Chapter 13
JEANNA
MUGTO ang mga mata kong gumising dahil sa puyat kaiisip ng tungkol sa napanaginipan ko. Napansin naman agad iyon ng dalawa.
"Ano'ng nangyari sa'yo, babae? Puyat ka o umiyak? Bakit mugto 'yang mata mo?" tanong sa akin ni Twinkle.
"For sure, umiyak 'yan kasi in a relationship na pala ang future jowa sana niya. But, never lose hope. May pag-asa pa. Hawak natin ang alas," sabat naman ni Rona.
"Iyan nga ang dahilan kaya mugto ang mga mata ko pero hindi gaya nang iniisip niyo. Napanaginipan ko si Lola Marya," pagtatapat ko.
Napa-sign of the cross si Rona. "Seryoso? Bakit daw? Kinikilabutan tuloy ako. Baka iniisip ni lola na humaharot lang tayo dito sa Maynila. Or baka may nakatago siyang yaman na hindi niya nasabi kung nasaan bago siya namatay at gusto na niyang ibigay sa atin," nahihintakutang sabi ni Rona.
Minsan nagugulat na lang ako sa level of imagination ng baklitang ito. Natatakot siya pero naisip niya pa ang yaman.
"Ang OA mo! Mukha bang pang-horror ang peg ni lola? Pero may nabanggit siya tungkol sa perang kinupit mo raw wallet niya noon. Iyong pinan-load mo raw sa crush mo," pang-aasar ko sa kaniya. Gulat na gulat siya at napamulaga pa ang mga mata. Kami lang talaga ni Twinkle ang nakakaalam no'n dahil kami ang nakakita siya at hindi na namin siya isinumbong pa kay lola. Alam namin na alam 'yon ni lola pero hindi na rin niya pinagsabihan pa si Rona dahil ayaw rin siguro niyang mapahiya ito.
"Hala! Totoo?! Minsan ko lang ginawa 'yon, hindi na ako umulit pa. Grabe naman si lola, high school pa tayo no'n pero hindi pa nakalimutan 'yon," takot na sabi ni Rona. Napahagalpak kami ng tawa ni Twinkle sa naging reaksyon niya.
"Joke lang! Kami lang ni Twinkle ang may alam no'n, ewan ko lang ngayon. Baka narinig na ni Lola Marya ang kuwentuhan natin at ikaw naman ang dadalawin niya sa panaginip."
Napayakap sa kumot si Rona. "Huwag naman sana. Mabait na ako ngayon."
Natatawa talaga ako sa kaniya. Grabe 'yong takot niya na parang hindi niya lola ang pinag-uusapan namin.
"Tungkol sa libro ang sinabi lola sa akin. Huwag raw nating hahayaan na may ibang makaalam ng tungkol sa libro at baka magamit raw sa masama. Makapangyarihan raw ang bawat spell na nakasulat sa libro."
Nagliwanag ang mukha ni Twinkle. "Sabi ko na nga ba, eh. Nagdududa ka kasi sa kakayahan ng librong 'yon kaya si lola na ang nagpatotoo no'n sa'yo. Isipin mo na lang na sign 'yon na dapat na nating ituloy ang mga steps doon sa libro." Masayang sabi niya na parang nakahanap bigla ng kakampi.
"May sinabi pa si lola tungkol sa dalawang klase raw ng pag-ibig na matututunan ko sa magkaibang tao. Naguguluhan nga ako. Sabi pa ni lola ay kilalanin ko raw nang mabuti si Jerico. Sa tingin niyo, bakit kaya?"
"Hindi sa pagiging judgmental. Baka may kakaiba pala sa ugali or pagkatao ni Jerico. Tama naman si lola na dapat kilalanin mo muna siya. Makontento ka lang muna sa crush mo siya tapos nagpapapansin ka. Kapag napansin mong may kakaiba sa ugali niya, mag-obserba ka muna. Dapat ay maging maingat ka pa rin," seryosong sabi ni Rona.
"Agree ako do'n, besh. Suportado ka namin sa pagpapansin mo sa kaniya dahil alam naming gusto mo siya pero hindi rin namin gustong mapahamak ka sa pagsiksik ng sarili mo sa isang tao na makasasama na sa'yo. Ipaaalala ko lang ulit na sinubukan lang natin ang mga spells. Kahit tumalab 'yon at mapansin ka ni Jerico o maghabol na siya sa'yo ay hindi ka dapat makampante. Magkaiba ang pagpapansin sa pagkakaroon ng relasyon sa isang tao. Although, doon naman talaga papunta ang pagpapapansin ay kailangan mo pa ring maging maingat. Gusto ka lang siguro i-remind ni lola na dapat kilalanin mo rin nang mabuti si Jerico lalo pa at sabi mo ay nakatakda siyang ikasal sa isang babaeng ipinagkasundo nang ipakasal sa kaniya. Hindi magiging madali 'yon para sa'yo kung ikaw ang tinutukoy niyang nagugustuhan niya. Magiging kalaban mo ang pamilya niya at pamilya no'ng Marylyn na 'yon," paalala naman ni Twinkle.
"Salamat sa inyo. Hayaan niyo, magiging maingat ako."
"So, kailan natin itutuloy ang ibang steps ng ritwal? Mas dapat maging maingat tayo dahil bawal makarating sa kaalaman ni Jerico ang tungkol sa ginagawa natin. Kayong dalawa ay umiwas muna sa chismis sa opisina. Huwag niyong pag-usapan ang tungkol sa libro at ritwal. Mahirap na, baka may makarinig sa inyo na kasama niyo sa trabaho at i-chismis kayo," paalala sa amin ni Rona. Minsan lang maging seryoso magpaalala si Bakla sa amin kaya alam kong concerned talaga siya. Sabagay, sa pabirong paraan ay naipapakita niya ang concern niya sa amin.
"Hindi mangyayari 'yan dahil hindi na kami madalas na magkasama ni Jeanna sa trabaho. Dito na lang sa boarding house ko siya nakakausap. Don't worry, safe na safe ang ginagawa natin," sagot ni Twinkle. Totoo naman 'yon. Simula nang maging personal secretary ako ni Jerico ay hindi na kami masyadong nagkakasama sa opisina. Masyado kasing clingy si Jerico, char!
"O, siya, mag-ready na tayo papasok sa trabaho. Mamayang gabi na lang natin pag-usapan ulit ang tungkol sa mga ritwal na 'yan. At dahil mas maluwag naman ang trabaho ko sa salon kaysa sa inyo ay ako na ang bahala sa paghanap ng mga ingredients na kailangan," sabi ni Rona.
SABAY kaming pumasok ni Twinkle sa trabaho at sa labas pa lang ay panay na ang siko niya sa akin. Naiirita ako dahil masakit ang ulo ko. Pinilit kong pumasok dahil sayang ang sahod at nakakahiyang umabsent lalo pa at kabago-bago kong secretary ni Jerico.
"Kanina pa siko ng siko sa akin. Nakakairita na," mahinahon ngunit may inis na saway ko kay Twinkle. Hindi ito sumagot at tumigil na rin sa pagsiko sa akin. Nakapasok na kami sa building pero at nagsimula na naman siyang sikuhin ako. Naiinis akong tumingin sa kaniya pero tinapunan lang niya ako ng isang naiilang na tingin. Tumingin siya sa gawing kaliwa niya at halos mapaluwa ang inaantok kong mata nang makita si Jerico na kasabay pala naming naglalakad.
"G-good morning, Sir Jerico," bati ko sa kaniya. Ang awkward ng sitwasyon namin.
Siya siguro ang dahilan ng pagsiko sa akin ni Twinkle. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong i-react sa kaniya. Mas naging akward ang sitwasyon nang magkahiwalay na kami ni Twinkle dahil magkaiba na kami ng department na pinapasukan. Kami na lang ni Jerico ang magkasabay. Kapwa kami walang imik habang naglalakad at ramdam ko ang bigat ng mga tingin na ipinupukol sa amin ng ibang mga empleyado. Nasa tapat kami ng pinto ng opisina niya at parehong natigilan.
"Mauna ka na pong pumasok, sir," sabi ko sa kaniya nang hindi siya tinatapunan man lang ng tingin. Ewan ko ba, pakiramdam ko ay ang awkward na ng atmosphere kapag kasama ko siya. Naiilang na akong kasama siya no'ng malaman kong ikakasal na siya. Pakiramdam ko ay isa akong malanding secretary na inaakit ang boss niyang may asawa na.
"Ladies, first," maginoong sabi niya sabay pihit ng seradura upang pagbuksan ako ng pinto. Hindi na ako nag-inarte pa at pumasok na. Tinungo ko ang aking table at nagbuklat ng mga papeles para lang masabing busy. Ayaw ko muna siyang kausap. Masyado pang masakit sa ulo ko ang ipinagtapat niya.
"Are you okay?" malungkot niyang tanong sa akin. Ano ba yan! Isang tanong lang niya na may kakaibang tono na hindi niya madalas gamitin sa pakikipag-usap sa akin ay sobrang apektado na ako.
"Opo," sagot ko.
"Bakit puno na ng paggalang ang pakikipag-usap mo sa akin? Naninibago ako." Prangkang sabi niya sa akin. Napatingin ako sa kaniya at sa hindi ko maintindihan na dahilan ay napatitig ako sa kaniya. Mababakas nga sa mga mata niya ang hindi ko maipaliwanag na lungkot. Pakiramdam ko ay hindi paraan ng pakikipag-usap ko sa kaniya nagmumula ang lungkot na iyon. May kinalaman siguro ang naging pag-uusap nila ng daddy niya.
"It's normal for me to talk to you that way. Boss kita at empleyado mo ako. Huwag kang manibago."
"May nagawa ba ako o nasabing mali?" tanong ulit niya. Gusto kong sumagot ng oo, gusto kong sabihin na mali na 'yong nararamdaman ko para sa kaniya. Gusto kong sabihin sa kaniya na mali na rin ang ginagawa ko dahil pagkakaroon ko ng gusto sa kaniya. Mahal ko na yata siya, eh. Kakapit ba naman ako sa mga ritwal para mapansin niya kung simpleng crush lang ito? In love nga siguro ako pero hindi ko lang maamin.
"Wala. Ano naman ang gagawin mong mali?"
"Pakiramdam ko kasi ay may nag-iba sa pakikitungo mo sa akin. Dahil ba sa nangyari kahapon? Napagod ba kita masyado?"
Nag-init ang mukha ko sa tanong niyang iyon. Umatake na naman ang utak kong puro lumot. Bakit ba kasi iba ang pagkakaintindi ng utak ko sa tanong niyang iyon? Akala mo naman ay may iba kaming ginawa maliban sa pag-usapan ang tungkol sa future wife niya.
"Honestly, nakapapagod ang biyahe pero okay naman. Nakatulog naman ako nang maayos," pagsisinungaling ko. Halos hindi nga ako nakatulog sa kaiisip sa kaniya at sa Marylyn na 'yon.
"I'm not fine today," pagpapahiwatig niya sa nararamdaman niya. Naku, Jerico! Ayaw ko na sanang maki-usisa sa kalagayan ng puso mo pero ala-Marites mode naman ang isip at tainga ko. Ipinagkakanulo ako ng sarili kong kamalayan.
"Dahil sa daddy mo?" Paniniguradong tanong ko sa kaniya.
"Alam mo agad, ah?" manghang sagot niya.
Sus! As if namang mahirap hulaan ang dahilan ng lungkot niya. Kung tungkol sa daddy niya ang problema niya, paniguradong kasunod na no'n ang tungkol kay Marylyn. Ang lupit naman ng tadhana sa akin. Sa akin pa talaga nagkukuwento ng tungkol sa lovelife niya ang lalaking gusto ko.
"May bago ka bang problema maliban sa problema sa pamilya mo?"
Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga bago nagsalita ulit. "Nagsumbong si Marylyn sa kaniya tungkol sa pagtaboy ko sa kaniya dito sa opisina no'ng nagpunta siya."
What a crybaby! Sumbungera pala ang bruhang 'yon. "Tapos? May sanction ka sa daddy mo dahil do'n? Eh, bakit kasi hindi mo siya in-entertain? Isinumbong ka tuloy."
"It's because I don't want to. Hindi ko masikmurang makita siya." Tila ay diring-diri niyang sabi.
"Kung ang makita siya ay ayaw mo na. Paano ka pakakasal at makikisama sa kaniya? Sabihin mo sa parents mo na lahat ng gusto nila ay kaya mong gawin pero hindi ang magpakasal sa babaeng ayaw mong maging asawa."
"Magagalit sila at sigurado akong hindi sila papayag dahil maaapektuhan ang negosyo ng pamilya namin. I don't want to disappoint them."
"You don't want to disappoint them but by agreeing to them, you will be disappointed for the rest of your life. Ang hirap kasi sa inyong mayayaman, pati happiness laging may presyo. Puwede namang palaguin ang negosyo ng hindi ibinibenta ang sariling kaligayahan," diretsong sabi ko kahit pa sabihin niyang pakialamera ako o nagmamarunong. Kailangan niyang marinig iyon.
"But..." pahabol niya na mabilis kong pinutol.
"No buts, kung hindi mo kayang ipaglaban kung ano ang gusto mo at susundin mo lang din ang gusto ng parents mo, useless 'yang pagrereklamo mo. Kahit ilang ulit kang magkuwento sa akin ng plano ng parents mo para sa'yo, kung hindi ka maninindigan para sa sarili mong mga desisyon ay walang mangyayari sa buhay mo. You are old enough to know your stand on things. Hindi puwedeng tatanda kang sunud-sunuran lang sa utos ng parents mo. It's good that you respect and obey them, but there is always an exception."
"Salamat sa words of wisdom mo, Jeanna. Tama lang ang desisyon kong kunin kang secretary ko. I'm happy to be one of those likely people na nakaririnig niyang mga linyahan mong pang-Miss Universe. Wala pa akong lakas ng loob na humarap sa magulang ko at salungatin ang gusto nila. But, I realized I have to face my situation maturely. I hope I can find the courage to choose my own happiness.
Anyway, huwag ka sanang mabibigla. Lagi nating makakasama si Marylyn. Nang dahil sa sumbong niya ay nagdesisyon si Daddy na samahan ako dito sa opisina para raw masanay ako sa presence niya."
"What?!" halos pasigaw kong tanong. Hindi ko napigilan ang violent reaction ko sa sinabi niya. Seryoso? Makakasama namin ang maarteng 'yon araw-araw? Kung hindi lang mahalaga sa akin ang trabaho ko ay mag-re-resign na ako.
"Yes. She's a bit immature kaya gano'n. Tiisin mo na lang or magkunwari ka na lang na hindi siya nag-e-exist."
Hindi na ako sumagot pa. Sakto namang pumasok ang bruha nang hindi kumakatok. Maarte itong lumakad papalapit kay Jerico.
Yumakap siya at hinalikan si Jerico sa pisngi. Yuck! Feel na feel niya talaga ang pagiging future wife.
"Would you care to give us some private moment?" maarteng sabi ni Marylyn.
"Yes, ma'am," walang pag-atubiling pagpayag ko sa gusto niya. Hindi ko na hinintay pa ang sagot ni Jerico. Naiinis ako sa kaniya. Sa dami ng sinabi ko, 'yong gusto pa rin ng parents niya ang susundin niya. Pati ako kailangang magtiis sa kaartehan ng Marylyn niya.
Hay naku, Jeanna! Bakit mo ba naisip na susundin ka niya? Sino ka ba sa buhay niya? Wala kang rights mag-inarte o magalit kasi secretary ka lang. Nothing more, nothing less.