Nang mag-mulat ang aking mga mata nasilaw ako sa liwanag ng ilaw. At pagkuwa'y inilibot ko ang aking paningin sa loob ng silid.
Gulat na gulat ako ng mapagtanto kong nakahiga ako sa hospital bed. Kaya naman tangkang babangon na ako ng mapansin kong nakaswero pala ang aking kaliwang kamay.
"Hindi pwede ito. Paano si Papa?" Tanong ko sa aking sarili habang nagiisip kung paano ako napunta sa ganoong kalagayan.
Habang nasa ganoon akong pagiisip agad naman bumukas ang pintuan ng silid na kinaroroonan ko. At tumambad sa akin ang nakangiting babae na nakasuot ng puting suit na sa tantiya ko ay Doktora.
"Miss, kamusta na ang pakiramdam mo? hindi ka na ba nahihilo?" tanong nito
"Hi-hindi na po, pero ang Papa ko, nandito po siya ngayon sa hospital. Kailangan po niyang maoperahan sa lalong madaling panahon. Baka po pwede ko na siyang puntahan?" Agad ay bungad ko sa doktora.
"Naku! Miss, hindi pa pwede, kailangan muna natin ubusin ang Dextrose mo." Paliwanag nito sa akin.
"Pero Doc, kailangan ako ng Papa ko ngayon. Nasa Kritikal ang buhay niya, nakikiusap ako Doc, baka po pwede na okay na po ako," pakiusap ko dito.
Maya-maya pa ay muling bumukas ang pintuan ng silid at pagkuwa'y iniluwa noon si Williard. Kaya naman kahit papaano ay nabuhayan ako ng pag-asa na matatangal na ang aking swero.
Nakangiti itong lumapit sa'kin at umupo sa tabi ko. "How's your feeling? are you okay now?" seryoso nitong tanong sa akin.
"Okay, maiwan ko na kayo diyan Williard," Paalam nito at pagkuwa'y tumalikod na sa amin.
"Okay tita, thanks." ani Williard at ibinalik muli ang tingin sa'kin. Bigla ay nagunahan na naman sa pagtibok ng aking dibdib ng tinitigan niya ako sa aking mga mata.
Kaya naman agad kong iniiwas ang aking paningin at baka matunaw ako sa mga titig niya sa akin.
"So, tell me, what are you doing here in the hospital?" tanong muli nito.
Huminga muna ako ng malalim bago magsalita at magpaliwanag sa kanya. " Nakaconfined dito ang Papa ko, kaya ako nandito." Paliwanag ko habang tumutulo ang mga luha ko ng hindi ko namamalayan.
"So, kaya ka pala hinimatay kanina dahil sa emotional stress, at syempre puyat ka pa." ani to.
"Si-siguro." Tipid kong sagot sa kanya at bigla naman itong tumayo at inabot ang paper bag na nakapatong sa side table ng aking hinihigaan.
"Okay, I thought that you were not eating anything since morning. Kaya I brought you some Snacks." Wika nito sabay abot ng paper bag sa akin.
Bigla ay kumalam ang aking sikmura ng maamoy ko ang laman ng paper bag na iyon. Ngunit bago ko tuluyang buksan iyon at kainin ay muli kong inalala ang kalagayan ng aking Papa.
Kaya naman hindi ko na sinayang pa ang mga sandali upang ipaalam kay Williard ang nais kong gawin ng mga sandaling iyon. At pagkuwa'y nakiusap ako sa kanya na puntahan ang kinaroroonan ng aking ama.
"Please, kailangan kong puntahan ang Papa ko, nasa kritikal siya ngayong kondisyon. Kailangan ko ng makalabas dito para makagawa ako ng paraan para maoperahan siya agad." Paliwanag ko kay Williard.
Tila naman naintindihan nito ang mga isinalaysay ko at pagkuwa'y tumayo ito dinukot niya ang telepono sa kanyang bulsa.
Maya-maya pa ay dumistansiya na ito sa akin at mayroon ng kinakausap sa kabilang linya.
Nang matapos itong makipagusap ay agad bumaling ang tingin nito sa akin at lumapit muli sa tabi ko.
"Mabuti pa, kumain ka na muna para may lakas ka." Suhestiyon nito sa'kin.
"Pe-pero kailangan ko ng makita ang...." hindi pa man natatapos ang sasabihin ko ng bigla niyang takpan ang aking labi.
"Sssshh, kumain ka na. Don't worry okay, I'll handle this." ani to at pagkuwa'y isa-isa niyang inilabas ang mga container ng pagkain.
Nang mga sandaling iyon bigla akong nabunutan ng tinik sa aking dib-dib. Kay laki ng pasasalamat ko sa panginoon dahil binigyan niya ako ng pagasa sa oras ng tila malulugmok na ako.
Buong sigla kong kinain ang mga pagkaing dinala ni Williard. Kahit na ang puso at isip ko ay hindi magkasundo sa kakaisip at kabang nadarama. Lalo na kapag tinitigan niya ako ng may kung anong ibig ipahiwatig.
"Ikaw? hindi ka ba kakain?" Tanong ko sa kanya. Subalit umiling lamang siya at pagkuwa'y tinitigan na naman niya ako.
Naiilang man ako sa mga titig niya at malagkit na tingin niya sa akin ay pinilit ko parin kalmahin ang aking puso.
Makalipas ang ilang oras na paghihintay ko na maubos ang Dextrose na nakakabit sa akin ay tinangal narin ito ng Nurse.
Dali-dali ay agad akong nagpalit ng damit at mabilis kong tinungo ang kinaroroonan ng aking Ama. Ngunit laking pagtataka ko at wala na ito sa silid na kinahihigaan nito.
Kaya naman nagmamadali akong pumunta sa Nurse Station. Subalit ng oras na iyon ay walang Staff na naroroon.
Muli ay nakaramdam na naman ako ng kaba sa aking dibdib. Hanggang sa napagdesisyunan kong libutin at silipin ang bawat kwarto ng hospital.
Sa aking paglalakad pabalik sa Nurse Station. Nakita ko ang kaibigan kong si Sheena na papalapit sa akin.
"Friend, kamusta ka na? kamusta si Tito Ferdie? O-okay na ba siya? Sunod-sunod na tanong niya sa'kin. Subalit malungkot kong inuyuko ang aking ulo.
"Hindi ko alam kung nasaan siya ngayon. Hindi ko alam kung saan dinala si Papa," humihikbi kong paliwanag kay Sheena at pagkuwa'y niyakap niya ako ng mahigpit.
"Tahan na. Mabuti pa magtanong tayo sa mga Nurse, kung may alam sila." Mungkahi ni Sheena.
Agad ay pinuntahan namin ang Nurse Station at laking tuwa ko ng mayroon ng nakaduty na Staff doon. "Miss, pwedeng pakihanap ang Pangalan ng Papa ko." Pakiusap ko dito.
"Okay Miss, sandali lang po ano po pala ang Name ng Papa niyo po?" tanong ng Nurse staff.
"Ferdie San Martin po."
"Okay, Miss, hahanapin ko lang sandali." Ani to.
Habang iniintay namin ni Sheena ang impormasyon sa aking Ama ay bigla akong kinutuban ng hindi maganda at pagkuwa'y nanlalamig ang aking pawis.
"Friend, relax ka lang di'yan! magiging okay din ang lahat" ani Sheena.
Nang matapos hanapin ng Staff Nurse ang pangalan at impormasyon ng lagay ng aking Papa ay agad din ako nitong tinawag.
"Miss, based sa data namin nasa operating room na ang Papa mo." Paliwanag nito kaya naman napayakap ako ng mahigpit kay Sheena dahil sa tuwa.
"Sheena, maooperahan na si Papa. Magiging okay na siya." Masaya kong wika sa aking kaibigan.
"Kaya huwag ka ng mag-alala pa Sandy, magiging mabuti na ang lagay ni Tito Ferdie," ani Sheena.
Sa tuwa ko ay agad naming pinuntahan ang Operating room at naghintay kami ni Sheena sa labas ng silid hanggang sa malaman namin ang resulta ng operasyon ng aking Papa.
Maya't- maya ay panay tingin ko sa pintuan ng operating room. Kaya naman ang kaibigan kong si Sheena ay wala din tigil sa pagtapik sa aking balikat.
"Sandy, relax okay? mabuti pa dito ka lang muna at bibili lang ako ng makakain natin" paalam nito at tumalikod na ito sa'kin.
Habang naghihintay ako ay dahan-dahan kong ipinikit muna ang aking mata. Upang kahit paano ay maibsan ang nerbyos ko.
Ngunit sa pagdilat ko ay agad tumambad sa aking harapan si Williard at muli ay titig na titig na naman ito sa'kin.
Seryoso itong nakatingin habang nakapamulsa ang dalawang kamay sa bulsa ng suot nitong pantalon.
Kaya naman agad kong inayos ang aking pagkakaupo at unti-unti ay inayos ko ang lukot ng aking damit.
"Ka-kanina ka pa di'yan?" naiilang kong tanong sa kanya.
"Well, kararating ko lang. Actually kanina pa kita hinahanap to tell you na nasa nagsisimula na ang operasyon ng Papa mo" paliwanag ni Williard.
"Williard, maraming salamat talaga. Huwag kang mag-alala paunti-unti kong babayaran sa'yo lahat ng gastos ni Papa dito sa hospital."
"Huwag ka ng mag-alala pa Sandy, hindi naman ako naniningil agad." ani to.
Habang nasa kalagitnaan kami ng paguusap ni Williard ng biglang bumukas ang pintuan ng Operating room at iniluwa nito ang Doktor na nag opera sa aking Papa.
Kaya naman agad akong lumapit sa Doktor at pagkuwa'y tinanong ko ang lagay ng aking Papa.
"Are you the relatives" tanong ng Doktor sa'kin.
"Yes Dok! ako nga po." Mabilis kong tugon.
Ngunit gulat na gulat ako ng bigla itong humawak sa balikat ko. Kaya naman agad ay biglang binalot ng takot ang aking dibdib.
"I'am very sorry, pero hindi kinaya ng Papa mo ang operasyon." malungkot na pahayag nito.
Sa tindi ng pagkagulat ko ay bigla na naman nanghina ang aking tuhod at napakapit ako ng mahigpit sa kwelyo ng Doktor.
"Hindi totoo yan Dok! sabihin mong nagbibiro ka lang! buhay pa ang Papa ko..." Sigaw ko dito habang si Williard ay mabilis akong inalalayan na makaupo.
Tila huminto sa pag-ikot ang mundo ko ng marinig ang isinalaysay ng Doktor sa akin. Unti-unti ay nag-unahan sa pagpatak ang aking luha na kulang na lang ay maglupasay ako sa sahig sa tindi ng hinagpis na aking nadarama.