Habang palakas nang palakas ang nararamdaman naming pagyanig ng lupa, mas lalong tumutindi ang kaba at takot na nararamdaman namin. Hindi ko pa siya nakikita pero parang sobrang nakakatakot na.
"Mga pasaway kayong lahat!" malakas na sigaw niya na umalingawngaw sa kabuuan ng Academia.
"Magsitungo kayo sa Academia's Hall ngayon din!" malakas na sigaw niyang muli.
Agad na nagsilabasan ang lahat ng estudyante ng academia na ito, at dali-daling nagsitungo sa Academia's Hall.
Pagkarating ko roon, isang napakalawak na sahig at napakaraming estudyante ang bumungad sa akin. Sa itaas nito, mayroong isang napakalaking Flame Lantern, na nagbibigay ng liwanag sa kabuuan ng Apreia Academy.
Sa harapan naman namin, mayroong isang stage kung saan nakatayo ang isang napakalaki at malahiganteng halimaw.
Pagkalapit ko nang bahagya, nasilayan ko ang isang mabalahibo, at tila isang unggoy na itsurang nakatayo sa gitna ng stage. Mayroon din itong hawak na mga papel.
"Mga pasaway talaga kayong lahat!" malakas na sigaw niya.
Makalipas ang ilang segundo, bigla na lamang nagkaroon ng isang napakalaking magic circle sa kaniyang mga paa. Pagkatapos, bigla na lamang lumabas ang isang kulay lilang liwanag. Kasabay nito, ay ang unti-unting pagliit ng isang napakalaking halimaw.
Napangiwi na lamang ako nang makitang, halos katulad lang din naman pala namin ang tunay na anyo niya.
"Kayong lahat, mga pasaway na estudyante ng academia na ito!" panimula niya.
"Sobrang daming report na ang natatanggap ko, dahil sa mga pinaggagagawa ninyo! Pagwasak sa isang bundok, tulay, gusali, sasakyan, at kung ano-ano pa. Ang pinakamalala sa lahat, nagawa ninyong wasakin ang kalahati ng bayang Collusius. Mga sakit talaga kayo sa ulo!" malakas na sigaw niya nang puno ng galit.
Nagulat na lamang ako, nang bigla na lamang nagliwanag ang mga papel na hawak niya, at naglaho.
"Wala akong pakialam kung gaano pa karami ang report na ibinibigay sa akin. Sa academia na ito, malaya tayong lahat na gawin ang mga kagustuhan natin. Ang academia na ito ay itinatag, para sa mga salamangkerong wala ng matutuluyan..."
"...Tayo ay pinagbubuklod, hindi dahil sa ranggo at kapangyarihan, kung 'di dahil sa pagmamahal. Apreia Academia, ito ang academia kung saan naninirahan ang mga salamangkerong puno ng damdamin. Pagmamahalan, ito lamang ang ating pinaiiral..."
"...Palagi niyo itong tatandaan. Walang kahit na sino ang maaaring humadlang sa ating mga pangarap. Kahit na batas ay hindi tayo mapipigilan. Dahil tayo ang mga salamangkerong nagmula sa Apreia Academy!" mahabang paliwanag niya sa mataas na boses.
Napangiti na lamang ako dahil sa kaniyang itinuran. Ito na nga ang Apreia Academy. Ang academia na palaging nasasangkot iba't ibang kaguluhan. Pero kahit na gano'n, masaya ang mga salamangkerong nandito.
"May mga bago tayong mag-aaral sa academia na ito?" tanong niya kay Miraya.
"Opo, Master Hercules," nakangiting sagot ni Miraya, bago yumuko.
"Umakyat dito sa stage ang mga bagong salamangkero ng Apreia Academy!" utos ni Master Hercules.
Agad akong nakipagsiksikan sa mga estudyante, at nakangiting tinungo ang stage at umakyat.
"Tatlo lang kayo?" tanong ni Master Hercules sa amin.
Kulay puti at may kahabaan din ang kaniyang buhok. Itim na itim ang kaniyang bilugang mata at may napakatangos na ilong. Magaspang ang kaniyang labi at may puting balbas. Nakasuot lamang ito ng puting sando at itim na pantalon.
"Magpakilala kayo," utos niya sa aming tatlo.
"Ako si Ashe, dating nakatira sa bayan ng Collusius. Iisa lang ang gusto ko, 'yon ay walang iba kung 'di ang makita, at mapaslang ang dragon na pumatay sa mga magulang ko. Isa akong Holder Type Wizard," pagpapakilala ng isang babae na may hawak na pana.
Sari-saring bulungan ang namutawi sa buong Academia's Hall. Hindi na ako magtataka kung iyon din ang layunin ng iba pang estudyante ng Apreia Academy.
Medyo kayumanggi ang kulay ng kaniyang buhok na umaabot hanggang sa kaniyang dibdib. Hindi rin ganoon katangkaran, at hindi gaano kaputi. Ang kaniyang mga bilugang mata ay mas madilim pa sa kalangitan. Hindi gaanong matangos ang kaniyang ilong, at asul na asul ang kulay ng kaniyang mga labi.
"Ako naman si Catra. Wala na ang aking mga magulang, at patay na rin ang aking nakatatandang kapatid na lalaki. Nakatira sa kahit na saan ko gustuhin. Mahilig ako sa iba't ibang uri ng espada. Isa rin akong Holder Type Magic," pagpapakilala ko sa kanila bago yumuko.
"Ako si Yvel, isang Ability Type of Wizard. Tinatawag din bilang Moulding Magic o Ice Creation. Kaya kong lumikha ng mahika na gawa sa yelo, at bigyan ito ng hugis. Isa lang ang gusto ko, 'yon ay ang makapagsimula ulit ng panibagong buhay. Ayoko ng may itinatagong sikreto kaya, gusto kong sabihin sa inyo na nagmula ako Waia Academy," pagpapakilala ng isang lalaki na katabi ni Ashe.
Kulay puti ang kaniyang buhok at nakataas. Mas maputi pa sa niyebe ang kulay ng kaniyang balat. Asul na asul ang kaniyang mga mata, at napakagandang pagmasdan. Matangos ang kaniyang ilong.
Masasabi kong g'wapo rin si Yvel, idagdag mo pa ang kaniyang labi na maputi at napakalambot. Kung hindi lang ito nakapagsasalita, iisipin kong patay o bampira na ito.
Nagulat na lamang ako, nang marinig ang iba't ibang sigawan ng mga estudyante. Hindi ko rin alam kung ano ang nangyayari.
Ano bang mayroon sa Waia Academy?
"Master, malugod naming tatanggapin sina Ashe at Catra, pero hindi kami papayag na tanggapin niyo rin ang taga-Waia na iyan!" malakas na sigaw ng isang estudyante sa bandang harapan.
"Tama siya, Master. Paano kung isa pala siyang espiya mula sa Waia?" dagdag pa ng isa.
"Kahit kailan, hindi kami tatanggap ng taga-Waia Academy!" malakas na sigaw pa ng isa.
"Magsitahimik kayo!" napakalakas na sigaw ni Master Hercules, na halos umalingawngaw sa buong paligid, at nagpatahimik sa kanilang lahat.
"Kinalimutan niyo na ba ang sinabi ko? Ang academia na ito ay bukas para sa lahat. Sa ayaw at sa gusto ninyo, malugod ninyong tatanggapin si Yvel!" sigaw pa niya ulit.
"Pero master..."
"Kapag may nakarating sa akin na balitang sinasaktan niyo si Yvel, humanda kayo sa akin, maliwanag ba?" putol ni Master Hercules sa sasabihin ng isa pang estudyante.
"Maraming salamat po, Sir Hercules," sambit ni Yvel bago ngumiti.
"Walang anuman, maaari na kayong bumalik sa sari-sarili ninyong silid," utos ni Master Hercules sa amin.
"Master, maaari ko po ba kayong makausap?" tanong ko sa kaniya.
"Tungkol saan?" nagtatakang tanong niya bago kumunot ang kaniyang noo.
"Noong unang araw ko po sa academia na ito, mayroon po kasi akong nakita at narinig noong hinawakan ko ang simbolo..."
"Ano?" putol niya sa sasabihin ko.
"Kasi po..."
"Huwag tayo rito mag-usap. Sumunod ka sa akin," utos niya sa akin.
Makalipas ang ilang saglit, nagpasya na siyang maglakad papasok sa pinto na nasa tabi ng stage. Agad akong sumunod sa kaniya at sa pagkapasok ko roon, bumungad sa akin ang tig-tatlong Flame Lantern na nakalutang sa itaas.
May mga libro din akong nakita sa bawat gilid. Sa aking harapan, mayroong isang lamesa. Sa tapat no'n, mayroong dalawang upuan na magkaharap at sa kabila ng lamesa, may isang malaking upuan. Sa tingin ko, doon nakaupo si Master Hercules.
"Maupo ka," aya niya sa akin.
Pagkaupo ko sa isang upuan, agad rin siyang umupo at kinuha ang isang tasa ng kape sa gilid ng lamesa. Agad niya itong ininom nang diretso, at muling ibinaling sa akin ang kaniyang paningin.
"Maari mo bang ulitin ang sinabi mo kanina?" tanong niya na nagpatango sa akin.
"Noong unang araw ko po kasi rito, hindi ko alam kung anong nangyari sa akin. Basta bigla ko na lang pong hinawakan ang simbolo ng Apreia Academy," sagot ko sa kaniya.
"At ano ang nakita mo?" seryosong tanong niya habang nakatingin sa akin nang diretso.
"Mayroon po akong nakitang ibon na binabalutan ng apoy. Sa tingin ko, iyon ang Phoenix. Parang may sinasabi sa akin ang Phoenix pero hindi ko siya marinig. Para bang nanghihingi ito ng tulong..."
"Imposibleng humingi ng tulong ang Phoenix!" malakas na sigaw niya na ikinagulat ko.
"Hindi mo ba alam na winasak ng Phoenix ang isang planeta noon? Muntikan na ring mabura sa kasaysayan ang ating mundo, dahil diyan sa Phoenix na 'yan!" sigaw niyang muli.
"A-Ano? Pero bakit Phoenix ang simbolo ng academia na ito?" nagtatakang tanong ko sa kaniya.
"Malalaman mo rin ang dahilan. 'Yon lang ba ang nakita mo? Maaari ka ng umalis," seryosong utos niya sa akin.
"Bukod sa ibon na iyon, mayroon pa akong narinig," mahinang sambit ko kaya muli siyang napalingon sa akin nang nakakunot ang kaniyang noo.
"Ano 'yon?" tanong niya nang puno ng pagtataka.
"Ang dragon, narinig ko ang isang napakalakas na atungal ng isang dragon," wika ko sa kaniya bago humingan nang malalim.
"Pakiulit nga ang sinabi mo, dragon?" gulat na tanong niya.
"Napakalakas at nakakabingi na atungal ng isang dragon," pag-uulit ko.
"Isa iyang masamang pangitain," gulat na sambit ni Master.
"Alam mo po ba kung ano ang kahulugan ng mga nakita at narinig ko?" tanong ko sa kaniya nang may halong pakiusap.
"Hindi, susubukan kong alamin kung ano ang kahulugan ng mga nakita mo. Sa ngayon, magpahinga ka na muna. Sa palagay ko, marami ka pang dapat na matutunan tungkol sa kasaysayan ng Fiore. Maaari ka ng pumasok sa klase bukas. Kung ano ang ranggo na ibinigay sa 'yo ni Raha Fredrick, iyon din ang magiging seksyon mo," mahabang paliwanag ni Master sa akin.
"Kaya lang, wala pang ibinibigay sa akin si Raha Fredrick," nahihiyang sambit ko sa kaniya.
"Ano? Pero sa pagkakaalam ko, kapag nakapasa ka sa pagsubok na ibibigay sa 'yo ni Raha Fredrick, kasabay no'n ay ang pagbibigay niya ng ranggo," naguguluhang wika ni Master sa akin.
"Sa totoo lang po, bumagsak ako sa pagsubok. Hindi ko nga alam kung paano ako nakapasa e," nahihiyang tugon ko sa kaniya.
"Gano'n ba? Bumalik ka na lang dito bukas, kakausapin ko muna si Raha Fredrick tungkol sa bagay na 'yan," mungkahi ni Master sa akin.
"Maaari ka ng lumabas at magpahinga," dagdag pa niya na sinang-ayunan ko.
Ipagpatuloy...