Chapter 14
WEEKEND. Ang paboritong araw ko simula nang dumidikit na parang linta si Marylyn kay Jerico. Nakakasuka ang bawat araw ko sa loob ng opisina. Kahit pa siguro wala akong feelings para kay Jerico ay hindi ko masisikmura ang kaartehan ni Marylyn na wala yatang ibang pinagkakaabalahan sa buhay kundi ang isiksik ang sarili kay Jerico.
Alas-otso na at dilat na dilat ang aking mga mata pero wala pa ako sa mood upang bumangon. Gusto kong sulitin ang dalawang araw na pahinga na hindi ko nakikita ang dalawa.
"Ayaw mo pa talagang bumangon diyan? Ready na ang almusal," sabi sa'kin ni Twinkle.
"Alam mo naman kung bakit, 'di ba? Gusto kong i-relax ang katawan ko lalong-lalo na ang isip ko."
"Good! May naisip akong paraan na makakatulong upang makapag-relax ka." Excited niyang sabi.
"Ano 'yon?"
"Let's unwind," masayang sabi niya.
"Paanong unwind naman? Kaya nga ako nakahilata rito ay dahil gusto kong mag-relax. Kung aayain mo lang akong uminom para sumakit ang ulo dahil sa hangover ay 'di bale na lang," pagtutol ko sa nais niyang ipahiwatig. Matagal ko nang alam na gusto ni Twinkle ang maranasang malasing at nasisiguro kong higit pa sa kalasingan ang mangyayari kapag hinayaan kong gawin niya 'yon. Never pa niyang naranasang uminom ng bongga. Hanggang tikim lang at patago dahil takot siya sa parents niya lalo na sa mama niya na talagang kakalbuhin siya kapag nalamang umiinom siya ng alak.
"Grabe siya, oh! Ang KJ mo naman! Tayo lang ang nandito sa kwarto. Hindi nila malalaman kung hindi natin sasabihin." Pangungumbinsi niya sa akin.
"Basta ayaw kong uminom. Kung gusto niyo talaga, eh, 'di go! Hindi ko kayo pipigilan. May sarili akong paraan para mag-relax."
Bumaling siya ng tingin kay Rona na busy sa cellphone niya. "Eh, ikaw? Gusto mo ba akong samahang uminom?"
Sumagot ito nang hindi man lang tinatapunan ng tingin si Twinkle. "Naku! Pass muna ako diyan. Halos araw-araw sa salon ay tumatagay kami bago umuwi. Alcohol na yata ang nananalaytay sa mga ugat ko. Kahit hindi ka namin samahan, Twinkle, kung dito ka lang din sa loob ng kwarto maglalasing ay wala kaming choice kundi samahan ka. Baka nga kami pa ang maglinis ng magiging kalat mo, 'di ba, Jea?" Sabi nito sabay tingin sa akin. Natawa kaming pareho sa sinabi niya. Well, nagsasabi lang siya ng totoo. Kilala namin si Twinkle, curious lang siya pero hindi niya kaya ang sarili niya. Epekto lang 'yon ng kapapanood niya ng mga KDrama.
"Bakit ba ganiyan kayo sa akin? Supportive ako sa mga bagay na gusto niyo pero ayaw niyo akong suportahan sa mga bagay na gusto kong i-try," may himig ng pagtatampo niyang sabi. Nagkatinginan kami ni Rona.
"Ito naman, masyadong maramdamin. Alam mo kasi, pagod rin kami sa trabaho from Monday to Friday. Gusto lang namin sulitin ang weekends para makapagpahinga. Huwag mong isipin na ayaw ka naming suportahan sa mga bagay na gusto mo. Puwede ka namang uminom dito habang kakuwentuhan kami," sagot ni Rona sa kaniya. Umiral na naman ang pagiging matampuhin ni Twinkle.
"Sorry, Besh, ah? Wala talaga ako sa mood na makipag-inuman sa'yo at isa pa malilintikan kami sa mga magulang mo kapag nalaman nilang hinayaan ka namin na matutong uminom ng alak," dagdag ko pa.
Umirap siya. "Fine! Kung ayaw niyong uminom, eh, 'di gawin na lang natin ang last three steps sa libro ni lola," suhestyon niya. Kung hindi ko lang naalala ang sabi ni lola sa panaginip ko tungkol sa librong iyon ay sasabihin ko sanang huwag na naming gawin dahil ikakasal na rin lang si Jerico. Mas makapangyarihan pa rin ang sermon ng parents niya kaysa sa spells sa libro.
"Mas okay pa 'yang naisip mo. Nasa bag ko na ang mga ingredients na kailangan natin. Siguro naman hindi ka kokontra, Jeanna?" baling sa akin ni Rona.
"Hindi," tipid kong sagot. Ayaw ko na makipagtalo pa sa kanilang dalawa tungkol rito. Mas okay na 'yong tapusin na namin ang steps sa libro para wala ng paulit-ulit na ipipilit sa akin ang dalawa.
"Very good! Start na tayo," sabi ni Rona.
Kinuha ni Twinkle sa taguan niya ang libro at inihanda naman ni Rona ang mga gagamitin. Dahil dakila akong walang silbi pagdating sa mga ganitong bagay, pinapanood ko lang ang ginagawa nila.
"Ang ikatlo hanggang ikalimang step ay magkakaugnay. Ngayon ko lang naintindihan ang part na ito." Pagsisimula ni Twinkle.
"Basahin mo para ma-gets rin namin," sabi ni Rona. Never ko ring nabasa ang laman ng libro na 'yon dahil na rin siguro hindi ako gaanong kumbinsido dati. No'ng mapanaginipan ko naman si lola at pinatotohanan ang tungkol sa libro ay nalaman kong ikakasal na si Jerico kaya parang nawalan na rin ako ng gana na gawin pa ang nasa libro.
"Ang nakalagay rito sa step 3 ay maglagay ng isang kutsarang langis ng niyog sa isang basong tubig. Takpan ito at hayaan magdamag sa hilagang bahagi ng bahay. Ang step 4 ay magdikdik ng pinatuyong dahon ng romero at laurel, sambitin ang Aum-Bha-Bhanah-Om ng limang beses at ilagay ito sa kanlurang bahagi ng silid-tulugan. Ang huling step ay magluto ng paboritong pagkain ng taong iniibig, isama sa pagluto ang tubig na may langis ng niyog at dinikdik na dahon ng laurel at romero. Pagkatapos maisagawa ang pagluluto ay ipikit ang mga mata, ipahayag nang buong-puso ang pagsinta at sambitin ang Vajur-Veda-Om ng tatlong beses. Gawin ito sa isang tahimik at maaliwalas na lugar."
Wow! Literal na gayuma na pala ang step 5. Kailangan kong magluto ng paboritong pagkain niya? Puro pang-mayaman lang ang kinakain no'n. Paano ako magluluto ng hindi ko naman alam.
Tumingin sa akin sa Twinkle pagtapos basahin ang nakasulat sa libro. "May alam kang paborito niyang pagkain?" tanong niya sa akin.
"Wala, eh. Puro pang-mayaman lang ang pagkain no'n. Hindi ko pa nga nakitang kumain man lang sa karinderya 'yon," sagot ko.
"Paano natin magagawa 'yong nasa libro kung hindi natin alam ang paborito niyang pagkain?" problemadong tanong ni Rona.
"I-chat mo na lang. Siguro ay nako-contact mo siya, 'di ba?" Suggest ni Twinkle.
"Seryoso kayo? Paano 'yon? Out of nowhere ay magtatanong ako ng favorite niyang pagkain?" Medyo exaggerated kong sabi.
"Sabihin mo na lang na gusto mo siyang i-treat. Pambawi sa panlilibre niya sa'yo. Basta, diskartehan mo. Kung kailang last steps na lang ang gagawin ay aayaw ka pa ba?" sabi ni Rona.
Kinuha ko ang cellphone ko at nag-message ako sa kaniya thru text. Hindi naman ako super umaasa na mag-re-reply siya dahil baka busy siya. Kinumusta ko siya at tinanong kung ano ang favorite niyang Filipino food dahil magbabaon ako ng lutong-bahay sa office. Talagang specific ang tanong ko at baka magsabi siya ng mga pagkaing mga mayayaman lang ang nakaaalam.
Nagulat ako ng biglang mag-beep ang cellphone ko. Nag-reply siya! Nagdiwang ang puso ko sa simpleng reply niya. Sisig daw ang favorite niya. Tamang-tama! Alam ko kung paano magluto ng gano'n.
"Sisig daw ang favorite niya. Alam ko kung paano magluto ng gano'n pero ang tanong ay paano ko maisasama sa pagluto ang tubig na may langis ng niyog at dinikdik na dahon ng romero at atis? Hindi kaya mag-iba ang lasa no'ng lulutuin ko?" tanong ko sa kanilang dalawa.
"Gaga! Alangang ilagay mo lahat. Kaunti lang siyempre. Common sense naman," sabi ni Rona.
Ginawa namin ang nasa libro nang tahimik. Ito na lang ang masasabi kong last chance para mapa-sa akin si Jerico sa kabila ng katotohanang malapit na siyang ikasal sa iba. Pagtapos naming gawin ang mga ritwal ay pinagbigyan na namin ang gusto ni Twinkle. Soju at samgyup in the house daw. Actually, hindi namin in-expect na prepared talaga siya. Kaya siguro nagtampo kanina no'ng tinanggihan namin ang alok niya.
"Hindi ka naman prepared, girl!" sabi ni Rona habang tinitingnan ang mga pagkain at inuming pang-Korean talaga. Epekto 'yon ng pagkahilig niya sa mga Korean dramas.
"Of course! Oppa na lang ang kulang." Kinikilig na sabi niya.
"Akala ko talaga gin or empi ang iinumin natin kaya tumanggi ako. 'Di ko keri ang tama no'n. Ang laki na rin ng tiyan ko sa kaiinom ng beer bago umuwi galing sa salon kaya parang tinatamad ako pero nang makita ko ang preparation mo sa inuman session natin, eh, hindi ko pala kayang tumanggi," dagdag pa ni Rona.
Inirapan siya ni Twinkle. "Sus, Ronaldo! Ang sabihin mo patay-gutom ka lang. Nakakita ka lang ng masarap na pagkain kaya pumayag ka. Kapag ako pala ang nag-aya at hindi masarap ang pulutan, tatanggi ka? Samantalang 'yong mga bologoy doon sa kanto kapag inaya ka kahit chicharong makunat ang pulutan ay payag ka. Palibhasa naga-gwapuhan ka na sa mga 'yon kahit inuuto ka lang naman."
"Hoy, Twinkle, sumusobra ka na, ah?! Baka isumbong ko sa mga magulang mo ang tungkol sa pag-inom mo rito. Tiyak akong pauuwiin ka nila," pagbabanta ni Rona. Namula ang tainga niya sa inis kay Twinkle. Ito kasing Twinkle ay walang preno ang bibig pero totoo lang naman ang sinasabi niya.
"Eh, 'di magsumbong ka! Sasabihin ko rin sa mga magulang mo na kaya lagi kang walang pera ay dahil nagpapa-uto sa mga bologoy doon sa kanto na mukhang sumobra sa bakuna." Bawi naman ni Twinkle. Kahit kailan talaga ay para silang aso't-pusa na nagbabangayan sa maliliit na bagay. Mga bata pa kami ay ganiyan na sila pero magkasama pa rin ngayon.
"Ikaw naman, hindi ka mabiro. Tara na nga simulan na natin 'yan at ng makarami tayo. Basta sagot mo lahat, ah?" Pagsuko ni Rona sa pagtatalo nila. Takot rin siyang maisumbong sa mga magulang niya dahil sasamain talaga siya.
Magta-tanghali pa lang pero gusto na nilang simulan ang inuman. Bawal kasi mag-ingay tuwing gabi dahil maselan sa ingay ang may-ari ng boarding house. Hindi talaga ako pala-inom pero nakaranas na akong tumikim ng alak. Hindi naman kasi ako totally Maria Clara. May side rin akong open sa mga ganoong bagay as long as umiiral pa rin ang disiplina ko.