Kasaysayan ng Waia Academia
-----------------------------------
Catra
Kinabukasan, habang naglalakad sa gitna ng pasilyo, nasilayan ko si Yves hindi kalayuan mula sa aking kinaroroonan na patungo sa ibang direksyon. Hindi ba siya papasok sa araw na ito?
Hindi ko alam kung anong dahilan ngunit agad na naglakad ang aking mga paa, patungo sa direksyon kung saan ko huling nasilayan ang lalaking iyon. Makalipas ang ilang minutong paglalakad, huminto siya sa isang lugar kung saan matatagpuan ang napakaraming halaman sa loob ng academia na ito—sa palagay ko, narito kami sa halamanan.
"Batid kong may iba pang nilalang diyan, magpakita ka!" sigaw niya bago ilibot nang marahan ang kaniyang paningin.
Huminga na muna ako nang malalim bago lumapit sa kaniya, at nagsalita. "Kumusta ka na?"
"Ikaw 'yong isa sa mga bagong estudyante sa academia na ito, 'di ba?" tanong niya sa akin sa malamig na tono.
"Ako si Catra," pagpapakilala ko sa kaniya. "Siya nga pala, bakit hindi ka nagustuhan ng mga estudyanteng narito? May problema ba sa dating academia na pinasukan mo?"
"Gusto mo ba talagang malaman?" tanong niya na agad kong tinanguan.
"Sa palagay ko, mas maganda kung huwag mo nang alamin. Pare-pareho lang ang mga salamangkero, kay bilis humusga kahit na hindi pa ninyo alam ang tunay na pangyayari," saad niya bago umupo sa upuang nasa kaniyang tapat.
"Kung gayon, ibahin mo ako sa kanila. Kung mabilis akong humusga, bakit pa kita tinatanong tungkol dito?" inis na tanong ko sa kaniya.
"Mas mabuti nang wala kang alam, at kung maaari ay lubayan mo na ako," tugon niya sa malamig na tono. "Huwag mo na akong sundan pa; ibig kong mapag-isa sa mga sandaling ito."
"E paano kung ayaw ko? Aalis lang ako kung sasabihin mo sa akin ang totoo, ayokong maging ignorante sa lugar na ito noh!" saad ko sa kaniya nang bakas ang pagkainis, bago umupo sa kaniyang tabi.
"Bakit ba ang kulit mo?" tanong niya sa akin bago humarap sa akin. "O sige, pero sinasabi ko sa 'yo na matapos mo itong malaman, tiyak na kasusuklaman mo na rin ang mga taga-Waia."
Suminghap na muna siya ng hangin kahit sandali bago tumayo at humarap sa akin. Mayamaya, ipinadyak niya ng isang beses ang kaniyang kaliwang paa—dahilan upang lumabas ang kulay puting magic circle mula sa lupa nang dahan-dahan.
"Noon, mayroon lamang iisang academia sa mundong ito, at ang pangalan nito ay Karoa Academia. Ito ang lugar kung saan tinuturuan ang bawat salamangkero na hasaan, balansehin, at gamitin nang maayos ang kanilang taglay na kapangyarihan," panimula niya.
Kasunod nito, ay ang unti-unting paglutang ng kulay puting usok mula sa magic circle paitaas, hanggang sa bumuo ito ng isang larawan—simbolo ng isang academia. "Isang araw, may mga salamangkerong hindi nagustuhan ang polisiya at patakaran ng academia na ito. Kung kaya't napagpasyahan ng mga salamangkero na mag-aklas laban sa academia na ito," kuwento niya.
Matapos niyang sabihin iyon, bigla na lamang nahati ang yelo at naging dalawa.
"At doon na nga sila nagsimulang magkawatak-watak. Makalipas ang ilang buwan, dalawang academia ang naitatag—ang Apreia at Waia academia. Ang dalawang academia na iyon ay nagtulungan upang pabagsakin ang maalamat na academia—Koroa Academia," pagpapatuloy niyo.
Pagkatapos, unti-unting natunaw ang yelo at muli na namang nabigyan ng panibagong hugis—ang simbolo ng Appreia at Waia academy.
"Naging masaya ang samahan ng dalawang academia na iyon. Hanggang sa isang araw, natuklasan nila ang mahiwagang bato na may kapangyarihang bumalik sa nakaraan o alamin ang kinabukasan—iyon ang Chrono Stone," saad niya.
"Chrono Stone? Teka, bakit parang pamilyar sa akin ang batong iyon?" nagtatakang tanong ko sa aking sarili.
Maya-maya, muli na namang nagsilutang ang kulay puting usok mula sa magic circle na nilikha niya paitaas, hanggang sa bumuo ito ng panibagong larawan. Hindi ako sigurado pero parang nakita ko na iyon noon.
"Dahil sa batong ito, nagkaroon ng tunggalian sa pagitan ng dalawang academia. Kahit na labag sa loob ng mga taga-Appreia, pumayag pa rin sila na ipatago ang batong ito sa Waia Academy. Isang araw, natakot ang mga taga-Appreia na gamitin ang batong iyon laban sa kanila, kaya napagpasyahan nilang palihim na nakawin ito sa mga taga-Waia," kuwento ni Yvel sa akin.
"Ano na ang nangyari pagkatapos?" tanong ko sa kaniya.
"Nang malaman ng mga taga-Waia ang mga nangyari, pinatay ng mga taga-Waia ang pinuno ng mga taga-Appreia at muling kinuha ang batong ito. Dahil dito, mas lalong uminit ang mga pangyayari at sumumpa ang mga taga-Appreia na kailanma'y hindi na nila mapapatawad ang mga taga-Waia," pagpapatuloy niya sa kaniyang kuwento.
"Ibig sabihin, nang dahil lang sa kuwentong iyon kaya nagkagulo ang dalawang panig?" gulat na tanong ko sa kaniya na agad rin naman niyang tinanguan.
"Oo, kinasusuklaman mo na rin ba ang mga taga-Waia ngayon?" tanong niya sa akin sa malamig na tono.
"At bakit ko naman sila kasusuklaman? Parehong nagkamali ang dalawang panig. Kung susuklaman ko sila pareho, hindi matatapos ang gulo!" inis na tugon ko sa kaniya. "Kung tutuusin, wala ka namang ginawang mali. Ano ngayon kung nagmula ka sa Waia Academy?"
"Sumumpa na ang mga taga-Appreia na kailanma'y hindi na nila matatanggap ang mga taga-Waia, kaya ngayong alam mo na ang buong pangyayari, kasuklaman mo na rin ako," saad niya sa akin.
"Hindi ko gagawin 'yon," sagot ko sa kaniya.
"Kasuklaman mo na rin ako, Catra," pag-uulit niya.
"Sinabing hindi ko gagawin iyon!" pag-uulit ko rin sa sinabi ko nang bakas ang labis na pagkainis.
"Gawin mo," seryosong saad niya sa akin.
"Oo na, kinasusuklaman na kita! Kinasusuklaman kita kasi napakahina mo! Wala kang kasalanan sa mga nangyari kaya bakit pinarurusahan mo ang sarili mo? Masaya ka ba sa tuwing kinasusuklaman ka?" pasigaw na tanong ko sa kaniya habang napapasuklay ng aking buhok dahil sa labis na inis, at tumayo.
"Hindi..."
"Kung gano'n, bakit ka pa pumasok sa lugar na ito?" sigaw kong muli sa kaniya.
"Kasi gusto kong mag-aral sa academia na ito!" sigaw niya rin bago tumayo. "Bukod pa roon, gusto ko ring malaman ang buong pangyayari. Kung titingnan mo nang mabuti, hindi buo ang kuwento. Tiyak akong may kulang."
"Ano 'yon?" kunot-noong tanong ko sa kaniya.
"Iyon ang aalamin ko," saad niya bago maglakad palayo.
Ipagpatuloy...