NASA kalagitnaan ako ng pagbabasa ng libro nang marinig ko ang marahang pagbukas ng pinto ng kuwarto. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin nang iluwa no’n si Joaquin na nakabihis na at handa nang pumasok sa trabaho. Hindi ko tuloy maiwasang hagurin siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Maayos ang pagkakasuklay ng kaniyang bagong gupit na buhok na halatang napahiran pa ng gel dahil sa pangingintab nito. Bagong ahit din ang kaniyang bigote at balbas kaya malinis at maaliwalas ang kaniyang mukha ngayon ’di gaya nitong mga nakaraang araw. Hindi pa rin talaga kumukupas ang kakisigan nito kahit nadadagdagan ang kaniyang edad. Nang dumako ang aking paningin sa kaniyang pang-itaas na uniporme, napansin kong hindi maayos ang pagkakabutones nito. Napailing ako at agad na itiniklop ang binabasa k

