Nasa labas ngayon ng ospital ng Sta. Rama si Harvey.
Nagpunta siya rito para sabihin sa mga doktor doon ang balitang walang ano mang kemikal ang makapapatay sa infected earthworms.
Tanging ang init na dala ng araw o isang napakuluang tubig. Nguni't hindi rin naman ganoon kabilis umepekto ang pinakuluang tubig. Ano't-ano pa man, maaari pa ring makaligtas ang mga infected earthworms.
Walang g'wardya sa labas.
Tahimik din sa loob ng ospital.
May mangilan-ngilang nurses siyang nakakasalubong.
Napakatahimik din sa kapaligiran ng Sta. Rama. Tuluyan ng nabago ang pamumuhay ng mga tao dahil sa mga kinatatakutang infected earthworms.
Hinanap agad ni Harvey ang doktor doon na natatandaan niya at hindi naman siya nabigo.
Magkaharap na sila ngayon ng doktor sa loob ng pribadong opisina nito. Kasama rin doon ang iba pang mga doktor na masama ang tingin sa kanya.
Tila hindi naniniwala ang mga ito sa sinasabi niyang solusyon.
"Alam mo bang iyong huling solusyon na ibinigay mo sa amin ay nagpalala ng sitwasyon? Paano ka nakakasiguradong paniniwalaan ka ulit namin lalo na't ikaw na bata ka ang dahilan ng pagkakaroon ng infected earthworms?" sabi ng isang nakasalamin na doktor.
"Subukan lang po ninyo! Nagsasabi po ako ng totoo. Nakakita po ako ng patay na earthworm malapit sa amin at sa tingin ko po dahil sa tindi ng init ng araw kaya-"
"Sa tingin mo?!" putol ng isang doktor. "Dahil sa mga haka-haka mo kaya nagkakaproblema. Alam mo bang isang malaking pagkakamali na bumalik ka pa rito? Kapag may mga nakakita sayo siguradong hindi sila magdadalawang isip na pagbayarin ka kahit pa sabihing bata ka."
"Hindi ka na namin mapro-protektahan bata. Sa tingin ko makabubuting bumalik ka na lang sa mga kumuha sa'yo sa Maynila at saka mo sabihin sa kanila ang suhestiyon mo, kung gagawin nila," ang isang doktor.
"Hindi po ako babalik doon. Hahanapin ko pa ang daddy ko," sagot ni Harvey.
"C'mon kid. Naniniwala ka pa talagang buhay pa ang ama mo?"
"Buhay pa po siya," magalang pa ring sagot ni Harvey bago ito tumayo at lumabas.
Nagkatinginan ang mga doktor.
"Paano kung totoo ang sinasabi niya?" sabi ng isa.
"I don't think so...isa pa, kung totoo man, paano rin sila mawawala kung nag-aalisan sila pag umaaraw na gaya ng sabi niya?"
"Then let's try his second suggested option,"
"Nagkamali na tayo minsan, kailangan nating pag-isipan at paghandaang mabuti," sagot ng isa.
Muli namang may lumabas na tatlong malalaking infected earthworms sa bayan ng Sta. Rama.
Nagkagulo muli ang mga taong nakakita.
Isang lalaki ang tila galit na galit sa malaking earthworm at sinugod niya ito na may dala-dalang itak.
Lumapit siya rito at sunod-sunod itong pinagtataga.
Talsikan ang dugo sa lalaki, tila nanghina rin ang earthworm at bumagsak ito.
Nguni't dahil napadikit din ang lalaki sa earthworm, ilang sandali lang at nagkaroon na rin ito ng mga pamumula sa katawan na kusang nagbitak-bitak hanggang tuluyan siyang matumbang wala ng buhay.
Tila nagwala naman ang dalawa pang malalaking earthworm.
Mabilis na naggapangan ang mga ito sa ibang mga taong naroon. Lahat ng madapuan nila ay nangamatay.
May mga dumating ding mga pulis at pinagbabaril ang mga earthworm.
Mabilis na tila nagtakasan ang mga malalaking earthworm.
Maya-maya ay napahiyaw ang mga pulis dahil biglang may mga maliit na infected earthworms na naggapangan sa katawan nila.
"Aaahhhh!" hiyaw ng mga ito at mga natatarantang pinapagpag ang mga earthworm na nasa katawan nila.
Marami pang naglabasang earthworms sa paligid.
Hindi magkandatuto ang mga tao kung paano tatakasan ang mga earthworms.
Buong gabi at magdamag iyong nangyari.
Saka pa lang natigil ang kaguluhan kinabukasan nang kusang umalis ang mga earthworm nang tumirik muli ang araw.
Nagkalat na rin ang mga patay na tao sa paligid kabilang na ang mga pulis.
Samantala, wala namang kaalam-alam ang mga taga Sta. Rama nang ang buong palibot ng bayan nila ay malagyan ng harang. Mga nagtataasang pader.
Ginawa ito ng mga tao sa ibang bayan na malapit sa kanila upang hindi makaalis sa Sta. Rama ang mga tao dahil sa napabalitang balak lumipat ng mga taga Sta. Rama sa ibang bayan.
Ginawa ito ng lahat na naging desisyon din ng ilang matataas na tao tulad ng iba't-ibang opisyales dahil oras na mawalan daw ng tao sa Sta. Rama ay baka maaaring magsunuran din ang mga infected earthworms.
Sadya rin nilang pinasemento ang bawat lupang bahagi ng ilang mga bayan dahil may posibilidad na dumaan daw sa lupa ang mga earthworms.
Habang pinag-iisipan pa nila kung paano mawawala ang mga infected earthworms ay iyon ang ginawa nila upang hindi sila madamay sa nangyayari sa Sta. Rama.
Sa madaling sabi, prinotektahan na agad nila ang mga sarili nila at hindi na inisip ang kapakanan ng mga natitirang tao sa Sta. Rama...
Tila mas lumala ang sitwasyon sa bayan na iyon, waring nagsimula ito ng mamatay ang dalawang malalaking earthworm.
Mas napapadalas ang paglabas ng mga infected earthworms at mas parami nang parami ang nakararanas ng pamumula sa balat ng mga tao.
"Kailangan na nating umalis dito, wala ng pag-asang maililigtas pa ang Sta. Rama," sabi ng isang doktor nang mamataan ang ilang mga infeced earthworms na naggagapangan na rin sa building ng ospital.
"Tama ka nga doc, mahirap ng tapusin ang problemang ito," sabi ng isang nurse na nahihintakutan na rin.
"Kahit gawin natin ang sinabi ng bata ay malabong maubos agad-agad ang mga infected earthworms. Walang maglalakas loob na tipunin ang mga earthworms para maibilad sa arawan at mas lalong walang maglalakas-loob na magpakulo ng tubig at hanapin kung saan nagtitipon-tipon ang mga earthworms para sabuyan,"
sabi ng isang dokrtor.
Iyon lang at nagkanya-kanya na ng alis ang mga ito. Sinundo ang mga pamilya nila upang lisanin na ang Sta. Rama.
Wala silang kamalay-malay na malabo na silang makalabas ng Sta. Rama dahil sa mga naglalakihang pader na ipinatayo palibot sa bayan ng Sta. Rama. At mas lalo pa iyong pinatataas. Sa tulong ng mga may kapangyarihan ay nakakuha sila ng kakaibang equipment na pasadya pang ginawa upang mas mapataas ang mga pader na siguradong hindi maaakyat ninuman.
Samantala, habang naglalakad si Harvey sa pag-asang makikita pa ang ama, may nadaanan itong isang patay na tao at may cellphone sa tabi nito.
Dali-dali itong kinuha ni Harvey. Dahil na rin sa pagiging matalino ni Harvey, tanda niya ang cellphone number ng mommy niya kaya agad-agad niya itong tinawagan.
Halos kararating lang naman nina Alpha at Kennedy sa Maynila ng mga oras na iyon.
Agad sinagot ni Alpha ang cellphone, hindi niya kilala ang rumehistrong number pero may hula na siya na baka si Harvey iyon na nakitawag lang para makausap siya.
At hindi nga siya nagkamali.
"Harvey!" may tuwang sagot ni Alpha nang mabosesan ang anak.
"Anak, I'm with Lolo Kennedy okay? May dala siyang makakapagpagaling sa mga nakararanas ng pamumula. Harvey, Yhanna's safe now! Just wait for us there, okay? Baka makatulong din ang lolo mo kung paano mapu-"
"Mommy, I'm no longer in Manila," putol ni Harvey sa iba pang sasabihin sana ni Alpha.
"I'm here in Sta. Rama, mom."
"What?!!" napatigil sa paglalakad si Alpha sa hallway ng malaking ospital kung saan naroon ang mga scientist o mga doktor na pinag-iwanan ni Alpha kay Harvey.
"Harvey, anong ginagawa mo riyan? Bakit ka umalis!" windang na sabi ni Alpha sa anak.
Nanlaki naman ang mga mata ni Harvey nang makitang may dumating na isang malaking earthworm. Bahagya itong napaatras.
"Mom, listen. Init. Matinding init ang makakapuksa sa mga infected earthworms, gaya ng matinding sikat ng araw. P'wede rin po ang pinakuluang tubig pero hindi po ganoon kabilis umepekto. Mommy, sabihin mo iyon kay lolo, baka may maisip siyang paraan sa pamamagitan ng sinabi ko," ani Harvey na paatras nang patras.
Dama ni Alpha na waring natatakot ang boses ni Harvey.
"Harvey, what's happening? Are you okay?" alalang tanong ni Alpha.
"I have to go mom," sabi ni Harvey dahil kailangan na nitong lumayo sa palapit na malaking earthworm sa kanya.
"Mommy, I love you," huling turan ni Harvey na labis-labis ang pagsisisi sa pagkakamaling nagawa niya.
"Harvey! Hello?! Harvey?!" wala ng sagot na narinig si Alpha mula sa anak.
"Alpha, why? What happened? Is that my grandson? Let's go so we can talk to him-"
"He's not here dad," putol ni Alpha sa iba pang sasabihin ni Kennedy. "Bumalik siyang Sta. Rama. Marahil ay para hanapin si Gerardo," lumong sabi ni Alpha.
"What?!" tanging nasabi ni lolo Kennedy.
Kumikislot-kislot ang ibang earthworm sa harapan ni Gerardo.
Pero hindi siya nilalapitan ng mga ito. Madilim ang kinaroroonan niya...
FLASHBACK....
Sinubukan ni Gerardo na akyatin muli ang bangin na kinahulugan niya nang makaalis na si Alpha.
Kinailangan niya lang talagang paunahin si Alpha para masigurado na hindi na lalayo pa ang mga anak nila.
Malapit na sana siya pero 'di sinasadyang nadupilas siya at muling bumagsak.
Sa pagbagsak niya ay may nakita siyang mga earthworm na nasa bandang paanan niya. Dala na rin ng takot, mabilis na tumayo si Gerardo at tumakbo palayo rito. Nakalimutan na rin niyang isuot ang isang tsinelas na natanggal sa paa niya nang madupilas siya.
Malayo-layo ang tinakbo ni Gerardo hanggang makarating siya sa ilalim ng tulay kung saan naroon pa rin ang mga nagsalpukang sasakyan sa tulay. Akma na sana siyang aakyat para doon na dumaan pabalik sa ospital nguni't laking gulat niya nang makita ang makapal na bilang ng mga earthworm sa dadaanan niya paakyat.
Dahil wala siyang makitang space na maaari niyang madaanan ay hindi niya na itinuloy ang pag-akyat. Muli niyang itinuloy ang pagtakbo sa palibot na iyon sa ilalim ng tulay. At agad, narating niya ang bangin malapit sa likod-bahay nila.
Ang bangin na may k'webang maliit sa ibaba. Itong ulo rin ng k'webang ito ang naging daan kaya nakaakyat sila noon ng asawang si Alpha.
Pero bago niya pa ito maakyat ay may mga earthworms pababa mula sa tuktok ng bangin na iyon at nagbabagsakan sa ulo ng k'weba. Paglingon niya, kaliwa't kanan ay may mga earthworms na parating.
Napatingin siya sa bungad ng k'weba. No choice. Ito ang pinasok niya para makaiwas sa mga earthworm na nakapalibot sa kanya.
Isang pagkakamali, dahil doon din pala papunta ang mga earthworm. Sa isang malaking patay na earthworm...
Ito marahil ang earthworm na pinanggalingan ng mga maliliit na earthworm.
Umusod siya nang umusod hanggang sa dulo na ng maliit na k'weba ang nasandalan niya.
Akala ni Gerardo ay katapusan niya na, pero mali ang kanyang akala.
Dahil sa hindi malamang dahilan, hindi siya ginagalaw o nilalapitan ng mga infected earthworms na iyon.
Kahit nang magkaroon ng malalaking earthworm ay hindi siya nilalapitan ng mga ito.
END OF FLASHBACK...
Ilang araw na ba siya rito?
Hindi niya na matandaan.
Basta't ang alam niya lang, dito nagtatago o nagpupunta ang mga infected earthworms.
Napansin niyang nagdadatingan ang mga earthworms pag mainit sa labas.
Pero hindi pa rin niya nagawang umalis doon dahil may mga earthworms na naiiwan na tila nagbabantang salakayin siya sa tuwing tinatangka niyang lumabas...
***