ELARA'S POV
Kung kanina, sinabi kong magiging honest ako, mukhang hindi ko iyon mapapanindigan. May specific standard pala na hinahanap si Ma’am Amelia, kailangang may asawa na.
Ngumiti siya sa akin, pero ramdam kong hindi pa siya kuntento sa sagot ko.
“Where is your husband? Ang sabi mo you need a job to support you?” muling tanong niya.
Para bang sinusuri niya ang bawat galaw ko. Parang may hinahanap sa mukha ko na magpapatunay kung nagsasabi ba ako ng totoo o hindi.
Masyadong personal ang tanong niya.
Pero kung gusto kong magkaroon ng trabaho kailangan kong magsinungaling.
Lumunok ako bago sumagot.
“Nasa Maynila po,” sabi ko, pilit na pinapakalma ang boses ko. “Gusto ko po kasing makatulong sa kaniya dahil hindi lang isa ang pinagbubuntis ko… kundi tatlo. Nagkasundo po kaming magtulungan.”
Halos marinig ko ang t***k ng puso ko habang sinasabi iyon.
Hindi ko alam kung saan ko iyon napulot na ideya, pero lumabas na lang iyon sa bibig ko.
Kailangan ko na lang talagang kausapin si Tatay at Tita Celia para hindi ako mabuko.
Sandaling natahimik si Ma’am Amelia. Tumango-tango siya habang nakatingin sa akin, para bang pinag-iisipan kung paniniwalaan niya ba ako o hindi.
Pakiramdam ko humaba ang bawat segundo. Iyong kaba ko, hindi ko mapigilan pero hindi ko pwedeng ipakita sa kaniya.
Hanggang sa ngumiti siya.
Lihim akong napabuntong-hininga nang makita ang ngiting iyon.
“You are hired.”
Nanlaki ang mga mata ko.
Parang may sumabog na paputok sa loob ng utak ko. Lihim akong napasigaw ng Yes.
“Talaga po?” hindi ko napigilang itanong.
“Yes,” sabi niya. “Mukhang honest person ka naman at mapagkakatiwalaan. What I need is someone who can do her work right, and I think you are the right person. So you can start on Monday.”
Biyernes na kasi ngayon.
“Salamat po,” sabi ko, halos hindi mapigilan ang saya sa boses ko.
“You are welcome,” saad niya, pero biglang naging seryoso ang mukha niya. “I know you said you are married, but I still want to remind you.”
Bahagya akong natigilan. Naghihintay ng sasabihin niya.
“Don’t fall in love with my grandson.”
Napakurap ako. Hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko pero seryoso ang mukha niya kaya tumango ako.
“Yes, Ma’am. Makakaasa po kayo,” agad kong sagot.
“Good.”
Sigurado naman akong hindi ako magkakagusto kay Ashton. Lalo na’t kahawig iyon ng lalaking ayaw ko nang maalala.
Isa pa, wala sa isip ko ang umibig.
Kailangan kong mag-focus sa mga magiging anak ko.
Gusto kong maging mabuting ina sa kanila.
Tumayo si Ma’am Amelia.
“Follow me.”
Agad akong sumunod sa kaniya habang humahakbang siya papasok ng bahay.
Pagpasok namin, hindi ko mapigilang mapatingin sa paligid. Halos lahat ng madaanan ng mata ko ay mukhang mamahalin, mula sa mga display hanggang sa mga paintings na nakasabit sa dingding.
Pero nang mapadaan kami sa ikalawang living room ay napahinto ako.
Parang may humila sa mga paa ko para tumigil.
Sa harap ko ay may isang napakalaking family picture na halos sumakop na sa buong wall.
Biglang tumigil ang t***k ng puso ko.
Sandali lang.
Pagkatapos ay bigla itong bumilis.
Sunod-sunod.
Malakas.
Para bang may naghahabulan sa loob ng dibdib ko.
Rinig ko ang malakas na t***k ng puso ko na para bang nakakabingi.
Unti-unti akong lumapit ng tingin sa larawan.
Nasa gitna si Ma’am Amelia at ang asawa niya. Nakapalibot sa kanila ang mga anak at apo.
Pero sa isang lalaki lang nakatuon ang mga mata ko.
Nakaupo siya sa larawan, medyo magulo ang necktie at may malaki at kumpiyansang ngiti sa labi.
Parang may sumuntok sa sikmura ko.
Napalunok ako.
Muling bumilis ang t***k ng puso ko habang unti-unting nanginginig ang mga tuhod ko.
Hindi…
Hindi maaari.
Ilang beses akong kumurap.
Baka namamalikmata lang ako.
Pero hindi.
Hindi ako nagkakamali.
Ngayon gets ko na kung bakit kamukha siya ni Ashton.
Dahil sa pagkakataong ito—
Hindi na ako pwedeng magkamali.
It’s him.
Isa siyang De Silva?
“Elara?”
Napasinghap ako nang marinig ang boses ni Ma’am Amelia.
Parang biglang bumalik ang ulirat ko.
Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa akin bago niya sinundan ng tingin ang larawan.
“Are you okay? Namumutla ka. What’s wrong?”
Umiling agad ako.
Pilít akong ngumiti kahit pakiramdam ko ay natutuyo ang lalamunan ko.
Huminga ako nang malalim.
“Wala po,” sabi ko. “Na-amaze lang po ako sa family picture ninyo.”
Ngumiti siya at proud na tumingin sa larawan.
“They are my children—Asher, Sigmund, and Saoirse,” sabi niya habang itinuturo ang mga ito.
Kilalang-kilala ko si Sir Asher. Bata pa lang ako, siya na ang isa sa namamahala sa Hacienda.
Si Ma’am Saoirse naman ay nakikita ko kapag bumibisita siya rito.
Pero si Sir Sigmund, hindi ko pa nakikita. Hindi naman talaga ako madalas sa hacienda dati kaya hindi ko pa kilala ang lahat ng De Silva.
Pinakilala rin niya ang mga asawa ng mga ito, si Ma’am Kate, si Ma’am Alissa na halatang may lahi, at si Sir Filip.
Habang nagsasalita siya, halatang puno ng pagmamalaki ang boses niya.
“And I have eight grandchildren. You will meet them soon.”
Nanikip ang dibdib ko.
Gusto kong tumanggi. Ayaw kong makilala ng iba pang apo niya. Lalo na ang lalaking nakakuha ng atensyon ko kung bakit napahinto ako sa harap ng family picture nila.
Muli akong napatingin sa lalaking nasa larawan.
Ang lalaking ayaw ko nang makita.
Ang lalaking hindi ko akalaing sa pamilya pala niya ako magtatrabaho.
Gusto kong matawa.
Ganito ba talaga magbiro ang tadhana?
Gusto kong umatras.
Gusto kong sabihing hindi ko na itutuloy ang trabaho.
Pero kailangan ko ito. Kailangan ko ng trabaho para sa mga anak ko.
Nagsinungaling na ako para matanggap. Wala na akong karapatang umatras ngayon.
Bahala na.
Kung sakaling magkita man kami. Hindi naman siguro niya ako makikilala. Sana.
Hindi rin naman siguro siya palaging pumupunta rito.
Kailangan ko lang mag-ingat.
“That’s Sean.”
Sabay kaming napalingon sa nagsalita.
Si Don Gustavo.
Ang asawa ni Ma’am Amelia.
Puti na ang buhok niya pero halatang matikas pa rin. Kahit sa edad niya, makikita mo pa rin na gwapo siya noong kabataan niya.
“Ho?” gulat kong tanong.
Lihim akong napalunok. Hindi ko alam na may nakatingin pala sa akin habang nakatingin ako sa family picture. Pakiramdam ko nahuli ako kahit na wala naman akong ginagawang masama.
“Kanina pa ako nakatingin sa inyo,” sabi niya na may ngiti. “At napapansin kong parang natatakot ka habang nakatingin sa kaniya.”
Tama siya.
Natatakot nga ako.
Dahil pakiramdam ko, isa akong daga na pumasok sa lungga ng pusa.
“Bakit naman matatakot sa apo mo si Elara?” nakasimangot na tanong ni Ma’am Amelia. “Ngayon lang naman niya nakita.”
Ngumiti ang Don.
“I am sure my wife told you not to fall in love with Ashton,” sabi niya. “That’s her only requirement to hire a secretary.”
Tumingin siya sa akin.
“But I am telling you… you better fall for Ashton than Sean.”
Nagtatakang napatingin ako sa kaniya. Nag-apply lang ako ng trabaho kanina.
Nagsinungaling.
At ngayon puro babala tungkol sa mga apo nila ang naririnig ko.
“May asawa na si Elara,” sabi ni Ma’am Amelia. “Kaya sigurado akong magtatagal siya sa trabaho niya. Hindi gaya ng iba na umiiyak dahil umasang papatulan ng mga apo natin.”
Tumingin siya sa akin.
“Kaya aasahan kita.”
Tumango ako.
“Sige, halika na,” sabi niya. “Pag-usapan natin ang trabaho at sweldo mo. Kung walang problema, pwede ka nang pumirma ng kontrata.”
Sumunod ako sa kaniya papunta sa opisina.
Pero muli kong sinulyapan ang family picture.
Wala nang atrasan.
Bahala na si Batman. Sana lang alam ni Batman na siya na nag bahala para hindi ako mabuko sa mga pinaggagawa ko.
Maayos naman ang naging usapan namin. Lunes hanggang Biyernes ang pasok ko. May overtime minsan kung kinakailangan pero bayad naman iyon kung sakali. Mas malaki rin ang sweldo ko kaysa sa inaasahan ko kaya agad ko nang pinirmahan ang kontrata.
PAGKALABAS KO NG GATE NG MGA DE SILVA, mariin akong napapikit.
Pumunta ako sa probinsya para magtago.
Para itago ang pagbubuntis ko.
Para itago ang sarili ko sa ama ng mga magiging anak ko dahil ayaw ko ng gulo.
Pero tila pinaglalaruan ako ng tadhana.
Sa dami ng lalaki sa mundo.
Sa lawak ng mundo.
Paanong isang De Silva pa ang nakabuntis sa akin?
At paano nangyari na ang lugar na pinagtataguan ko ay ang lugar kung saan kilalang-kilala pala ang pamilya niya?
Mariin kong pinisil ang tulay ng ilong ko bago kinuha ang payong at nagsimulang maglakad pauwi.
Mainit na ang araw.
Pero habang naglalakad ako hindi ko mapigilang matawa. Hindi ko alam kung matutuwa ako na may trabaho na ako o maasar ako.
Kung Sean ang pangalan ng lalaking nakabuntis sa akin. Ibig sabihin siya iyong lalaking dumating kasabay ko noong dumating ako sa San Isidro? Pero nakaalis na rin ito at maaring siya rin ang sakay noong kotse na saglit na huminto noong nagdidilig ako. Hindi naman siya huminto dahil nakita niya ako, hindi ba?
Pero isa lang ang ibig sabihin noon, nagkrus na ang landas namin.
Pero akala ko ba nasa ibang bansa siya ayon sa balita?
Biglang sumakit ang ulo ko sa dami ng iniisip ko.
Isa lang ang pinagdarasal ko.
Kung sakaling hindi ko na maiwasang magkita kaming muli.
Sana, hindi niya ako makilala.
Sana… hindi niya maalala ang namagitan sa aming dalawa.