Gaya ng nakaraan, tahimik lang na nagmasid si Aeron sa mga dumating. Nakita niya ang babae na tila may tinanggal na kung ano sa harapan ng bahay nila. Lingid sa kaalaman niya, isa iyong malaking karatula na nasusulatan ng 'Goverment Property"
Pero ng patungo na ang babae sa pintuan ng kanilang bahay ay hindi na nagawa pang makapagkubli ni Aeron. Hinanda niya na lang ang sarili sa mga bagay na posibleng mangyari.
Inayos niya ang sarili gayundin ang kaniyang buhok saka tumapat sa pintuan. Naka-lock iyon mula sa loob kaya siya na mismo ang nagbukas.
Kitang-kita ni Aeron kung paanong nagulat at namangha ang babae pagkakita sa kaniya. Sandali itong napanganga at nanlaki ang mga mata.
"S-sino ka?" Manghang tanong pa rin nito.
"Ah- miss, dito ako nakatira."
"H-hah? Paano kang dito nakatira?" Kunot-noong tanong ulit nito.
"Bahay 'to ng pamilya ko."
Lalong bumakas ang pagtataka sa mukha ng babae.
"A-anong pangalan mo?"
"Ako si Aeron."
"I mean, pati apilyedo?"
"Bhelmont, Aeron Bhelmont."
Ang pagtataka sa mukha nito ay agad napalitan ng galit.
"Ano?! Imposible yun. Sino ka para magpanggap, ha?"
Maging si Aeron ay nagulat sa naging reaksiyon ng kaharap.
"M-miss, hindi ako nagpapanggap."
"Para lang malaman mo, Aer- o kung sino ka mang impostor ka, matagal ng pag-aari na ng gobyerno ang lupaing ito, pero binili ko kaya akin na ito ngayon." May kinuha pa ito na kung ano sa kaniyang bag at saka itinapat sa mukha ni Aeron.
Walang maintindihan si Aeron sa nakasulat dahil nakatapat rin ng husto sa mukha niya ang papel. Hindi niya mabasa ang maliliit na letrang naroon.
Sa kabilang kamay ng babae ay hawak naman nito ang may kanipisang kahoy, may "Government Property" na nakasulat. Doon natuon ang atensiyon niya. Bakit ba hindi niya nagawang pansinin noon ang karatulang iyon? E'di sana maaga niyang nalaman ang kalagayan ng bahay nila.
"So, nagkakalinawan na ba tayo?" Mataray na tanong ng babae sa kaniya.
Magkahalong lungkot at disappointment ang naramdaman ni Aeron. Wala na pala talaga siyang dapat balikan sa mundong ito kung hindi ang pagkuha na lang ng hustisya para sa kaniyang mga magulang. Maging ang bahay na tanging naiwang alaala sa mga magulang ay tuluyan ng pagmamay-ari ng iba ngayon.
Walang imik na tumalikod si Aeron at tumungo sa kanilang kwarto. Kinuha niya lang ang kutsilyong nasa ilalim ng higaan niya at lumabas na rin siya ng bahay.
Nadaanan niya pa ang babae habang nag-iikot sa loob ng kanilang bahay pero nilampasan niya lang ito. Sa labas manghang nakamasid sa kaniya ang mga kalalakihang nagbababa ng kung anu-anong materyales. Nagbubulungan pa ang mga ito pero hindi na rin iyon inintindi ni Aeron.
Dere-deretso siyang nagtungo sa malaking puno at marahang hinawakan ang katawan noon, tila biglang naging clear ang paningin ni Aeron sa parteng iyon ng puno, sinubukan niyang humakbang upang pumasok, hindi naman siya nagkamali, walang hirap na nakapasok siya sa loob.
Doon muna siya pansamantalang mananatili, at doon na lang din niya panunuorin ang babae at babantayan ang kanilang bahay laban sa mga nanununog daw noon. Kahit papa'no ay nag-aalala pa rin siya sa maaaring mangyari sa babae kapag may trahedyang nangyari.
Mula sa loob ay tanaw niya ang dumaraming tao sa tapat ng kanilang bahay. Lumabas ang babae at nakipag-usap sa mga naroon, doon ay itinuro ng isang lalaki ang malaking puno. Ang puno kung saan siya nananatili.
Kita niya ang pagtango ng babae saka ito naglakad patungo doon. Biglang sumalsal ang kaba sa dibdib ni Aeron, palibhasa malinaw niyang natatanaw mula sa kinauupuan ang babae, pakiramdam niya ano mang oras ay makikita rin siya nito na nasa loob ng punong iyon.
Pero mali siya, umikot lang ito sa puno at parang may hinahanap. Rinig niya pa ang pagpapakawala nito ng buntong-hininga.
"Hay, nasaan na kaya yung lalaking yun?" Mahinang tanong ng babae sa sarili habang napapakamot pa sa ulo.
Sa narinig ay parang may kung anong puwersa ang nagsasabi kay Aeron na magpakita sa babae. Pero bago niya pa man tuluyang magawa ang nais ay natigilan na siya sa mahinang tikhim mula sa kaniyang likuran.
"Talaga bang magpapakilala ka kaagad sa isang estranghera na kumuha ng tanging alaala natin sa mga magulang natin?" Malamig na tanong ni Aerin.
Kaagad siyang humarap dito at nahihiyang nagyuko ng ulo. Napailing-iling si Aerin. Pinagkrus niya ang dalawang braso sa kaniyang dibdib saka naupo sa kahoy na upuang naroon.
"Hindi naman sa ganoon, baka lang may kailangan siyang sabihin."
"Hindi gaya ng Spiritual world ang mundong ito, Aeron. Hindi ka puwedeng magtiwala sa kahit sino. Uso ang laro dito at kung maawain ka o mabilis magtiwala, ikaw ang matatalo sa huli."
"Kailan pa natalo ang mabuti sa masama?" Hindi mapigilang tanong ni Aeron sa kapatid.
"Palagi at madalas sa mundong ito. Walang patas dito, kung sino ang may pera, siya ang mas may karapatan. Kung sino ang makapangyarihan at maimpluwensiya, sila ang batas. Dapat mo iyang itatak sa isip mo."
Muling sinulyapan ni Aeron ang babaeng nasa labas. Nakaupo na ito sa lilim ng malaking puno habang nakasandal ang likod sa malaking katawan noon.
Maya-maya pa ay nilapitan niya naman ni Aerin.
"Paano mong nalaman ang lahat ng ito, Aerin? Hindi ka ba nanatili sa Spiritual World?"
Ngumisi lang ito sa kaniya. "Hindi. Nagpapabalik-balik lang ako."
Sa narinig ay nakaramdam ng guilt si Aeron.
"Kamusta ang naging buhay mo? Baka... baka puwede ka na magkwento sa akin? Miss na miss kita, kung alam mo lang."
Pero sa pagkagulat ni Aeron ay galit na hinampas ni Aerin ang nasa pagitan nilang maliit na lamesa.
"Ayoko ng drama, Aeron. Wala akong sasabihin sa'yo. Saka puwede ba, kalalaki mong tao pero ang dami mong drama. Magpokus ka na lang sa talagang layunin mo kung bakit ka narito, puwede ba?"
"Nauunawaan ko naman kung bakit ka nagagalit sa akin. Pero gusto ko lang nalaman mo na hindi ka nawawala sa bawat dasal ko at umaasa ako na magkikita pa tayo."
Hindi naman kumibo si Aerin kaya nagpatuloy si Aeron.
"Sobrang nahihiya ako kina Mommy at Daddy dahil hindi ko natupad yung huling kahilingan nila na bantayan ka. Sana ngayon, hayaan mo akong alagaan ka."
Pero umismid lang si Aerin.
"Hindi. Magkapatid lang tayo sa dugo at hanggang doon na lang yun." Deretsong sagot ni Aerin...