Samantala, mula sa kabilang panig ng puno ay malungkot na tinatanaw ni Aerin ang lalaking kanina lang ay humahabol sa kaniya. Tinanggal niya ang hood na tumatakip sa kaniyang mukha at saka ibinaba ang mask. Nahantad ang maamo niyang mukha subalit may matapang na awra.
Sigurado siyang ang lalaking yun ay ang kaniyang kapatid na binabanggit madalas sa kaniya ng kanilang pinuno. Hindi niya kilala ang mukha nito pero ang katotohanang nagawa nitong buksan ang pintuan ng bahay na iyon ay sapat na upang makilala niya nga ang lalaki.
Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga saka pabagsak na naupo at isinandal ang katawan sa puno.
Gaya ng inaasahan, magkikita at magkikita talaga silang dalawa. At sana lang, huwag itong kumontra sa mga plano niya.
Maliit pa siya ay hindi na lingid sa kaniya ang trahedyang sinapit ng kanilang pamilya, hindi iyon inilihim sa kaniya ng mga nagpalaki sa kaniya. Habang lumalaki siya ay nadadagdagan din ang galit na bumabalot sa kaniyang puso.
Sa edad na dose ay nagagawa niya ng magpabalik-balik sa mundo ng mga tao at 4th dimensional space. Sinusubukan niyang hanapin kung sino man ang gumawa ng kasamaan sa kanilang pamilya kahit pa nga wala siyang ideya sa hitsura at pagkakakilanlan ng mga ito. Ilang demonyo na rin ang nakasagupa niya at natalo, namatay man ang mga iyon bilang tao, pero alam ni Aerin sa puso niya na tama lang ang ginawa niyang pagpaslang sa mga ito.
Naging libangan niya ang pagpatay ng demonyo, hinanap-hanap niya iyon. Pakiramdam niya sa paraang iyon natutupad ang ilan sa mga naisin niya, ang sugpuin ang mga taong pumatay sa mga magulang niya!
At si Aeron, gagamitin niya ito upang maihatid siya sa tunay na mga kalaban. Kung suswertehin pa, baka magkatulong silang tumapos sa mga iyon...
Muli siyang huminga ng malalim, siguro mali ang timing niya kanina, nasaktan niya kasi ito at tinakasan.
Sinubukan niyang kapain ang scarf upang punasan ang pawis niya pero hindi niya na iyon mahanap. Natapik niya ang sariling noo. Nailaglag niya pa yata!
Muli siyang tumanaw sa clear glass at nakita niya na hawak na ni Aeron ang scarf. Napailing si Aerin, sa haba ng panahon na hindi siya nagkakamali, bakit ngayon pa? Mahalaga ang scarf na iyon dahil isa iyon sa may basbas ng pinuno nila upang makilala niya ang demonyo sa tunay na tao, kailangan niyang mabawi iyon!
Sa labis na inis ay nagdesisyon siyang lumabas ulit at tunguhin ang bahay. Maingat siyang pumasok sa loob at hinanap ang scarf niya, habang nagmamasid ay nakita niya si Aeron habang naghahalungkat ng kung ano sa kusina.
Napangisi siya at napailing, nasa kamay pa rin kasi nito ang scarf niya. Isinandal niya ang balikat sa pader at saka pinagkrus ang kaniyang dalawang braso.
"Nagugutom ka?" Malamig na tanong niya.
Gulat na humarap si Aeron sa gawi niya, nakita ni Aerin kung paano magliwanag ang mukha nito.
"Ikaw, b-bumalik ka?"
Napairap si Aerin. "Akin yang hawak mo."
"S-sa iyo? Ibig... ibig sabihin ikaw si Aerin?"
Pinangunutan niya ito ng noo. "So?"
Sa narinig ay malungkot itong napangiti at marahang naglakad patungo sa gawi niya.
"Ako si Aeron," turo pa nito sa sarili. "A-ako ang kuya mo!"
Walang emosyon niyang tinitigan ang kaharap. Matagal niya ng alam ang bagay na iyon. Kung bakit wala siyang madamang pagkasabik sa kapatid, hindi niya rin alam. Lumaki siyang sanay mag-isa at masaya sa pagiging solo sa buhay. Pinatigas ng ilang taong lumipas ang kaniyang buong pagkatao.
Akma itong yayakap sa kaniya ng mabilis siyang umatras at pinigilan ito.
"Ops, teka lang. Ibalik mo yung scarf ko, yan lang ang kailangan ko kaya ako bumalik."
Halata ang pagkagulat at dismaya na bumalatay sa buong mukha ni Aeron. Malungkot nitong tinitigan ang hawak na scarf.
"Pero.. h-hindi ka ba masaya na nagkita tayo? Kasi ako... miss na miss na kita, ang akala ko wala ka na rin.. sising-sisi ako noong hindi kita mahanap, ang akala ko hindi ko natupad ang isa sa huling bilin ni Mommy sa akin-"
"Tumigil ka.. Akin na yang scarf ko, hindi ko kailangan ng kahit sino sa buhay ko." Deretsong tugon ni Aerin.
"Hah? Pero-"
"Yung scarf!" Sigaw niya ulit.
Walang nagawa si Aeron kung hindi ang ibalik muli ang scarf nito. Pagkakuha ng nais ay mabilis nang tumalikod si Aerin at nagsimulang maglakad palabas ng bahay.
"Yung kwintas na suot mo, puwede mong ipagbili ang ilang palawit para makakain ka." Muling saad nito ng hindi man lang nililingon ang kapatid. Ilang sandali pa ay tuluyan na siyang naglaho sa paningin ni Aeron.
"A-anong nangyari sayo, kapatid ko?" Nanghihinang napaupo sa lapag si Aeron. Hindi sa ganitong paraan niya inaasahan ang magiging pagkikita nila ng bunsong kapatid. Ni hindi niya man lang nakita ang tunay nitong anyo dahil nababalutan pa rin iyon ng hood at mask.
Ng muling kumalam ang sikmura niya, doon niya lang naalalang tingnan ang suot na kwintas, ipinabaon din ni Higantatay sa kaniya iyon pero hindi naman sinabi kung para saan. May ilang kulay dilaw iyong palawit at gaya ng sabi ni Aerin ay maaari niya daw ibenta para makakain.
Ibenta? Ano yung benta at paano o saan niya naman gagawin iyon? Naihilamos niya ang dalawang palad sa kaniyang mukha, bakit hindi niya inalam ang mga ganitong bagay?
Nasanay na siya na palaging nakahatag sa hapag ang pagkain niya. Ang akala niya ay magiging ganoon din sa mundong ito pero mali siya..
Tumayo siya at blangkong tumingin sa labas. Walang kabahayan at puro damuhan ang natatanaw niya. Mainit din ang sikat ng araw kapag tumatama sa balat, hindi gaya sa mundo nila Higantatay, doon ay halos hindi mo maramdaman ang init na nanggagaling sa sinag ng liwanag.
Naglakad siya palabas.
Pero saan siya pupunta?
Napabuntong-hininga siya saka sinimulang baybayin ang sa tingin niya ay walang katapusang daan. Pero sa kalagitnaan ay napahinto siya at sumilong sa lilim ng isang puno, maging ang tinatapakan niya kasi ay mainit at hindi niya natatagalan iyon..
Basang-basa na rin siya ng pawis at nakakaramdam na siya ng panunuyot ng lalamunan. Sa buong buhay niya ay ngayon lang siya nakaramdam ng pagod at panghihina ng katawan.
"Talaga bang ngayon ka lang nakarating ulit dito sa mundo natin?" Inis na tanong ng isang pamilyar na tinig.
Ng lingunin ni Aeron kung sino ang nagsalita ay napangiti siya.
"Aerin, kapatid ko.."