Malungkot na nag-iwas na lang ng tingin si Aeron sa kapatid. Siguro nga hindi na sila magiging maayos, kahit anong pilit niya ay matigas pa rin ang puso nito para sa kaniya. Hindi niya masisi ang kapatid, wala siyang alam sa pinagdaanan nito, hindi niya alam kung paano nito kinaya ang ilang taon na walang kinagigisnang ama at ina.
Mabuti pa siya kahit papa'no ay nasilayan niya ang mga magulang, naka-bonding, at nakapagbaon ng magagandang alaala sa kaniyang isip. Gayunpaman, wala siyang planong sukuan si Aerin. Baka hindi lang ito ang tamang oras at pagkakataon para sa kanilang dalawa. Maghihintay siya maging gaano man iyon katagal..
Nagulat pa siya ng pag-angat niya ng mukha ay wala na si Aerin, kung lumabas man ito o nagpunta sa Spiritual world, wala siyang ideya. Nabaling ang atensiyon niya sa babaeng nakasandal pa rin sa puno. Tila may kausap ito sa telepono.
Hindi niya ugaling makinig sa usapan ng iba pero iba ang pagkakataong iyon, parang nais niyang samantalahin ang pagkakataon na hindi naman siya nito makikita o maririnig.
Lumapit siya sa kinasasandalan ng babae at nakinig.
"Dad, patatayuan ko ng shelter ang lugar na ito para sa mga batang lansangan habang inaaral ko ang mga halamang dito lang tumutubo."
"What?! No! Pagmamay-ari ko lang ito pero hindi ang mga halaman o kahit anong puno, sa kalikasan iyon! Hindi niyo puwedeng paki-alaman 'to, Dad. Hindi ako makapapayag! Hindi ko alam kung kanino niyo nalaman ang ginawa kong pagbili ng lupa dito. It's either yung driver ko o pinapamanmanan niyo nanaman ako like you always did! Let me live my life, Dad. I'm no longer a kid. You can't control my life!"
Ramdam ni Aeron sa mga salita ng babae ang galit at sama nito ng loob sa kausap. Marahas itong bumuntong-hininga matapos patayin ang hawak na cellphone. Ilang sandali pa ay humarap ito sa malaking puno, kitang-kita ni Aeron ang kabuoan ng mukha nito habang malungkot na nakamasid sa puno. Pakiramdam niya ay napakaliit na lang ng pagitan ng mukha nilang dalawa, ang pagkakaiba lang ay hindi siya nakikita nito.
"Hindi ko hahayaang masaktan kayo ni Dad," mahinang bulong nito saka ihinilig ang mukha sa katawan ng puno.
Hindi napigilan ni Aeron na haplusin ang repleksiyon ng mukha ng babae mula sa labas. Kakaibang kaba nanaman ang bumundol sa dibdib niya.
"Salamat sa pagmamahal mo sa kalikasan," mahinang saad niya rin.
Ngunit nagulat siya sa naging reaksyon ng babae. Gulat nitong itinaas ang mukha at kunot-noong tumitig sa puno. Eksaktong sa mga mata mismo ni Aeron napokus ang paningin nito. Hindi maiwasang kabahan ni Aeron, nakikita ba siya ng babae?
"M-may tao ba diyan?" Mahinang tanong nito saka idinikit ang tainga sa katawan ng puno.
Sinikap ni Aeron na hindi na gumawa ulit ng ingay. Parang naririnig siya ng babae mula sa labas! Kailangan niyang magdoble ingat.
Ilang sandali pa ay nangingiti ang babae habang inaalis ang tainga sa puno. "Baliw ba 'ko? Bakit naman magkakaroon ng tao sa loob ng puno?"
Itinapat na lamang nito ang kamay sa puno at marahan iyong hinaplos. "Ilang taon ka na kaya? Ang laki-laki mo kaya ang daming nagkakainteres sayo, bukod sa magandang klase ka ng puno, siguradong napakaraming benepisyo ang makukuha ng mga gahamang tao na iyon kapag naputol ka nila." Malungkot na kausap nito sa puno.
Tahimik lang na nakinig si Aeron sa loob. Hanggang ngayon pala ay hindi pa rin nawawala ang problemang iyon. Talaga pa lang delikado ang mga tao, pero nasisiguro niya na maaaring pagkatiwalaan ang babaeng ito. Kahit papa'no, ang narinig niya mula rito ay nakatulong upang mabawasan ang pag-aalala niya.
Dahil rin doon ay isang desisyon ang nabuo sa isip ni Aeron.
Nagtungo siya sa likod na parte ng puno at doon nagpasyang lumabas, sa ganoong paraan ay hindi makikita ng babae na nanggaling siya sa loob ng puno.
Ng tuluyang makalabas ay inikot niya ulit ang puno at nagpunta sa kinaroroonan ng babae. Nakaharap pa rin ito sa puno at tila sinusuri iyon.
"Mahilig ka pala sa mga puno at halaman."
"Ay butiki!" Igtad nito saka gulat na humarap sa kaniya.
"I-ikaw? K-kanina ka pa ba diyan?"
Nagkibit-balikat lang si Aeron saka lumapit sa puno at sumandal din doon.
"Hindi ka naman pala kasing taray ng inaakala ko." Nangingiting usal ni Aeron.
"Sinong nagsabi sayo na mataray ako?" Nakapamaywang na tanong ulit nito.
"Wala, ako lang. Ano nga pala ang pangalan mo?"
Pero inirapan lang siya nito.
"Close na ba tayo para makipagkilala ka?"
"Bawal ko bang malaman kung ano ang pangalan ng nakabili sa bahay at lupa namin?"
Sukat doon ay muling bumalatay ang pagtataka sa mukha nito. Nagpakawala muna ito ng malalim na buntong-hininga bago nagsalita.
"I-ikaw ba talaga yung... yung anak na nawawala?" Mahinang tanong nito.
Malamlam ang mga matang tumango si Aeron sa kausap.
"Ako nga."
"Pero- paano, hindi. Saan ka napunta?"
"Mahabang kuwento, at siguro, hindi kapani-paniwala."
Nangunot muli ang noo nito.
"Paanong hindi kapani-paniwala? Mayroon bang gano'n?"
Si Aeron naman ang sumuri sa babae. Purong mortal ito, walang halong masamang espiritu ang kaniyang katauhan. Maaaring puwede siyang pagkatiwalaan pero hindi niya pa siguro dapat ipaalam sa babae ang buo niyang katauhan.
Tumikhim na lang si Aeron at saka pilit na gumawa ng paraan para ibahin ang usapan.
"Ano nga pala ang ginagawa mo dito? Bakit bahay namin ang naisipan mong bilihin samantalang balita ko, lahat halos ng tao sa paligid ay naniniwala na may kababalaghan diyan?"
Lumapit ang babae sa puno at gaya niya ay kumportable rin nitong isinandal ang likuran doon.
"Hindi ako naniniwala sa mga gano'n hangga't hindi nasasaksihan mismo ng mga mata ko. Saka, napakaganda ng lupain na ito. May mga halaman na dito lang tumutubo at hindi pa nalalaman ng ilang espesyalista, isa pa, ang bayan niyo rin ang may pinakamaraming batang lansangan na naitala sa buong Pilipinas. May charity ako kaya naman isa ang bayan niyo sa napili kong tulungan." Mahabang paliwanag ng babae.
Hindi mapigilang mamangha ni Aeron sa narinig.
"Napakabait mo naman pala."
Kimi lang na ngumiti ang babae.
"Hindi naman sa gano'n, ayoko lang talaga nakakakita ng mga batang nagdurusa sa kalupitan ng mundo. Napakabata pa nila at inosente para sa ganoong bagay. Dapat sa kanila pinoprotektahan at inaalagaan."
Lalong namangha si Aeron. May mabuti pa rin pa lang tao. Hindi naman lahat masama at makamundo.
"Siguro napakaswerte ng mga magulang mo sa'yo, napalaki ka nila ng maayos, napakabuti mong tao."
Pero umismid ito.
"Sana nga gano'n, pero hindi.." makahulugang tugon nito.
"Anong ibig mong sabihin?"
Pero malungkot lang itong umiling at muling bumuga ng hangin.
"Babalik na ako sa bahay. Oo nga pala, nasa loob lang ang mga gamit mo, hindi ko naman pinakialaman, puwede mong kuhain kung gusto mo." Nakangiting pahayag ng babae.
"Ah- maaari ko bang malaman ang pangalan mo?" Pangungulit ulit ni Aeron.
"Tina, tina na lang ang itawag mo sa akin."
"Salamat, Tina."
Tumalikod na ulit ang babae ng may maalala pang itanong si Aeron.
"Ah- Tina."
Mabilis naman itong huminto sa paglalakad at humarap sa kaniya.
"Hmm?"
"Ano, itatanong ko lang sana kung.. kung b-babasagin mo ba ang.. ang bahay namin para tayuan ng bagong gusali?"
Saglit itong hindi kumibo.
"Hindi.. hindi ko iyon gagalawin, s-siguro aayusin ko lang.."
"Gano'n ba, salamat naman." Nakangiting usal ni Aeron.
"Walang ano man. Bukas ang bahay para sayo kung may nais kang kuhain. Hayaan mo, naniniwala na akong ikaw ang nawawalang anak ng mag-asawang Bhelmont."
Mas lumaki pa ang ngiti ni Aeron sa narinig. Pakiramdam niya nag-iinit din ang magkabila niyang pisngi.
"T-talaga?"
"Hindi ko rin alam, wirdo ka pero pakiramdam ko hindi ka naman talaga masamang tao. Sige na, mauuna ako." Tuluyan na itong tumalikod at naglakad nang mabilis patungo sa bahay.
Naiwang nangingiti si Aeron. Literal na masaya ang kaniyang puso. Napatingala siya sa kalawakan at mahinang umusal ng pasasalamat sa diyos. Noon din ay napagpasyahan niyang puntahan si Higantatay sa puwesto nito. Pero dahil hindi niya nga ito makita, inakyat niya na lang rin ang puno upang hindi siya marinig ng kahit sino kapag kinausap niya na ito.
"Tay, nariyan ka ba?" Mahinang bulong niya ng tuluyang makaakyat doon.
"Kitang-kita ko yang gilagid mo sa laki ng ngiti mo, Anak."
Nahihiyang nagyuko ng ulo si Aeron. Hindi niya kasi mapigilan ang mapangiti.
"Nakita niyo ba yun, Tay?"
"Kitang-kita at rinig na rinig ko lahat, Aeron. Mukhang nagkakaigihan na kayo, ah?"
"Mabuti siyang tao, Tay. Mahal niya ang kalikasan gaya ng palagi niyong itinuturo sa akin."
"Kita ko nga. Pero maging matalino na pa rin sa pagpapasya, anak."
"Oo nga pala,Tay. Hindi ko na pala pagmamay-ari ang lupa na ito maging ang bahay."
"Sampung taon ang matuling lumipas pero walang bumalik para angkinin ang lupa at bahay, maging si Aerin ay hindi nag-abala para sabihing buhay siya kaya kinuha na ng gobyerno. Pasensya ka na kung hindi ko kaagad nasabi sa'yo, baka kasi hindi ka pumayag na bumalik dito kung wala kang tutuluyan."
"Tay? Napakababaw na rason noon para hindi ako bumalik sa mundo kung saan ako nagmula."
"Alam ko. Hindi ko naman akalain na may magkakainteres pa dito dahil sa mga naging bali-balitang kababalaghan. Matapang lang talaga si Cerestina para bilihin ito at ayusin."
Nangunot ang noo ni Aeron sa narinig.
"C-cerestina, Tay?"
"H-hah? M-may sinabi ba akong gano'n?" Tila kabadong tanong ni Higantatay kay Aeron..