12 ❤️

1701 Words
- RITA - Nang marinig ko ang pinag-uusapan ng dalawang magulang na iyon, nanginginig na sumugod ako at hinarap ko sila. Ipinaglaban ko ang mama ko kasi nalaman ko na narinig din niya ang lahat ng pinagbubulungan ng mga gurang na iyon. Hindi ako makakapayag na tapakan nila ang pagkatao ko, ang pagkatao ng pamilya ko, lalo na ang mga magulang ko. Sinagot-sagot ko sila. Hindi ko na inintindi kung maraming estudyante ang nanonood sa amin. Kahit pa na may mga Teacher sa paligid ko ay pinagpatuloy ko ang pagtatanggol sa nanay ko. Hindi ko kinaya na makitang umiiyak ang mama ko dahil sa mapanirang panghuhusga sa pamilya ko. Iyon ang hinding-hindi ko matatanggap. At mas lalo pang nadurog ang puso ko nang makita ko si Faye na pinagmamasdan kami ni Mama sa gitna ng laban. "Faye, pigilan mo ang kakambal mo. Nagwawala na oh." Umaagos na rin ang luha ko nang marinig ko mula iyon sa isang estudyante. Nakita ko ang kakambal ko noon, nakatunghay lang sa aming dalawa ni mama. Imbes na lapitan niya kami at tulungan, takot na takot siyang umalis at iniwan kami. "Anak, okay ka lang ba?" Bumalik sa kasalukuyan ang kamalayan ko nang makita ko ang nag-aalalang mukha ni papa. Napatingin din sa akin si Faye na halatang nagtataka. "Kambal, anong nangyari sa iyo?" Gusto ko na talaga kalimutan ang masakit na eksena na iyon kahit pa na noong nakaraang taon lang iyon nangyari. Ayaw ko magtanim ng sama ng loob sa kapatid ko kaya pilit ko iyon binubura sa isip ko. Hindi namin pinag-usapan iyon ni Faye dahil ayaw kong magkasamaan pa kami ng loob. Hindi alam nila papa at mama ang nangyaring iyon. Tikom ang bibig ko sa bagay na iyon. "W-wala. Okay lang po ako. Sige, akyat lang po muna ako. Sunduin ko lang po si Kuya Marco." ***** Tulala lang akong nakatingin sa harap ng pintuan ni Kuya Marco. Limang minuto na yata ako nakatayo pero hindi ko pa rin magawang kumatok para gisingin siya. Kung bakit kasi naisipan ko pa mag-throwback kanina eh. Kaya heto, parang nahihirapan na naman ako makahinga dahil sa emosyon na nararamdaman ko. Nagsisimula na naman ako maluha kapag naaalala ko iyong ginawa nila sa mama ko. Sobrang awang-awa ako. Hindi kinaya ng puso ko iyon kaya kahit alam kong bata pa ako at wala pang hustong kaalaman sa mundo, hindi iyon naging hadlang para kalabanin ko ang dalawang mangkukulam na iyon. Feeling nila, sobrang kagalingan ng mga anak nila eh pareho ko lang naman nasa section 9 ang mga iyon. Saka hindi ako bobo sa klase. Aminado ako na mas matalino talaga sa amin si Faye pero maganda din naman kahit papaano ang mga grades ko. Magmula nang mangyari iyon, tinuruan ko si mama na bumasa at sumulat. Puspusan ang pagtuturo ko sa kaniya tuwing uuwi sa bahay galing sa eskwela. Nagsikap din naman ang mama ko na matutunan ang mga iyon. Si papa ay marunong naman sumulat at bumasa dahil nakatapos iyon ng elementarya. Talagang si mama lang ang hindi pinalad na makatapos ng elementarya dahil sa hirap ng buhay nila noon. Naging katuwang ko rin naman sina Kuya Yong at Faye sa pagtuturo kay mama. Sa ngayon ay marunong na siyang sumulat at bumasa. Marunong na rin siya bumilang. Alam na rin niya ang addition, subtraction, multiplication at division. Sa ngayon ay pareho kaming nagsasanay ni mama pagdating sa ingles. Iyon kasi ang subject na sobrang slow ako. Kahit pa na mahirap kami at salat sa karangyaan, pinagpapasalamat ko sa Poong Maykapal ang masayang pamilya na pinagkaloob niya sa akin. Mahal na mahal kami ng mga magulang ko. Hindi sila nagkulang sa lahat ng bagay. Binusog nila kami sa pagmamahal. Sobrang suwerte ko dahil sila ang naging magulang ko. Hay naku, nag-e-emote na naman ako. Hindi ko na napigilan pa ang luha ko at kusa itong kumawala sa mga mata ko. Saktong nagda-drama ako nang bumakas ang pinto. Niluwa nun si Kuya Marco na halatang kagigising lang dahil sa nakasara pa ang isang mata nito. "R-rita?" Mabilis ko siyang tinalikuran at pasimple kong pinunasan ang luha ko. "S-abi ni Faye, tawag mo raw ako." "Yeah, pinatawag nga kita." "Kung may gusto kang sabihin, mamaya na lang. Bumaba ka na at mag-almusal dahil baka ubusan pa kita ng pandesal." Lalakad na sana ako para bumaba at bumalik sa kusina nang iharap ako ni Kuya Marco sa kaniya. Nakahawak siya sa magkabilang braso ko at tumingin sa akin. "Good morning, baby." "Ah.. eh good morning din, Kuya Marco." Anong pakulo naman nito? Bakit naman baby ang tawag niya sa akin? "You're crying?" "Hmmm?" Saka niya ako binitawan. "Namumula ang mata at ilong mo ah. Umiyak ka?" Iniwasan ko ang tingin niya. Bakit kaya ganoon ang mata niya? Parang may gustong ipahiwatig na hindi ko maintindihan. "Ah, hindi 'no. Bakit naman ako iiyak eh hindi naman ako artista." "May sinabi bang para sa mga artista lang ang pag-iyak?" "Mamaya mo na ako tanungin ng kung anu-ano. Bumaba ka na dahil uubusan ka talaga namin ng pandesal." "Hindi pa ako nagugutom. Gusto ko muna mag-exercise." "Exercise?" "Yes, exercise. It's good for our health. You also need to do the exercise para mas lalong lumakas ang resistensiya mo." "Ayokong mag-exercise. Hindi ko na kailangan niyan. Sige, bababa na ako." "Samahan mo muna ako, tara." Hinawakan niya ang kamay ko at hinila pababa ng hagdan. Tinungo namin ang isang maluwang na kuwarto na may mga gamit para sa pag-e-exersice. Isa lang ang namumukhaan ko sa mga gamit na iyon, iyong parang kalsada na puwedeng lakaran at takbuhan. ***** "Talaga bang wala kang plano mag-almusal?" pangungulit ko sa kaniya. Hindi kasi ako mapakali dahil basta-basta na lang niya ako hinila papunta rito. Hindi ko pa nababalikan ang mga pandesal. Hindi pa nga nangangalahati iyong kape ko eh. Kaya lang ayaw naman ako bitawan ni Kuya Marco kanina. Pinagpipilitan na samahan ko muna raw siya mag-exercise. Eh sa napapansin ko sa kaniya, parang wala namang kalatoy-latoy ang exercise na ginagawa niya eh. Naglalakad lang na parang tuod. "Mamaya ako mag-aalmusal pagkatapos ko rito." "Wala ka ng aalmusalin dahil naubos na iyon nila Papa at Faye." "Eh 'di bibili na lang tayo." Napatingin ako sa labas ng kuwartong iyon. Mayroon itong pintuan na naitutulak papuntang gilid. Mayroon itong malaking bintana na malapit sa garden, kaya naman tanaw mula sa kinauupuan ko ang mataas na sikat ng araw base sa liwanag na nagmumula sa labas. Hula ko, ay alas-nuwebe na dahil alas-otso ako bumangon kanina. Malamang ay wala ng tindang pandesal kapag ganitong oras na. Gusto ko rin subukan ang ginagawa niya kaya naman tumayo ako at lumapit sa kaniya. "Sige, halika,'' saad niya. Pinagpatuloy niya ang kaniyang paglalakad at binigyan ako ng espasyo para makapuwesto sa unahan niya. Hindi naman ako nahirapan makasabay sa paglalakad niya dahil mahina lang naman ang paandar niya. Dalawa kaming naglalakad ngayon sa treadmill. Nasa likod ko siya habang nasa harap naman ako, kung saan kita ko ang mga kung anu-anong pindutan na nasa harap ko. "Ang dami mong arte. Bakit kasi kailangan mo pa ng kasama eh mag-eexercise ka lang naman," pagsusungit ko sa kaniya. Mabuti na lang at nasa likod ko siya dahil hindi niya makikita ang iba't-ibang ekspresiyon ko habang nagsasalita siya. "Akala mo naman kung sinong napakang-busy na tao eh halos wala ka naman ginagawa dito sa bahay. Halos si Mang Danny naman ang nag-aasikaso sa atin dito eh." Malinaw kong naintindihan ang sinabi niya. Huwag lang niya talaga ako iinglesin. "Anong walang ginagawa? Hindi mo lang kasi nakikita dahil mas matagal kang nakababad sa lungga mo. Hindi mo napapansin na naglilinis ako ng mansiyon niyo, naghuhugas ng plato, nagwawalis, naglalaba ng mga damit mo, Señorito─" "W-What?!" Nagulat man ako sa pagkakasigaw niya ay kalmado pa rin naman kaming naglalakad sa treadmill. Hindi ako lumingon sa kaniya at baka panlakihan lang niya ako ng mata. "Ano na nga ulit ang sinabi mo?" "Nag...linis ng mansiyon─" "Hindi. The last part." "Ang alin ba?" iritable kong tanong. "Iyong pinakahuling sinabi mo." "Naglalaba ng damit mo─" "Gaya ng?" "Gaya ng puti mong salawal." "A-ano? Sa...sa...walal? Sawalal ba?" "Hindi sawalal. Sa-la-wal. Salawal." Mabagal kong binigkas ang salawal para mas malaman at maintindihan niya. "Ako ang naglalaba ng mga brief mo─AAAAHHHHHHH!!!" ********** - MARCO - God, this is insane. This can't be happening. I thought to myself. Dinig na dinig ko ang kabog ng dibdib ko, ang pagbilis ng t***k ng puso ko, ang pagdaloy ng kaba sa ugat ko, ang panginginig ko habang tinitingnan ang babaeng nasa ilalim ko. Malinaw sa memorya ko ang nangyaring aksidente kanina kaya sinapit namin ang ganitong posisyon. Mabuti na lang at mabilis kong naitukod ang dalawang kamay ko sa carpeted na sahig kaya hindi ko nadaganan si Rita na siyang nasa ilalim ko. Nakakunot-noo siya habang nakapikit. Parang may iniindang sakit sa kaniyang katawan. Nagtataka ako dahil hindi ko marinig ang boses niya. Tanging pagpintig ng puso ko lamang ang siyang malinaw sa aking pandinig. DUG DUG DUG DUG Bakit ganito? Anong nangyayari sa akin? Bakit sobrang lakas ng t***k ng puso ko? Mabilis ang naging pangyayari kanina. Pareho kaming naglalakad ni Rita sa treadmill habang nag-uusap. And of course, it's very clear what's going on with our conversation. "Akala mo naman kung sinong napaka-busy na tao eh halos wala ka naman ginagawa rito sa bahay. Si Mang Danny naman ang nag-aasikaso sa atin dito eh." "Anong walang ginagawa? Hindi mo lang kasi nakikita dahil mas matagal kang nakababad sa lungga mo. Hindi mo napapansin na naglilinis ako ng mansiyon niyo, naghuhugas ng plato, nagwawalis, naglalaba ng mga damit mo, Señori-" "W-What?! Ano na nga ulit ang sinabi mo?" Hindi ko na nakontrol ang boses ko at napalakas na ang pagkakasabi ko. I just want to verify something kaya agad akong nagtanong kahit hindi pa siya tapos sa sasabihin niya. Hindi kasi ako sanay na may ibang taong naglalaba ng damit ko bukod kay mama at Yaya Diva. "Nag...linis ng mansiyon─" "Hindi. The last part." "Ang alin ba?" She looks irritated. "Iyong pinakahuling sinabi mo." "Naglalaba ng damit mo─" "Gaya ng?" "Gaya ng puti mong salawal." "A-ano? Sa...sa...walal? Sawalal ba?" "Hindi sawalal. Sa-la-wal. Salawal. Ako ang naglalaba ng mga brief mo─AAAAHHHHHHH!!!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD