LUKOT NA LUKOT ang mukha ni Prince, habang tumataginting ang halakhak ni Kim sa buong kabahayan niya.
Bukod sa maasim asim pa siya, ang amoy niya ay napagkamalan pa siyang lasing sa check point kanina ng mga pulis. E, bawal nga naman magdrive ang lasing.
Nakamotor pa naman sila. With license and helmet of course.
Abu't-abot ang paliwanag niya sa mga Mamang Pulis. Nagkaliwanagan naman at nakapaglakad siya ng tuwid.
'Yun nga lang, inuulan siya ng asar at kantiyaw ni Kim.
"Tama na, kakabagan ka n'yan," saway niya rito. "Walang nakakatawa, Kim."
"Meron," kandatawa pa rin ang babaeng ipinaglihi sa tawa tawa. "Sobrang malas mo naman, patawas ka na kasi. May kilala 'kong may paepek-epek sa gan'yan. Baka may nangulam sa'yo o kung ano."
Tawas? Napailing siya.
"Ligo ang kailangan ko, hindi 'yang tawas tawas na 'yan," aniya at dumiretso ng akyat sa hagdan, habang hinuhubad ang t-shirt niyang may suka.
Napapailing na lang siya. Sa lahat pa naman ng ayaw niya, 'yung pagsuka.
Todo iwas nga, nasukahan naman.
"'Oy! 'Wag mong isasama sa mga marumi 'yan a!" Sigaw ni Kim sa ibaba. Talaga naman. "Kadiri, baka umasim lahat. 'Di kita ipaglalaba!"
Isinara niya ang pinto ng kwarto niya. Hinubad ang natitirang saplot sa katawan at diretso sa shower. Habang nasa ilalim ng lumalagaslas na tubig mula sa shower, iniisip niya ang pamilyar na mukha ng babaeng sumuka sa kan'ya. Napagalitan na siya ng pulis, tinawanan na siya ni Kim, hindi pa rin nawala ang babaeng 'yon sa isip niya.
Napatigil siya. Bakit ba niya naiisip 'yon? Sinukahan lang naman siya. Mabilis niyang tinapos ang pag-shower. Siguradong buong gabi siyang hindi mapapakali hangga't hindi niya matatandaan saan niya nakita ang babaeng 'yon.
Kumuha siya ng gray na t-shirt at boxer short, ganoon na lang ang ngiti at iling niya nang makitang bago na, bagong laba pa ang boxers niya.
Sa daming puwedeng kunin sa mga damit niya, boxers pa niya!
Naisahan siya ng labandera. Gigil na gigil pati si Kim, pati raw kasi mga underwears nito ay tinangay ng labandera.
May mga tao pa lang addiction ang mga damit panloob.
Nang makapagbihis na, binuksan kaagad niya ang laptop, log in kay f*******:. Nilampasan ang ilang notifications. Tanging mga kakilala lang niya ang mga friends niya sa account niya, pinasadahan ang ilang mensahe.
Balik sa notif.
May tagged you in a post si Senyora Kimchi sa kan'ya. Si Kim, sino pa nga ba. Wala pang ilang minutong nakapost ang status ay umani kaagad iyon ng maraming likes.
Hit like na sana siya nang mabasa niya ang post. Naka-tag din pala sina Arjo at Dhevona. Maligalig ang status ni Kim, ang hinaing kay Ric Martel.
Nagkakasocial serye na nga ang mga 'yon sa mga sunud-sunod na pagpopost ni Kim.
Pero naiba sa dulo ang status ni Senyora. Tungkol sa Prinsipeng nakakulong sa dilim na lumabas lang sandali para magpahangin pero, siyempre may dalang jinx.
Nasukahan ng isang binibini.
Angry face ang pinindot niya, hindi LIKE. Nagcomment pa siya.
'Nakaadik ka na naman, Senyora.'
Ilang seconds lang may reply agad sina Senyora, Arjo at Dhevona.
Sana raw e, sa apartment na lang ni Dhevona sila nag-inuman nang hindi siya nasukahan. Napailing na lang siya. Mabuti na lang ibang pangalan ang gamit niya sa sss at anino lang niya ang profile picture niya.
Siya si Dark Prince.
Kung bakit ganoon? Pinakialamanan lang naman ang account niya. Hinayaan na niya.
Nagpatuloy sa pagtu-troll sina Senyora sa comment section nang aksidenteng ma-click niya ang profile ni Dhevona, kaibigan din niya.
May post ito five hours ago. May caption na, hashtag BFFGoals, may selfie na kasama ang isang babaeng naka-gray, naka-jeans..
Naka-gray at jeans. Wavy long hair. Oval face, brown almond eyes and heart shape lips.
Napapikit siya. Naiiling. Bakit biglang lumitaw sa isip niya ang isang image ng babae.
Titig na titig siya sa mukha nito. Bago siya.. sukahan!
Binalikan niya ang pictures.
Nakatayo ang mga ito, nakangiti at magka-akbay. Parehong mugto ang mata.
Nangunot ang noo niya. Naka-gray 'yung babae. Click sa photo at ini-zoom niya.
Nanlaki ang mga singkit niyang mata!
Naka-gray at jeans. Wavy long hair. Oval face, brown almond eyes and heart shape lips! Inulit niya sa hangin.
'Yung babae. Babaeng sinukahan siya! Mabilis ang daliri niyang nagtipa ng mensahe kay Dhevona, hindi naman online, kaya si Kim naman ang minessage niya.
'Kilala mo 'yung babae sa picture?' tanong niya, sabay send sa picture.
'Saan? Yan bff ni Dede?' reply ni Kim.
'Oo. Sa post ni Dhev. Naka-gray.' Ilang seconds uli nagreply si Kim. Hindi raw nito kilala.
Binalikan niya ang status na 'yon ni Dhevona. Naka-tag naman si Miss Gray.
Jeanna Carreon is the name. Click uli, lumabas ang profile, hindi sila friends kaya hindi niya makita ang ibang posts ng babae. Pati mga profile picture nito naka-friends lang.
Napailing siya. Kung hindi ba naman naglalaro ang kapalaran, si Jeanna Carreon nga ang babaeng 'yon. Hindi siya nagkakamali ng tingin. Binalikan niya ang tagged photo nito, save. Naglog-out siya sa BookFaze. Edi, siya na ang nag-save. Napailing na naman siya.
Ini-off niya ang laptop. Bukas na lang niya mang-iistalk.
NAGISING si Prince dahil sa naramdaman niyang may malamig na bagay na nakadikit sa pisngi niya.
At may ngumiyaw.
Nguso pala ni Bruce ang nakadikit sa kan'ya, si Bruce, puspin na pusang gala na stay in pet nila ni Kim.
"Hey, buddy.." hinawakan niya sa mabilog nitong katawan si Bruce at inupo ito sa kan'yang mga hita. "Saan si Senyora ligalig?"
Bilang sagot, ngumiyaw na lang si Bruce.
"May cat food ka pa ba?"
Tumalon si Bruce pababa sa kan'yang kama at lumabas sa pinto ng kuwarto niya.
Bumangon na rin siya at naghilamos, kumuha siya ng fresh na damit at nagbihis. Pababa pa lang siya ng hagdan nang marinig niya si Kim na nagliligalig sa kusina.
"Senyora, kape." Naupo siya sa kan'yang paboritong spot. "Sino bang kaaway mo?"
Inilapag ni Kim ang umuusok na mug ng kape sa tapat niya, nakahain na rin ang agahan niya, fried eggs, tapa at sinangag. May dalandan juice pa.
Kuntento na siya sa buhay prinsipe niya sa ngayon, kabisado rin kasi ni Kim ang routine niya. Hindi na kailangang i-remind.
"Itong si Doc Myrel!" Gigil na naman ang Senyora ng hacienda. "Umagang umaga naman pinapainit ang ulo ko."
Sumubo siya ng beef tapa. Wala talaga siyang masabi sa talent ni Kim sa pagluluto, hindi niya talaga maintindihan si Ric kung bakit hindi pa tangayin si Kim.
Napatingin si Kim sa kan'ya. Taas ang kilay.
"Bakit?" Aniya. Sumubo naman siya ng sinangag.
"Dinner date raw kayo ni Doc Myrel, sa Silver Plates. 7 PM."
"Busy ako," 'yung sunny side up egg naman ang isinubo niya. "Bakit daw?"
"Gagapangin ka na raw niya para matapos na ang pagiging ermitanyo mo. Baka kinakalawang ka na raw," Walang habas na sabi ni Kim. "Ano? Magpapareserve na siya ng table?"
"Alam mo naman sagot ko d'yan, Kim."
"Edi don't! Arte mong Prinsipe ka, ano bang gusto mong babae? 'Yung sinusukahan ka? Sa lahat ng mga lumalapit sa 'yo itong si Doc Myrel ang bet ko."
Nabitin sa ere ang kutsara.
"Laptop ko, Kim."
Naalala niyang dapat may iistalk siyang babae. Magandang babae. Pinagod siya ng babaeng 'yon sa panaginip. Wew.
"Sa taas, kunin ko ba?"
"Mamaya na, kumain muna tayo."
"'Yung tinatanong mo pa lang babae sa picture, best friend ni Dhev 'yon. May jowang ahente ng mga kape, sabon at mga toothpaste."
Dumilim ang mukha niya.
Napansin 'yon ni Kim. "Type mo?"
"Tinitignan ko lang."
"Break naman na sila," dugtong ni Kim. "Type mo nga?"
"Bakit ang mong alam, Senyora?"
"I have my ways," pagmamalaki pa ni Kim. "Style mo kasi bulok. Pa-stalk stalk ka pa! Shunga! Nalike mo 'yung isang picture nila ni Dhev."
Tumayo siya bigla at kumaripas ng akyat sa kwarto niya.
Shet.
"Kamahalan! Joke lang! Ikaw naman masyadong obvious!" Sigaw ni Kim.
Low battery din pala ang laptop niya.