Sandaling nanatili sa labas ng kanilang bahay si Aeron. Matamang pinagmamasdan ang kabuoan ng bungalow type nilang tahanan. Napabuga siya ng hangin saka iginala ang paningin sa buong paligid.
Papadilim na rin at unti-unti ng inaagaw ng dilim ang liwanag.
"Napakalaki ng ginagampanan nitong bahay niyo at buong lupain para sa mga fallen angels na gaya namin, Anak."
Napapitlag si Aeron. Tinig ni Higantatay yun, ah?
Kusang naghanap ang mga mata niya sa paligid pero hindi niya ito makita. Kasabay noon ay ang pag-alingasaw ng kakaibang simoy ng hangin. Napatakip siya sa ilong, mapanghi ang nalalanghap niyang simoy. Ng may biglang malaglag na kung ano sa kanan niya mula sa itaas.
Awtomatikong napa-angat ang mukha niya sa mataas na puno, hindi niya napigilan ang mapamulagat at mapanganga ng makita kung ano ang naroon, isang malaking nilalang! Mabuhok ito at may hawak na malaking bagay sa kaniyang daliri, may usok iyon at tila nagbabaga ang dulo..
"Huwag kang matakot, Aeron. Ako ito, si Higantatay." Malaki na ang tinig nito. Hindi gaya kanina na normal lang sa pandinig niya.
"H-higantatay? Paanong.. bakit ganyan ang hitsura mo?" Puno ng pagkamanghang tanong niya.
Sa totoo lang, nakakatakot ang hitsura nito. Pakiwari ni Aeron ay kasing laki lamang siya ng mga daliri nito.
"Pasensiya ka na. Hindi kasi kami maaaring mamili ng magiging anyo namin, puwede kaming maging tao, pero upang hindi mabawasan ang tiyansa kong makalabas dito, kailangan kong manatili bilang kapre. Sa ganitong paraan, mababantayan pa rin kita. Hanggang dito nga lang ako, hindi kita masasamahan sa malalayong lugar." Paliwanag nito sa kaniya.
Naunawaan naman agad iyon ni Aeron.
"Pero, Tay. Hindi niyo naman ako kailangan bantayan. Ilang taon niyo na rin akong inaruga at inasikaso."
"Hayaan mo lang ako, Anak. Mas magiging kampante ako kapag natatanaw kita gayundin ang mabantayan ang pintuan ng aming mundo."
"Dito lang ba ang daanan patungo sa mundo niyo, Tay?"
"Sa buong mundo, tanging dalawa lang ang nagiging lagusan namin. Ito ang isa sa pinakamadaling matunton dahil na rin sa dami ng nagpapabalik-balik dito. Ang isa ay nasa mayelong parte na ng daigdig at hindi madalas napupuntahan ng mga tao."
"Kung gayon, bakit hindi na lang doon ang piliin ng karamihan sa inyo upang maging lagusan, e'di sana hindi kayo masyadong nangangamba tungkol sa mga tao?"
"Anak, gaya ng nasabi ko, ang anyo namin ay hindi na mababago pa. Gaya ko, sa ganitong lugar at klima ako naaakma. Kung magiging tao man, hindi ko rin kakayanin ang lamig sa kabila."
Napatango-tango si Aeron sa narinig.
"Pero bakit sa dinami-rami ng lugar, bakit ang bahay namin? Bakit ang lupain namin?"
Doon napansin ni Aeron ang hindi pagkibo ng kausap. Nanatili itong tahimik. Dinala sa bibig ang hawak na sigarilyo at hinithit, hindi maiwasang makaramdam ng pangamba ni Aeron.
"Teka, hindi mo ba masusunog ang puno, Tay? Saka ang lakas ng usok mo, wala bang ibang nakakakita niyan? Baka isipin nila-"
"Ikaw lang ang nakakakita sa akin, Aeron." Dagling putol ni Higantatay sa sinasabi ni Aeron.
"At hindi masusunog ang puno, para lang akong hangin na nakaupo dito, hindi nakakaapekto sa kalikasan at lalong hindi nakakapanakit. Depende na lang kung gusto kong magpakita sa isang tao."
"P-palagi ba kitang makikita dito, Tay?"
"Oo naman, ako din ang naatasang magbantay ng lagusan. Sa tagal ng panahon na hindi ko ito naasikaso, oras na rin siguro para bumawi ako."
"Gano'n ba, masaya ako na magkasama pa rin tayo, Tay," Sinserong sambit ni Aeron.
"Ako rin, Anak."
"Pasok na ako, Tay." Paalam ni Aeron at sinimulang tunguhin ang pintuan ng kanilang bahay. Pero bago tuluyang pumasok sa loob ay muli niyang sinulyapan si Higantatay.
"Saka Tay, puwede bang baguhin mo ang amoy mo? Hindi maganda sa pang amoy, nanununtok ng ilong." Nakatawang pahabol niya.
Taka siyang nilingon ng nilalang saka ngumisi. Nasa loob na ng bahay si Aeron ay rinig niya pa rin ang mahinang hagikgik ni Higantatay. Maging siya ay hindi maiwasan ang pagngiti.
Madilim sa loob ng bahay pero hindi iyon alintana ni Aeron. Ang totoo ay payapa ang pakiramdam niya kapag ganoon. Sabayan pa ng tahimik na paligid. Pakiramdam niya mas lumalakas ang pakiramdam niya sa ganoong pagkakataon.
Pagod niyang ibinagsak ang katawan sa higaan at pumikit. Aantayin niya na lang ulit magliwanag saka aayusin ang mga dala niya mula sa palengke. Pero kahit anong pilit niya ay hindi siya makatulog, ni hindi siya nakakaramdam kahit katiting na antok. Nagpabiling-biling siya sa higaan pero walang naging epekto.
Inis siyang tumayo at nagpasyang ikutin na lang ang ilang lugar sa loob ng kanilang bahay. Nakakapagtakang kahit walang katiting na liwanag ay naaaninag niya ang bawat pupuntahan. Kulay berde nga lang ang mga iyon pero ok na rin kaysa wala..
Sa dulong parte ng pinakakusina nila ay napansin niya na kakaiba ang lapag na tinutuntungan. Lumagitgit iyon ng matapakan niya kaya naman tuluyang naagaw noon ang kaniyang atensiyon.
Muli niyang binalikan ang natapakan pero sa pagkabigla niya ay bigla na lang lumusot ang kaliwa niyang paa, aalis sana siya pero dahil marupok na nga ay tuluyan na rin siyang nahulog pailalim.
Ni hindi na siya nakasigaw sa pagkabigla. May kataasan ang pinagbagsakan niya kaya naman impit siyang napadaing nang tuluyang humampas ang balakang niya sa matigas na lapag.
"Argh!" Hindi niya alam kung paano kikilos, pakiramdam niya ay nabalian siya ng buto. Hindi niya muna pinilit ang katawan, sa halip ay ihiniga niya na lang ang sarili at hinintay na gumanda ang kaniyang pakiramdam.
Hindi naman tumagal at kusang nawala ang iniinda niyang sakit, para lang iyong dumaan sandali at parang bulang bigla ring nawala. Mabilis na siyang kumilos at tumayo.
"Anong klaseng lugar 'to?" Takang tanong niya sa sarili habang iginagala ang paningin sa buong paligid. Puno ng salamin at repleksiyon niya ang bawat dingding. Maliban sa mga salamin na iyon ay wala ng iba pang makikita doon.
Kahit saan siya lumigon ay nakikita niya ang kaniyang sarili. Hindi niya makontrol ang hilong nadarama sa tuwing matititigan ang bawat repleksiyon. Para iyong lumalayo o lumalapit sa kaniya. Kunot-noo niyang tinitigan ang sarili, para iyong may kung anong puwersa na humahatak sa kaniya upang titigan ang sarili. Pero sa pagkagulat niya ay ngumisi ang nasa salamin. Ibinaling niya pa ang tingin sa paligid, mayroong tumatawa at ang may umiiyak rin.
Lahat iyon ay nagsasabay-sabay sa kaniyang pandinig.
Napasabunot sa kaniyang buhok si Aeron, pakiramdam niya ano mang oras ay mawawalan na siya ng katinuan. Napaupo siya sa lapag at imbis na tingnan ang sarili sa salamin ay pilit siyang yumukyok sa nakatuping mga tuhod.
Pilit na binabalewala ang maliliit na tinig na naririnig niya sa magkabilang tainga at nagpokus na lang sa tunog ng kaniyang sariling puso.
"Hindi kayo totoo, hindi niyo ako malilinlang." paulit-ulit na saad ni Aeron sa sarili.
Hanggang sa dahan-dahan nang nawala ang maliliit na boses. Marahan siyang nag-angat ng paningin. Sa pagkakataong iyon ay isang malaking salamin na lang ang natatanaw niya na nasa kaniyang harapan.
Buong tapang siyang lumapit doon at pinagmasdan ang sariling repleksiyon. Pero ilang sandali lang ay unti-unti iyong nagbago at napalitan ng isang hindi niya kilalang mukha at katawan. Matiim itong nakatitig sa kaniya.
"S-sino ka?" Gulat na tanong niya.
"Ako ay ikaw," seryosong tugon ng lalaki sa salamin. Parang nanggaling sa ilalim ng lupa ang tinig nito. Buo at malamig.
Naguluhan si Aeron, lalong nangunot ang kaniyang noo. Paano sila naging isa kung magkaiba ang anyo nila. Matanda na ito. Kulubot na ang balat subalit hindi maitatanggi na matikas pa rin ang tindig nito na gaya ng kaniya.
"Anong sinasabi mo?"
Tumaas ang kamay nito. Labis na namangha si Aeron dahil kahit ayaw niya ay kusa ring umangat ang kaniyang kamay at sabay na huminto iyon na nakahawak sa salamin.
"Ako ay ikaw, at ikaw ay ako. Ang aking pagkakamali ay muli mong gagawin, mauulit lang ang lahat. Mauulit lang.." Muling saad ng lalaki sa malaking tinig..