- MARCO -
"Hindi ko naman po damit ito eh. Kay Marifaye 'to." Tukoy niya sa isang t-shirt na hawak niya. "Oh, kay Marifaye din po ito na bra." Napanganga ako pagkakita sa b*a na hawak ni Rita.
Agad na inagaw ni Faye ang b*a at tinago sa likod nito. Napansin ko ang pamumula ng mukha nito habang nakatungo.
"Ako ang nagtupi at naglagay ng mga damit mo riyan, anak. Hindi ko lang siguro napansin na may ibang damit na nahalo riyan sa bayong."
"A-Ako po ang nag...lagay ng damit ko, Ma," Faye muttered.
"Huh? Bakit mo nilagay ang damit mo sa bayong?" Mang Danny asked his daughter.
"Gusto ko rin po magbakasyon dito. Puwede po ba, Mama? Papa?" Faye shyly mumbled.
Ow men. I murmered to myself.
**********
- RITA -
Humihikab akong lumabas mula sa kuwarto. Hindi ko alam kung anong oras na pero sobrang inaantok pa ako na gusto ko ulit bumalik sa pagtulog. Nakailang balik na yata si Faye sa kuwarto para gisingin ako at heto na, naglalakad na ako papunta sa kusina. Naabutan ko sila tatay at Faye na nag-aagahan na.
"Good morning, kambal," nakangiting bati sa akin ng kapatid ko.
"Magandang umaga rin," patamad na sagot ko. Sobrang antok pa kasi talaga ako eh. Gusto ko pa talaga bumalik sa kuwarto at humiga sa malambot na kama ni papa.
"Mag-almusal ka na. Ipagtitimpla na kita ng kape." Tumayo si papa at kumuha ng tasa. Pipigilan ko sana siya sa gusto niyang gawin dahil nakakahiya rin naman kung magpapasilbi pa ako. Pero grabe lang talaga, tamad na tamad pa talaga ako kumilos.
"Magmumog ka muna, Margarita, bago ka kumain. Nakikita ko pa ang panis na laway mo oh." May tinuro si Faye sa mukha ko at alam ko naman kung ano ang tinutukoy niya.
Dumiretso na lang ako sa lababo at binuksan ang gripo. Sinahod ko ang kamay ko para saluhin ang tubig, saka ako nagmumog.
Bumalik na akong muli sa mesa at saktong katatapos lang din ni papa magtimpla ng kape. Bigla na lang kumalam ang sikmura ko pagkaamoy sa aroma ng kape. Mas natakam din ako pagkakita sa kulay brown na supot. Alam na syempre kung ano ang laman nun, umuusok na pandesal. Parang biglang nawala ang pagkahilo ko sa antok nang makita ko si Faye na nilalagyan ng palaman ang pandesal ng dari cream.
Agad akong umupo at kumuha ng pandesal mula sa supot na papel nang magsalita si papa.
"Rita, gisingin mo ulit si Sir Marco."
"Po?"
"Ako na po, Pa." Nagtatakang sinundan ko ng tingin ang kapatid ko na mabilis na tumayo at lumabas ng kusina.
"Sige na, anak. Kumain ka na."
"Pa, ano po iyong sinabi niyo?"
"Aysus, nagbingi-bingihan na si Rita."
"Hindi ko po talaga masyadong narinig iyong sinabi mo, Pa. Ano nga po iyon?" pangungulit ko.
Hindi agad nakasagot si papa dahil kasalukuyan itong ngumunguya ng pandesal. "Pinapagising ko ulit si Marco. Umakyat na kasi ako roon kanina para sana sabay-sabay na tayo mag-almusal. Eh sabi, balikan na lang daw siya after 30 minutes,"
"Ah... iyon pala." Ang sipag naman po yata ng kapatid ko at agad tumayo para sundin ang utos niyo. Gusto ko pa sana idugtong sa sinabi ko pero huwag na lang.
Nagkibit-balikat na lang ako at pinagpatuloy ang paghiwa ng pandesal sa gitna. Saka ko kinuha ang kutsarita at kumuha ng kapiranggot na dari crème at pinahid sa mainit-init pa na pandesal. Nakakatuwang tingnan na agad lumambot ang dari crème dahil sa init ng tinapay. Pagkatapos malagyan ng palaman ay sinawsaw ko pa ito sa umuusok na kape saka sumubo ng malaki.
Hmmm, ang sarap talaga ng pandesal!
"Rita, tawag ka ni Marco." Napasulyap ako sa kapatid ko na umupo sa tapat ko. Nakasimangot itong pinagpatuloy ang pagkain. Hindi rin nakaligtas sa pandinig ko ang pagkakatawag niya kay Kuya Marco. Matanda sa amin ng dalawang taon si Kuya Marco pero para sa kaniya ay parang ka-edad lang niya dahil pangalan lang ang binanggit niya.
"B-Bakit d-aw?" sagot ko habang ngumunguya.
"Ewan ko. Tanungin mo siya." Hindi tumitingin sa akin si Faye. Mukhang masama na naman ang timpla nito ngayong umaga ah.
Close kami ni Faye. As in sobrang malapit kami sa isa't-isa, na sa sobrang lapit namin, minsan nagkakainisan na kaming dalawa. Pero natural lang iyon sa magkapatid. Ang may away na, g**o pa. Si Faye kasi ay tahimik na tao. Bihira magsalita. Himala nga ang nangyayari ngayon dahil dumadami na ang mga lumalabas sa bibig niya. Kambal man kaming dalawa, marami pa rin kaming pagkakaiba.
Una na riyan ay ang mukha. Oo at magkahawig kami. Pero hindi kami katulad ng ibang kambal na sobrang magkamukhang-magkamukha. Na para bang isang tao lang sila na may dalawang katawan. Mas maganda siya, ako hindi gaano. Mas maganda at makinis ang kutis niya, ang sa akin ay magaspang. Mas maganda ang ngipin niya, sa akin ay hindi. Ang magandang puntos ko lang yata sa kaniya ay mas matangkad ako ng two inches sa kaniya. Magkasing-katawan naman kami. Pareho naman na matangos ang ilong namin. Iyon lang naman ang pansin ko na pagkakaiba at pagkakapareho namin pagdating sa pisikal na anyo. Pero kung susumahin, mas marami ang magagandang puntos niya kumpara sa akin. Marami rin kasi ang nagsasabi na mas maganda talaga ang kapatid ko. Hindi ko na kinokontra ang mga naririnig ko tungkol doon, sang-ayon din naman ako sa kanila na maganda talaga ang kakambal ko.
Pangalawa ay ang pag-uugali. Tahimik siya, ako naman ay maingay. Matalino siya, ako hindi. Mahinhin siya, ako hindi. Marami siyang talento, samantalang ako, wala yatang nasalo mula sa biyaya ng Panginoon.
Pero mayroon naman akong maipagmamalaki na alam kong wala si Faye. Alam ko kasi na sa aming dalawa, mas matapang at buo ang loob ko, kaya kong harapin ang sino mang tao na mang-aapi sa pamilya namin. Minsan na kasing may humamak sa pagkatao ng magulang ko. Kesyo pulubi raw kami, wala raw pinag-aralan sina mama at papa, mga mangmang daw. Nang marinig ko iyon mula sa mapang-kutyang mga tao, hindi ko na napigilan pa ang emosyon ko at agaran kong pinagtanggol ang mama ko. Parents meeting kasi noon sa school. Ang umattend para sa akin ay si Mama, tapos kay Faye ay si Kuya Yong. Pareho kaming Grade 11 ni Faye pero magkaiba ang section namin. Section 1 siya at ako naman ay nasa section 9. Nang matapos kasi ang meeting nila, narinig ko ang bulungan ng ibang magulang patungkol sa mama ko. Kahit si mama ay narinig din iyon.
"Sino ba ang anak nun?"
"Si Rita. Iyong badjao girl."
"Badjao girl?"
"Oo, iyan kasi ang tawag doon sa batang iyon."
"Nakakahiya naman ang nanay niya. Pumunta pa sa meeting eh halata naman na wala siyang naintindihan sa mga pinagsasabi ng Teacher."
"Ang pagkakaalam ko, hindi iyon nakapag-aral. Parang Grade 1 lang yata ang natapos niya eh."
"Oh, kita mo na? Tapos hindi pa marunong magsulat at magbasa. Siguradong bobo rin ang anak niya."
"Balita ko may kakambal ang anak niya na nasa Section 1. Siguradong matalino iyon dahil hindi naman iyon mapupunta sa Section 1 kung hindi."
"Ah, masuwerte sila sa anak nila na nasa Section 1. Eh iyong nandito sa Section 9? Ano nga ulit pangalan ng batang iyon? Rita? Poorita?" at sabay silang humalakhak na siyang nagpanginig ng buong sistema ko sa katawan.
Nang marinig ko ang pinag-uusapan ng dalawang magulang na iyon, nanginginig na sumugod ako at hinarap ko sila. Ipinaglaban ko ang mama ko kasi nalaman ko na narinig din niya ang lahat ng pinagbubulungan ng mga gurang na iyon. Hindi ako makakapayag na tapakan nila ang pagkatao ko, ang pagkatao ng pamilya ko, lalo na ang mga magulang ko. Sinagot-sagot ko sila. Hindi ko na inintindi kung maraming estudyante ang nanonood sa amin. Kahit pa na may mga Teacher sa paligid ko ay pinagpatuloy ko ang pagtatanggol sa nanay ko. Hindi ko kinaya na makitang umiiyak ang mama ko dahil sa mapanirang panghuhusga sa pamilya ko. Iyon ang hinding-hindi ko matatanggap. At mas lalo pang nadurog ang puso ko nang makita ko si Faye na pinagmamasdan kami ni Mama sa gitna ng laban.
"Faye, pigilan mo ang kakambal mo. Nagwawala na oh." Umaagos na rin ang luha ko nang marinig ko mula iyon sa isang estudyante. Nakita ko ang kakambal ko noon, nakatunghay lang sa aming dalawa ni mama. Imbes na lapitan niya kami at tulungan, takot na takot siyang umalis at iniwan kami.
"Anak, okay ka lang ba?" Bumalik sa kasalukuyan ang kamalayan ko nang makita ko ang nag-aalalang mukha ni papa. Napatingin din sa akin si Faye na halatang nagtataka.
"Kambal, anong nangyari sa iyo?"
Gusto ko na talaga kalimutan ang masakit na eksena na iyon kahit pa na noong nakaraang taon lang iyon nangyari. Ayaw ko magtanim ng sama ng loob sa kapatid ko kaya pilit ko iyon binubura sa isip ko. Hindi namin pinag-usapan iyon ni Faye dahil ayaw kong magkasamaan pa kami ng loob. Hindi alam nila papa at mama ang nangyaring iyon. Tikom ang bibig ko sa bagay na iyon.
"W-wala. Okay lang po ako. Sige, akyat lang po muna ako. Sunduin ko lang po si Kuya Marco."
*****