GRACE
“Hoy!”
Napatalon at napahiyaw siya sa biglaang panggugulat sa kanya ni Nadia. Sinamaan niya ito ng tingin at siya naman ay pinapakalma ang puso niya dahil sa sobrang lakas ng pintig. Uma-acting siya na sasabunutan ito at imbes na tumigil ang kaibigan niya ay humahalakhak pa ito sa sitwasyon niya. Pinagkrus niya ang kanyang mga braso at tinaasan niya ito ng kilay dahil hindi pa rin ito tumitigil sa pang-aasar sa kanya.
“Sino iyang iniisip mo, Grace? Ilang araw na kitang napapansin na meron kang tinatago sa akin. Matanong ko nga, kayo ba ni Sir Nate? Nakita kita noong nakaraang araw na hinatid ka sa bahay. Ngayon ko lang nakita na hinatid ka ng isang architect at hindi lang basta architect kung ‘di isang kilalang architect. Mag-ingat ka baka lumabas sa t.v iyang mukha mo. Baka gawan ka nila ng issue at ilabas na pangangaliwa ni Sir Nate,” paalala nito sa kanya.
Napakunot naman ang noo dahil sa pinagsasabi nito sa kanya. Wala talagang matinong sinasabi ang babaeng ito. Sa maliit na bagay ay pinapalaki ni Nadia. Pabagsak na humiga siya sa couch at umunan sa hita ng kaibigan. Hinaplos naman nito ang buhok niya at ito naman ay napangiti na lang.
“Alam mo, huwag mong palakihin ang maliit na bagay, Nadia, dahil sa totoo lang wala namang masama sa paghatid sa akin ni Sir Nate. Nagmamagandang loob lang iyong tao kaya hinatid niya ako,” paliwanag niya sa kaibigan.
Ang tingin na pinukol nito sa kanya ay nagdududa pa rin at hindi talaga ito naniniwala sa kanya. Napahinga na lang ito ng malalim at napasandal sa couch.
“Hindi naman sa binibigyan ko ng ibang meaning iyang paghatid sa’yo ni Sir Nate. Pinaalala ko lang na kilalang tao iyang kasama mo at isa pa ay may asawa na iyan,” Pinagdidiinan talaga nito sa kanya na may asawa.
Napabangon siya sa gulat dahil hindi nga niya talaga alam na may asawa na iyon. Hindi nga niya iyon naisip dahil hindi naman siya nangingialam o nagtanong sa buhay ng lalaki. Wala naman siyang masamang ginawa. Hinatid lang siya ni Sir Nate at wala naman silang ibang ginawa. Bakit ba big deal sa iba na sumakay siya sa mismong
sasakyan ng lalaki? Wala namang masama kung hinatid lang siya nito. Ang masama ay lumandi siya sa lalaki. Hindi naman niya iyon gagawin.
“May asawa na talaga siya?”
“Oo, may asawa na siya at kilala ring modelo ang asawa niya. Kilala mo ba si Aleia Raymundo?”
Napamangha siya sa sinabi nito. Tumango siya sa kaibigan at hindi siya makapaniwala na ang idolo niyang modelo ay asawa ni Sir Nate. Grabe! Ang liit ng mundo. Iyong pinapangarap niya noon ay alam niyang makakamit niya balang araw dahil pwede niyang sabihin kay Sir Nate na humingi ng autograph o ‘di kaya ay magpa-picture kay Miss Aleia.
“Friend!” Tumitili siya sa galak dahil iyong iniisip niya ay malapit na ring matupad.
"Aissh! Ano ba! Para kang nakalunok ng megaphone diyan!"
Jusko! Biniyayaan siguro siya ng blessings dahil pinaglapit sila ng iniidolo niya. Hindi pa sila nagkikita, pero si Sir Nate na ang maging tulay na pagkikita nila. Tumayo siya at tumakbo papasok sa kanyang silid para kunin ang magazine kung saan si Miss Aleia ang ginawang model ng isang magazine. Tungkol ito sa totoong buhay ng babae bago nagsimulang maging modelo. Napahanga siya sa kagandahan at sa taglay nitong galing sa pagmomodelo. Hindi magiging tanyag na modelo kung wala itong kakayahan.
Bumalik siya sa sala at iwinagayway ang magazine na hawak niya. Tinaasan siya nito ng kilay at napatingin naman ito sa magazine na nilahad niya sa harapan nito.
"Ano naman iyan?"
"Kunin mo. Diba sabi ko sa'yo noon na pinapangarap kong makita si Miss Aleia?"
Napaikot na lang siya ng kanyang mga mata dahil halatang naguguluhan ito sa kanyang sinabi.
"Oh, tapos?"
"Gusto ko siyang makilala. Si Sir Nate ang maging tulay para makita ko si Miss Aleia!"
Hindi pa rin humuhupa ang kanyang saya dahil ngayon ay malapit na rin niyang makita ang modelo.
Napairap na lang ito sa kanyang sinabi at ini-on na lang ang t.v. Hindi sana siya manonood at matulog na sana siya sa upuan nang marinig niya ang pangalan ni Sir Nate at Miss Aleia sa t.v. Kumislap ang mga mata niya at agad na lumuhod sa harapan ng t.v. Pasimple niyang dinikit ang kanyang pisngi sa screen kung saan nandoon si Miss Aleia. Hinalik-halikan niya ang screen dahil sobrang ganda nitong babae. Nangingislap na lang ang kanyang mga mata dahil nakita niya ang ebidensya na si Sir Nate nga ang tamang daan para makita niya ang iniidolo niya.
Hindi niya inaasahan nang bigla na lang siya nitong hinawi papalayo sa t.v kaya napasalampak siya sa sahig. Sinamaan niya ito ng tingin.
"Hindi mo ba alam na may ginagawa ako rito?"
Imbes na pakinggan siya ni Nadia ay nilipat na lang nito ang kanyang pinanood na news na kung saan ay inaanunsyo ang nalalapit na wedding anniversary ng mag-asawa. So, totoo nga na ang lalaki ay isa ring kilalang tao at higit pa roon ay isa ring arkitekto. Talaga nga namang maswerte si Miss Aleia dahil ang bait ni Sir Nate. Kahit na hindi niya ito matagal na nakakasama ay alam niyang mabait ang lalaki. Sa kilos pa lang nito at pananalita ay halatang respetadong tao at matinong lalaki.
"Duh! Alam mo rin bang mukha kang tanga? Manonood ako ng t.v tapos ikaw... ikaw itong paharang-harang sa harapan ng t.v.!"
Napanguso siya at nagsusumamo na ibalik nito ang channel, pero umismid lang ito sa kanya.
“Alam mo ba kung bakit ayaw ko si Miss Aleia?”
Siya naman ngayon ay naguguluhan sa tanong nito.
“Pwede ba diretsuhin mo na lang ako,” nakasimangot niyang sabi.
“May kasabihan na ang ugali niya ay ubod ng sama at isa pa roon, may iba siyang lalaking kinakasama maliban kay Sir Nate.”
Naniningkit ang kanyang mga mata at hindi naniniwala rito. Hindi siya maniniwala kapag walang pinapakitang ebidensya. Gusto niyang makita o marinig na galing mismo kay Miss Aleia para maniwala talaga siya.
“Paano mo naman nasabi? Sa nakikita ko ay mahal nila ang isa’t-isa.” Hindi talaga siya maniniwala kapag hindi niya alam ang totoo.
“Friend, malamang sa malamang nagpapanggap lang iyang bruhang iyan. Pwede kang linlangin sa mga nakikita mo, pero dapat magmasid ka at alamin ang totoo bago ka maniwala.”
Napanguso na lang siya sa sinabi nito. Hindi na siya nagkomento dahil tama naman ang kaibigan, pero hindi pa rin siya naniniwala na masama ang ugali ni Miss Aleia.
-----
NATHANIEL
Inilibot niya ang kanyang paningin sa buong paligid ng mismong hotel na inuukupa ng asawa. Ang akala kasi nito ay uuwi siya sa Pilipinas dahil may aasikasuhin siyang kliyente, pero ang totoo ay susurpresahin niya ito. Today is their wedding day at gusto niyang surpresahin ang asawa niya. Plano niyang surpresahin ito habang ito ay abala pa rin ngayon sa trabaho. Buti na lamang ay pinahiram siya ng susi ng hotel at alam naman ng mga staff na asawa siya ni Aleia. Kaya hindi siya nahirapan sa pagpasok ng silid ng asawa. Ito ang unang beses na nakapasok siya sa silid nito at pinagtataka niya ay kung bakit may mga ilang damit na panlalaki sa loob ng cabinet. It was a couple shirt and couple pants. Siguro, susurpresahin siya nito at ibigay ang mga nakatagong couple things for them. Napahinto siya ng may napansin na kakaiba dahil sa kama pa lang ay alam niyang dalawa ang natutulog do'n. Halata naman kasing hindi naluluyan ang mga staff nito sa mismong hotel room ng asawa. Ang akala niya ay ang kasama nito ay ang mga staff ng asawa. Kung kasamahan ng asawa ang nandito sa loob ng silid nito ay bakit walang mga gamit ng mga staff nito at walang ebidensya na kasama nito sa hotel room. Kaya nga kahit gustuhin man niyang magkasama sila sa iisang bubong ay alam naman niyang hindi naman siya pwedeng makisawsaw pa dahil bisita lang siya ng kanyang asawa at trabaho ang pinuntahan nito rito sa Amerika.
Naibaling niya ang kanyang atensyon sa kanang bahagi ng silid. Napakunot ang noo niya ng may nakita siyang couple mug at keychain na nasa bedside table nito. Lumapit siya at tiningnan ang mga ito. Nang inangat niya ang keychain at tiningnan kung ano ang nakapangalan ay nakita niyang may nakaukit na Mark at ang kaparehas naman ay Aleia. Sa pagkakatanda niya ay wala namang binanggit ang asawa tungkol sa kung sino si Mark at hindi naman nito iyon staff dahil sa pagkakatanda niya ay puro mga babae ang mga staff nito. Parang iba ang kutob niya ngayon, pero hindi siya pwedeng magpadala sa bugso ng damdamin at hindi niya dapat pangunahan si Aleia. We've been together for eight years at hindi siya nito kayang lokohin dahil alam niyang mahal siya ni Aleia.
Napahinga siya ng malalim, pero may bahagi sa kanyang isipan ang pagdududa. Hindi niya alam kung dapat ba siyang magduda o makaramdam ng pagkadismaya. Napalunok siya ng may bumara sa kanyang lalamunan. Bigla siyang nakaramdam ng panlalamig at sobrang lakas ng kabog ng dibdib niya. Pumikit siya at pinakalma niya ang kanyang sarili. Huminga siya ng malalim upang makasagap ng hangin dahil sa paninikip ng dibdib niya. Hindi siya dapat makaramdam ng ganito tungkol sa asawa niya. Alam niyang mahal siya nito at hindi siya nito kayang saktan.
“Sir, everything is done.”
Napalingon siya sa kanyang likuran at nakita niya ang isa sa nag-aayos ng kanyang surpresa. Ngumiti siya rito at sinabi na susunod na siya. Tumango naman ito bago lumisan sa silid. Inilibot niya muna ang kanyang paningin sa buong silid bago tuluyang sumunod sa staff. Sinarado niya ang pintuan at napabuga ng hininga dahil sa bigat na pakiramdam niya. Naglalakad na siya patungo sa sala kung saan gaganapin ang kanyang surpresa para kay Aleia. Nakapamulsa siyang pumunta roon at bumabagabag pa rin sa kanyang palaisipan ang pangalan na Mark. Ipinilig niya ang kanyang ulo para mawala ang nasa isip niya. Hindi siya pwedeng makaramdam ng lungkot dahil itong araw na ito ay ika-apat na anibersaryo nila sa kanilang kasal at ayaw niyang maging palpak ito katulad noon.
Pagkarating niya sa mismong sala ay namangha siya sa kanyang nakita at napangiti na lang dahil sa sobrang ganda ng pagkakadesinyo. Hindi talaga siya nagkakamali sa kanyang pagpili. Nagkalat ang mga pulang rosas sa sahig kung saan ang nasa gitna niyon ay ang lamesa. Nagbigay ng daan ang mga pulang rosas simula pintuan patungong gitna ng sala. Naglakad siya sa gitna na kung saan gumawa ng pattern ang mga staff. Ginawa ng mga staff ay lagyan ng mga rosas ang sahig na nagbigay ng daan patungong mesa. Pagkapasok pa lang ng kanyang asawa ay magugulat ito sa makikita nito dahil sa supresa niya. Gusto niyang surpresahin ito at mapaligaya ang asawa niya. Kahit abala rin siya sa kanyang trabaho ay hindi niya pwedeng baliwalain ang ganitong espesyal na araw. Sobra niyang mahal si Aleia at higit pa iyon sa kanyang sarili. Hindi niya inisip ang kapakanan kung 'di ang kapakanan nito at mapasaya niya ang asawa. Kahit nasaktan siya nitong mga nagdaang araw ay hindi naman iyon sapat para lang baliwalain ang pagsasama nila. Minahal niya ito dahil nakikita niya ang future niya na kasama ito. Alam niyang ito na ang babaeng mahal niya at ito rin ang makakasama niya habang buhay.
Nagpaalam na rin ang mga staff at nagpasalamat din siya sa mga ito dahil sa magandang resulta ng surpresa niya. Kinuha niya ang rosas na nasa mesa at inamoy iyon. Napangiti na lang siya dahil sa bango na hatid ng pulang rosas. Favorite flower kasi ito ng asawa niya at alam niyang magiging masaya ito sa kanyang surpresa. Umaapaw ang saya ang lumukob sa buong pagkatao niya at galak nang marinig niya ang pagbukas-sara ng pintuan. Kaya umayos siya ng tayo at itinago ang pulang rosas sa likuran niya.
Ang galak na kanyang naramdaman ay napalitan ng sakit nang makita niya ang kanyang asawa na nakikipagharutan sa isang lalaki na ngayon lang niya nakita. Nabitawan niya ang pumpon ng rosas at naglikha iyon ng ingay. Napalingon ang kanyang asawa sa kanyang direksyon at nakita niya kung paano nanlaki ang mga mata nito at napaawang ang bibig nang makita siya.
“N-Na-Nathan-niel…” nanginginig ang boses nito nang binanggit nito ang kanyang pangalan.