VIENNA'S POV
Napatakbo na 'ko palabas ng orphanage nang marinig kong sumigaw si sister Louisa at humihingi ng tulong. Ano ba kasi ang nangyari? Kinakabahan na rin ako.
"Vienna! Dito, si Sebastian," tawag sa'kin ni sister Celia. Tumakbo ako patungo sa direksyon nila at naabutan ko na nahihirapang huminga si Sebastian.
"Ano po ang nangyari?" tanong ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, nanginginig na rin ang buo kong katawan.
"Nag-uusap lang naman kami at napansin ko na lang na nahihirapan na siyang huminga," kinakabahang usal ni sister Louisa.
"Sebastian, Sebastian hey, tumingin ka sa'kin. Sebastian kailangan mong kumalma," ani ko at hinawakan siya sa mukha. Umiiyak siya, ano ba kasi ang pinag-usapan nila at ito ang nangyari sa kaniya?
"Vienna papunta na ang ambulansiya, kailangan na natin siyang dalhin sa ospital."
Hindi ko na pinansin ang sinabi ni sister Celia, mas nag-aalala ako ngayon sa sitwasyon ni Sebastian. Wala na 'kong ibang naisip na pwedeng gawin kundi ay ang yakapin na lamang siya.
"Taha na, please kailangan mong kumalma. Andito lang ako okay? Hindi kita iiwan." Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit nangyari 'to sa kaniya ngunit ramdam ko na nasasaktan siya.
"Buti na lang walang masamang nangyari sa kaniya at bumalik din sa normal ang paghinga niya. Hindi kagaya noon, mas malala pa diyan ang nangyari sa kaniya."
Kausap ko ngayon si Britt, siya ang una kong tinawagan para ipaalam ang nangyari sa kaibigan niya. Hindi na dinala si Sebastian sa ospital at mas pinili niyang dito na lang magpahinga. Kasalukuyan siyang nasa kwarto ko, natutulog habang may nakakabit na oxygen sa ilong niya.
Kinuwento na sa'kin ni sister Louisa kung ano ang pinag-usapan nila ni Sebastian kanina. Hindi ko akalain na magrereact siya nang gano'n na naging dahilan para mahirapan siyang huminga. Ang sabi ng nurse kanina, traumatic stress daw ang nangyari sa kaniya. Kuwento ni Britt, nangyari na raw 'yon kay Sebastian after siyang iwan ng mom niya at ng babaeng mahal niya. Sa tuwing naaalala raw niya ang pangyayaring 'yun, bigla na lang siyang hindi makahinga. Wala naman daw siyang sakit sa puso, gano'n lang daw ang epekto sa kaniya nang nakaraan niya.
"Vienna, salamat sa ginawa mong tulong sa kaibigan ko. Niligtas mo siya, pinagaan mo ang sakit na nararamdaman niya," nakangiting sambit ni Britt. Naalala ko naman bigla ang mga sinabi ko sa kaniya kanina.
Hindi ko akalain na 'yon ang mga katagang lalabas sa bibig ko. Ngunit hindi ako nagulat nung yakapin niya 'ko ng mahigpit, gumaan din ang pakiramdam ko. He's not totally fine pero ipinaramdam ko sa kaniya na kahit na anong mangyari, hindi ko siya iiwan.
Nagtungo ako sa kwarto ko after namin mag-usap ni Britt. Naabutan ko naman na mahimbing pa rin na natutulog si Sebastian. Naupo naman ako sa isang silya at napatingin sa kaniya. He's in pain, both mental and emotional. I feel him, nangyari na rin sa'kin ang nangyari sa kaniya kanina. Na trauma na rin ako before dahil sa nangyaring aksidente at dahil na rin sa nalaman ko na may amnesia ako. Ngunit nalampasan ko 'yon dahil na rin sa tulong ng mga bata at nina sister.
Napabuntong hininga na 'ko, bakit nangyari 'to? Bakit nangyari na naman 'to sa kaniya? Ang pagkakaalam ko, walang binanggit si sister Louisa tungkol sa mom niya at sa babaeng minahal niya. It's about my story and about Billy. Hindi man ito naikuwento ng buo ngunit hindi 'yon magiging dahilan para masaktan siya. Alam ko na may iba pa siyang dahilan pero ayoko nang alamin at ayoko nang dagdagan ang sakit na nararamdaman niya.
SEBASTIAN'S POV
Nagising ako nang makaramdam ako ng pagkauhaw pero may nakakabit na oxygen sa ilong ko. Napatingin naman ako sa gilid ko, si Vienna na mahimbing na natutulog.
Bigla ko namang naalala ang mga nangyari kanina, ito na naman ang pamilyar na sakit mula sa nakaraan. Akala ko pa naman kapag nalaman ko na ang lahat ng dahilan kung bakit hindi namin mahanap si Vienna noon, aayos na ang pakiramdam ko pero hindi naman pala. Si tito Rey ang dahilan kung bakit hindi ko mahanap si Vienna noon. Tinrato ko na siya na parang totoo kong ama, nagtiwala ako sa kaniya pero 'yun ang ginanti niya sa'kin. Nilayo niya sa'kin ang anak niya at hindi niya man lang ako nagawang sabihan. Bakit? Ano ang ginawa kong kasalanan? Minahal ko lang naman ang anak niya.
Inalis ko ang nakakabit na oxygen sa ilong ko at tiningnan si Vienna. Akala ko ang pag-iwan niya sa'kin, ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko. Pero nang malaman ko ang dahilan, dumoble ang sakit na nararamdaman ko. In the first place walang kasalanan si Vienna, wala siyang alam sa mga nangyari.
"Vienna, gising.." mahinang sambit ko. Dahan-dahan namang dumilat ang mga mata niya at agad napatingin sa'kin.
"Maayos na ba ang pakiramdam mo? Hindi ka na ba nahihirapan huminga?" nag-aalalang tanong niya.
"Ayos na 'ko, huwag ka nang mag-alala," sagot ko at ngumiti rin naman siya.
"Buti naman kung gano'n at huwag na siguro natin ituloy ang practice, mas kailangan mong magpahinga ngayon. Nagugutom ka ba o nauuhaw?" aniya. Halatang nag-aalala nga siya sa'kin, makikita mo ito sa mga mata niya.
"Here, uminom ka muna," dugtong niya sabay abot ng isang basong tubig sa'kin.
After kong uminom, napatingin ako sa kabuuan nitong kwarto pero walang kahit ni isang litrato ang nakadisplay. Hindi ko lubos akalain na dito siya nakatira 3 years ago. Malapit lang pala siya sa'kin, ilang metro lang ang pagitan naming dalawa.
"Si Britt nasa labas kasama si Enzo at nag-aalala na sila sa'yo. Sebastian, hindi ko man alam ang dahilan kung bakit nangyari 'yun sa'yo kanina pero kailangan mong malampasan 'yun. Hindi man ito madaling gawin pero kailangan mong subukan. Kapag nilamon ng galit at sakit ang puso mo, hindi ka na makakatakas pa diyan. Kaya kailangan mong labanan kasi kung hindi, patuloy ka lang masasaktan. If you need my help, nandito lang ako sa tabi mo. Hindi masama ang humingi ng tulong sa iba at hindi ka magmumukhang mahina sa mata ng lahat." Agad niya 'kong niyakap matapos niyang sabihin ang mga katagang 'yon. Napayakap na rin ako sa kaniya ng mahigpit at sa pangalawang pagkakataon, muli akong umiyak habang yakap-yakap siya.
Hindi ko alam kung malalampasan ko ba ang lahat ng sakit at lungkot na pinagdaanan ko noon. Namatay si tito Rey at hindi niya man lang na ipaliwanang sa'kin ang ginawa niya. Kapag nalaman ni Vienna ang tungkol sa ginawa ng dad niya, masasaktan siya nang husto. At wala na akong magagawa para pigilan 'yon. Malaki ang tiwala ni Vienna sa dad niya pero sa tingin ko, masisira lang ang lahat ng 'yon dahil sa ginawa niyang paglihim sa anak niya.