Chapter 3

1457 Words
MATAPOS ilabas ang lahat ng sama ng loob katulong si San Miguel, sa lababong sinukahan, natigagal na naman si Jeanna. Paano bang umabot siya sa ganitong kapangit at kaasim na sitwasyon? Amoy lasenggo siya na hindi maintindihan! Hinalwat niya ang dalang bag. Kalkal dito, kalkal doon na para bang doon niya makukuha ang kasagutan sa mga tanong niya. Bakit amoy chico siya? Pumitik ang sentido niya. Umasim ang mukha niya. Matapos niyang layasan si Rivas, tangay ang mga kapeng may ginseng at mga sabong pampaganda, dumiretso siya sa isang kaibigan kay Dhevona - sa masalimuot na pagkakataon ay bigung-bigo rin pala, de nagkainuman hanggang sa nilayasan na rin niya ang kaibigan, napadpad sa pinakamalapit na bar para mahimasmasan at hindi na niya alam ang sumunod na pangyayari. Epekto ng alak. Nakakawala ng ulirat. "Walangyang babae 'yon," naiiling na naaalibadbaran na siya sa estado ng amoy niya. Maasim. Eew. "Tirador pala ng gin. Hindi man lang ako nakahirit! Ang dami ko pang sama ng loob e," bubulong bulong siyang nag-ayos ng sarili. Pilit na isinalba ang amoy sa tulong ni Aling Nickie's Secret. Spray. Spray. Lipstick? 'Wag na. Walang silbi ang lipstick. Nagpapaalala lang ng landian ng kahapon. Prepared na prepared siya, ang ganda ng suot niya - amoy chico na may asim nga lang. Lintik. Tapos, nganga. Nada. Umasa ngayon lasang tanga siya. Sa buwisit niya sa tukmol na si Rivas, napalaklak siya ng alak, na mas marami sa nakasanayan. Ikaw nang paramdaman ng sweet nothings, batiin ng good mornings, kulang na lang maglupasay at maihi siya sa kilig sa mga tagos sa butong midnight calls. Tapos aalukin ka ng kapeng with herbs and spices, with networking on the side? De parang gumuho ang lahat. Assuming na nga, natanga pa. Akala niya. He's the one. Kaya may sweetness, type siya. Akala niya 'yun na. Naman pala, type siyang gawing ahente ng kape. Kaya pala mabait, kaya pala sweet.. Kaya pala. Maraming kaya pala. Mabuti na lang siya lang ang tao sa comfort room. 'Di naman masyadong nakakahiya. Mag-emote. With one last look sa mirror, kinalamay niya ang sarili. Uuwi muna siya. Mag-eemote at gigising na parang walang nangyari. Sana kayanin. Ang asim talaga, kahit may wisik na ni Victoria's secret. Pihit sa sedura, napatiim bagang na naman siya. Hindi pa totally kalmado ang feelings niya. Karay ang kalahati pang ngitngit ng kalooban, nilampasan niya ang mga weirdong tingin na ipinupukol sa kan'ya ng mga customers na nadadaanan niya. May ginawa ba siya? O nagagandahan lang sila? Paki ba niya? Taas noong um-exit siya sa bar. Siyempre bitbit niya ang mga kapeng may kasamang bahid ng sama ng loob - ipapamudmod niya sa mga dabarkads niyang health conscious. Nahinto siya. Kape? Parang gusto niyang magkape. Napatingin siya sa hawak pa ring paper bag. Nangiti siya ng mapait. Kasing pait ng kapeng black, no sugar. 'Pusang galang Rivas 'yun,' sa loob-loob niya. Bawat hakbang niya, isa-isang bumabalik ang pasweets ng lalaki. Mga sandaling napapatawa siya nito sa mga mala-Balagtas nitong hirit. Paghatid at pagsundo nito sa kan'yang trabaho. Wagas at dalisay na pagmamahal. Eew. Suka. Pwe. Ngayon? Nganga. Tinabla lang siya ng kape. Ilang hakbang pa, napagtanto na niyang may mga tao pala talagang nilalamon ng ganoong sistema. Basta pera ang involve. Gora lang. Ang tanong, paano naman siya? Masakit man isipin, mas lalong masakit sabihin na natanga siya. Siguro nga. Pero masama bang umasang mauuwi ang pagsasamang iyon sa isang happy ending? "Tanginang 'yan," gigil. Padyak. Pwe. Ang ginawa niya. "Parang tanga ka talaga Jeanna," naiiling na kinastigo niya ang sarili. Tinahak niya ang daan paliko sa kanto kung saan malapit na rin ang inuupahan niyang apartment. Ngitngit, ngalngal ang inabot ng mga elementong nadaanan niya - kung mayroon nga. Natawa siya ng bahaw. Amoy ilang-ilang, sampaguita at kandila e. Medyo kinilabutan siya ng slight. Lakad. Lakad habang kinukulam niya sa isip si Rivas. Dahil sa pagiging maligalig ng naudlot niyang pag-ibig kay Rivas, hindi na niya napapansin ang nangyayari sa kan'yang neighborhood, kailan ba nagkaroon ng sakla sa kanto? May nagbabaraha, tong-its? Napailing siya. Pati kalansing ng bulilyo - may bingo? Bakit ang daming tao? May patay ba? Sino kaya? At nasagot ang mga tanong niya nang bumungad sa kanya ang isang babaeng, naka-braid ang buhok. Hindi niya ito kilala, hindi niya neighbor. Namali ba siya ng liko? Sumilong siya sa tent kung saan may naglalaro ng baraha. Kinalabit ang babaeng nakatirintas. "Miss, ano'ng meron?" usisa niya, obvious naman na may patay. Huli na nang mabawi pa niya ang tanong. Lintik talagang gin bilog na 'yon. Kagaya niya, mukhang may aura ng kangitngitan ang babaeng nakabraid. Wala, feel niya lang. Baka kamag-anak? "Kailangan kasing umiyak, e hindi nga maiyak," wika ng babae. Nakatungo ito kaya hindi niya masyadong ma-sight ang itsura ni ateng nakatirintas. "Pinipilit kang umiyak?" Usisa niya. Aba, matinding lamay! Pilitan ang pag-cry. "Puwedeng makikape, 'te?" tanong niya. Normal naman sigurong magkape, 'di ba? May patay e. Makikiramay naman siya. "Pakihintay mo na lang ako dito, Miss." tumango at nawala sa paningin niya si ateng pinipilit ngumawa. Para sa isang taong nagluluksa, hindi akma ang facial expressions ni Ate Girl, napansin 'yon ni Jeanna. Dahil likas na mausisa. De, mag-usisa. Inilibot niya ang paningin sa paligid. Hindi magkamayaw ang mga people sa paglalaro, may nagtotong its para sa mga barako. May nagbibingo naman, mga ate at mudang. At para sa pa-sosyal naman, majong. Nadali ng tingin niya ang nakaburol. White ang coffin, kumpleto ang flowers at 'yong violet na parang sash. Napamulagat siya, may malaking picture sa tabi. Nilapitan niya ang picture, sinipat ng maigi. "Artistahin si oppa," aniya. At lumapit naman siya sa kabaong. Amoy na amoy ang naghalong amoy ng kandila at bulaklak. Sinilip ang nakahimlay. "Gwapo ka kuya. Parang may kamukha kang artista talaga." Napakunot na ang noo niya kakatitig kay oppa sa coffin. Napahugot ng hininga. Bakit ganoon? Siya ba ang dapat iyakan ni Ate Girl? Mukhang korean actor sa puti, naalala niya mga oppa ni Dhev. At lumitaw na naman ang pagmumukha ni Rivas sa isip niya. Walang panama ang ungas na 'yon kay oppang nakahimlay! Umariba na naman ang karumal-dumal na scenario sa utak niya, kung paglalamayan si Rivas, ang mga kape nitong may ginseng ang ipapalaklak niya sa mga bibisita! Ang sama naman. Pero mas masama ang loob niya. Luminga siya sa paligid, wala man lang lumalapit sa patay para man lang sumilip o kung ano man. Pilitan bang umiyak? "Alam mo Kuya.." panimula niya. "Kung wala man lang umiiyak para sa'yo, magkukuwento na lang ako ng nakakaiyak." hinga. Sinumpa na naman si Rivas sa isip niya. "Alam mo bang monthsary na namin ng boyfriend ko, ex ko pala. I mean," ngiting mapait. "May remembrance nga 'ko e, fresh from the break-up. Kapeng may ginseng. Alam mo 'yung sumabog bigla ang toyo mo sa ulo? Kasi akala ko siya na e. Type niya nga 'ko. Type maging investor sa networking chenes niya. Sakit 'yun, oppa." punas ng invisible tears. Pero may kaunting nangingilid na. "At kung may chance pa ba 'kong ibibigay sa kan'ya? Hindi ko alam." Tama bang mag-emote siya sa patay na 'di niya kilala? Hayaan na. Sayang ang momentum. "Siguro, gusto kong maulit 'yong eksenang, hinahabol niya 'ko." Totoong may chasing phase sila noon. Siyempre, type siya. Alangan pabigay siya agad. "Gusto kong habulin niya 'ko." ngising mapait. Paghihiganti ba? Tama bang sa patay maghimutok ng sama ng feels? "Hahabulin niya 'ko hanggang sa kung saan man 'yon, tapos babastedin ko siya ng bonggang bongga! Isasampal ko ang katotohanang kaya kong palitan siya, ng mas mayaman, mas guwapo at hindi ako aalukin ng kapeng may ginseng." gigil. "Kabwisit hindi ba, oppa?" Medyo mamasa-masa na ang eyes niya. Hindi sa kawalan ng jowa, kung 'di sa buwisit. "'Yan, kahit hindi naman tayo close, umiyak ako. Sayang ang luha ko e," biro pa niya. "'Wag mo 'kong mumultuhin oppa, ha? Matatakutin ako." Napaisip siya, kung magmumulto ang kasing guwapo nitong dead na 'to, why not? Coconut? Kahit papaano lumuwag ang pakiramdam niya. Salamat sa ambiance ng patay. "Ang guwapo mo, oppa, kamukha mo si Lee Seung Gi, knows mo 'yon?" hirit uli niya. Kanina pa rin niya iniisip kung sinong artista 'yon, swak na swak kasi ang itsura parang biniyak na.. "Basta, condolence na lang, ang usapan natin, ha? 'Wag mo 'kong dadalawin. Kung buhay ka siguro, puwede. Pero deads ka na naman na, oppa." Umusal muna siya ng dasal bago bumalik sa kinakauupuan niya. Wala pa rin si ateng nakatirintas, mukhang nakalimot na sa kape niya. Sukbit uli ang bag at paper bag, naglakad uli siya palabas ng tent. Tama na siguro 'yon. Sa bahay na lang niya itutuloy ang pag-eemote. O baka tigilan na rin niya ang pag-eemote. Naghihintay ang malambot na kama sa kan'ya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD