- RITA -
Lumakad na ako para pumasok sa bahay nang magulat ako sa sumigaw. "Hey you!" Lihim akong napangiti at bumalik muli para silipin siya sa veranda. Mukhang nagtagumpay ako sa ginawa ko. Napalabas ko sa siya sa kaniyang lungga.
Walang ilaw sa labas ng bahay kaya madilim mula sa kinatatayuan ko. Nang mga oras na iyon ay walang buwan kaya may kadiliman talaga sa labas. Hindi ko masyado maaninag ang mukha niya dahil wala rin ilaw na nagmumula sa kuwarto niya. Pero sigurado akong nakatingin siya sa akin. Nakatingala lamang ako sa kaniya habang nakahawak siya sa barandilya ng veranda. Hinintay ko na magsalita siya ulit pero walang lumabas sa bibig niya. Nanatili lang siyang nakatungo at nakatingin sa direksiyon ko.
"K-Kuya Marco..." mahinang bulong ko.
"Get inside. Dalhan mo ako ng makakain."
"P-po?" Hindi ako sigurado sa narinig kaya pinaulit ko muli sa kaniya ang sinabi niya. Basta may narinig lang ako sa sinabi niya na pagkain.
"Ayoko ng paulit-ulit. Bilisan mo!" at pumasok na siyang muli sa loob ng kuwarto niya. Habang ako naman ay napatakbo para pumasok sa loob ng bahay.
Mukhang gutom na ang baby damulag.
Nagmamadali akong kumilos para ihanda siya ng makakain. Si papa ay nagpapahinga na sa loob ng kuwarto at hindi ko na siya inabala sa pag-aasikaso sa pagkain ni Kuya Marco. Si papa ang nagluto ng chicken curry. Masarap siya magluto. Isa rin iyon sa dahilan kung bakit naligaw ako sa paghahanap sa kaniya. Nami-miss ko na kasi ang mga luto ni papa.
Nang maisaayos ko lahat ng pagkain niya ay kumuha ako ng tray para ilagay doon ang saging, kanin at chicken curry. Kumuha na rin ako ng isang basong tubig at maingat na nilagay iyon sa tray. Dahan-dahan kong nilakad mula sa kusina, paakyat sa pangalawang palapag. Nakatayo na ako sa harap ng pintuan ni Kuya Marco. Huminga muna ako ng pagkalalim-lalim bago ako nagsalita.
"Kuya, nandito na po ang pagkain niyo," saad ko nang may ngiti sa labi.
Gusto ko siyang pasayahin, kahit pa na ilang araw niya akong iniwasan at hindi pinansin. Gusto kong maging magkaibigan kaming dalawa. Kahit pa na mayaman siya at mahirap lang ako, wala akong pakialam.
''Come in." Lumawak ang ngiti ko sa sinagot niya. Mukhang kaunting kembot pa at mapapalambot ko rin ang puso ng isang ito.
Bahagya kung tinulak gamit ang kaliwang braso ko ang pintuan sa pag-aakalang iniwan niya na itong nakabukas para makapasok ako agad. Hawak ko kasi ang tray kaya wala akong kamay na maaaring gamitin para buksan ang pintuan. "Kuya, wala po akong kamay. Pakibukas naman po ang pintuan," hinging saklolo ko.
Maya-maya pa ay bumukas nga ang pintuan pero hindi ko siya nakita. Madilim sa loob kaya nag-alangan akong pumasok. Biglang pumasok sa alaala ko ang pagpasok ko dito noong isang linggo para gisingin siya ng alas-tres ng madaling araw. Wala rin ilaw noon sa kuwarto niya pero hindi ganito kadilim kasi maliwanag ang sinag ng buwan noon kaya kahit hindi nakasindi ang ilaw, nakita ko agad siya.
"Kuya, pakibukas din po ng ilaw, please."
Mabilis na rumesponde si Kuya Marco dahil nagkaroon ng kaunting liwanag mula sa loob. Hindi ako agad pumasok. Sumilip lang muna ako at nakita ko siyang nakaupo sa kama, paharap sa veranda. Ang kakapiranggot na liwanag ay nagmumula pala sa tabi ng kama niya. Hindi ko alam ang tawag doon pero mukha siyang lampara, parang mas pinabonggang sosyal na lampara na kulay orange or yellow yata ang ilaw. Parang maliwanag pero nadidiliman pa rin ako sa loob ng kuwarto niya.
Nakatalikod siya sa akin. Parang nakatanaw lang siya sa labas ng veranda niya. Iyon ang gusto ko sa kuwarto niya. Tanaw mula sa loob ang magandang karagatan. Maaari mo rin makita mula sa kuwarto niya ang paglitaw at paglubog ng araw.
"Kung wala kang kamay, pa'no mo nahahawakan iyang tray?" Noong una, hindi ko agad naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. Pero bandang huli, na-gets ko rin ang sinabi niya. Pilosopo rin pala si Kuya Damulag. "Ano pang tutunga-tunga mo riyan? Dalhin mo dito ang pagkain ko," mariing utos niya habang nakatalikod sa akin.
"T-tutunga-tunga? Ano iyon?" tanong ko.
Mukhang nagalit ang baby damulag dahil mabilis itong lumingon sa akin. Kahit papaano, nakita ko na rin sa wakas ang mukha niya. Nahabag ako sa hitsura niya. Namamaga ang mata. Para ngang may sore eyes siya dahil sa pamumula nito.
"Could you please shut up?! It makes me sick hearing your ugly voice. Just come here and feed me!"
Labis akong nagulat sa lakas ng boses niya. Ang mukha niya, ugh! Parang gusto kong ipulupot ang kumot sa mukha niya dahil sa sobrang bangis ng pagkakatingin niya sa akin. Sana lang ay hindi umabot sa kuwarto ni papa ang lakas ng boses niya dahil baka mapasugod iyon dito at lumala lang ang sitwasyon. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko sa sinabi niya. Alam kong english iyon pero medyo mahina pa ako pumick-up ng salitang sosyal kaya ang nasabi ko na lang ay "K-kuya, h-huwag ka naman sana magalit. I-ito na nga at pinaghanda na kita ng pagkain."
Medyo kumalma naman siya nang sinabi ko iyon sa kaniya. Bumalik siya ulit sa pagtanaw sa labas. Napabuntong-hininga naman ako sa inaasal niya. Alam kong may problema siya pero sana naman, huwag niya ibaling sa akin iyon kasi hindi naman ako kasali sa away nila.
Lumapit ako sa kaniya. Hindi ako tumingin sa mukha niya dahil baka magbagong-anyo na ito nang hindi ko namamalayan. Basta ko lang nilapag ang tray sa ibabaw ng drawer kung saan nakalagay ang magandang lampara at lumakad din paalis. Hindi ko pa man nararating ang pintuan ay nagsalita ito.
"Stay with me for a while."
Natigilan ako sa sinabi niya.
"P-ple....aseeee."
Lumingon ako sa kaniya. Naintindihan ko ang salitang please. Pero ang una niyang sinabi ang hindi ko talaga maintindihan. Nahihiya naman ako magtanong kung ano iyon at baka magbago na naman hitsura niya kaya tumahimik lang ako habang nakatingin sa kaniya. Nang hindi ako sumagot sa sinabi niya ay saka siya lumingon sa akin. Tinapik niya ang katabing espasyo sa kama niya. Mukhang pinapaupo niya ako roon. Sinunod ko naman siya. Baka kailangan niya ng taong makakausap.
Nang makaupo na ako sa tabi niya ay deresto lang akong tumitig sa labas. Naramdaman ko ang ihip ng hangin sa mukha at balat ko. Ang nakalugay kong buhok ay parang dinuduyan dahil sa ihip ng hangin. Ang siste, lumilipad sa mukha ko ang buhok ko.
"Para kang bruha,'' mahinang wika niya.
Inayos ko ang buhok ko at inipon iyon sa kanang kamay ko. Wala akong tali kaya hindi ko ito maipuyod. Nang mapansin niya na patuloy pa rin nililipad ang buhok ko ay bigla na lang niya hinawakan ang balikat ko at pinatalikod sa kaniya. Syempre nagtaka ako sa ginawa niya pero hindi na ako pumalag dahil tiwala naman ako na wala siyang gagawin masama sa akin. Hinintay ko ang susunod niyang gagawin. Kinuha niya ang buhok ko kaya binitawan ko na iyon sa pagkakahawak ko. Naramdaman ko ang gusto niyang mangyari. Lihim akong kinilig at napangiti sa ginawa niya.
Ang tamiiis niya!
Nang maitali na niya ang buhok ko ay agad akong tumingin sa kaniya. Naroon pa rin ang pamumula ng mata at mukha niya. Pero kumpara kanina na para siyang halimaw, medyo maayos na siya ngayon.
"Salamat, Kuya Marco. Kaninong tali itong ginamit mo sa buhok ko?" Kinapa ko ang taling ginamit niya. Mukhang pang-ponytail talaga iyon na ginamit niya.
"Sa akin."
"H-huh? Bakit may panali ka sa buhok? Hindi naman mahaba ang buhok mo ah,'' takang tanong ko.
Hindi siya nagsalita. Inayos niya ang tuktok ng buhok niya at minuwestra sa akin ang pala-pulsuhan niya na mayroon pang panali sa buhok. Kahit hindi niya sabihin, naintindihan ko na gusto niyang talian ko rin ang buhok niya. Kinuha ko ang itim na ponytail sa pala-pulsuhan niya at tinalian din ang buhok niya gaya sa ginawa niyang pagtali sa buhok ko na hindi ginamitan ng suklay. Natawa ako pagkakita sa hitsura niya.
"Ikaw na ngayon si Ate Marsha."
"Duh. I'm not a girl." Kumilos siya na parang pa-girl pero mas maganda yata sabihin na para siyang bakla. "Ang guwapo ko kaya," sabay pogi-sign.
Hindi ko na naman mapigilan ang hindi matawa sa joke niya. Pa'no ba naman kasi, ang cute-cute niya!!! "Kaya nga guwapo ka, Kuya Marco. Huwag ka ng magalit or malungkot kasi nasisira ang kaguwapohan mo eh."
"Guwapo ba ako?"
"Oo naman! Mas guwapo ka pa kaysa doon sa inglis speaking na amerikano."
"He's a German," pagtatama niya sa sinabi ko.
"German? Ah, taga-Germany siya? Eh iyon nga, amerikano siya kasi nag-iinglis siya."
"German and American is different eventhough they speak english."
Napasimangot naman ako sa sinabi niya kasi hindi ko na naman masyado maintindihan. Pero nagkunyari na lang ako at umaktong parang alam ang bawat sinasabi niya. "Teka, ang labo naman 'nung sinabi mo. Basta iyon na iyon. Mas guwapo ka kaysa kay German."
"You think so?" Iyon na naman ang malungkot niyang mukha. "Kung mas guwapo ako kaysa kay German, bakit siya ang nagustuhan ni Hyacinth at hindi ako?"
"Kuya Marco, wala ka bang bilib sa sarili mo? Hindi naman panglabas na anyo ang basehan para magkagusto ang isang tao. Minsan, mas kailangan natin pairalin ang puso kaysa mukha. Sabi nga ni Papa, ngayon maganda at guwapo ka, pero darating din ang panahon na kukulubot din ang mga kutis natin at kapag dumating iyon na matatanda na tayo, halos magkakamukha na tayo kasi lahat tayo, kulubot na."
Sukat sa sinabi kong iyon ay bigla na lang siya tumawa ng malakas. As in para siyang baliw na tawa nang tawa. Napatanga na lang ako sa kaniya kasi hindi ko alam kung alin sa sinabi ko ang nakakatawa. Ang pagkakatanda ko kasi, sobrang seryoso ako nang sinabi ko iyon sa kaniya. Hindi ako nagpapatawa kaya ano ang tinatawa-tawa nito? Halos hindi ko na nga makita ang bilog sa mata niya sa sobrang saya niya.
"I like you," mangiyak-ngiyak niyang sinabi iyon sa akin. Baliw na ba ito? Ngayon naman ay nagpupunas na ito ng luha sa mata. Tumatawa pero umiiyak?
Dahil hindi ko siya maintindihan ay pagalit akong tumayo at tinuro sa kaniya ang pagkain niya. "Tigilan mo ako, Kuya Marco huh. Kainin mo na itong pagkain mo dahil hindi na masarap kapag lumamig ang ulam mo."
"Subuan mo muna ako,'' Sabay buka ng bibig.