"Hah!" Hingal na napabalikwas ng bangon si Aeron. May malakas at malamig na hangin ang dumadampi sa kaniyang balat. Iginala niya ang paningin sa paligid, nakabukas pala ang bintana at doon nagmumula ang hangin.
Sinulyapan niya ang magulong higaan.
"Panaginip lang pala!" Mahinang bulalas niya sa sarili.
Tumayo siya at tumungo sa bintana. Doon ay sumilip siya sa labas ng kanilang bahay, animo'y idinuduyan ang bawat sanga ng mga puno sa paligid sa lakas ng hangin. Pinuno niya ang dibdib ng sariwang hangin at saka bumuga.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata.
Ang totoo, medyo nabahala siya sa panaginip na iyon. Kakaiba iyon sa lahat!
Ng maisip niyang tunguhin ang kusina at doon ay hanapin ang gaya ng nakita niya sa panaginip. Kinabahan siya lalo ng may matapakang tila malambot na parte ng sahig. Dahan-dahan siyang naglakad at lumampas doon matapos ay naupo at kinapa ang paligid ng malambot na lapag.
May kalaparan ang kwadradong tila pintuang iyon. Hindi naman siya nahirapang buksan ito. Naubo pa siya sa alikabok na sumalubong sa kaniya. Ilang sandali pa ay nawala na rin ang usok na dulot ng mga dumi at unti-unting tumambad kay Aeron ang hagdan pailalim.
Napakibit-balikat siya. Malayong-malayo ang hitsura noon sa panaginip niya. Hindi na rin siya nagdalawang isip na silipin kung ano ang itinatago ng lugar na iyon. Sa labis na kuryusidad ay hindi man lang siya nakaramdam ng kaunting takot habang mabilis na binabaybay ang may kahabaang hagdanan.
Pero mas nagulat siya sa natuklasan sa ilalim. Walang mga salamin ngunit may ilang kasangkapan. Subalit ang mas nakaagaw ng atensyon niya ay ang nag-iisa at tila kumikinang pa sa dilim ng gabi, isa iyong espada na nakalagay pa sa puluhan nito. May isang dipa ang haba nito, tuwid na tuwid at may kung anong mga ukit sa kaluban noon, mga sulat na hindi niya mawari kung letra ba o design lang.
Mangha siyang lumapit doon at wala sa sariling humaplos ang mga palad niya sa kabuoan noon.
"Ang ganda!" Manghang bulalas niya.
Hanggang sa tuluyan niya ng kinuha iyon mula sa pagkakapatong sa dalawang lalagyang kahoy. Ngunit nang oras na mapasakamay na niya iyon ay bigla iyong kuminang
at kusang lumiit hanggang sa magmukha na lang iyong kutsilyo.
Nanlaki ang mata ni Aeron sa nakita. Kinabahan siya, tama lang kaya ang ginawa niya? Pero bakit iyon biglang lumiit?
Sinubukan niyang hatakin ang kutsilyo mula sa kaluban upang mamangha lang ulit, hindi gaya ng inaasahan, humahaba iyon habang patuloy niyang hinihila. Muling sumilay ang ngiti sa kaniyang labi.
"Iyan lamang ang makakapuksa sa mga masasamang nilalang, Aeron. Para sa iyo talaga ang espada na iyan, lahat ng naritong kagamitan ay may espesyal na kakayahan. Gamitin mo nawa ang mga ito sa maayos na paraan."
Tinig iyon na umaalingawngaw sa kaniyang tainga, ang tinig sa kaniyang panaginip! Luminga siya ay naghanap subalit wala siyang makitang kahit sino sa paligid.
"Gawin mo ang tama! Huwag kang padadala sa tukso, gagamitin ng demonyo ang lahat ng paraan para matukso ka at bumigay sa mga patibong nila. Maging matalino ka sa pagpapasya, maging tuso kung kinakailangan!" Mariing sambit ulit ng tinig.
Lalong naguluhan si Aeron.
"Nasaan ka? Magpakita ka sa akin!" Malakas na sigaw niya subalit blangko pa rin ang paligid.
"Ako ay nasa isip mo lamang, Aeron. Ako ay ikaw, at ikaw ay ako. Aalamin nila ang kahinaan mo at gagamitin. Maging malakas ka." Muling bilin nito.
"Paano ako maniniwala sa isang boses na walang mukha. Magpakita ka sa akin, harapin mo ako ng maayos."
"Maging malakas at matalino ka.." sa halip ay sambit ulit ng tinig, paulit-ulit niya iyong naririnig habang palayo nang palayo ang malamig na boses. Ilang sandali pa ay tuluyan na rin iyong nawala at muling tumahimik ang paligid ni Aeron.
Walang nagawa si Aeron kung hindi ang sulyapang muli ang makinis at matalas na espadang ngayon ay hawak niya. Napabuntong-hininga siya at muling ibinalik sa kaluban ang gamit. Muli rin iyong bumalik sa pagiging maliit na kutsilyo.
Tuluyan pa rin siyang naglibot at tiningnan ang iba pang gamit na maaaring gamitin sa pakikidigma. Sari-sari ang mga iyon, iba't-ibang klase na talagang makakapagpamangha sa kung sino mang makakakita sa mga iyon. Animo'y mga gamit pang ninja, may mga b***l din na mayroong malalaking bala, may tiyako, latigo, matatalas na stars set, pana, at iba pa.
Matapos masuri ang mga kagamitan ay nagpasya na siyang bumalik sa itaas subalit may kung anong kuminang sa gilid ng hagdan. Taka siyang nagtungo doon at isang may kalakihang kahoy na kahon ang natagpuan niya. Kwadrado iyon at gaya ng disenyo sa espada ay may kung anong ukit din doon. Pinunasan niya pa iyon dahil puno ng alikabok ang ibabaw saka mabilis na binuksan.
Kaagad niyang kinuha ang napapaloob sa naturang lalagyan. Isang kasuotan, kumpleto iyon mula sa pang-itaas hanggang sa ibaba. Naroon din ang magarang sapatos at may kalakihang hat. Kumpara sa ilang kagamitan pang-ulo, kakaiba ang hat na iyon dahil mabigat.
Sinubukan niyang ipatong iyon sa kaniyang ulo, sakto naman at tila humigpit pa iyon at kusang kumapit sa kaniyang ulo. Sa pagkagulat ay mabilis niya iyong tinanggal. Nakita niya pa ang muling pagbalik ng animo'y maliliit na galamay nito sa dati hanggang sa nagmukhang normal na lang ulit.
Takot na ibinaba ni Aeron ang hat. Naibato niya pa iyon sa labis na gulat. Nawiwirduhan siya sa maliliit na galamay, parang ano mang oras ay puwede siyang saktan ng mga iyon o kaya naman ay kontrolin ang kaniyang isip.
Dahil sa samu't-saring pumapasok sa kaniyang isip, napagpasyahan ni Aeron na 'wag munang pansinin ang mga kasuotan na naroon at tuluyan na lang bumalik sa itaas. Maingat niyang ibinalik ang sikretong pinto at saka dumeretso na sa kwarto.
Doon ay inilagay niya muna sa ilalim ng kama ang kinuhang espada mula sa ibaba. Baka kailanganin niya iyon ilang araw lang mula ngayon. Muli siyang nakaramdam ng antok. Maya-maya lang ay nahihimbing na siyang muli..
Sa kaniyang balintataw ay muling nagpakita ang lalaki sa salamin, suot nito ang kasuotang nakita niya kanina gayundin ang kakaibang sambalilo na iyon..