Kinaumagahan, naalimpungatan ako nang maramdaman ko ang sinag ng araw na tumatama sa aking mukha. Tinabunan ko pa iyon gamit ang unan saka iniwas ang mukha ro'n. Kahit na nakapikit ay nagsalubong ang kilay ko nang maramdaman ko ang sobrang lambot na kama at iyong kakaibang texture ng unan. Pilit ko pang inisip kung nasaan ako. "Ah, s**t!" mura ko sa sarili ko nang mapagtantong wala nga pala ako sa bahay. Bumalikwas ako ng bangon saka agad na nilingon ang katabi ko. Nakita kong tulog pa roon ang anak ko pero si Mama ay wala sa tabi ko. Si Chloe naman ay mahimbing pa rin ang tulog. Nasaan na kaya 'yon tsaka anong nangyari kagabi? Paano ako nakarating dito? Sa pagkakaalam ko'y nagkaroon kami ng hang-out kagabi, naglaro, uminom tapos...natigilan ako nang may bigla akong maalala. 'Yong CR.

