"Hindi na ba magbabago ang desisyon mo Vienna? aampunin mo si Billy? Alam mo na magiging malaki ang responsibilidad mo kapag nasa pangangalaga mo na siya. Kakayanin mo ba Vienna? Hindi ka ba mahihirapan?"
Kausap ko ngayon si sister Celia. Siya ang una kong sinabihan pero mukhang hindi siya pumapayag sa gusto ko.
"Sister alam ko na kapag nasa puder ko na si Billy, responsibilidad ko na siya. Gusto ko lang po na magkaroon ng maayos na buhay si Billy. Sister, dumadami na ang mga bata rito sa orphanage at pito lang kayong nag-aalaga sa kanilang lahat. Gusto ko lang po makatulong, hindi na po iba sa'kin si Billy at parang totoo ko na siyang kapatid. Mas maaalagaan siya kapag nasa puder ko na po siya. Huwag po kayong mag-alala, maghahire po ako ng private nurse at kasambahay para maalagaan siya kapag may pasok ako. Ako na po ang bahala sister, kaya ko po ang lahat," mahabang paliwanag ko. Ngumiti naman si sister Celia at sa tingin ko pumapayag na siya.
"Alam ko na papayag sina sister Fely sa gusto mo. Pero kailangan pa rin nating sundin at tanggapin kung ano man ang magiging desisyon ng nakakataas."
Kinakabahan ako, pero hindi na magbabago ang desisyon ko. Sana pagpalain ako ng diyos, sana matulungan niya 'ko at sana huwag niya 'kong iiwan sa hamon na ito.
SEBASTIAN'S POV
Muntikan ko pang makalimutan na may practice pala kami ni Vienna ngayong araw. Buti na lang nagising ako mga bandang 9 am, naligo at nagbihis din naman ako agad-agad. Ngayon papalabas na 'ko ng bahay at sana naman hindi magalit sa'kin si Vienna.
Pagkarating ko sa nakaparada kong kotse, sumakay na rin naman ako at pinaandar na ito. Nakatanggap naman ako ng tawag kay Britt nang makaalis na 'ko sa bahay.
(Good morning pre, kumusta naman ang tulog mo? Napanaginipan mo ba si Vienna?) Kay aga-aga ito agad ang bungad niya sa'kin at tinawanan niya pa talaga ako sa kabilang linya.
"Ayos lang, I'm on my way papuntang orphanage. Bakit ka napatawag?" walang emosyong sagot ko.
(Gano'n ba, wala naman pre at gusto lang talaga kitang kamustahin. By the way pre, diba wala namang nabanggit sa'tin si Vienna noon na nagdodonate si tito Rey sa isang orphanage? Hindi ka ba nagtataka kung bakit nandoon siya at may inaalagaang bata?)
Nang banggitin 'yon ni Vienna, na sa orphanage siya pansamantala nakatira dahil sa may inaalagaan siyang bata ay nagtaka rin naman ako. Hindi ako makapaniwala, wala siyang kahit na anong kinuwento sa'min noon tungkol sa isang orphanage. Hindi masikreto si Vienna, lahat kinukwento niya.
"Hindi ko alam, hindi na rin naman ako nag-abala pang itanong 'yon sa kaniya," sagot ko.
(Mabuti pa, itanong mo na lang sa mga madre. At baka may makuha kang impormasyon tungkol sa mga nangyari sa kaniya 3 years ago)
Tama si Britt. Sa tingin ko nakasama na nila si Vienna noon, alam nila ang lahat ng mga nangyari. Baka kapag nalaman ko na ang lahat, mawala na rin ang galit sa puso ko dahil sa biglaang pagkawala niya.
(Pre kailan tayo aamin kay Vienna? Nahihirapan na 'kong itago sa kaniya ang totoo. Alam niya na ang dahilan kung bakit nagbago ang pagtrato mo sa mga babae. Hindi niya alam na siya ang tinutukoy ko sa kuwento at kapag nalaman niya, masasaktan siya. Mahihirapan siyang tanggapin ang buong katotohanan tungkol sa'kin, kay Enzo at lalo na sa kung anong meron kayo noon at kung sino ka sa buhay niya)
Kagabi, nagdesisyon na 'kong magpakilala at sabihin kay Vienna ang totoo. Hindi ko kayang gawin ang gusto ni Vince, na iwasan ko ang kapatid niya. Kahapon, na realize ko ang lahat nang makasama ko siya sa bahay. Kaya ko siyang hindi kausapin pero hindi ko kaya na iwasan siya.
Tama si Vince, masasaktan ko si Vienna at masisira ko ang buhay niya. Pero mangyayari pa rin ang lahat ng 'yon, masasaktan ko pa rin siya. Sa tingin ko, si Vienna naghahanap na ng paraan para malaman ang lahat tungkol sa nakaraan niya. Bago pa niya malaman ang lahat, aamin na 'ko sa kaniya.
"Hangga't hindi niya pa alam ang lahat, aamin na tayo sa kaniya. Hahanap ako ng tamang tiyempo kung kailan natin siya pwedeng kausapin tungkol diyan."
(Salamat pre, salamat sa pang-unawa mo. Alam ko na magiging mahirap 'to sa'yo pero wala na tayong choice dahil hanggang ngayon hindi niya pa rin tayo naaalala)
Akala ko nung dinala ko siya sa bahay kahapon, may maaalala siya ngunit hindi naging kakaiba ang mga kilos niya. Na parang 'yon pa lang talaga ang unang punta niya sa bahay.
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko para bumalik ang ala-ala niya. Naibigay ko na ang mga bagay na gusto niya, naipakita ko na sa kaniya ang isang alagang hayop na pinakaayaw niya, at dinala ko na siya sa bahay na punong-puno ng memories naming dalawa pero wala pa rin. Isa na lang ang tanging paraan at 'yon ay ang umamin kami sa kaniya. Alam ko na mahihirapan siyang tanggapin ang lahat ngunit kailangan niya ng malaman kung sino ba kami sa buhay niya.
VIENNA'S POV
Hays, nakakapagod, nagsisi tuloy ako kung bakit sumali pa 'ko sa laro ng mga bata. Sumali ako sa larong habulan pero ako naman lagi ang taya, kasi ang bilis nila tumakbo at ako ang tinatarget nila. Sino ang hindi mapapagod? Ang bagal ko pa naman tumakbo.
"Ate Vienna! Ate Vienna," tawag nila sa'kin. Hindi ako lumingon, baka kasi maloko na naman ako. Lagi akong taya dahil sa trip nilang gan'yan.
"Ate Vienna! May bisita ka po," napatigil naman ako sa pagtakbo. 'Di kaya si Sebastian ang tinutukoy nila? Dahan-dahan naman akong napalingon, siya nga at pinalilibutan na siya ng mga bata ngayon. Kaya napatakbo na 'ko patungo sa direksyon niya pero hindi ko man lang napansin na kanina pa pala niya 'ko tinitingnan.
"Kuya kayo na po ba ang boyfriend ni ate?"
"Ang gwapo niyo po."
"Bagay po kayo ni ate Vienna."
'Yan ang paulit-ulit nilang sinasabi, hindi naman makasagot si Sebastian.
"Mga bata.." Buti na lang dumating si sister Louisa at napigilan niya ang mga bata.
"Magandang umaga po," bati naman ni Sebastian sa kaniya.
"Magandang umaga rin sa'yo hijo. Pagpasensiyahan mo na itong mga bata, sadyang makulit lang silang lahat," sagot ni sister.
"Okay lang po, wala pong problema sa'kin 'yon," nakangiting sambit ni Sebastian na ikinagulat ko.
"Salamat naman kung gano'n hijo. Vienna ikaw na ang bahala rito sa kaibigan mo, maiwan na muna namin kayo." At umalis din naman si sister kasama ang mga bata.
"Napagod ka yata?" biglang tanong niya. Napatingin tuloy ako sa kaniya, halata kaya sa itsura ko ngayon?
"Ayos lang ako," sagot ko at napaiwas ng tingin sa kaniya.
"Here, punasan mo 'yang pawis mo," aniya sabay abot sa'kin ng panyo.
Hindi ko naman agad kinuha at tinitigan lamang ito. Pero bigla siyang napabuntong hininga at siya na ang kusang nagpunas ng pawis ko gamit ang panyong inabot niya. Nagulat talaga ako at hindi ko napigilan ang sarili ko na mapatingin sa kaniya.
'Bakit mo ba 'to ginagawa Sebastian? Nang dahil sa ginawa mo, naghuhumintado sa kaba ang puso ko.
"Ayusin mo nga 'yang itsura mo, para kang bata sa kalye," biglang sabi niya sabay alis nito. Inambahan ko naman siya ng suntok, buti na lang hindi siya lumingon. Baliw talaga ang lalaking 'yon, matapos akong punasan, nilait niya naman ako agad.
Nagtungo siya sa nakaparada niyang kotse at pagkabalik niya, may bitbit na siyang dalawang plastic ng mga pagkain at isang box ng cake. Bakit kaya ang bait niya ngayong araw? Ano kaya ang nakain niya?
"Here, dumaan ako sa supermarket para bumili nito. Pakibigay na lang kina sister at para naman sa'yo 'tong cake," aniya. Napahawak na tuloy ako sa leeg at noo niya na ipinagtaka niya. Wala naman siyang lagnat pero bakit ang bait niya?
"May problema ba?" takang tanong niya.
"Nevermind, tulungan na lang kita sa pagbitbit niyan," sagot ko.
Binigay ko rin naman ang isang plastic sa mga bata at gano'n din ang isang plastic kay sister Celia. Pinuntahan ko rin naman si Sebastian at kasalukuyan siyang nag-sta-strum ng gitara. Naupo na lang din naman ako sa tabi niya at nakinig sa tinutugtog niya. Hindi ko naman napigilan ang sarili ko na kumanta at sumabay sa kaniya.
Napaiwas ako agad ng tingin sa kaniya nang mapatingin siya sa'kin.
"Si-simula na tayo," nauutal na sambit ko. Bakit parang bigla akong nahiya sa kaniya?
Hays ano ba naman 'tong nararamdaman ko? Hindi kaya nagsisimula na 'kong magkagusto sa kaniya? Pero bakit? paano?
SEBASTIAN'S POV
Kakatapos lang ng practice namin ni Vienna, kasalukuyan akong nakaupo ngayon habang siya hindi ko alam kung nasaan. Pagkatapos ng practice bigla na lang siyang umalis ng walang pasabi. Nakapagtataka ang mga kinikilos niya, kasi kanina habang kumakanta siya, mararamdaman mo ang kaba sa boses niya.
"Hijo kumain ka na muna," wika ni sister Louisa nang magtungo siya sa direksyon ko. Nilapag niya sa mesa ang pagkaing dala niya.
"Salamat po, asan nga po pala si Vienna?" tanong ko.
"Nasa kwarto niya, siguro nagbibihis. Bakit may kailangan ka ba sa kaniya?"
"Ahh wala po, salamat po ulit dito."
"Walang anuman hijo, kapag may kailangan ka huwag kang mahiyang magsabi sa'kin," nakangiting sambit niya.
"Sister Louisa, pwede ho ba 'ko magtanong sa inyo?" tanong ko. Siguro ito na ang tamang oras para itanong ang bagay na 'yon sa kaniya. Hindi ko na sasayangin ang pagkakataong ito.
"O sige hijo, ano 'yon?" sagot din naman niya at naupo na siya sa bakanteng upuan.
"Nabanggit ho sa'kin ni Vienna na may inaalagaan daw siyang bata?" simulang tanong ko.
"Oo, pero maayos na ang lagay ng bata. Ayun siya, si Billy," sagot niya sabay turo sa isang bata na nakaupo habang naglalaro ng chess.
"Malapit siya kay Vienna, kaya hindi siya nagdalawang-isip na pumunta rito no'ng hanapin siya ni Billy. Sobra kaming nagpapasalamat kay Vienna kasi nang dahil sa kaniya naging maayos na ang lagay ng bata. Ang sabi pa nga niya saamin noon, si Billy daw ang pinakamagandang regalong natanggap niya sa buong buhay niya," dugtong pa ni sister. Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Hindi ko maintindihan.
"Ano po ang ibig niyong sabihin?" takang tanong ko.
"Si Billy ang dahilan kung bakit gumaling si Vienna. Unti-unting bumalik ang mga ala-ala ng ate niya nang dahil sa kaniya."
Unti-unti? Pero bakit hindi niya 'ko nakilala o naalala?
"Alam mo ba kung ano ang nangyari kay Vienna?" tanong ni sister. Masama man ang magsinungaling sa taong kaharap ko ngayon pero kailangan kong gawin para may malaman akong impormasyon.
"Ayoko mang ikuwento 'to sa'yo kasi baka magalit si Vienna pero dahil sa kaibigan at kaklase ka niya kailangan mo ring malaman. Na aksidente si Vienna noon, dalawang linggo siyang na coma at wala siyang ni isang nakilala mula noong magising siya. Kaya nagdesisyon ang papa niya na dalhin siya rito at dito patirahin para magpagaling at maka-recover mula sa nangyaring aksidente. Sa halos isang taon na pananatili niya rito, gumaling siya dahil na rin sa tulong namin at ng mga bata. Nakaalala siya ng konti, hindi man buo pero malaking bagay na 'yon sa kaniya. Kaya malaki ang pasasalamat niya sa mga bata lalo na kay Billy dahil sa tulong nila."
Natahimik na 'ko dahil sa mga nalaman ko. Alam ni tito Rey ang tungkol dito? Siya ang dahilan kung bakit hindi ko mahanap si Vienna noon? Desisyon niyang dalhin dito ang anak niya para ano? Mailayo sa'kin? Sa'min?
"At hindi ko lubos akalain na magdedesisyon si Vienna na ampunin si Billy para sa kaligtasan nito. Wala man siyang ibang maalala pero hindi naman nagbago ang ugali niya mula noong una ko siyang makilala."
Parang hindi ako makahinga, nahihirapan akong huminga dahil sa mga sinabi niya. Bakit nagawa ni tito Rey na ilayo sa'min, sa'kin si Vienna? Bakit hindi niya 'ko sinabihan noon kung nasaan ang anak niya? Hindi ko akalain na magagawa niya 'yon para sa ikabubuti ni Vienna, ang itago sa'kin ang lahat.