Chapter 8
JEANNA
"WHAT?!" gulat na tanong ni Rona sa akin pagkatapos ng mahabang kuwento ko tungkol sa pagiging personal secretary ko kay Jerico.
"Nakokonsensya tuloy ako, mga babaita," malungkot na sabi ko sabay pakawala ng isang malalim na paghinga. Sinabunutan ako ni Rona gaya nang madalas niyang ginagawa sa tuwing hindi siya sang-ayon sa mga sinasabi ko.
"Bakit ka makokonsensya? Ikaw ba ang nagpaalis sa Tricia na 'yon?" maarteng sabi niya at may pairap-irap pa. "At isa pa wala ka namang alam sa kung ano ang naging performance no'n sa trabaho. Labas ka sa naging issues nila. Naaawa ka sa kaniya pero hindi mo naisip ang sarili mo? It's a good opportunity, you know. Nakakaloka ka!" Isang hila pa sa buhok ko ang inabot ko sa kaniya.
"So, dapat maging praktikal ako?" nag-aalangang tanong ko.
"Of course! Maging praktikal ka. Sa totoo lang, hindi ka mapapakain ng awa mo dahil maling tao at sitwasyon ang kinaaawaan mo at hindi mo rin kami maililibre dahil diyan. Kung ikaw ang may kasalanan kaya natanggal sa trabaho ang bruha na 'yon ay dapat ka ngang makonsensya. Ikalma mo na ang brain cells mo. Hindi iyan nakaka-blooming." Pagpapagaan niya sa kalooban ko.
Siguro tama nga siya. Wala naman akong ginawa para mapaalis sa trabaho si Tricia maliban sa magpa-cute kay Jerico pero wala namang ibang may alam no'n kundi ako at sina Twinkle lang.
Tumayo si Rona at may kinuha sa mga gamit ni Twinkle. Iyong libro na naman ni Lola Marya. Sabagay, pareho silang mahilig maniwala sa mga kakaibang bagay.
"Kaysa nagmumukmok at nagpo-problema ka sa mga bagay na wala namang sense. I-push na lang natin ang pang-aakit mo kay Jerico," ngiting-ngiti na suhestyon niya. Sasabat pa lang sana ako para kumontra ay maagap niya akong pinigilan. "Hep! Hep! Alam kong kokontra ka na naman, Jeanna. Huwag mong sasabihin sa amin na hindi totoo ang magic spells, tingnan mo nga at sa isang iglap ay kinuha ka ni Jerico bilang personal secretary niya. Imposible namang na-cute-an siya sa'yo kasi hindi ka naman cute," pagalit na sabi nito sa akin habang may pakumpas-kumpas pa ng kamay.
"Ang galing mo naman, Ronaldo, except sa part na hindi mo nakikita ang cuteness ko," sarcastic na sagot ko sa kaniya. Hihilain niya sana ang buhok ko pero mabilis kong inunahan na hablutin ang buhok niya. Napa-aray siya nang pagka-arte-arte. "Tigilan mo na nang kahihila sa buhok ko dahil kapag ako ang napuno sa'yo, kakalbuhin kita!" puno ng pagbabanta na sabi ko sa kaniya. Inalis niya ang kamay ko sa pagkakahawak sa buhok niya at tinitigan ako nang masama. Iyong tingin na parang leon na lalapa ng kaaway.
"Gawin mo na ang lahat sa akin, Jeanna, pero huwag na huwag mong pakikialaman ang buhok ko, kung ayaw mong maghalo ang balat sa tinalupan. Saka ba't ba ang tapang mo? Ikaw na nga itong tinutulungang magka-lovelife, ikaw pa itong maarte. Sige ka, maabutan ng expiration 'yang matres mo nang hindi man lang nakakatikim ng sperm cells."
Kinilabutan at nandiri ako sa sinabi niya at talagang ipinakita ko pa iyon sa kaniya. Nagtawanan silang magpinsan habang nakatingin sa akin na para akong nakakatawang nilalang.
"Ang arte mo! Willing kang magpapansin kay Jerico pero hindi man lang pumasok sa isip mo na kapag kayo ang nagkatuluyan ay mapupunlahan ng mga binhi niya ang tigang mong bahay-bata."
"Kadiri ka! Pagpapansin lang pero napunta tayo agad sa ganiyang usapan," nandidiring sabi ko. Sumabat naman si Twinkle na hindi pa rin natitigil sa katatawa. "Hindi na uso ang Maria Clara ngayon, Bes. Mas gusto ng mga lalaki ang mga babaeng mahinhin na medyo bastos kaysa sa mahinhin lang. Kaya nga may mga lalaking nambababae ay dahil may mga babaeng boring sa maraming bagay. Walang thrill kumbaga."
Hindi ako makapaniwalang naririnig ko ang mga ganitong bagay kay Twinkle. Napaka-liberated na rin ng utak niya. Iyong simpleng pagsisimula lang ni Rona tungkol sa pagtutuloy ng nasimulan na namin ni Twinkle ay malayo na ang narating.
"Okay na. Itigil niyo na 'yang mga nakakikilabot ninyong mga idea. Ituloy na natin ang paggawa ng mga nakasulat diyan sa libro," saway ko sa kanila.
"Walang masama kung maniniwala ka sa magic spells. Uso na ito dati pa. Malay nga natin ay may mga gumagawa pa rin ng ganito ngayon pero tahimik lang," pangungumbinsi ni Twinkle sa akin. Ayaw ko na sanang ituloy pang gawin ang ibang nakasulat sa libro dahil ramdam kong nagsisimula na ang magandang pagtitinginan namin ni Jerico pero ayaw ko rin naman silang ma-offend. Kaya go na lang.
Si Rona ang nagbuklat ng libro at hinanap ang ikalawang spell. Titig na titig silang magpinsan sa libro at bakas sa mga mukha nila ang excitement.
Tumikhim muna si Rona bago basahin ng malakas ang nakasulat.
"Maghanda ng sibuyas na pula, paso na may lupa at tubig na nagmumula sa isang banal na lugar," seryosong pagbabasa nito. Napa-face palm na lang ako sa isip ko nang marinig ko ang sibuyas. No'ng nakaraan ay dahon ng laurel, ngayon naman ay sibuyas. Baka adobo talaga ang gagawin namin.
"Tubig na nagmumula sa banal na lugar?" kunot-noong tanong ni Twinkle. Sa sobrang liberated ng utak niya ay hindi na yata niya naisip na baka holy water ang tinutukoy sa libro.
Sumabat rin si Rona. "Saan naman kaya tayo hahanap ng banal na lugar? Wala namang mga monghe dito, 'di ba?"
"Simbahan. Hindi ba banal na lugar ang simbahan?" tanong ko sa kanilang dalawa. Nagtinginan sila at sabay na nagsalita. "Oo nga! Baka holy water ang tinutukoy sa libro." pagsang-ayon ni Twinkle. Naging seryoso naman ang mukha ni Rona. "Sure kayo? Banal na lugar 'yon? Last time na nagsimba ako, eh, nakaramdam ako na na-ji-jingle ako. Nagmadali akong nagpunta sa pinakamalapit na CR pero ilang hakbang na lang ang layo ko ay rinig na rinig ko ang ungol sa loob ng CR. Huwag niyo sabihing normal lang ang umungol habang nag-si-CR? Sorry pero hindi na gano'n katindi ang paniniwala ko sa kabanalan ng simbahan."
Halos malaglag ang panga namin ni Twinkle dahil sa kuwento ni Rona. Gusto sana naming matawa at gawin na lang iyon na biro pero mukhang seryoso talaga ang bakla.
"Hindi naman nababawasan ang kabanalan ng simbahan dahil doon sa mga gumagawa ng kababuyan sa loob mismo ng simbahan. Banal na lugar talaga iyon at tayong mga tao ang hindi magiging banal kahit kailan. Naku! Kung hindi kayo komportable sa mga usapin tungkol sa simbahan ay tigilan na natin ang pagtuloy ng usapan na ito pati na rin 'yang paggawa ng magical spells na nasa libro ni Lola Marya," saway ko sa kanila.
"Ang seryoso mo, dai! Ako na lang kukuha, okay? Wait niyo lang akes," alok ng bakla. Nagmadali itong umalis na parang mas excited pa kaysa sa amin na gawin ang spell. Naiwan kaming naguguluhan ni Twinkle. Pag-alis ni Rona ay tinapunan niya ako ng isang makahulugang tingin.
"Ano'ng nangyari?" takang tanong nito.
"Ewan ko. Bakit ba kasi parang ang lalim ng hugot no'n tungkol sa kabanalan?"
"Hayaan na lang natin. Iba-iba naman kasi ang pakahulugan ng tao tungkol sa kabanalan. Bigla tuloy akong kinilabutan," sabi ni Twinkle habang umaaktong kinikilabutan. Kahit ako rin naman. Ito ang unang beses na nagsabi ng gano'n si Rona patungkol sa isang bagay. Madalas ay puro biro lang ang naririnig namin sa kaniya.
Kinuha ko ang libro at binasa ko ang proseso sa paggawa ng panibagong spell. Mukhang madali lang kasi magtatanim lang naman.
Si Twinkle naman ay nakatingin lang din sa librong binabasa ko.
"Minsan nakakatawa rin ang mga nakasulat sa libro ni Lola, ano?" natatawang sabi ni Twinkle sa akin. "Bakit naman?" takang tanong ko. Medyo hindi ako makapaniwalang naisip niya ang ganoong bagay dahil sa aming lahat ay siya ang die-hard fan ng book of spells ni Lola Marya.
"Para kasing ang weird ng mga nakasulat. Naisip ko rin minsan na baka pinagti-tripan lang tayo ng libro," sabi nito sabay kamot sa ulo. Natawa ako. Naisip ko na rin 'yon dati pa. Actually, ilang ulit ko na ring nasabi sa kaniya pero parang ngayon lang nag-sink in sa kaniya.
"Oo nga, pero sa tingin ko naman, eh, totoo ang mga nakasulat dito. Hindi naman iyan iingatan ni Lola Marya at ipapamana sa'yo kung kalokohan lang ang nakasulat diyan. Alam mo naman si Lola ayaw niya sa mga bagay na walang katuturan."
"Oo nga. Na-e-excite na nga ako na makita ang epekto ng ginagawa natin. Masaya akong mapatunayan na effective ang mga spells," nakangiting sabi niya. Kabaligtaran naman ng reaksyon niya ang naramdaman ko. Masaya siyang makita na magkaroon ako ng lovelife gamit ang spells sa libro pero ako? Masaya nga ba ako na sa ganitong paraan ako mapapansin ng isang lalaki?
Napansin siguro niya ang lungkot na gumuhit sa aking mukha. Hinawakan niya ako sa kamay saka nagsalita. "Alam ko ang iniisip mo, Bes. Nahihiya ka dahil kumapit ka sa mga spells para lang mapansin niya. Alam mo mabait kang tao. Maganda at matalino. Naniniwala pa rin akong hindi lang itong spell ni lola ang dahilan kaya ka niya napansin. Sabihin na lang natin na naging daan lang ito para mapaglapit kayong dalawa. Tiwala naman akong kahit wala ang spells ay magugustuhan ka niya bilang ikaw."
Isang pilit na ngiti lamang ang naitugon ko sa sinabi niyang iyon. Pareho kaming napatingin sa pinto nang bumukas iyon. Dumating na si Rona dala ang holy water na kinuha nito sa simbahan.
"Ang bilis mo namang bumalik," sabi ni Twinkle kay Rona. Umirap na naman ng napaka-arte ang bakla. "Ano ka ba naman, Insan. Napakalapit kaya no'ng simbahan at isa pa nag-tricycle ako para iwas haggard. Eh, bakit ang seryoso ng pagmumukha ni Jeanna?" tanong nito habang nakatingin sa akin.
Ako na ang sumagot sa kaniya. "Naisip ko kasi na ang pangit lang ng paraan para mapansin ako ni Jerico. Paano na lang kung wala na ang epekto ng spells? Eh, 'di, wala na?"
"Pangit? Mas okay pa rin ito kaysa sa mang-agaw ka ng may karelasyon. Single naman siya, 'di ba? Huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano. Kahit wala na ang epekto ng spells ay tiyak na mamahalin ka niya bilang ikaw. Ikaw pa ba? Hindi mo lang siguro alam pero maraming nagkakandarapa sa'yo no'ng high school pa lang tayo. Mabait ka, matalino, at maganda."
Na-touch ako sa sinabi niya. Nakakataba ng puso ang papuri nila ni Twinkle sa akin, lalo na ang galing kay Rona na puro panlalait ang lumalabas sa bibig.
"Exactly! Iyan din ang sabi ko sa kaniya. Saka ginagawa lang natin ito as experiment. Nothing serious, okay? Kung effective, eh, 'di maganda. Kung hindi naman, ayos lang. No pressure. Let's go, gawin na natin ang new step. Tigilan na ang drama. Dapat chill lang."
"Korek! Ito kasing Jeanna na ito napakaseryoso sa buhay, parang hindi uso sa kaniya ang kalokohan. Wala man lang siyang aalalahanin at pagtatawanan sa pagtanda niya." Pagsang-ayon naman ni Rona. Kinuha niya sa akin ang libro at binasa ang proseso. "Kumuha ng paso na may lamang lupa at ibaon ang sibuyas. Diligan ito ng tubig na mula sa isang banal na lugar at ilagay ito sa may silangang bahagi ng bahay. Sa tapat ng paso ay pipikit ang may pusong may ninanais at sambitin ang orasyon ng limang ulit," malakas na pagbasa ni Rona saka bumaling sa akin. "Oh, ikaw na ang gumawa at banggitin mo ang orasyon."
Kinuha ko ang sibuyas at ibinaon sa lupa. Diniligan ko ito at dinala sa silangang bahagi ng bahay at sinambit ang orasyon ng limang ulit gaya nang nakasulat sa libro.
"Puwede bang last na ito?" tanong ko sa dalawa.
"Oo naman. Kung hindi ka na komportable na gawin ang mga nasa libro ay sino ba kami para pilitin ka?" sagot ni Twinkle sa akin. "Truth! Nag-try lang naman tayo. Sabi nga namin, no pressure dapat. Katuwaan lang ito. Totoo man o hindi ay keri lang. Kung ayaw mo na, stop na natin. Last na ito. Basta suportado pa rin namin ang lovelife mo," dagdag pa ni Rona.
Nahihiya man akong kontrahin ang paniniwala nila ay napag-isip-isip ko kasing mas okay na magka-lovelife ako sa natural na paraan. "Sorry ha? Hindi na kasi kaya ng konsensya ko na pinag-e-eksperimentuhan natin ang feelings ni Jerico."
"Ano ka ba! Wala kang dapat ipaliwanag sa amin. Malaya kang mamili. Malaya kang piliin ang gusto mo. Hindi mo kailangang isipin kung ano ang iisipin o sasabihin namin," sabi ni Rona na sinang-ayunan naman ni Twinkle. Napaka-swerte ko sa kanilang dalawa dahil nakahanap ako ng tunay na mga kaibigan na para ko na ring mga kapatid.