Chapter 11
Gulat akong tumingin kay Creed nang bitawan niya ang labi ko. Nahawakan ko ang sariling labi matapos 'yon. Pinagmasdan ko ang paligid, lahat sila ay nakatingin sa amin, nakangiti. Pero wala na yatang mas lalapad pa sa ngiti ng aming mga magulang. Base sa ngiti na ipinakita nila, masasabi ko na masaya sila, na para bang nagtagumpay sa gusto nilang mangyari.
"I'm sorry," biglang bulong ni Creed.
Nagsosorry siya? Dahil saan? Dahil nahalikan niya ako? Nagsisisi ba siya na ginawa niya 'yon? Hindi ba niya nagustuhan ang labi ko? Malambot naman ah! Saka mabango rin naman ang hininga ko kaya bakit?
Dahan dahan ko siyang nilingon. "A-yos lang," nauutal kong tugon. Naramdaman ko pang nag-init ang mukha ko kaya mabilis akong nag-iwas ng tingin. Nakakahiya! Napakaraming nakakita no'n!
"Got carried away," aniya dahilan para mabalik sa kanya ang paningin ko. Nakangiti habang naiiling niya iyong sinabi, nahuli ko pa siyang hawakan ang kanyang labi, pero hindi ko na lamang pinansin pa.
Nahihiya na talaga ako!
Naglakad kami pabalik ni Creed sa lamesa na kinaroroonan ng aming mga magulang.
"Congrats sa ating partnership," ani Tita Grace nang makalapit kami.
Sa partnership nga lang ba? Bakit pakiramdam ko ay hindi lang 'to tungkol doon? Bakit feeling ko may iba pang rason kaya ganoon nalang din ang pagkakangiti nila? Bakit parang nagtagumpay sila sa kanilang pinaplano?
Tinanguan ko lang siya at nginitian dahil hindi ko naman alam ang dapat kong sabihin doon.
Hindi na ako umalis sa kinauupuan ko no'ng gabi na 'yon. Pakiramdam ko kasi, bawat galaw o kilos ko ay pinanonood na ng karamihan. Hindi ko maintindihan pero ganoon talaga ang nararamdaman ko! May kakaiba na matapos iyong eksena namin ni Creed sa gitna kanina.
"So, saan kayo nagkakilala?" tanong ni Mommy at binalingan kaming parehas ni Creed.
Naalala ko na naman tuloy ang unang beses na nagkita kami, sa airport 'yon. Binunggo niya ako at hinabol ko siya. Nabato ko pa siya ng sapatos. Hinding hindi ko rin makakalimutan ang pagiging mayabang niya! Inis na inis ako sa kanya no'n!
Natawa si Creed saka sumulyap sa akin. "Sa airport, sabay kaming umuwi ng Pilipinas." Naramdaman ko nang tumingin silang lahat sa akin.
"Hindi niya nabanggit sa amin 'yan," nakangusong ani Ate Amber.
I rolled my eyes. "Hindi ka naman kasi nagtanong."
"At hindi mo rin kasi ugaling magkwento," sagot niya na nakanguso pa rin.
Natawa ang ilan pa naming kasamahan sa lamesa dahil doon. Para namang bata si ate! Kung nakita niya lang ang sarili niya, hindi bagay sa kanya iyong pagnguso-nguso niya riyan.
"But you seemed very close? Paano 'yon nangyari kung sa airport lang kayo nagkita?" tanong ni Tita Grace.
I knew it, alam ko na itong mga ganitong eksena. Kikilalanin na ng mga magulang ang partner ng kanilang anak. But in our case, hindi naman kami magkarelasyon ni Creed. We're just friends. Friends lang talaga.
Nagkatinginan kami ni Creed. Sinenyasan niya akong sumagot.
I cleared my throat. "We're neighbors po, katabi ng unit ni Kuya ang unit niya."
Their mouths formed an 'o'. "Destined pala kayo una palang," nakangiting ani Tito Alfred.
Hindi ako nakasagot, naramdaman ko nalang na nag-init ulit ang mukha ko.
"Saan ka uuwi ngayong gabi?" tanong ni Mommy na may kalakasan. Tsk, nagpapapansin ba siya?
"Sa condo," kaswal kong sagot.
Akala ko'y magagalit siya pero hindi. Parang tuwang tuwa pa sila na sa condo ako uuwi.
Really? What's wrong with these pips? Parang no'ng isang araw ay pinauuwi nila ako sa bahay ah?
"Sa condo naman pala uuwi ang anak mo Daniella Lee," nakangiting ani Daddy Vinzon.
I rolled my eyes. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa kanila o ano e. Ang gulo as in!
Binalingan ni Tita Grace si Creed na ngayon ay nasa tabi ko. "Si Creed din, sa condo yata uuwi, right son?"
Nakangiting tumango si Creed. "Yes Mom."
Mom clasped her hand while smiling. "Ay, mabuti pang isabay mo na si Dauntiella, walang dalang kotse 'yan."
Kunot-noo kong binalingan si Mommy. Hindi ba siya nahihiyang manghingi ng favor? Gano'n na ba kakapal ang mukha niya? Gosh, I can't believe them, for sure ginagawa lang nila ito para sa business. They want me to be close with Creed para maging maganda ang future namin parehas, lalo na ang lagay ng kumpanya.
Nilingon ko si Creed. "Hey, hindi mo naman kailangan pumayag, magtataxi nalang ako."
Kunot-noo niya akong tinitigan. "Do you think I'll let you go home wearing that?" tanong niya at itinuro 'yong suot kong gown.
"Oo naman, bakit hindi?" tanong ko.
Napasandal siya kanyang inuupuan. Nakakunot pa rin ang noo. "I will not let you," mariin niyang sinabi.
Hindi niya ako hahayaan? Bakit naman? Dahil ba sa sinabi ni Mommy? Tsk, hindi naman na kailangan. Kung nahihiya siyang tumanggi, ako na ang bahala sa nanay ko. Sasabihin ko sa kanya na hindi na kailangan 'yon dahil malaki na ako at kaya ko ng umuwi magisa.
I raised a brow. "Hindi naman porket sinabi ng Mommy ko ay dapat sundin mo na."
He pressed his lips together then stared at me. "Hindi ko naman gagawin 'yon dahil lang sinabi ng Mommy mo," aniya at bahagya na namang inilapit ang mukha sa akin. Naramdaman ko na naman ang mga mata ng tao sa paligid. "Gagawin ko 'yon dahil gusto ko."
Bahagya akong lumayo sa kanya. "No thanks. I'll go on my own."
Ngumiwi siya at binalingan ang mga magulang namin na alam kong kahit hindi nakatingin sa amin ay nakikiramdam naman. "I'll take Dauntiella with me," ani Creed at tumayo na.
I shrugged. "What? No!"
He yawned. Talagang sinadya niyang mag-unat sa gano'ng paraan, iyong maaagaw ang atensyon ng iba pang nandoon. "Let's go, I'm sleepy."
Umiling ako. "Umuwi kana mag-isa, I'll stay here."
Hindi siya sumagot at basta nalang naupo ulit sa tabi ko. Iyong sobrang lapit, tipong nagkakabungguan na ang pareho naming katawan. Miski, paghinga niya ay ramdam ko na rin sa sobrang lapit namin.
"Sis, inaantok na si Creed, umuwi na kayo," bulong ni ate at siniko pa ako. Tinignan ko si Creed na ngayon ay panay na ang hikab.
Hindi ko talaga alam kung sinasadya niya 'yan para lang umuwi na kami o talagang inaantok na siya. It's either of the two e.
Binawi ko ang tingin kay Creed at binalingan si Ate. "He can go home if he wants, makakauwi naman siya na wala ako, besides hindi naman kami sa iisang bahay lang umuuwi," pagdadahilan ko.
Totoo naman kasi e! Sa ibang unit kami nakatira. Saka wala naman sa akin ang susi ng unit niya kaya kahit hindi ako sumama sa kanya ay makakauwi siya.
"I can't believe you," asik ni Ate.
"Yeah?" nakangisi kong tugon.
Pinandilatan ako ni Ate. "Hindi ka manlang ba nahihiya kina Tito Alfred at Tita Grace? Kasisimula palang ng partnership natin sa kanila pero ganyan kana umasta, pinaghihintay mo ang anak nila."
Sinulyapan ko sina Tito at Tita. Bigla akong nakaramdam ng guilt. Tama nga naman si Ate, kasisimula lang ng partnership pero ganito agad ang ipinapakita ko, tsk!
Kagat-labi akong tumayo na ikinagulat nila. "Uuwi na po kami," paalam ko sa kanila.
"Oh sige, mag-iingat kayo, Creed drive safely okay?" ani Tito Alfred. Tumango lang si Creed at ngumiti sa sinabi ng ama.
"Uuwi ka rin naman pala kasama ko pinatagal mo pa," asik niya, nandoon siya ngayon sa likuran ko, nakasunod.
Hindi ko siya pinansin at nagtuloy tuloy nalang sa paglakad. Nahinto lang ako nang biglang may press na humarang sa daraanan ko. Pinalilibutan na nila ako.
Maya maya pa'y may naramdaman akong humawak sa bewang ko. Hindi na ako nagulat nang makita si Creed sa tabi ko, malawak ang ngiti habang nakatingin sa mga media.
"Ano pong relasyon niyo?"
"Totoo po ba na sa iisang bubong kayo nakatira?"
"Paano kayo nagkakilala?"
Gulat akong tumitig sa media. Napaiwas ako ng tingin ng maramdaman ang sunod sunod na flash ng camera. Ang sakit sa mata! Hindi ako sanay, bakit ba may mga ganito?
"She's my girlfriend," sagot ni Creed na ikinagulat ko. Bigay na bigay niya iyong isinagot. "And yes we're living in the same roof," pagsagot niya sa ikalawang tanong.
Gosh, pati ba naman 'yon ay dapat niya pang sabihin? Nasaan na ang privacy roon?
"We met at the airport and our parents were friends."
Nanatili akong nakatingin sa kanya habang sinasagot ang tanong ng media. Napakarami pa nilang itinanong pagkatapos no'n at sinagot naman 'yon ni Creed, pero wala na roon ang isip ko, kundi nandoon na sa isinagot ni Creed.
Why would he say that? Nababaliw na ba siya? Dakilang pafall ba talaga siya? Bullshit!
"What the hell was that?" inis kong tanong nang makasakay kami sa sasakyan niya.
"Binigay ko lang ang sagot na gusto nila para matapos na, hindi naman sila titigil hangga't hindi natin nasasagot ang mga katanungan nila," aniya at ikinabit na ang seatbelts.
"Oh talaga ba? What happened sa sinabi mo no'ng nakaraan? Na kapatid lang ang turing mo sa akin?" tanong ko, para ng maghihisterya.
Ayaw na ayaw ko pa naman 'yong nadadawit ako sa ganyan! Hindi ako sanay sa atensyon at spotlight.
He licked his lips saka tumitig sa akin. "Well..."
"Well what?" mataray kong tanong.
"Hindi na ba pwedeng magbago ang isip? Hindi ba kita pwedeng magustuhan?"
Gusto kong kiligin sa sinabi niya, pero kaagad ding sumagi sa isip ko na baka gawin niya lang akong laruan o rebound dahil nireject siya ni Lauri kanina.
Ngumiti ako ng mapakla. "Ako nalang muna kasi nireject ka ni Lauri gano'n ba?"
Natahimik siya at hindi nakasagot. So confirmed? Rebound ang eksena ko?
Hindi na ako nagsalita pa habang nasa byahe kami. Nakarating kami sa condo at nauna akong bumaba. Sinadya kong bilisan ang paglalakad para hindi ko siya makasabay. Naiinis ako na naiiyak.
Napakagulo niya! Kung balak niya akong gawing rebound, hindi ako papayag! Kaya ko namang tanggapin kung hindi magiging kami o wala talagang pag-asa. Hindi ko rin naman ipipilit ang sarili ko sa kanya kung ayaw niya talaga.
Sasara na sana ang elevator nang bigla niyang iharang ang kanyang kamay, tuloy ay bumukas itong muli. Umiwas ako ng tingin para hindi magtama ang mga mata namin.
"Dauntiella..." tawag niya sa akin.
Mariin akong pumikit. "Don't call me that."
"Ella..."
Inis ko siyang tinignan. "Don't talk to me Creed."
"I'm sorry about what happened earlier, hindi ko naman alam na—"
Pinutol ko siya. "Stop it Creed, ayokong pag-usapan."
Hindi na siya nagsalita pa hanggang sa makarating kami sa kanya kanyang unit. He tried to talk to me again pero hindi ko siya hinayaan pa.
Pabalibag kong isinara ang pinto, pumunta ako sa kwarto at naupo sa sahig. Muli ko na namang naalala ang mga nangyari kanina. Nakakainis, masyado siyang pafall!
Lumipas ang mga araw at nanatili lang ako sa aming bahay. Umuwi ako kinabukasan matapos ang party. Ayokong makita at makausap si Creed, naiinis ako.
"Himala yata na hindi ka bumalik sa condo," ani Kuya at tinabihan ako. Nandito ako sa theater room namin, mag-isang nanonood ng movie.
"Ayoko muna roon," sagot ko at sumipsip sa mango juice ko.
I heard kuya sighed. "Nag-away kayo ni Creed?"
Hindi ako sumagot at itinutok nalang ang paningin sa pinanonood.
"Baby sis, kung tungkol 'yon sa interview, he just did that—"
Hindi pa man natatapos si Kuya ay pinutol ko na. Seryoso ko siyang tinignan. "He just did that para matahimik na ang media, yeah right." Then I rolled my eyes.
"Ano ba ang ikinaiinis mo?" tanong niya.
Hindi na naman ako sumagot. Ayoko talagang pag-usapan 'yon. Napipika ako kapag naaalala ko.
"Tsk, dalawa lang 'yan e, 'yong isinagot niya sa media—"
Pinutol ko na naman siya. "Isa rin 'yang sa media, pero hindi 'yon big deal sa akin," sagot ko.
Tumaas ang kilay ni Kuya. "E, ano ngang ikinaiinis mo?"
"Naiinis ako kasi may gusto ako sa kanya, naiinis ako kasi pafall siya, naiinis ako kasi kingina option yata ako, na ako nalang muna kasi nireject siya ni Lauri," pigil ang hininga ko 'yong sinabi.
Sa inis ay nasabi ko lahat, dire-diretso at walang hinto. Palibhasa'y naipon kaya gano'n.
~to be continued~