"HINDI ko alam kung bakit hindi na siya nagre-reply man lang o sumasagot man lang sa tawag namin, anak. Siguro ay... siguro'y natapalan na rin siya ng pera ng mga Buenaventura na 'yan!" Kanina pa gigil na gigil at kanina ko pa rin pinapakalma sina mama't papa. Sinabi nila sa aking umatras 'yong magiging abogado ko sana sa korte. Walang rason kung bakit nawala na lamang ito bigla, pero isa lang ang sigurado ko, pamilyang Buenaventura na naman ang may kagagawan no'n. Wala nang iba pa, sila lamang naman ang ayaw kaming manalo sa kasong 'to. Mga hayop talaga sila! "Ano nang gagawin natin ngayon, Lucio? H-hindi ko kayang makulong ang anak natin!" Nagsimula na namang umiyak si mama. Araw-araw yata, ganitong scenario na lamang ang makikita ko. Pag-uusapan ang tungkol sa kaso at pagkatapos ay ma

