin mo sa lahat ng nangyayari.”
Kumumpas si Viento sa hangin at lumitaw ang isang maliit na maliit na buhawi, saka niya ito hinipan at naglaho.
“Ewan ko na talaga, Ate. Siguro nga, tama ka. Pero nakikita ko ang sarili ko sa bawat umaga pang lilipas na kayakap ko si Milo sa paggising at tatanda rin na katulad niya.”
Ibinuka ni Borealis ang kaniyang kamay at lumabas ang isang kristal. “Ganiyan din ang naging pangarap ko noon. Ngunit hindi ko na hahayaang matulad kayo sa akin. Hanggang ngayon, sugatan pa rin ako mula sa mga pangyayari. Dahil handa na ang iyong puso sa mga mangyayari, mas pipiliin ko ring sundan mo ang iyong kaligayahan, hermano.”
“Muchísimas gracias, hermana.”
“De nada.”
Pinapanood nila ang ninfa na nagdidilig sa kapitbukid. Kumikinang ang kanilang balat, at nakasuot ng malagintong tunika, umiindayog ang mga buhok nila, lumulutang sa hangin habang nagsasaboy ng mga tubig na kumikinang. Biglang naging maaya ang simoy ng hangin sa isang kumpas ni Viento. Kasabay nito ay ang paglitaw ng mga alitaptap na kumukutitap habang lumilipad kasama ng mga ninfa.
“Parang mga ninfa, hermana.”
“Sila ngang tunay.”
“Maaya pa rin talaga ang pagsapit ng bawat araw. Tila isang pag-asang hindi napaparam.”
“Sinabi mo pa.”
Daang sandali na ang lumipas, saka lang sumikat ang araw. Sa isang iglap, naglaho na si Borealis. Nawala ang aura sa paligid ng tahanan kasama ng mga ninfa na nagsihayo sa kakahuyan. Nakapahinga na si Viento, at pumasok na siya sa bahay upang maghanda ng makakain nilang dalawa ni Milo.
***
Nasa harapan na ng monasterio si Aguapez. Pumasok na siya sa loob at nakita ang mga mag-aaral at mga pantas na naglalakad. Sa hindi maiwasang pagkakataon, nakabanggaan niya pa ang isang babaeng pamilyar kay Olympus - si Lorquia.
“Lo siento, señorita.”
“No hay que disculpar, hombre.” Naningkit ang mga mata ni Lorquia sa kaniya.
“Bueno, may dadalawin lang sana ako.”
“Sino naman?”
“May kilala ka bang Olympus?”
Napalagok ang dalaga. Napangiti dahil nasa harapan niya na ang misteryosong kasintahan ng kaibigan.
“Ikaw ba si Aguapez?”
“Paano mo nalaman?”
“Kaibigan ko si Olympus. Madalas ka niyang ikuwento sa akin. Ikaw na ikaw ang kinukwento niya. Namumula ang buhok sa tama ng araw at kasingkulay ng taglamig ang iyong balat.”
“Nasaan po kaya siya?”
Tinuro ni Lorquia ang daan patungo sa dormitorio ng mga soñador. “Está aquí. Necesitas esperar por él. Bueno, me voy.”
“Muchas gracias.”
“De nada, señor.”
Kumatok na siya sa pinto at nakita niya ang isang lalakeng pamilyar. Dala-dala nito ang nakakaakit ng mga titig at tipuno na hindi nababali ng kahit anong bagay. Nang makarating na ito sa kaniya, hindi niya na maitago ang pagkasabik. Sa halip, niyakap niya ito.
“Ya llegaste, mi amor.” At niyakap ni Olympus ang minamahal.
“Sí aquí estoy. Kumusta ka?”
“Mabuti, mabuti naman ako. Ikaw?”
“Pues, bien, como tú.”
Hinarap nila ang isa’t isa, at hinalikan ni Olympus ang katipan sa gitna ng bulwagan. Naramdaman niya na naman ang pagkasabik kay Aguapez. Nais niyang sabihin lahat ng nais niyang ibunyag, lalo na ang pagmamahal na hindi niya mapalit-palitan.
“Aaminin ko, Aguapez.”
“Ano ‘yon?”
“Gusto ko na sanang umalis noong ikalawang linggo ko rito. Isang libong taon na ang agwat natin sa isa’t isa, at ayaw kong malayo sa iyo. Ngunit ito ako ngayon, sinisinta kita na parang kahapon lang tayo nagkakilala.”
Hinalikan muli ni Aguapez ang kasintahan. “Alam kong kailangan mong mag-aral para sa kinabukasan ng kaharian ninyo. Pero naghihintay pa rin ako. Hindi kita maalis sa aking isipan. Ang wangis mo, mga kamay mong sinisindihan ang apoy na hindi ko maramdaman, at lalo na ang mga titig mong tila ako lang ang lalake sa iyong daigdig. Lahat ‘yon hinintay ko.”
“Hayaan mo, maaari ka namang pumarito kung nararamdaman mong mababaliw ka na.”
Hinawakan niya ang kamay ni Olympus. Ito na rin ang panahon upang aminin niya ang kaniyang pagkakilanlan.
“Amor, voy a querer decirte algo. Te necesito ahora.”
“Sí, voy a acompañarte por aquí.”
Pumasok sila sa kaniyang kuwarto. Huminga nang malalim si Aguapez, saka pumitik. Lumitaw ang tunay niyang hitsura. Isang diyos na nagliliwanag ang katawan. Kakulay ng Polo Sur ang kaniyang tunika, namumula lalo ang kaniyang buhok, sandalyas na kulay abo, at medyo malaking katawan. Natulala sa kaniya si Olympus. Nangangatal na ang binata. Hindi alam kung saan kukuha ng mga salitang gagamitin.
“Eres El Dios Australis, del sur de este mundo?”
“Sí, soy yo.”
“Hijo del pescuezo roto! Umiibig ako sa isang diyos?”
Tumango na lang si Australis bilang tugon. Napangiti lang si Olympus at niyakap ang kaniyang mahal. Pakiwari niya, hindi magaganap sa tanang buhay ang ganito. Isa lamang ang nais niya mula noon: Isang nilalang na magmamahal sa kaniya sa kabila ng kaniyang kinalakihan. Hindi niya inasahan na aabot sa ganito ang pangarap na iyon.
“Walang magbabago sa pagmamahal ko sa iyo, Australis.”
“Salamat at tanggap mo na ganito ako.”
“Wala akong pakialam kahit na itapon pa ako sa isang libong dapat. Lalanguyin ko pa rin ang karagatan, makasama lang kita.”
“Te amo, Olympus.”
“Te amo, te adoro, te venero muchísimo, Australis. Siempre, voy a acompañarte en todos pasos hasta el fin.”
Bumalik na si Australis sa pagka-Aguapez. Saka sila naglakad papunta sa silid-aralan.
“Tara na, Aguapez. Ipapakita ko sa iyo kung sino ang iniirog mo.”
“Sige, tara na.”
Pagdating sa silid-aralan, naroon si Señor Mariduno. Binati niya ang dalawa at pinaupo. Nagsimula na siyang magturo tungkol sa prinsipyo ng mga panaginip. Nagpapalitan lang sila ni Olympus ng mga sagot sa bawat tanong na binabato nila sa isa’t isa.
“Señor, kailangan nating pag-igtingin ang teorya ng Más Allá dahil ito ang magsasabi kung ano-ano pa ang maaaring dalhin ng mga panaginip sa bawat tao. Halimbawa na lamang ang mga panaginip tungkol sa milyong mga araw na umiikot sa kalawakan. Nangangahulugan ito na maaaring may suwerte na darating sa lahat ng tao, ngunit dahil nalaman nating bilyon ito, maaaring magbigay rin ito ng ibang kahulugan. Maaaring magkaroon ng pagmamalabis ang isang tao sa kaniyang kapangyarihan. Kung mapapansin natin, Señor, karamihan ng nananaginip ng milyong mga araw ay mga maharlika at mga nasa pamilya ng hari at reyna. Pangalawa, kailangan din nating bigyan ng pansin ang mga panaginip tungkol sa alitan ng dalawang diyos na sina Viento Visto at Ganador. Nalaman natin na kailangang baguhin na rin ang nakaugaling alitan. Bagkus, palitan ito ng isa pang bagay na magbibigay ng linaw sa pagsabog ng mga bituin ng pula. Resulta lang pala ito ng banggaan ng mga bituin sa gawing kanluran ng galaxia natin.”
“May punto ka, Olympus. Pero kailangan din nating isaalang-alang na nakadikit pa rin ang ganitong panaginip sa pagkakaroon ng malaking alitan sa pagitan ng mga kaharian.”
“Maaari, ngunit kailangan nating tingnang maigi ang mga talâ ng panaginip.”
“Mangyayari, Olympus.”
Hindi maiwasang mapangiti ni Aguapez mga nakitang palitan ng sagot nina Señor Mariduno at Olympus. May mga punto na alam niya dahil madalas niyang kausap si Viento tungkol sa mga nangyayari sa kalawakan. Totoo na madalas na mag-away ang dalawa dahil sa posisyon ng kani-kanilang mga bituin. Sa mga bituin na pag-aari ni Ganador, naroon ang sali-saliwang kapangyarihan na hindi niya muli makuha dahil sa ginawa ni Viento. Kinailangang gawin ang pagpapalutang ng lahat ng bagay dahil may planong sirain ni Ganador ang daigdig at bumuo ng panibago na siya ang kinikilalang diyos, at hindi ang kanilang ama.
Matapos ang klase, hinaltak ni Olympus si Aguapez patungo sa isang lagusan na nasa pinakadulo nitong monasterio. Isang daan na mga bisita at mga tao sa loob ng monasterio lamang ang magtungo. Mas umiigting ang pagiging masukal ng mga daan dahil halos ugat ng matatandang puno na ang bumabalot. Maaya ang paligid at saka binuksan ni Olympus ang pinto patungo sa isa pang lagusan. May mga ninfa na sumusulyap sa kanilang dalawa. Lahat sila ay lumuluhod dahil nararamdaman nila ang presensya ng isang diyos - Si Australis. Pagdating sa dulo, lumabas silang dalawa sa malawak na kapatagan sa paanan ng bundok. Isang kapatagang walang nanghihimasok at tanging manzanilla at lobelias lamang ang tumutubo. Makikita ang mga ibong kulay asul, lumilipad at walang pumipigil sa kanila. Humiga na silang dalawa. Inihiga ni Olympus ang ulo ni Aguapez sa kaniyang bisig. Umakap naman ito sa kaniya.
“Estás muy bien guapo, Olympus.”
“Pero, kahit na sumasalungat ang kulay ng iyong buhok sa kabuuan nitong kapatagan, ikaw pa rin ang pinakamaayang mukha sa aking buhay, sa aking panahon.”
“Ikaw talaga, Olympus. Nalayo lang ako sa iyo, naging makata ka na.”
“Sabihin na nating iba ang nagagawa ng pagiging malayo natin sa isa’t isa. Ngayon pang natuklasan ko ang lahat, maaaring magbago pa ang pananaw ko tungkol sa mga paglalayo natin.”
“Aaminin ko sa iyo. Nang makita ko ang kaibigan mo kanina, si Lorquia, nanibugho ako bigla.”
“Bakit naman?”
“Inisip ko kasi na baka hindi ako ang piliin mo. Tao ka, diyos ako. Inisip ko na lang na maaaring pinagpalit mo na ako sa kaniya, pero natatangi ka talaga. Saglit lang na nagdikit ang mga katawan natin, pero nahulog agad ako sa dahuyo ng iyong tinig, pakikibigkis sa aking damdamin, at lalong-lalo na sa mata mong ako lang ang ninanais sa tuwina. Ano ba ang mayroon ka, Olympus? Bakit ganito?”
Tiningnang maigi ni Olympus ang katipan. “Ang puso kong ikaw lang ang tanging kaligayahan. Hindi ako maluho, ngunit itataya ko ang buhay ko mahawakan lang ang iyong daliri. Pero ito tayo ngayon, parang isang alamat na tanging ang kapatagan na ito lang ang magiging saksi.”
Hinalikan ni Aguapez si Olympus, saka niyakap nang mahigpit. Uminit ang kaniyang pisnging ilang libong taon nang napapaso sa lamig. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nadadala siya ng pag-ibig sa ibang dimensyon. Naging maliwanag ang paligid na matagal nang puti lang ang natatanaw niya. Humuhuni ang mga ibon at umaawit ng mga himig ng pag-ibig. Dahan-dahang humahampas ang hanging nakikipaglaro sa buong kapatagan. Ang mga ulap naman ang tumatabing sa araw; tila isang sining ng ang mga nangyayari. Nagsasalitan ng pagguhit ang bahaghari at sinusulat niya ang ngalan ni Olympus sa hangin.
***
Takipsilim na at pinipintahan na ng itim ang madilim na bughaw ang langit. Sa mga sandaling iyon, tinuturuan ni Aire si Milo na lumipad. Binigyan siya ng pakpak ng diyosa na si Borealis. Isang pakpak na nakakapit na sa kaniyang buto at laman. Maaari niya itong itago kung hindi niya kailangang gamitin. Tinungo nila ang isang bingit na bato na nasa itaas ng dagat na nasa ibaba. Maririnig ang mararahas na hampas ng alon at katakot-takot na lula ang inaabot ni Milo. Nangangatog ang mga tuhod niya na parang nililindol. Tumatagaktak pati ang pawis niya na maaaring makabasa ng buong lungsod ng Buen Aire.
“Bien, bien,” sabi ni Aire.”
“Cóme que bien? Natatakot ako, Aire.”
“Huwag kang matakot. Tatalon ka lang naman mula rito sa bingit hanggang sa gitna ng hangin. Pagdating mo roon, pakislutin mo na ang likuran mo at kusang lalabas ang pakpak.”
“Ha? Sige, sige.”
Lumakad na sila papalit sa bingit. At nang matanaw na ni Milo ang dagat, bigla siyang napaatras, nanghina, yumapos kay Aire.
“Tranquilo, eh. Tranquilo, Milo.”
“Sige, sige.”
Nang tumayo na nang maayos si Milo, saka naman siya tinulak ni Aire bigla-bigla. Tila nakikipagtalo ang panaghoy nito sa hampas ng mga alon. Nang akmang kikislot na siya, huli na nang bumukas ang pakpak. Agad na nilipad ni Aire ang binata sa ibaba. Nakikita niyang sinusubukang lumutang ni Milo.
“Socorro! Socorro! Por favor! Ayúdame!”
Sinagip niya ito at muling dinala sa bingit. Kapwa sila basang-basa. Kaya naman hinubad na nila ang kani-kanilang mga tunika at tanging tapis na lang sa bumabalot sa kani-kanilang mga hita.
“Estás bien?”
“Por qué me empujaste de repente, eh? Por qué?”
“Para matuto ka agad-agad. Pero sige, ikaw na ang tatalon at agad mong ikislot ang likod mo. Maliwanag?”
“Sige, uulitin ko.”
Sa pangalawang ulit, napuna na ni Aire na hindi magagawa ni Milo ang sinasabi niya. Kaya naman sumipol siya upang tawagin ang dragon. Ilang saglit pa, isang nilalang na ang lumilipad papunta sa kanilang dalawa.
“Buenas noches, señores. Qué los puedo ayudar?” tanong nito.
“Dragoncito, kailangan ko ang tulong mo. Tinuturuan ko si Milo na gamitin ang kaniyang pakpak upang makalipad.”
“Entiendo. Ako po ang sasalo sa kaniya.”
“Gracias.”
Makailang ulit ding sumasablay si Milo dahil sa takot. Sinasalo agad siya ng dragon at dinadala pabalik si bingit. Nagpahinga muna silang tatlo saglit. Nag-uusap silang tatlo sa maaaring maging sagot. Sa mga sandaling iyon, nararamdaman na ni Milo ang kawalan ng lakas ng loob. Ito na siguro ang pinakakinatatakutan niya sa lahat - ang paglipad. Hindi naman matataas ang mga gusali sa buong kaharian. Naisip niya na lang din ang magiging dulot ng kaniyang bagong kaalaman - matutulungan niya pa ang mga nasa bayan. Tumayo siya bigla at agad na tinungo ang bingit.
Walang kaabok-abok, tumalon siya pasulong sa dagat at agad niyang kinislot ang likuran. Muntikan na siyang dumampi sa tubig, ngunit pinili niyang lumipad nang pasulong, paitaas. Doon ay makikita ang natatanging ganda ng kaniyang pakpak. Tila may mga pinong diyamante na nalalaglag mula sa pakpak na dumadagdag sa kislap ng mga bituin sa langin. Napangiti ang dragon at lumulundag sa tuwa si Aire. Hindi niya maipaliwanag ang nadarama sa mga sandaling ‘yon.
Bumalik na si Aire. “Nagawa ko na! Nakaya ko! Salamat!”
Niyakap niya ang dalawa at sabay-sabay silang lumipad sa laot. Kitang-kita ang lalim ng dagat habang papalayo sila sa Buen Aire. Inabot nila ang mga ulap at doon nila nakita ang kalawakan na walang hanggan.
“Bueno, Aire. Alam mo bang may mga haka-haka tungkol sa kalawakan na hindi na naaarok ng mata naming mga tao?”
“Alam ko ‘yon, Milo. Kung may nakakausap ka lang na dalubhasa sa kalawakan, malalaman mong hinigop ko ang lahat ng hangin mula sa kalawakan upang dalhin sa daigdig. Si Amang Marzo nag-utos sa akin na gawin ‘yon upang bigyang buhay ang lahat ng nilalang. Iyon din ang dahilan kung bakit kami nagtalo nang nagtalo ni Ganador. Nais niyang ariin ang isang bahagi ng kalawakan at maging diyos ng mga maaaring namumuhay na roon.”
“Iba rin talaga ang nais mangyari ng iyong kapatid, ano?”
“Ganoon na talaga siya kahit noon pang nagsisimula pa lang kaming likhain ang buong daigdig. Nais niyang angkinin ang mga kapangyarihan namin. Kaya naman naglaban kaming dalawa sa harap ng laksa-laksang bituin at iyon na rin ang nagbigay ng kapangyarihan sa akin upang maging kanang kamay ng aming ama.”
“Ibang klase rin palang magtalo ang mga diyos. Hindi ko inaasahan ‘yan, señor,” pagsingit ng dragon.
“Bueno, wala naman akong magagawa kung iyon ang nais ni Ganador. Katapus-tapusan, kapatid ko pa rin siya at nais kong ibahagi ang kapagyarihan ko sa kaniya, ngunit binigo niya ako.
“Paano, Aire?”
“Noong minsang pinagkatiwala ko ang kapangyarihang makalipad sa buong kalawakan, muntikan nang maglaho ang daigdig dahil libo-libong mga bulalakaw ang biglang nagsisunuran sa kaniya at hindi niya napigilan ang pagbagsak ng iilan sa mga ito. Maraming bayan ang naglaho. At ang mga kabihasnang natitira na lang ang tanging nakapagpatuloy hanggang ngayon, kasama ang mga kaharian ng Hispania, Lusitania, Buen Aire, at mga kaharian sa Aricua, at iba pang kontinente sa daigdig.”
Matapos ang mga tagpong iyon, pinauna na ni Aire ang dragon, saka naman sila umuwi. Sa kanilang pagbabalik, isang balita ang dala-dala ng isang caballero na tila matagal nang naghihintay sa labas. Tumayo ito at agad na binati ang dalawa.
“Buenas noches, señores.”
“Yo a usted también, señor caballero. Ano po ang maitutulong ko?”
“Ipapaalam ko lamang po sa inyo na darating ang mga vistador ng bayan ng Prado de los Cielos upang makapanayam kayo at ang vistador mayor.”
“Maraming salamat, señor. Maaari na kayong humayo at bumalik sa plaza.”
“Con placer, señores.”
“De nada.”