Kanina pa siya nagising mula sa mahabang pagtulog sa nakaraang gabi. Katunayan ay ilang minuto na siyang nakaupo sa gilid ng kama matapos ayusin ang kumot at mga unan. Naiilang lang siyang lumabas ng silid. May naririnig siyang kaluskos sa labas pero hindi niya magawang humakbang palabas ng pintuan. Hindi niya kasi malaman kung paanong pakikiharapan si Kuya Baxter mata. Ngayon niya lubos naisip ang maling nagawa kagabi. ‘Alam na kaya nina Ate?’ Nang bigla ay bumukas ang pinto. Agad siyang napatayo at parang kawal na tuwid na tuwid lang ang katawan habang napatitig kay Kuya Baxter na ikinahon sa bungad. Palihim niyang inaninag ang anyo nito. Hinanap niya ang galit sa anyo na hindi nagawang itago kagabi pero iba na ang habas ng mukha nito. Hindi ngumingiti pero may lambot na sa mga titig.

