23. #NothingCanStopThisLove Nakatayo lang si Tasya sa labas ng kwarto ni Jelan ng sumapit ang hatinggabi. Hindi siya makatulog. Hindi siya magawang patahimikin ng mga bumabagabag sa kanya. Dalawang bagay lang naman ang mga iyon: ang plano ni Joven at ang propesiya na tila may kinalaman sa kanila ni Jelan. Alam niyang maaari siyang maramdaman nila Eva at Joven kapag kumatok siya o gumawa ng kahit ano pa mang ingay. Nag-iisip siya ng paraan kung paano magpaparamdam kay Jelan. Wala ng ilaw na nanggagaling sa loob ng kwarto nito. Madilim na sa loob. Gustong-gusto na niyang kumatok pero hindi naman niya magawa. Ilang saglit pa ay napansin niya ang pagpihit ng knob ng pinto. Nanlaki ang kanyang mga mata. Alam niyang si Jelan ang lalabas sa loob kaya bigla siyang na-conscious sa kanyang itsura.

